The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Linangin ang Mabubuting Tradisyon

Linangin ang Mabubuting Tradisyon

Elder Donald L. Hallstrom
Ng Pitumpu

"Ang nakapagbibigay-siglang mga tradisyon . . . na nagtataguyod ng pagmamahal sa Maykapal at pagkakaisa sa mga mag-anak at mga tao ang siyang pinakamahalaga."

Elder Donald L. Hallstrom

Habampanahon akong magpapasalamat na isinilang ako at pinalaki sa Hawaii, na bahagi ng madalas na tinutukoy sa mga banal na kasulatan na "mga pulo ng dagat." Tinatawag itong "melting pot," dahil sa maraming etnikong bumubuo dito. Mas tiyakan ang pagtukoy ng iba sa mga islang ito bilang "masarap na putahe," kung saan napananatili ng bawat kultura ang kani-kanilang kasarinlan. Bagama't halo-halo ang mga ito ay malalasahan pa rin naman ang bawat isa. Dahil sa nakapagmisyon din naman ako sa Ingalera, gumugol ng maraming panahon sa kalakhang Estados Unidos, at ngayo'y nakatira at naglilingkod sa Asya, ay matagal na akong interesado sa kultura at tradisyon at sa impluwensiya ng mga ito sa ating pananaw, kaisipan, at kilos. Ang ibig sabihin ng kultura ay "ang nakaugaliang mga paniniwala, uri ng pamayanan, at . . . katangian ng isang . . . pangkat" (Merriam- Webster's Collegiate Dictionary, ika-10 edisyon). Ang mga tradisyon--itinatag na huwaran ng pag-uugali na isinasalin-salin sa mga henerasyon, ay ang bahaging ipinamamana ng kultura. Ang ating kultura at ang kaugnay na mga tradisyon nito ay tumutulong sa pagtatatag ng ating kasarinlan at pinupunan nito ang matinding pangangailangan ng tao na mapabilang.

Tungkol sa mga tradisyon na nagtataguyod sa ebanghelyo ni Jesucristo ay hinimok ni Pablo ang mga taga Tesalonica, "Kaya nga . . . inyong panghawakan ang mga aral na sa inyo'y itinuro" (II Tesalonica 2:15). Sa Simbahan, ang tradisyon na nakaiimpluwensiya ay nagpapaalaala sa atin sa kalakasan at sakripisyo ng ating mga ninuno at nagbibigay-inspirasyon ito sa ating mga pagsisikap. Kabilang dito ang kasipagan, katipiran, at lubos na katapatan sa isang mabuting layunin. Ang iba'y batay sa doktrina at mga pamantayan na tila kaiba sa daigdig ngunit naaayon sa huwaran ng Diyos. Ang mga ito'y kinabibilangan ng malinis na pag-uugali, kayumian sa pananamit, malinis na pananalita, pangingilin sa Sabbath, pagsunod sa Salita ng Karunungan, at pagbabayad ng mga ikapu.

Maging sa kulturang etniko, maraming tradisyon ang makapagpapatibay sa mga pamantayan at alituntunin ng ebanghelyo. Halimbawa, noong una, ang mga Hawaiian ay may kaugalian, at ang diwa nito'y nakikita pa rin ngayon sa marami na nasa mga isla. Sa pagbati sa isang tao, ang isa'y lalapit at haharap at magsasabing "ha," na pabuga ang paghinga upang madama ng tao. Ang literal na salin ng ha ay "ang hininga ng buhay." Ito'y paraan ng pagbibigay ng sarili at pagpapakita sa isang tao ng matinding pagmamahal at pagmamalasakit ng isang kapatid. Noong magpunta ang mga dayuhan sa Hawaii, hindi sila nagpakita ng ganito ring uri ng paggalang sa iba. Sila'y tinawag na haole, na ang ibig sabihin ay "walang ha."

Kung may mga tao mang dapat na magkaroon ng "ha," ang matinding damdamin ng pagmamahal sa kapwa at awa sa iba, ito ay ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Huling Araw. Ang isang tunay na Banal sa Huling Araw ay nagtataglay ng pagmamahal sa iba na naaayon sa paniniwala na ang bawat isa'y magkakapatid.

Ang nakapagbibigay-siglang mga tradisyon ay may mahalagang ginagampanan sa pag- akay sa atin tungo sa mga bagay na ukol sa Espiritu. Ang mga nagtataguyod ng pagmamahal sa Maykapal; at pagkakaisa sa mga mag-anak at mga tao ang siyang pinakamahalaga.

Ang impluwensiya ng tradisyon, gayunman, ay nagbabadya ng panganib. Maaari itong maging sanhi ng paglimot natin sa ating makalangit na mana. Upang makamtan ang mga mithiin sa walang hanggan, kailangan nating itugma ang ating makalupang kultura sa doktrina ng walang hanggang ebanghelyo. Ang prosesong ito'y kinapapalooban ng pagyakap ng lahat ng nakadaragdag sa espirituwal na kaalaman ng ating mag-anak at tradisyon ng lipunan at pagwawaksi sa humahadlang sa ating pananaw at tagumpay sa walang hanggan. Kailangan nating baguhin ang ating sarili mula sa pagiging "likas" na lalaki at babae tulad ng inilarawan ni Haring Benjamin, at "maging banal" sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo" (tingnan sa Mosias 3:19).

Sa pagbibigay babala din hinggil sa panganib at tindi nito, ang Propetang si Joseph Smith ay nabigyang- inspirasyon na linawin ang isa sa mga liham ni Pablo sa mga tao sa Corinto sa pagsasabing, "At ito ay nangyari na ang mga anak, na pinalaki sa ilalim ng mga batas ni Moises, ay tumalima sa mga paniniwala ng kanilang mga ama at hindi naniwala sa ebanghelyo ni Cristo, na kung saan sila ay hindi naging banal" (D at T 74:4).

Huwag sana kayong maging mapagwalang-bahala at isipin na ang alituntuning ito'y para lamang sa iba at sa kanilang kultura; dapat ninyong malaman na ito'y totoo sa inyo at sa akin, saanmang dako ng mundo tayo nakatira o anuman ang kalagayan ng ating mag-anak.

Ang mga di-kailangang tradisyon ay iyong aakay sa atin palayo sa paggawa ng mga banal na ordenansa at pagtupad sa mga sagradong tipan. Dapat nating maging gabay ang doktrinang itinuturo ng mga banal na kasulatan at mga propeta. Ang mga tradisyon na nagpapababa sa kasal at mag-anak, nagpapababa sa kababaihan o kaya'y di kumikilala sa kadakilaan ng kanilang mga ginagampanan na kaloob ng Diyos, higit na gumagalang sa temporal na tagumpay kaysa sa espirituwal na tagumpay, o nagtuturo na ang pag-asa sa Diyos ay kahinaan ng pagkatao, ang lahat ng ito'y naglalayo sa atin sa mga walang hanggang katotohanan.

Sa lahat ng mga tradisyon na dapat nating linangin sa ating sarili at sa ating mag-anak, ang "tradisyon ng kabutihan" ang dapat manguna. Ang mga tatak ng kadalisayan ng tradisyong ito ay ang di nagmamaliw na pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang Bugtong na Anak. Ang pagpipitagan sa mga propeta at sa kapangyarihan ng pagkasaserdote, palagiang pagsasaliksik sa Espiritu Santo, at disiplina ng pagiging disipulo. Dito ang paniniwala'y nagiging paggawa. Ang tradisyon ng kabutihan ay nagpapakita ng huwaran ng pamumuhay na naglalapit sa mga anak sa mga magulang, at paglapit nila sa Diyos, at ang pagsunod na noon ay pasanin ay nagiging pagpapala.

Sa daigdig kung saan ang tradisyon ay kadalasang nalilito kung alin ang tama at mali:

  • Tayo'y nabigyang inspirasyon ng kalakasan ng loob ng bawat kabataan na nangingilin sa araw ng Sabbath, sumusunod sa Salita ng Karunugan, at nananatiling malinis ang puri samantalang itinakda ng tanyag na kultura ang kabaligtaran na hindi lamang katanggap-tanggap kundi inaasahang gawain.

  • Tayo'y nabigyang inspirasyon ng karunungan ng bawat tao na nagkaroon ng trabahong angkop na makapagtataguyod sa kanyang pangunahing responsibilidad na pamunuan sa espirituwal ang kanyang mag-anak samantalang ang yaman at kapangyarihan ay higit na pinahahalagahan ng daigdig.

  • Tayo'y nabigyang inspirasyon ng kagitingan ng bawat mag-asawa na nakabuo ng ugnayan ng pagkakapantay at kabaitan samantalang ang pagiging makasarili at pagwawalang bahala ay palasak.

    Habang ang di pangkaraniwang kalikasan ng ating buhay ay nagsisinulang maunawaan at maranasan, hindi tayo naghahangad ng anumang temporal na bagay na hahadlang sa ating selestiyal na paglalakbay.

    Nagpapakumbaba dahil sa responsibilidad ngunit nagagalak sa pagkakataong maipangaral ang ebanghelyo at magbigay patotoo sa buong mundo, ay pinagtitibay ko ang aking kaalaman sa walang hanggang mga katotohanan at walang hanggang kultura. Nagpapatotoo ako tungkol sa 15 kalalakihan na nagtataglay ng katungkulan ng propeta at awtoridad ng apostol. Isa sa mga ito ay si Pangulong Gordon B. Hinckley na namumuno nang may dignidad, pananaw, at may mabuting tradisyon. Higit sa lahat, nagpapatotoo ako sa Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan, sa Kanyang Simbahan, at sa Kanyang nagbayad-salang pagmamahal, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  •  
    © 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy