The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Bawat Isa

Bawat Isa

Elder Ronald A. Rasband
Ng Korum ng Pitumpu

"Tanggapin ang mainit na paanyaya ng Tagapagligtas na Lumapit sa Kanya, bawat isa, at maging ganap sa Kanya."

Elder Ronald A. Rasband

Minamahal kong mga kapatid, malaking pribilehiyo at karangalan para sa akin ang tumayo dito sa pulpitong ito ngayon. Idinadalangin ko ang pagpapala ng Espiritu Santo, upang ang sasabihin ko'y makaragdag sa espirituwal na damdaming nararanasan nating lahat kapag komperensiya.

Walang akong utang-na-loob kung hindi ko sasamantalahin ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang Panginoon nang buong puso para sa aking katungkulan bilang Pitumpu. Nais ko ring pasalamatan ang mahal nating propeta, si Pangulong Hinckley, at ang mga kasama niyang pinuno ng Simbahan, sa pagtitiwala nila sa akin. Ipinapangako ko sa kanila at sa inyong lahat na gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya na maglingkod sa mga darating pang taon.

Sa maraming oras ng pagmumuni-muni, natuon ang aking pansin sa malaking pasasalamat ko sa mga ninuno kong tagabunsod. Lahat ng walong lolo't lola ko sa tuhod ay sumapi sa Simbahan at kabilang sa mga naunang nabinyagan. Anim sa kanila ang nandayuhan sa Estados Unidos mula sa Europa, kung saan ako ngayon naglilingkod. Matindi ang pagmamahal at kaugnayang nadarama ko para sa mga banal sa Europa at nangako akong gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya upang patatagin ang Simbahan at itayo ang kaharian ng Diyos doon, o kung saan man ako madestino.

Ipinararating ko ang aking pagmamahal at pasasalamat sa aking mahal na kabiyak sa walang hanggan at piling mag-anak sa kanilang walang-sawang pagsuporta at pagmamahal. Nais ko ring iparating ang aking pagmamahal at pasasalamat sa aming mga kaibigan at mahal na mga misyonero na kamakailan lamang namin pinaglingkuran sa New York New York North Mission. Isa sa mga dakilang pagpapala sa aking buhay ang mahal na mga kaibigan at malapit na kasama na nakilala at kinapulutan ko ng aral.

Sa buong buhay ko, nalaman ko sa sarili kong karanasan, na dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang ating personal na mga panalangin. Alam kong si Jesus ang buhay na Cristo at kilala Niya ang bawat isa sa atin, o tulad ng ipinahihiwatig ng mga banal na kasulatan, "bawat isa."

Ang sagradong katiyakan na ito'y itinuro nang buong pagmamahal ng Tagapagligtas mismo nang magpakita Siya sa mga tao ni Nephi. Mababasa natin ito sa 3 Nephi, kabanata 11, talata 15:

"At ito ay nangyari na, na ang maraming tao ay lumapit, at inihipo ang kanilang mga kamay sa kanyang tagiliran, at sinalat ang bakas ng pako sa kanyang mga kamay at kanyang mga paa; at ito ay ginawa nila, isa-isang nagsilapit hanggang sa ang lahat ay makalapit" (idinagdag ang diin).

Upang mailarawang mabuti ang ministeryo ng ating Tagapaglitas sa "bawat isa," mababasa natin sa 3 Nephi, kabanata 17, talata 9:

"At ito ay nangyari na, nang siya ay makapagsalita nang gayon, lahat ng tao, ay magkakaayong humayo kasama ang kanilang maykaramdaman at mga nahihirapan, at kanilang mga lumpo, at kasama ang kanilang mga bulag, at kasama ang kanilang mga pipi, at ang lahat sa kanila na nahihirapan sa anumang dahilan; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya" (idinagdag ang diin).

Pagkatapos ay mababasa natin ang natatanging pagpapalang ibinigay sa minamahal na mga bata sa talata 21: "At nang sabihin niya ang mga salitang ito, siya ay tumangis, at ang maraming tao ay nagpatotoo nito, at kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila" (idinagdag ang diin).

Hindi ito maliit na pagtitipon. Sa talata 25 ay mababasa natin: "At ang kanilang bilang ay may mga dalawang libo at limang daang katao; at sila ay binubuo ng mga kalalakihan, kababaihan, at bata."

Tunay na may malalim at magiliw na personal na mensahe dito. Lahat tayo'y pinaglilingkuran at minamahal ni Jesucristo, bawat isa.

Sa aming pagmumuni sa paraan ng pagmamahal ng ating Tagapagligtas, sinasang-ayunan namin kayong matatapat na pinuno ng istaka at purok, kalalakihan at kababaihan na may malaking pananampalataya. Pinasasalamatan namin ang maraming pagsisikap ninyo na mga nakikipagtulungan sa kabataan. At malaki din ang aming pasasalamat sa ating mapagmahal at mapag-arugang mga pinuno at guro sa Primarya para sa inyong paglilingkod na tulad ng kay Cristo. Alam naming marami sa inyo ang naglilingkod sa bawat isa at salamat sa inyo, at nawa, nawa'y ipagpatuloy ninyo. Marahil higit kailanman sa kasaysayan ng sangkatauhan ay ngayon tayo kailangang higit na maglingkod sa bawat isa.

Sa mga huling buwan ng aming misyon noong nakaraang taon, nagkaroon kami ng karanasan na minsan pang nagturo sa malalim na alituntuning ito na ang bawat isa sa atin ay kilala at mahal ng Diyos.

Paparating noon si Elder Neal A. Maxwell sa New York City para sa ilang gawain sa Simbahan at sinabihan kaming nais din niyang magkaroon ng komperensiya sa misyon. Tuwang-tuwa kami sa pagkakataong ito na makarinig mula sa isa sa mga piling lingkod ng Panginoon. Inatasan akong pumili ng isa sa aming misyonero na magbibigay ng pambungad na panalangin sa pulong. Basta ko na lamang pinili ang isa sa mga misyonero upang manalangin, ngunit nadama kong dapat kong pag-isipan at ipanalangin ang isa na nais ng Panginoon na hilingan ko ng panalangin. Sa pagtingin sa listahan ng mga misyonero, isang pangalan ang naging kapansin-pansin sa akin: Elder Joseph Appiah ng Accra, Ghana. Siya ang nadama kong nais ng Panginoon na magbigay ng panalangin sa pulong.

Bago sumapit ang komperensiya ng misyon, nagtakda ako ng panayam kay Elder Appiah at sinabi sa kanya ang inspirasyong natanggap ko na siya ang mananalangin. Sa pagkagulat at kababaang-loob na banaag sa kanyang mga mata, nagsimula siyang umiyak. Sa pagkabigla sa kanyang reaksiyon, sinimulan kong sabihin sa kanya na ayos lang at hindi niya kailangang manalangin, nang sabihin niya sa akin na ikalulugod niyang manalangin, na ang kanyang damdamin ay sanhi ng pagmamahal niya kay Elder Maxwell. Sinabi niya sa akin na ang Apostol na ito'y lubhang espesyal sa mga Banal sa Ghana at sa kanyang sariling mag-anak. Si Elder Maxwell ang tumawag sa kanyang ama upang maging pangulo ng distrito sa Accra at siya ang nagbuklod sa kanyang ina at ama sa Templo sa Salt Lake.

Wala akong anumang alam tungkol sa ikinuwento kong misyonerong ito o sa kanyang mag-anak, ngunit ang Panginoon ang nakaaalam at binigyang-inspirasyon ang isang pangulo ng misyon na ang isang misyonero ay magkaroon ng panghabambuhay na alaala at karanasang nakapagpapalakas ng patototoo.

Sa pulong, nag-alay si Elder Appiah ng kahanga-hangang panalangin at gumawa ng mapagpakumbabang ambag sa pulong kung saan tinuruan ni Elder Maxwell ang mga misyonero tungkol sa mga katangian ni Jesucristo. Hindi malilimutan ng lahat ng naroon ang damdamin ng pagmamahal na naranasan nila para sa kanilang Tagapagligtas.

May patotoo ako sa aking puso, mga kapatid, na ang Diyos, na ating Ama sa Langit, at si Jesucristo ay kilala at mahal ang bawat isa sa atin. Hindi ko tiyak kung lubos kong nauunawaan, basta't alam ko at naranasan ko na mahal Nila tayo. Hinihikayat ko ang lahat na nasa sarili nating ministeryo, sa ating mga mag-anak, at sa ating kapwa-tao, na tanggapin ang mainit na paanyaya ng Tagapagligtas, na Lumapit sa Kanya, bawat isa, at maging ganap sa Kanya.

Ibinabahagi ko ang patotoong ito at pag-asa, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy