Elder Cree-L Kofford
Ng Pitumpu
May mga tao na suklam na suklam sa maling gawain ng pagnanakaw ng pera o ari-arian ng ibang tao ngunit walang pagdadalawang-isip na sinisira ang magandang pangalan o reputasyon ng ibang tao.
Iniisip ko kung may ideya kayo kung gaano kayo kadaling mahalin at kung gaano ko kayo kamahal. Bago magsimula ang sesyon na ito, ilan sa aming mga apo ang dumalaw sa aming silid sa hotel. Halatang pinag-uusapan pa lamang nila ang mga salita ni Elder Marlin Jensen ngayong umaga. Isa sa kanila ang nagtanong, "Natatakot ka ba, Lolo?" Nagsinungaling ako at nagsabi, "Hindi gaano." Pagkatapos ay sinabi naman ng isa pa, "Huwag kang mag-alala Lolo, kung magkakalat ka, mahal pa rin namin kayo." Ngunit bumalik sa normal ang silid nang idagdag pa ng isa, "Pero Lolo, nakakahiya iyon." Kaya ngayon sisikapin kong mabuti na hindi magkalat.
Noon ika-26 ng Hunyo 1858, ang noon ay itinuturing na may pinakamalaking hanay ng mga sundalo sa kasaysayan ng Estados Unidos ay nagsimalang pumasok sa Lambak ng Salt Lake alinsunod sa pagkakaplano nito. Sila ay nagtungo roon upang ininto ang isang paghihimagsik. Halos sinuman na hindi gaanong pamilyar sa kasaysayan ng Simbahan ay makapagkukuwento sa inyo na sila ay nagmartsa nang matahimik sa lugar na may layong ilang metro sa lugar na kinatatayuan ng gusaling ito ngayon, papasok sa lungsod na inilarawan ng isang manunulat na "walang katao-tao" at nagkampo ng mga ilang distansiya sa gawing kanluran. Kung ano ang sumunod na pangyayari ay lalong hindi gaanong tanyag. Hindi nagtagal ang hukbo ay naglakbay nang humigit-kumulang sa 64 na kilometro sa gawing timog ng Lungsod ng Salt Lake sa nayon ng Fairfield, isang maliit na komunidad na pangsakahan sa Lambak ng Cedar, tahanan para sa mga tinatayang mas mababa sa 200 katao. Ang kanilang lokal na espirituwal na pinuno ay si John Carson, ang lolo ko sa tuhod.
Isipin natin kung ano kaya ang nadama ng maliit na kongregasyong ito. Matutuwa ba kayo na magising isang umaga at matuklasan na lumipat sa inyong purok ang may ilang libong mga sundalo kasama ang mahigit sa 3,000 mga bagon, 10,000 mga baka at 12,000 mga kabayo? Ang mga hamon ay biglang-bigla. Mula sa kasaysayan ng aming mag-anak na ipinasa-pasa sa pamamagitan ng salita at batay na rin sa mga naidagdag at pagkadi-tumpak ng mga kasaysayang naganap, nalaman namin na si Obispo Carson ay lubhang alalang-alala sa kapakanan ng mga tao na kanyang pinamunuan. Ang lahat ng hamon na naging dulot ng mga pagkakampo ng hukbo noong panahong iyon, ay dumating sa Fairfield halos sa loob ng buong magdamag.
Upang maprotektahan hangga't maaari ang mga miyembro ng kongregasyon, nakipagpulong si Obispo Carson sa komandante ng kampo, na madalas kumain sa kanyang hotel at siya rin ay nagkaroon ng magandang ugnayan sa kanya batay na rin sa mutuwal na paggagalangan. Tiningnan ng dalawang pinuno ang situwasyon at sa pamamagitan ng kasunduan ay gumuhit ng linya sa lupa. Walang tauhan ng hukbo ang makatatawid sa komunidad ng mga karaniwang mamamayan nang walang malinaw na pahintulot ng mga nakatataas sa kanila. Ang mga miyembro ng kongregasyon ang hindi makatatawid patungong kampo nang walang malinaw na pahintulot mula kay Obispo Carson. Ang guhit sa lupa ay sumasagisag sa isang utos na nangangahulugang "hindi ka maaaring lumampas sa guhit na ito."
Noong kami ay mga bata pa ang guhit sa lupa ay may mahalagang ibig sabihin. Sa tuwing magdudulot ng di-pagkakaunawaan ang init ng ulo ng mga kabataang lalaki, ang pinakamabisang solusyon ay ang pagguhit sa lupa. Ang mga magkalaban ay tatayo sa magkabilang panig ng guhit at tatangkaing magpakita ng paninindak. "Lumampas ka lang sa guhit at makikita mo" ang karaniwang paanyaya na madalas bigkasin nang may pananakot. Sa mga sandaling iyon natutuhan ko ang kahalagahan ng guhit sa lupa. Sa mga nagdaang taon naunawaan ko na ang patalinghagang kahulugan ng mga guhit sa lupa ay inilagay ito doon ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na nagnanais na maprotektahan tayo mula sa hukbo ni Lucifer.
Bagama't ang bawat isa sa atin ay may maraming ulit na tumatawid sa guhit sa lupa sa ating buhay ngayon, nais kong talakayin ang isa lang sa mga ito. Ang guhit na nagsasabing: Pangangalagaan ang pangalan ng bawat tao sa inyong tahanan.
Sa mga naunang taon ng aking paglilingkod bilang Pangkalahatang Awtoridad nagkaroon ako ng pagkakataon na makasama si Elder Marion D. Hanks sa isang okasyon nang ilahad niya ang sumusunod na kuwento. Gagamitin ko ito rito nang may pahintulot niya:
Si Oscar Kirkham ay isa sa mga dakilang lalaki sa Simbahan at isa sa mga pinagpipitaganang Iskawt ng Simbahan. Naglingkod siya sa Unang Kapulungan ng Pitumpu at napakahalaga ng kanyang pagdalo saanman siya magtungo. Sa mga pulong ay kadalasan siyang tumatayo upang magsalita tungkol sa mga personal na bagay at kapag nabigyang-pahintulot na magsalita ay sisimulan na niyang bumanggit ng magagandang bagay tungkol sa isang tao. Noong malapit na siyang mamatay nagsalita siya nang maikli sa Brigham Young University tungkol sa paksang "bumanggit ng mabuting salita." Noong umaga bago mamatay si Elder Kirkham ay naanyayahan si Elder Hanks sa tahanan ng mag-anak na Kirkham. Doon ay inabutan siya ng maliit at mumurahing kuwaderno kung saan iningatan ni Elder Kirkham ang kanyang mga tala. Ang dalawang huling mensahe ay: "Bumanggit ng mabuting salita," at "ang iyong pangalan ay pangangalagaan sa aming tahanan" (tingnan sa Marion D. Hanks, paunang salita Say the good Word, ni Oscar A. Kirkham [1958], 4).
Sadyang napakalaki ng magiging pagpapala kung lahat tayo ay makakasunod sa payong iyon. Inyong pag-usapan kung ang mga pangalan ba ninyo ay tunay ngang pangangalagaan sa tahanan ng iba. Napansin ba ninyo kung gaano kadali na lumampas sa guhit at humanap ng mali ng ibang tao. Napakadalas nating humanap ng dahilan mula sa mismong pag-uugali na ikinagagalit nating ginagawa ng iba. Awa para sa akin, katarungan para sa lahat ang siyang pinakapangkaraniwang asal ng tao. Kapag pinatutungkulan natin ang pangalan at reputasyon ng ibang tao, pinatutungkulan natin ang isang bagay na sagrado sa mata ng Panginoon.
May mga tao na suklam na suklam sa maling gawain ng pagnanakaw ng pera o ari-arian ng ibang tao ngunit walang pagdadalawang-isip na sinisira ang magandang pangalan o reputasyon ng ibang tao.
Ang matandang kasabihan: "Huwag kailanman hahatulan ang isang tao hanggang sa ikaw ay makalakad ng isang milya sa kanyang yapak" ay napakaganda ring payo ngayon tulad noong una itong ipahayag.
Napakaraming mabuti sa pinakamasama sa atin
at napakaraming masama sa pinakamabuti sa atin
kaya't kapag may nangyaring masama sa isa
isinisisi natin ito sa iba
(sa Hazel Felleman, pin., The Best Loved Poems of the American People [1936], 615).
Ang prinsipyo ay hindi na bago ni hindi rin ito naiiba sa ating panahon. Ang Aklat ng Mga Awit mula sa Lumang Tipan ay naglalaman ng mahigpit na babalang ito mula sa Panginoon: "Ang sumisirang puri na lihim sa kaniyang kapuwa ay aking ibubuwal" (Awit 101:5).
Muling tinukoy ni Santiago na isang tagapaglingkod sa kalagitnaan ng panahon ang walang hanggang katotohanang ito nang sabihin niyang: "Huwag kayong mangagsalita ng laban sa isa't isa, mga kapatid. Ang nagsasalita laban sa kapatid, humahatol sa kaniyang kapatid, ay nagsasalita laban sa kautusan . . . sino ka na humahatol sa iyong kapuwa?" (Santiago 4:1112.)
At sa mga huling araw na ito ay pinanibagong-muli ng Panginoon ang kanyang matagal nang itinurong utos sa isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng Propetang Brigham Young: "Tumigil sa pakikipagtalo sa isa't isa; tumigil sa pagsasalita ng masama sa isa't isa" (Doktrina at mga Tipan 136:23).
Napakahalaga para sa akin na ang simpleng kautusang ito ay naipahayag mga ilang talata lamang mula sa mga salita ng Panginoon tungkol sa kaparusahan sa di-pagsunod: "Maging masigasig sa pagsunod sa lahat ng aking kautusan, upang hindi sumapit sa inyo ang mga kahatulan, at ang inyong pananampalataya ay manghina, at ang inyong mga kaaway ay magwagi sa inyo" (Doktrina at mga Tipan 136:42).
Sa mga nag-aalinlangan sa kahalagahan ng kautusan nais kong magbigay ng dalawang simpleng katanungan: (1) Paano ninyo masasabi na mahal ninyo ang inyong kapwa kung sa pagtalikod niya ay nagagawa ninyong sirain ang kanyang magandang pangalan at reputasyon?
(2) Paano ninyo masasabi na mahal ninyo ang inyong Diyos kung hindi man lamang ninyo magawang mahalin ang inyong kapwa?
Anumang walang katuturan na pagtatangka na bigyang-katwiran ang ganitong pag-uugali ay lalo lamang maghahatid sa isipan ng pagalit na mga salita ng Tagapagligtas na matatagpuan sa aklat ni Mateo:
"Kayong lahi ng mga ulupong, papaano kayo na masasama, ay makapagsasalita ng mabubuting bagay?
"At sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom.
"Sapagka't sa iyong mga salita ikaw ay magiging banal, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka" (Mateo 12:34, 3637)
Nais kong bumanggit ng ilang mga pananalita sa mga bata sa Primarya na maaaring nakikinig. Mga bata, sinisikap kong turuan ang inyong mga nanay at tatay ng bagay na napakahalaga, ngunit kailangan ko ang tulong ninyo. Heto ang usapan natin. Kung mangangako kayong makinig nang mabuti ipinangangako ko na hindi ako magsasalita ng matagal.
Naaalala ba ninyo ang kuwento tungkol kay Bambi, ang maliit na usa at lahat ng kanyang mga kaibigan sa gubat? Kung naaalala pa ninyo ito ay maaalala rin ninyo na isa sa mga naging mabuting kaibigan ni Bambi ay isang kuneho na ang pangalan ay Thumper. Si Thumper ay halos kasing-edad ninyo. Siya ay malinis na kuneho pero mayroon siyang isang problema. Lagi siyang nagsasabi ng masasamang bagay tungkol sa ibang tao. Isang araw si Bambi ay nasa gubat na nag-aaral maglakad at siya ay nadapa. Talagang hindi mapigil ni Thumper na manukso. "Hindi siya marunong maglakad di ba?" Pasigaw na sabi ni Thumper. Nalungkot nang labis ang kanyang nanay at sinabi na, "Ano ang sinabi ng tatay mo sa iyo kaninang umaga?" Natigilan si Thumper at pagkatapos habang tinititigan ang kanyang mga paa ay sinabi na: "Kundi mo kayang magsalita ng magandang bagay mabuti pang huwag ka na lang magsalita." Isa itong magandang payo na kailangan nating sunding lahat. Simula ngayon kapag may narinig kayo sa sinuman sa inyong mag-anak na nagsisimulang magsabi ng hindi magagandang bagay tungkol sa sinuman maaari bang ipadyak ninyo ang inyong paa at malakas na sabihing: "Kundi mo kayang magsalita ng mabuting bagay mabuti pang huwag ka na lang magsalita." Mauunawaan na ng lahat ang ibig mong sabihin. Ngayon, dapat ay mas magiging madali na mga Nanay at Tatay na sundin ang mga kautusang ito.
Ipinapanalangin ko na pagpalain ng Panginoon ang bawat isa sa atin na hindi tayo kailanman lumampas sa guhit sa lupa at tayo ay mamuhay upang masabi na: Ang iyong pangalan ay pangangalagaan sa aming tahanan.
Sa natatanging araw ng Linggo ng Pagkabuhay na ito ay tinatapos ko ng aking banal na patotoo, bunga ng Espiritu, na si Jesucristo ay tunay na ating Tagapagligtas at ating Manunubos at ang kaligtasan ay dumarating at sa pamamagitan ng kanyang pagbabayad-salang sakripisyo at wala nang iba pang paraan. Sa pangalang ni Jesucristo, amen.