The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihanatnan

Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihanatnan

Elder Dallin H. Oaks
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Kabaligtaran ng mga institusyon sa daigdig, na nagtuturo sa atin na magkaroon ng kaalaman, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghahamon sa atin na magkaroon ng kahihinatnan."

Elder Dallin H. Oaks

Itinuro ni Apostol Pablo na ang mga turo at guro ng Panginoon ay ibinigay upang makamtan nating lahat ang "sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo" (Ef. 4:13). Hindi lamang pagtatamo ng kaalaman ang hinihingi ng prosesong ito. Ni hindi pa nga sapat lang na makumbinsi tayo na totoo ang ebanghelyo; kailangang kumilos at mag-isip tayo nang sa gayon mapababalik-loob tayo nito. Kabaligtaran ng mga institusyon sa daigdig, na nagtuturo sa atin na magkaroon ng kaalaman, ang ebanghelyo ni Jesucristo tayo ay naghahamon sa atin na magkaroon ng kahihinatnan.

Maraming Biblia at mga makabagong banal na kasulatan ang nagpapahayag ng isang huling paghuhukom na kung kailan ang lahat ng tao ay gagantimpalaan ayon sa kanilang ginawa o mga gawain o mga pita ng kanilang mga puso. Ngunit nagdagdag dito ang ibang banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagtukoy sa paraan ng paghuhusga sa atin ayon sa kalagayang natamo natin.

Isinalarawan ni Propetang Nephi ang huling paghuhukom batay sa kung ano ang kahihinatnan nito: "At kung ang kanilang mga gawa ay karumihan sila ay tiyak na marurumi; at kung sila ay marurumi, tiyak na sila ay hindi makapanananahanan sa kaharian ng Diyos," (1 Ne. 15:33; idinagdag ang pagbibigay diin). Ipinahahayag ni Moroni, "Siya na marumi ay magiging marumi pa rin, at siya na mabuti ay magiging mabuti pa rin" (Mormon 9:14; idinagdag ang pagbibigay- diin; tingnan din sa Apos. 22:11­12; 2 Ne. 9:16; D at T 88:35). Ganoon din ang mangyayari sa mga "sakim" o di masunurin o anupamang pansariling katangian na hindi naaangkop sa mga hinihingi ng Diyos. Tinutukoy ang "kalagayan" ng mga "masasama" sa huling paghuhukom, ipinaliwanag ni Alma na kung tayo ay parurusahan sa ating mga salita, ating mga gawa, at ating mga pag-iisip, hindi tayo matatagpuang walang bahid dungis; . . . at dito sa nakapanghihilakbot na kalagayan. Tayo ay hindi mangangahas na tumingin sa ating Diyos," (Alma 12:14).

Mula sa mga turong iyan masasabi natin na ang huling paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa--na ginawa natin. Isang pagkilala sa huling epekto ng mga pag-iisip at gawa natin--ang kung ano ang magiging kahihinatnan natin. Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at mga tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko upang magkamit ng gantimpala sa huli. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa langit na kahinatnan natin.

Isinasalarawan ng isang parabula ang kaalamang ito. Alam ng mayamang ama na kung ibibigay niya ang kanyang kayamanan sa anak na wala pang sapat na dunong at kakayahan na kinakailangan, malamang na masayang lang ang mana. Sinabi ng ama sa anak:

"Nais kong ibigay lahat sa iyo ang lahat ng pag-aari ko--hindi lang ang kayamanan ko, kundi pati ang pagkatao ko ay kailangang maangkin mo para sa iyong sarili. Magiging karapat-dapat ka sa mana mo sa pamamagitan ng pag-aaral ng kung ano ang natutuhan ko at sa pamumuhay nang tulad ng pamumuhay ko. Ibibigay ko sa iyo ang mga batas at alituntunin kung saan ko natamo ang dunong at kakayahan ko. Sundan mo ang halimbawa ko, magpakadalubhasa sa kung ano ang pinagdalubhasaan ko, at magiging katulad kita at ang lahat ng mayroon ako ay magiging iyo."

Nakakahalintulad ng parabulang ito ang kaayusan sa langit. Ipinangangako ng ebanghelyo ni Jesucristo ang di mapapantayang pamana na buhay na walang hanggan, ang kaganapan ng Ama, at nagpapahayag ng mga batas at alituntunin kung saan ito matatamo.

Nagiging karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng proseso ng pagbabalik-loob. Tulad ng paggamit dito, ang salitang ito na maraming kahulugan ay naglalarawan ng hindi lamang nakakukumbinsi kundi malalim na pagbabago ng likas na asal. Ginamit ni Jesus ang kahulugang ito nang turuan Niya ang Kanyang pangunahing Apostol ng kaibahan sa pagitan ng patotoo at pagbabalik-loob. Tinanong ni Jesus ang kanyang mga disipulo. "Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao?" (Mat. 6:13). Pagkatapos ay tinanong Niya, "Datapuwa't ano ang sabi ninyo kung sino ako?

"At sumagot si Simon Pedro at sinabi, ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay. At sumagot si Jesus at sa kanya'y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-jonas; sapagkat hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit" (Matt. 16:15­17).

May patotoo si Pedro. Alam niyang si Jesus ang Cristo, ang ipinangakong Mesiyas, at ipinahayag niya ito. Ang magpatotoo ay ang malaman at maypahayag.

Kalaunan, tinuruan ni Jesus ang mga kalalakihan ding ito ng tungkol sa pagbabalik-loob, na higit pa kaysa sa patotoo. Nang tanungin ng mga disipulo kung sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit," pinalapit ni Jesus ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila.

"At sinabi, katotohanang sinasabi ko sa inyo malibang kayo'y magsipanumbalik at maging tulad sa maliliit na ito na nagsisisam-palataya sa akin, hindi tayo magsisipasok sa kaharian ng Langit.

"Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng Langit." (Mat.18:1­4; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kalaunan, pinagtibay ngTagapagligtas ang kahalagahan ng napabalik-loob, maging sa mga yaong may patotoo ng katotohanan sa dakilang tagubilin na ibinigay sa Huling Hapunan, sinabi Niya kay Simon Pedro, "Ikaw ay ipinamanhik ko na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid" (Lucas 22:32).

Upang mapalakas ang kanyang mga kapatid--upang mapangalagaan at mapamunuan ang kawan ng Diyos --ang taong ito na sumunod kay Jesus sa loob ng tatlong taon, na nabigyan ng karapatan ng Banal na Pagkasaserdote, na nanalaging magiting na guro at tagapagpatotoo ng ebanghelyo ni Cristo, at kung kanino ang patotoo ay naging dahilan upang ipahayag ng Guro na siya'y mapalad, ay kailangan pa rin "mapabalik-loob."

Ang hamon ni Jesus ay nagpapakita na ang pagbabalik-loob na hinihingi niya sa mga yaong papasok sa Kaharian ng Langit (tingnan sa Mat. 18:3) ay higit pa sa pagiging napabalik-loob lang upang magpatotoo sa katotohanan ng ebanghelyo. Ang magpatotoo ay ang malaman at ang magpahayag. Ang ebanghelyo ay naghahamon sa atin na gumawa at magkaroon ng kahihinatnan.

Kung ang sinuman sa atin ay umaasa lamang sa kaalaman at patotoo natin sa ebanghelyo, tayo ay nasa katayuan din ng mga apostol na mapapalad ngunit may kakulangan pa rin na hinamon ni Jesus na "magbalik-loob." Lahat tayo ay may kakilala na nagtataglay ng malakas na patotoo ngunit hindi ginagawa ito upang siya'y mapabalik-loob. Halimbawa, mga nagsiuwing misyonero, naghahangad pa rin ba kayo na mapabalik-loob o nakatuon kayo sa mga pamamaraan ng daigdig?

Ang kailangang pagbabalik-loob sa pamamagitan ng ebanghelyo ay nagsisimula sa karanasang tinatawag ng mga banal na kasulatan na pagiging "ipinanganak na muli" (hal., Mosias 27:25; Alma 5:49; Juan 3:7; 1 Ped. 1:23). Sa mga tubig ng pagbibinyag at sa pamamagitan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, tayo ay nagiging mga espiritung "anak na lalaki at babae" ni Jesucristo, "mga bagong nilikha" na "makamamana ng kaharian ng Diyos" (Mosias 27:25­26).

Sa pagtuturo sa mga Nephita, tinukoy ng Tagapagligtas kung ano ang dapat nilang kahinatnan. Hinamon Niyang magsisi sila at magpabinyag at mapabanal sa pamamagitan ng pagtanggap ng Espiritu Santo, "upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw" (3 Ne. 27:20). Ipinagpatuloy Niya: "Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko" (3 Ne. 27:27).

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ang plano kung saan maaaring maging kahinatnan natin ang nararapat na maging kahinatnan ng mga anak ng Diyos. Ang walang bahid-dungis at ganap na kalagayang ito ay manggagaling sa palagiang pagsunod sa mga tipan, ordenansa, at gawa, patuloy na pagpili ng tama, at mula sa patuloy na pagsisisi. "Ang buhay na ito ay panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos" (Alma 34:32).

Ngayon ang panahon para sa bawat isa sa atin na gumawa patungo sa pansarili, nating pagbabalik-loob, patungo sa ninanais ay ating Ama sa Langit na kahinatnan natin. Kapag ginawa natin ito, dapat nating alalahanin na ang mga ugnayang pangmag-anak natin--idagdag pa rito ang ating mga tungkulin sa Simbahan - ang kalagayan kung saan maaaring maganap ang pinakamahalagang bahagi ng pagbubuong iyon. Ang pagbabalik-loob na dapat nating matamo ay nangangailangan ang pagiging mabuting asawa o mabuting ama o ina. Ang pagiging matagumpay na pinuno ng Simbahan ay hindi sapat. Ang kadakilaan ay isang walang hanggang karanasang pangmag-anak na pinakaangkop na paraan upang maihanda tayo para rito.

Binanggit ni Apostol Juan kung ano ang hinamon sa atin na maging kahinatnan natin nang sabihin niya: "Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin, na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya: sapagkat siya'y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili" (1 Juan 3:2; tingnan din sa Moroni 7:48).

Umaasa ako na ang kahalagahan ng pagbabalik-loob at pagiging dapat na kahinatnan natin ay magiging dahilan upang bawasan ng ating mga pinuno ang pag-ukol ng pansin sa mga ulat estadestika hinggil sa mga aktibidad at mas mag-ukol ng pansin sa kung ano ang ating mga kapatid at kung ano ang pinagsisikapan nilang maging kahinatnan.

Ang mga kinakailangan nating pagbabalik-loob ay mas madalas na madaling natatamo sa pamamagitan ng pagdurusa at paghihirap kaysa sa kaginhawaan at kapayapaan. Ipinangako ni Amang Lehi sa kanyang anak, si Jacob na ang Diyos ay "ilalaan ang [kanyang] mga paghihirap para sa [kanyang] kapakinabangan" (2 Ne. 2:2). Ang propetang Joseph ay pinangakuan na "ang inyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas" (D at T 121:7­8).

Marami sa atin ang nakaranas sa ilang antas ng tinatawag ng mga banal na kasulatan na "hurno ng kadalamhatian" (Isa. 48:10; 1 Ne. 20:10). Ang ilan ay ganap na abala sa paglilingkod sa isang may dinaramdam na kamag-anak. Ang iba'y nagdurusa sa kamatayan ng isang minamahal o pagkawala o pagkaliban ng matuwid na layuning tulad ng kasal o pagdadalantao. Ang iba pa ay nakikibaka sa pansariling kakulangan o nakadarama ng di pagtanggap, kawalang kakayahan, o panghihina ng loob. Sa pamamagitan ng katarungan at awa ng mapagmahal na Ama sa Langit, ang pagpapadalisay at pagpapabanal na maaari nating makuha mula sa mga gayong karanasan ay makatutulong sa atin na makamit ang ninanais ng Diyos na maging kahinatnan natin.

Hinahamon tayo na dumaan sa proseso ng pagbabalik-loob patungo sa katayuan at kalagayang iyon na tinatawag na buhay na walang hanggan. Makakamit ito hindi lamang sa pamamagitan ng paggawa ng tama, kindi sa paggawa nang may mabuting dahilan--para sa dalisay na pag-ibig ni Cristo. Isinalarawan ito ni Apostol Pablo sa kanyang bantog na aral tungkol sa kahalagahan ng "pag-ibig [sa kapwa tao] (tingnan sa 1 Cor. 13). Ang dahilan kung bakit ang pag-ibig sa kapwa tao kailanman ay hindi nagkukulang at kung bakit ang pag-ibig sa kapwa-tao ay higit pa kaysa sa mga pinakamabuluhang gawa ng kabutihang binanggit niya ay dahil sa "ang dalisay na pag-ibig ni Cristo" (Moroni 7:47), ay hindi lamang pagkilos kundi kalagayan o katayuan. Natatamo ang pag-ibig sa kapwa-tao sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga pagkilos na humahantong sa pagbabalik-loob. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay isang bagay na nagiging likas sa tao. Tulad nga ng ipinahayag ni Moroni, "Maliban kung magkakaroon ng pag-ibig sa kapwa ang tao ay hindi nila mamamana" ang lugar na yaon na inihanda para sa kanila sa mga mansiyon ng Ama (Efe. 12:34; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Lahat ng ito ay makatutulong sa ating makaunawa ng mahalagang kahulugan ng parabula ng mga manggagawa sa ubasan na ibinigay ng Tagapagligtas upang maipaliwanag kung ano ang katulad ng kaharian ng langit. Tulad nang naaalala ninyo, umupa ang may-ari ng ubasan ng mga manggagawa sa iba't-ibang oras sa maghapon. Ipinadala niya ang ilan pagkaumagang- pagkaumaga, mga ikatlong oras, at ang iba ng mga ikaanim at ikasiyam na oras. Sa huli, sa ikalabing-isang oras, ipinadala niya ang iba sa ubasan, ipinangangako na babayaran din niya sila "anuman ang nararapat" (Mat. 20:7).

Sa katapusan ng maghapon, binayaran ng may-ari ng ubasan ng pare-parehong upa ang bawat manggagawa, maging ang mga yaong dumating sa ikalabing-isang oras. Nang makita ito ng mga nagsipaggawa nang buong maghapon, sila ay "nangagbulungbulong laban sa puno ng sangbahayan" (Mat. 20:11). Hindi nagbago ng pasiya ang may-ari, kundi nilinaw lamang niya na wala siyang ginawang masama kanino man, dahil binayaran niya ang bawat tao sa napagkasunduang halaga.

Tulad ng ibang mga parabula, ang isang ito ay makapagtuturo ng ilang magkakaiba at mahahalagang alituntunin. Para sa mga pangkasalukuyang layunin sinasabi ng aral na ito na ang gantimpala ng Maestro sa huling paghuhukom ay hindi ibabatay sa kung gaano tayo katagal na nagtrabaho sa kanyang ubasan. Hindi natin nakakamit ang makalangit na gantimpala sa pamamagitan lamang ng pagtatala ng bilang ng oras ng paggawa. Ang siyang mahalaga ay kung paano na ang ating pagtatrabaho sa pagawaan ng Panginoon ay naging dahilan para magkaroon tayo ng kahihinatnan. Para sa ilan sa atin, kakailanganin nito ng mas maraming oras kaysa sa iba. Ang kung ano ang naging kinahinatnan natin sa bandang huli ang mahalaga. Ang marami sa mga dumating nang ikalabing-isang oras ay napadalisay at naihanda na ng Panginoon sa mga pamamaraan maliban pa sa pormal na paggawa sa ubasan. Ang mga manggagawang ito ay mistulang pulbos na sangkap na kailangan na lamang ay "karagdagang tubig"--ang nakapagpapaganap na ordenansa ng pagbibinyag at kaloob na Espiritu Santo. Dahil sa karagdagang iyan--maging sa ikalabing-isang oras--nasa gayon ding kalagayan ng pag- unlad ang mga manggagawang ito at karapat-dapat na makatanggap ng gantimpalang tulad ng sa mga yaong nagtrabaho nang matagal sa ubasan.

Itinuturo sa atin ng parabulang ito na hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at mapagmahal na ugnayan sa mga miyembro ng mag-anak at mga kaibigan na ang mabubuting katangian (tingnan sa Moroni 7:5­14) ay nagpapatunay sa kanilang pag-unlad patungo sa nais ng mapagmahal na Ama na maging kahinatnan nila.

Paano natin masusukat ang ating pag-unlad? Nagmumungkahi ng ilang mga pamamaraan ang banal na kasulatan. Magbabanggit lamang ako ng dalawa.

Matapos ang dakilang pangangaral ni Haring Benjamin, marami sa kanyang mga tagapakinig ang sumigaw na ang Espiritu ng Panginoon ay "gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti." (Mosias 5:2). Kung mawawalan tayo ng hangarin pang gumawa ng masama, sumusulong na tayo patungo sa makalangit na layunin natin.

Sinabi ni Apostol Pablo na ang mga taong nakatanggap ng Espiritu ng Diyos ay "may pag-iisip ni Cristo" (1 Cor. 2:16). Nauunawaan ko na ibig ipakahulugan nito na ang mga taong patungo sa kinakailangang pagbabalik-loob ay nagsisimula nang makita ang mga bagay tulad ng pagkakakita ng Tagapagligtas sa mga ito. Pinakikinggan nila ang Kanyang tinig sa halip na ang tinig ng mundo, at gumagawa sila ng mga bagay sa Kanyang pamamaraan sa halip na sa mga pamamaraan ng mundo.

Pinatototohanan ko si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos, na nagmamay-ari ng Simbahang ito. Pinatototohanan ko nang may pasasalamat ang plano ng Ama na kung saan, sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ay may katiyakan tayo sa kawalang kamatayan at sa pagkakataong maging marapat para sa buhay na walang hanggan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy