Margaret D. Nadauld
Pangkalahatang Pangulo ng Mga Kabataang Babae
Nasa inyo ang lahat ng inyong kailangan upang manatiling malakas at matatag at matapat kapag nasa inyong tabi ang Panginoon.
Si Whitney ay isang napakatalinong 14 na taong gulang na batang babae na sumapi sa Simbahan mga isang taon na ang nakalilipas. Isang natatanging karanasan ang mapagmasdan ang koponan ng soccer ng mga batang babae na naroon para sa kanyang pagbibinyag. Naroon sila para sa isa't isa nang maraming beses. Ganyan lagi sa mga koponan, at ang koponan na ito ang isa sa pinakamahusay, sa soccer--at sa buhay. Bawat batang babae ay miyembro ng
Beehive, nagbibigay ng halimbawa, tumatayo bilang saksi ng kabutihan, maging sa palaruan. Nais ni Whitney na maging bahagi niyon. Masaya roon.
Pagkatapos ng kanyang binyag, tumayo si Whitney sa harapan namin kasama ang kaibigan niyang si Elizabeth. Nagniningning ang kanilang mga mukha, nangingislap ang kanilang mga mata, at tapat ang kanilang mga ngiti nang ulitin nila ang mga salitang natutuhan nila nang buong puso: "Kami ay mga anak na babae ng aming Ama sa Langit, na nagmamahal sa amin at minamahal namin Siya. Kami ay tatayong mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar." Saulo na ni Whitney ang buong Tema ng mga Kabataang Babae. Sa katunayan, ang pagtayo bilang mga saksi ng mga kaibigan ni Whitney ang dahilan kung bakit naroon kaming lahat sa di makalilimutang araw na iyon upang malugod na tanggapin ang isang magandang anak ng Diyos sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ano ang ibig sabihin ng tumayo bilang saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar?
Una sa lahat, sa pagtayo bilang saksi sa lahat ng panahon, nangangako tayong lahat na mamahalin ang Panginoon, igagalang Siya sa lahat ng panahon--umaga at gabi, tag-init at taglamig, sa ginhawa at hirap--mamahalin ang Panginoon at ipakikita ang pagmamahal na iyon sa pamamaraan ng ating pamumuhay. Maglaan din tayo ng panahong pasalamatan Siya, ng panahong humingi ng tulong, ng panahong maghangad ng patnubay, at ng panahong makinig. Maglaan ng oras para sa marahan at banayad na tinig na bubulong sa atin, tutulong sa atin, at magbibigay sa atin ng lakas. Hayaan ninyong ilarawan ko:
Si Anya ay nakatira sa Rusya. Noong siya ay labing-apat na taong gulang pa lamang, tinuruan siya ng ebanghelyo ng mga misyonero. Isang araw sa kanyang klase sa paaralan, nagsalita ang guro ng mga bagay na mali tungkol sa Simbahan at sa Aklat ni Mormon. Walang mga Banal sa mga Huling Araw sa paaralan upang ipagtanggol ito; ngunit nalalaman ng munting si Anya, na hindi pa miyembro, kundi kasalukuyang tinuturuan pa lang sa Simbahan, na mali ang sinasabi ng guro. Tumayo siya sa harapan ng buong klase at ipinagtanggol ang Aklat ni Mormon at ang Simbahan. Kahanga-hangang katapangan! Ipinaalam niya sa kanila na hindi totoo ang sinasabi nila at alam niya na ang Aklat ni Mormon ay totoo at kung sinuman ang nagnanais na malaman ang katotohanan mismo sa kanilang sarili, inaanyayahan niya silang basahin ito tulad ng ginawa niya. Pagkatapos ay umuwi si Anya at sinabi sa mga misyonero na siya ay handa nang magpabinyag. Nalulugod ako sa katapangan ni Anya nang tumayo siya bilang saksi sa isang mahalagang pagkakataon.
Ang pagtayo bilang saksi sa lahat ng bagay ay nangangahulugan ng lahat ng bagay--malalaking bagay, maliliit na bagay sa lahat ng pag-uusap, sa biruan, sa mga laro at mga binabasang aklat at pinakikinggang musika, sa mga adhikaing itinataguyod, sa paglilingkod na ibinibigay, sa mga damit na isinusuot, sa mga pakikipagkaibigan.
Si Kendra na isang Laurel, ay nagsabi: "Hindi ko kailanman inakala na ako ay nagiging isang halimbawa o 'tumatayo bilang saksi' kapag gumagawa ako ng mga tamang pagpili. Sinisikap ko lang naman na mamuhay nang karapat-dapat para matamo ang lahat ng pagpapala na ipinangako sa akin ng Ama sa Langit."
Ang pagtayo bilang saksi sa lahat ng panahon ay nangangahulugan ng pagiging mabuti sa lahat ng bagay, pagiging una sa pagsasabi ng kumusta, pagiging una sa pagngiti, pagiging una sa pagpapadama sa estranghero na siya ay kabilang, pagiging matulungin, pagsasaalang-alang sa damdamin ng iba, pagiging bukas sa pakikipagkaibigan.
Tunay na pinagpapala tayo ng ating Ama sa Langit kapag ipinakikita natin ang ating pagmamahal sa Kanya sa lahat ng bagay.
Sa huli, sinasabi natin na tayo ay tatayo bilang saksi sa lahat ng lugar. Iyan ay nangangahulugan na hindi lamang sa mga pampublikong lugar, kundi sa mga pribadong lugar sa tago, sa madilim o maliwanag na lugar; sa simbahan, paaralan, tahanan, o sasakyan; sa mga bundok o sa beach; sa kalsada o sa parke. Tumayo bilang halimbawa ng isang karapat-dapat na anak na babae ng Diyos sa lahat ng lugar.
Nabasa ko ang tungkol kay Shannon sa New Era. Ang guro niya sa speech sa high school ay nagpagawa ng pangpangkatang proyekto sa mga mag-aaral. Kailangan nilang pumili ng tagpo mula sa isang dula upang itanghal sa klase. Isang pangkat ang pumili ng nakaaasiwang tagpo na may kaugnayan sa mga isyung pangmoralidad. Pinahintulutan sila ng guro na ituloy ang kanilang napili "alang-alang sa sining." Ngunit dahil alam niya na maaaring hindi ito katanggap-tanggap sa iba, pinayagan niya ang mga naaasiwa sa palabas na umalis sa silid.
Nang magsimula na ang eksena ng mga mag-aaral, kinabahan nang kaunti si Shannon. Ilan sa mga kaklase ang namula at nahihiyang nagbungisngisan, ngunit wala ni isang umalis. Tiningnan niya ang ilan sa kanyang mga kaibigang Banal sa mga Huling Araw, naghihintay na magbigay ng hudyat ang isa sa kanila para sabay-sabay silang lumabas. Ngunit wala ni isa man sa kanila ang kumilos. Nanatili si Shannon sa kanyang upuan nang nakatungo upang walang makakita ng namumula niyang mga pisngi. Asiwang-asiwa siya, ngunit takot na takot siyang umalis. Kunsabagay, sining naman iyon, di ba? Ipinahayag ni Shannon:
"Sa sandaling [iyon], pumasok sa isip ko ang tema ng mga Kabataang Babae: Kami ay "tatayong mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar."(Mosias 18:9). Agad-agad, nalaman ko kung ano ang dapat [kong gawin]. Ang 'lahat ng lugar' ay nangangahulugan ng saanman, maging sa silid-aralan kasama ng aking mga kaibigan.
"Tahimik akong tumayo at umalis sa silid. Iyon lamang. Wala ni isa mang tumayo at sumunod sa akin. Wala ni isa mang pumuri sa aking katapangan. Wala ni isa mang nahikayat ng aking halimbawa. Ngunit sa aking kalooban alam ko na ginawa ko ang tama" (Shannon D. Jensen, "Stand as a Witness," Liahona, Ago. 1999, pahina 8).
Mayroong isang bagay na karaniwan sa bawat isa sa mga halimbawang ito, mga kapatid. Upang makatayo bilang saksi, bawat kabataang babae ay nagsagawa ng mabuting pagpapasiya. Nakarinig na ba kayo na sinabi sa isang tao na siya ay may mabuting pagpapasiya? Iyan ay napakagandang papuri. Ang pagsasagawa ng mabuting pagpapasiya ay tanda ng kahustuhan ng pag-iisip at pagiging katiwa-tiwala. Inatasan tayo ng ating Ama sa Langit na gumawa ng mabuting pagpapasiya. Tulad ng nababasa natin sa Moroni kabatana 7 talata 15: "Ibinibigay sa inyo na humatol, upang malaman ninyo ang mabuti sa masama; at ang paraan ng paghahatol ay kasingliwanag, nang inyong malaman nang may ganap na kaalaman, ng liwanag ng araw mula sa kadiliman ng gabi." Sinasabi rito na malalaman natin iyon nang maliwanag! Paano? Ang paraan sa paggawa nito ay ipinaliwanag sa atin nang napakasimple sa talata 16: "Sapagkat ang bawat bagay [1] na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at [2] humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaaman na iyon ay sa Diyos" (idinagdag ang mga numero).
Ngunit pakinggan ninyo ito sa talata 17: "Ngunit anumang bagay na humihikayat sa tao na [1] gumawa ng masama, at [upang] [2] huwag maniwala kay Cristo, [3] . . . [upang] itatwa Siya, [4] . . . [upang] huwag maglingkod sa Diyos, kung magkagayon, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa diyablo; . . . sapagkat hindi niya hinihikayat ang sinumang tao na gumawa ng mabuti, wala kahit isa" (idinagdag ang mga numero).
Naaalaala ba ninyo si Jose na ipinagbili sa Egipto? Walang alinlangang nagsagawa siya ng mabuting pagpapasiya nang tuksuhin siya ng asawa ni Potiphar na gawin ang isang imoral na gawain. Mababasa natin sa Biblia na sa matinding pagsubok na ito sa kanyang kabataan, nanindigan si Jose at iniligtas ang kanyang sarili sa kalagayang iyon (tingnan sa Gen. 39:712). Hindi siya nagpaliguy-ligoy sa kung ano ang dapat niyang gawin. Hindi siya naghintay pa nang mas matagal. Nanindigan siya, nanindigan siya bilang saksi ng kabutihan sa napakahalagang sandaling iyon. Gumawa siya ng mabuting pagpapasiya, at nakagawa ito ng kaibahan.
Kayo, tulad ni Jose, ay mula sa marangal na angkan. Kayo ay mayroong marangal na pamana, sapagkat kayo ay anak na babae ng Diyos sa espiritu. Kayo ay kabilang sa nahirang na salinlahi. Kayo ay pinili bago pa man nalikha ang daigdig, upang dumating sa panahong ito. Kayo ay tinuruan mismo ng Diyos sa daigdig bago ang daigdig na ito.
Narito na ang panahon upang kayo ay manindigan sa kung ano ang alam ninyong tama. Kailangang malaman ninyo ang tama sa mali. Hindi na kayo dapat maging kampante, o makisabay sa agos o magpaliguy-ligoy sa dapat gawin. Kailangang magpasya na kayo ngayon kung aling landas ang susundan ninyo, kung anong sagot ang ibibigay ninyo. Magpasiya na kayo sa una pa lang, bago magsimula ang panunukso, kung ano ang inyong paninindigan.
Ang napakagandang balita ay mapagtatagumpayan ninyo ang anumang pagsalakay na nakatuon sa inyo! At ito ay hindi ganoon kahirap. Gumamit lamang kayo ng mabuting pagpapasiya! Maaari kayong tumayo at ilipat ang istasyon ng telebisyon, patayin ang pornograpiya sa kompyuter, iwanan ang pelikula, at huwag manghiram ng video na may kalaswaan. Huwag magsuot ng mga damit na masyadong hapit o lantad, o maiksi. Iwanan ang mga ito sa aparador. At mas mainam, iwanan ang mga ito sa tindahan. Tumayo kayo at lumayo mula sa tukso, tulad ng ginawa ni Jose--hindi lamang siya lumayo, siya'y tumakbo! Magagawa rin ninyo ito, sa literal na paraan o sa pagsasalarawan, at kayo ay magiging higit na ligtas, higit na dalisay, higit na nakatitiyak.
Ang isang paraan upang sirain ang plano ng Diyos para sa inyo ay ang unti-unting pagpapamanhid sa mga kabataang babae. Patikimin ninyo sila ng isang bagay na nakapipinsala na parang hindi ninyo sinasadya, sa susunod ay mas marami pa, at sa susunod ay mas marami uli, at hindi magtatagal, kapag binigyan ninyo sila ng matinding dagok, hindi na halos ito mapupuna. Sinasabi na kung gusto mong maglaga ng palaka, huwag mo siyang itapon sa kumukulong tubig. Kaagad siyang tatalon palabas. Ilagay mo siya sa isang kaldero ng malamig na tubig at unti-unting palakasin ang apoy na hindi niya man lang mapupuna ang mapanganib na pagtaas ng temperatura. Mga kabataang babae, ikinatatakot ko na ang kalakaran sa ating mundo ay ang unti-unting palakasin ang apoy. Magtuon ng pansin. Huwag ninyong hayaan ang inyong sarili na maging manhid dahil sa unti-unting pagsasaisantabi sa alam ninyong tama.
Sa pagtingin ninyo sa mga larawan, maging sa telebisyon o video o pelikula o Internet o magasin, makakikita kayo ng ilang magagandang bagay at kadalasan marahil ay makakakita kayo ng mga bagay na hindi maganda. Ang mali at masama ay maaaring gawing mukhang katanggap-tanggap. Huwag kayong magpalinlang! Tumayo lamang kayo at umalis!
Minamahal kong magagandang kabataang babae, nalalaman ninyo ang ilang bagay na hindi nalalaman ng mabubuting tao sa daigdig dahil kayo ay naturuan ng katotohanan. Nasa inyo ang lahat ng inyong kailangan upang manatiling malakas at matatag at matapat sapagkat nasa inyong tabi ang Panginoon. Tutulungan kayo ng Tagapagligtas na manatiling malakas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang pagmamahal.
Napakarami sa amin na nagmamahal sa inyo. Sumabay kayo sa aming paglakad. Sumabay kayo sa paglakad sa Diyos. "Maging mapagkumbaba ka, at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa inyong mga panalangin" (D at T 112:10). Ilagay ninyo ang inyong kamay sa Kanya, at kayo ay aakayin at gagabayan Niya sa kapayapaan.
Sama-sama tayong nakatayo ngayon sa umagang ito ng bagong milenyo. Ang bagong binyag na si Whitney at ang mga kabataang babae sa buong mundo ay nakikibahagi upang gunitain ang 2000 taon mula nang isilang ang Tagapagligtas, ang Anak ng Diyos.
Palagay ko tunay ngang katangi-tangi na nananatili pa rin sa alaala ng daigdig ang munting sanggol na lalaking isinilang sa Betlehem matagal nang panahon ang nakalipas. Namuhay Siya ng uri ng buhay na sinisikap pa rin nating sundan. Itinuro Niya sa atin ang daan. Itinuro Niya ang mga katotohanang sinisikap pa rin nating ipamuhay. Kusang-loob Siyang nagdusa para sa ating mga kasalanan dahil ganap Niya tayong minamahal. Ibinigay Niya sa atin ang karapatang magsisi. At ibinigay Niya ang Kanyang buhay upang tayo ay mabuhay na mag-uli matapos ang kamatayan.
Kapag iniisip natin ang kadakilaan ng Kanyang kaloob sa atin, anong maliit na bagay ang magagawa natin para sa Kanya at para sa ating Ama sa Langit na nagsugo sa Kanya? Maaari tayong tumayo bilang mga saksi ng kanilang pagmamahal at mga turo sa lahat ng panahon, sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar. Dalangin ko na ito ay ating gagawin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.