The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Saliksikin ang Espiritu ng Diyos

Saliksikin ang Espiritu ng Diyos

Elder Douglas L. Callister
Ng Pitumpu

"Kapag higit ang pakikipag-ugnayan natin sa Espiritu Santo, ang buhay natin ay nagiging dalisay. Hindi tayo natutukso ng mga walang kabuluhang bagay."

Elder Douglas L. Callister

Sa Italya ay may maringal na eskultura ni Moises na may lamat sa isa sa mga tuhod. Maaaring ikuwento ng isang tour guide na si Michelangelo, na nakatingin sa obra maestra, ay nagpukol ng pait sa eskultura at napabulalas nang may pagkasiphayo, "Bakit hindi ito nagsasalita?"

Hindi tulad ng walang-buhay na bato, ang tunay na Simbahan ni Jesucristo ay punung- puno ng buhay. Ang tinig, Espiritu, at kapangyarihan ng Diyos ay matatagpuan sa ating mga pagsamba, o sa tuwing pinangangasiwaan ang mga ordenansa ng banal na pagkasaserdote.

Nagtanong si Elias kay Eliseo, "Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo." Sinabi ni Eliseo, "Isinasamo ko sa iyo, na ang ibayong bahagi ng iyong diwa ay sumaakin."1 Wala na siyang mahihiling pa na higit dito.

Isinulat ni Elder Joseph Fielding Smith: "Ang Espiritu ng Diyos na nakikipag-usap sa espiritu ng tao ay may kapangyarihang ibahagi ang katotohanan. . . . Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan ay nagiging bahagi ng bawat aspeto ng ating pagkatao kung kaya't hindi ito malilimutan."2

Sa pagpapatibay sa atin bilang mga miyembro ng Simbahan, nasa atin ang pagkakataon na ipagpatuloy ang makalangit na endowment na ito. Ito'y kailangang kailangan at habambuhay na mithiin.

Kapag higit ang pakikipag-ugnayan natin sa Espiritu Santo, ang buhay natin ay nagiging dalisay. Hindi tayo natutukso ng mga walang kabuluhang bagay. Ito'y nahuhubog sa espirituwal na siyang naghihiwalay sa atin mula sa sekular na daigdig.

Ang taong may espirituwal na kaisipan ay mapagmasid sa kagandahan ng daigdig na nakapalibot sa kanya. Nang ayusin ang mundo, nakita ng Panginoon na "ito'y mabuti." Pagkatapos, "Ito'y napakabuti."3 Nalulugod ang ating Ama sa Langit kapag tumitigil din tayo upang pansinin ang kagandahan ng ating kapaligiran, na natural na gagawin natin kung tayo'y higit na sensitibo sa espirituwal. Ang kabatiran natin sa maringal na musika, literatura at kahanga-hangang sining ay kadalasang likas na produkto ng kahustuhan sa espirituwal na kaalaman. Sa makatang pagbanggit sa pagpapamalas ng Diyos kay Moises at sa nag-aapoy na palumpong, isinulat ni Elizabeth Barrett Browning na, "Ang daigdig ay puno ng makalangit na pagpapamalas, at ang bawat palumpong ay patunay na mayroong Diyos; ngunit tanging ang mga nakakikilala sa gawa ng Diyos ang magpapakita ng paggalang."4

Habang sinasaliksik natin ang Espiritu, ang pagbabasa natin ng banal na kasulatan ay higit na napagbubuti. Natutuklasan natin muli ang kagandahan ng dahan-dahang pagbabasa. Higit ang pagbabasa nang malakas, marahil sa dahilang ang mga banal na kasulatan ay nilayong basahin. Sinabi ni Brigham Young: "Ang dapat ko lamang gawin ay . . . panatilihin ang aking diwa, damdamin at konsensiya na tulad ng isang papel na walang sulat, at hayaan ang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos na magsulat dito kung ano ang kanyang nais. Kapag sumulat siya, ako'y magbabasa; ngunit kung magbabasa ako bago siya sumulat, malamang na magkamali ako."5

Bilang katibayan ng dagdag na espirituwalidad tayo'y nagiging higit na mapili sa ating babasahin. Si J. Reuben Clark ay nagsabi, "Ang patakaran ko ngayon ay hindi kailanman basahin ang anumang hindi nararapat alalahanin.6 Si Thomas Jefferson ay palaging nagbabasa ng nakapagpapadakilang bagay bago siya magpahinga, "na mapagbubulay-bulay niya habang pinipilit niyang makatulog."7

Isa pang bunga ng kahustuhan ng isipan sa espirituwal na bagay ay ang pinagbuting panalangin. Mahigit sa 30 taon na ang nakalilipas nang tawagin ako ni Pangulong Kimball na maglingkod bilang pangulo ng istaka. Sa pagtatapos ng mahabang linggo ng komperensiya ay nagtanong ako kung may maipapayo siya sa akin. Sumagot siya: "Humayo ka't turuan ang mga Banal sa Huling Araw kung paano manalangin. Hindi natin dapat malimutan kung paano makipag-usap sa ating Ama sa Langit. Iyon lang." Ang karamihan sa malalalim at mahahalagang turo sa Simbahan ay simple lamang.

Ang mga taong naghahangad na makilala ang palagiang pagsama ng Espiritu Santo ay may espirituwal na kalamangan sa pagsisimula nila sa susunod na buhay, kung ihahambing sa kawalang-malay ng iba na namumuhay nang walang Diyos sa daigdig na ito.

Ang isa sa mga nakalalamang sa espirituwal ay si Pangulong Joseph F. Smith. Isang miyembro ng Labindalawa ang nagsabi ng ganito tungkol sa kanya: "Sa espirituwal, siya ang pinakadakila sa mga taong nakilala ko. Nadalaw ko ang Tabernakulo kung saan binasbasan ni Pangulong Smith ang mga Banal sa mga Huling Araw. Sila'y binasbasan niya sa loob ng 20 minuto. Sa loob ng 20 minuto ay naantig ang damdamin ng lahat ng nasa Tabernakulo."8

Ganito ang sinabi ni Bishop Charles W. Nibley sa pagpanaw ni Joseph F. Smith: "Walang taong higit ang kagandahang-asal at malinis at mabuti sa kanyang buong pagkatao kaysa sa kanya. Tutol siya sa lahat ng uri o kaisipan na may kinalaman sa kahalayan, at di natitinag na gaya ng isang bundok. . . . Bilang mangangaral ng kabutihan ay walang makapapantay sa kanya. Siya ang pinakadakilang [tagapagsalita] na narinig ko--malakas, makapangyarihan, malinaw, nakakaakit. Kahanga-hanga kung paano dumadaloy mula sa kanya ang mga salita ng buhay na liwanag at apoy. . . . [Nang] ang puso ni Pangulong Smith ay nakaayon sa Selestiyal na mga himig--siya'y nakaririnig, at [siya] ay nakinig."9

Ang isa pang nagkaroon ng ganitong talento ng espirituwalidad ay si Pangulong David O. McKay, na naging sanhi upang isulat ni Elder Bryant S. Hinckley na, "Si David O. McKay ay nakagawa ng maraming mabubuting bagay at bumigkas ng maraming magagandang bagay ngunit kahit paano ay mas pino siya kaysa anumang bagay na kanyang binigkas o ginawa."10

Ang malaking digmaan sa langit noong buhay bago pa ang buhay dito sa lupa ay mahirap para sa bawat kaluluwa. Iyon din ang digmaang nasasagupa natin dito, iyon ay ang maging sukdulang espirituwal na mga nilalang. Sinabi ni Pangulong McKay, "Ang espirituwalidad ay ang kamalayan sa pagtatagumpay sa sarili."11 Ito'y ang tiyak na kaalaman na nananalo tayo sa pakikibaka para sa kaluluwa. Ang sensuwalidad ay ang larangan ng pagpapasasa sa sarili. Ang espirituwalidad ay ang larangan ng pagtatagumpay sa sarili.

Dumalo ako sa isang klase ng simbahan kung saan nagtanong ang guro kung anong payo ang maibibigay namin sa aming mga anak sa mga huling sandali ng buhay. Sumagot akong: "Una, tuparin ang inyong mga tipan. Tinutupad ng Diyos ang sa Kanya. Malaki ang magiging kabuluhan ng pagtayo sa harapan ng inyong Ama sa Langit at pag-uulat na: 'Nakauwi na ako. Malinis ako. Nagawa ko ang lahat ng ipinangako kong gagawin.'"

Ikalawa, saliksikin ang Espiritu ng Diyos. Ang mga banal na kasulatan ay nagsusumamo: "Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu."12 "Huwag ninyong pighatiin ang . . . Espiritu."13 Ito'y hindi darating sa mga marumi ang puso o isipan. Ito'y tahimik na dumarating at hindi sa kagila-gilalas na paraan. Ang taingang nakikinig ay maririnig ang bahagyang kaluskos ng isang pakpak. Kung hindi tayo makikinig, ito'y lilisan.

Nagpapatotoo ako na ang mga gawain ng Espiritu ay tunay at matatagpuan sa Simbahang ito. Nagpapatotoo din ako kay Cristo, ang Manunubos, at sa gawaing pinasimulan Niya sa dispensasyong ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. II Mga Hari 2:9.
2. "The Sin Against the Holy Ghost," Instructor, Okt. 1935, 431.
3. Gen. 1:4, 31.
4. Sa Familiar Quotations, ni John Bartlett, ika-11 edisyon (1937), 431.
5. Deseret News Weekly, ika-9 ng Abr., 1871, 125.
6. Sinipi ni Joseph L. Wirthlin sa Conference Report, Abr. 1947, 85.
7. The Best Letters of Thomas Jefferson, pinamatnugutan ni J. G. de Roulhac Hamilton (1926), 227.
8. Personal na pakikipag-usap kay Elder LeGrand Richards noong ika-1 ng Hulyo, 1978.
9. Sinipi sa Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 522-25.
10. "Greatness in Men--David O. McKay," Improvement Era, Mayo 1932, 446.
11. Gospel Ideals (1953), 390.
12. I Tesalonica 5:19.
13. Mga Taga Efeso 4:30.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy