The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Mga Pang-aakit at Panunukso ng Daigdig

Mga Pang-aakit at Panunukso ng Daigdig

Elder Neal A. Maxwell
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Ang maraming tao na abala sa mga alalahanin ng daigdig ay hindi naman maituturing na nagkakasala. Ngunit walang alinlangang lumilihis sila at dahil doon ay nagsasayang ng "mga araw ng kanilang pagsubok" (2 Ne. 9:27).

Elder Neal A. Maxwell

Para sa mga totoong naniniwala, ang mga pang-aakit at panunukso ng daigdig . . . kabilang na ang mga kasiyahan, kapangyarihan, papuri, salapi, at kataasan . . . ay lagi nang naroon. Gayon pa man, nabaluktot o nawasak na ngayon ang mga dating nakatutulong na sistema. Higit pa riyan, ang mga nakapipinsalang teknolohiya ay malakas na ipinatatalastas ng media, at may posibilidad na makaabot sa halos lahat ng tahanan at bayan. Ang lahat ng ito ay nangyayari kung kailan marami na ang nagwawalang-bahala sa mga espirituwal na bagay, na sinasabing, "Ako'y mayaman . . . nagkamit ng kayamanan, at hindi ako nangangailangan ng anoman" (Apoc. 3:17).

Sa kabaligtaran, ang kapakinabangan ng pagiging disipulo ni Cristo ay sa pamamaraang kapag may nakita tayong dumarating na isang magarang limousine, alam natin na hindi tayo ang isasakay nito. Ang plano ng Diyos ay hindi plano ng kasiyahan; ito ay "plano ng kaligayahan."

Makapangyarihan ang mga pang-aakit at panunukso ng daigdig. Lalo pang pinalalakas ang makamundong pamumuhay ng katuwirang, "Ginagawa naman ito ng lahat," na naghihimok pa sa maraming tao na tanggapin ito. Pinababango sa publiko ang mga produkto at pinasasama ang kaasalan ng tao ng tusong pagbebenta sa partikular na grupo ng tao.

Ipinayo ni Pedro, "Ang nadaig ninoman ay naging alipin din naman niyaon (2 Pet.2:19). Mga kapatid, napakaraming taong nagpapaalipin sa kanyang sarili.

Ipinakikita ng mga mangungutya ang kawalang-pakialam na ibinadya ni Pedro: "Saan naroon ang pangako ng . . . pagparito [ni Cristo]? Sapagkat . . . nangananatili ang lahat ng mga bagay na gaya ng kalagayan nila mula nang pasimulan ang paglalay" (II Ped. 3:4). Ang gayong pangungutya ay nagiging sanhi upang akalain ng taong nakasasaksi ng pagpapalit-palit ng salinlahi na walang Diyos at layunin ang buhay.

Tulad ng isda sa garapon, hindi pinahahalagahan ng ilan kung sino ang nagpapalit ng tubig at naglalagay ng pagkain (tingnan sa Jacob 4:13­14), o, tulad ng batang nasa kindergarten na hindi kaagad nasundo ng mga magulang ay nagsasabi ng, "Nag-iisa ang tao sa kalawakan."

Tinatanggap ko na taimtim na nagnanais ang ilan ng higit pang kapangyarihan upang makagawa ng kabutihan, ngunit iilan lang ang may sapat na kabutihan upang maging makapangyarihan. Ngunit ang paghahangad ng kapangyarihan at popularidad ay nakapagpapabawas ng espirituwalidad na nagiging dahilan upang ang ilan ay maging "manhid" (tingnan sa Ef. 4:19; 1 Ne. 17:45; Moro. 9:20). Nakapagtataka na bagama't walang pakiramdam, naririnig pa rin ng ilan ang nag-aanyayang kislap ng kamerang pangtelebisyon sa loob ng daan-daang taon. Hindi ba nakapagpapaalala sa atin ang paligsahan sa pag-upo sa kapangyarihan ng larong pambata na unahan sa upuan?

Sa katunayan, inilalayo tayo ng pagiging disipulo mula sa mga papuri ng daigdig. Tulad ng sinabi ni Balak kay Balaam, "Aking iniisip na itaas kita sa dakilang karangalan; ngunit, narito, pinigil ka ng Panginoon sa karangalan" (Mga Bilang 24:11­12). Ang kinang ng pagkilala ay napakadaling makulapulan. Napapailing tayo kapag nakikita natin ang mga taong dating pinupuri ng daigdig, tulad ni Judas, na ginagamit, kinasusuklaman, at itinataboy (tingnan sa D at T 121:20). Gayon pa man, kahit na nakahanda na sa mangyayari ang ilan dito, kailangan pa rin silang palakasin (tingnan sa Heb. 12:12, D at T 81:5).

Samakatwid, kahit tinatanggap natin ang karapat-dapat na papel at papuri, hindi natin dapat kalimutan ang mga salita ni Jesus tungkol sa mga tumatanggap ng mga papuri ng tao: "Tinanggap na nila ang sa kanilang ganti" (Mat. 6:2, 5).

May malalim na dahilan sa lahat ng mga panandaliang kasiyahang ito: ang mga nagbibigay ng mga pansamantalang bagay ng daigdig, ay siya mismong tumatanggap. Hindi nila maibibigay ang isang bagay na nagtatagal, dahil sila mismo ay wala nito! Ang ilang tao, na nakahihiwatig ngunit nagkukulang sa pananaw, ay nagnanais na maangkin itong lahat kaagad hanggang makakaya nila.

Ang gayong mga karaingan, gaya ng sumusunod, ay humahantong sa ilang partikular na suhestiyon.

Bilang simula, wala nang solusyong hihigit pa kaysa sa paggamit . . . ng mga kaloob ng Espiritu Santo!

Isaalang-alang din natin ang natatanging katayuan ng mag-anak. Tulad ng isinulat ni James Q. Wilson:

"Matututuhan nating makaagapay sa mga tao ng daigdig na ito sapagkat natututo tayong makaagapay sa mga miyembro ng ating mag-anak. Yaong mga tumatakas sa mag-anak ay tumatakas sa daigdig; dahil kulang sa pagmamahal [ng mag-anak], pagtuturo, at paghamon, hindi sila handa para sa mga pagsubok, paghatol, at paghingi [ng daigdig]" (The Moral Sense [1993], 163).

Nakapagtataka na ang ilan ay "naglalakbay sa isang malayong lupain" (Lucas 15:13), iniiwanan ang tahanan na may kaunting suliranin--at nagtutungo sa disyerto kung saan may mas maraming suliranin.

Napakahalaga ng pansariling kabutihan, pagsamba, panalangin, at pag-aaral ng banal na kasulatan upang mag-away "hubarin ang likas na tao" (Mosias 3:19). Maging maingat, kung gayon, kung humihingi ang ilan ng hayagang pagpaparaya sa anumang pansariling kalayawan o kalabisan nila!

Bata man tayo o matanda, kailangan nating maging mabuting magkakaibigan, ngunit dapat din na piliin nating mabuti ang ating mga kaibigan. Sa pamamagitan ng pagpili muna sa Panginoon, magiging napakadali na ang pagpili ng kaibigan. Paghambingin ninyo ang uri ng pagkakaibigan sa lungsod ni Enoc sa uri ng pagbabarkadahan sa mga lungsod ng Sodoma at Gomorro! Pinili ng mga mamamayan sa lungsod ni Enoc si Jesus at ang mabuting buhay, pagkatapos ay naging tunay na magkakaibigan. Malaki ang nakasalalay sa kung sino at ano ang una muna nating hinahangad.

Maaari rin nating tularan ang mga espirituwal na pagtalima ni Jose ng Egipto. Nang tuksuhin siya, "siya'y . . . tumakas" na nagpapakita ng tapang at mabibilis na mga paa (Gen. 39:12). Kailangang takasan ng mga kabataan at mga nasa hustong gulang ang mga kalagayan at sitwasyon na nagbabadya ng panganib.

Hindi kailanman naging sapat ang dami ng nagsibalik na alibughang anak, ngunit palagi nang may bumabalik na ilan mula sa "malayong lupain" (Lucas 15:13). Siyempre pa, mas mabuti yaong nagpakumbaba tayo "dahil sa salita," kaysa nagpakumbaba tayo dahil sa mga pangyayari, bagaman maaaring epektibo rin naman ang huli! (Alma 32:13­14). Nakapagpapasidhi ng espirituwal na kagutuman ang matinding pagkagutom.

Tulad ng alibughang anak, tayo man ay makapupunta rin sa "malayong lupain," na maaaring hindi gaanong nalalayo sa mahalay na konsiyerto. Ang layo mula sa "malayong lupain" ay hindi nasusukat sa pamamagitan ng mga milya kundi sa kung gaano kalayo ang mga isip at puso natin kay Jesus! (tingnan sa Mosias 5:13). Ang pagiging matapat, hindi ang layo ng lugar, ang tunay na magsasabi ng distansya.

Sa kabila ng mga makapangyarihang pang-aakit at panunukso ng daigdig, makapaninindigan pa rin ang mga espirituwal na damdamin. Maaaring manghimasok ang mga pag-aalinlangan. Hindi dagliang nagagamot ang kawalang-kabuluhan at pagkainip na dulot ng pagiging sekyular.

Natatanto ng ilang nagpupunyaging mag-angkin ng kapangyarihan, papuri, yaman, at pagkilala na ang nakamit pala nila ay walang katuturan! Nagsikap sila nang husto makarating lamang doon!

Ngunit bakit pa tayo naghahangad ng yaman, kung atin lamang "gugulin ang salapi sa mga yaong walang kabuluhan . . . [at] yaong hindi nakasisiya" (2 Ne. 9:51).

Tulad ni Jesus, makapagpapasiya rin tayo, sa araw-araw o sa biglaang pagkakataon, na huwag padaig sa tukso (tingnan sa D at T 20:22). Maaari tayong tumugon sa pagkainis sa pamamagitan ng pagngiti sa halip na pagsimangot, o sa pagbibigay ng mainit na papuri sa halip na malamig na pakikitungo. Sa pamamagitan ng pagiging maunawain at matiyaga, ang iba ay magpapasiya rin na magpunyagi pang magpatuloy sa halip na sumuko. Ang pagmamahal, tiyaga, at kapakumbabaan ay nakahahawa ring tulad ng kalupitan at kagaspangan.

Maaari rin nating pahintulutan ang galit na nakapagliligtas, pang- indibiduwal o pangkalahatan man (tingnan sa 2 Ne. 28:19). Ang mga puso na labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig ay kailangan ding mabagbag (tingnan sa D at T 121:35). Ang abalang mga isip na malayo sa Kanya ay maaaring kalugin para mabigyan ng babala" (tingnan sa Mosias 5:13).

Ang maraming tao na abala sa mga alalahanin ng daigdig ay hindi naman maituturing na lumalabag. Ngunit walang alinlangang lumilihis sila at dahil doon ay nasasayang ang "mga araw ng kanilang pagsubok" (2 Ne. 9:27). Subalit ang ilan ay nagmamalaki pang namumuhay nang "walang Diyos sa daigdig" (Alma 41:11), na sadyang inialis ang Diyos sa kanilang buhay!

Tandaan ninyo mga kapatid, ang mga taong masyadong abala sa kanilang sarili ay tiyak na magwawalang-bahala sa ibang tao!

Iangkop natin sa ating sarili, ang inirekomenda ni Pangulong Brigham Young: "Sabihin sa mga kabukiran, . . . mga kawan, . . . pulutong, . . . pilak, . . . kabuhayan, . . . tirahan, . . . ari-arian, at sa buong daigdig, tumabi kayo; umalis kayo sa isipan ko, sapagkat ako ay sasamba sa Panginoon" (Deseret News, ika-5 ng Enero, 1854, 2). Napakaraming paraan para sabihin sa digdig na "Tumabi kayo."

Paminsan-minsan, kailangang magpaliwanagan ang mag-asawa, suriin kung ano na ba ang kalagayan nila. Maaaring mangailangan ng kaunting pagwawasto, isa pa, ang mga pag-uusap na iyan ay maaaring maging mas mahalaga pa kaysa sa iniisip natin. Sayang, napakaraming mag- asawa na masyadong abala.

Ang mga sandali ay mga sangkap na bumubuo ng kawalang-hanggan! Maraming taon na ang nakalipas, ipinayo ni Pangulong Hinckley: "Hindi ang malalaking pangyayari kung ihahambing sa maliliit na desisyon natin sa araw-araw ang siyang lubos na nagtatakda ng landas ng ating buhay . . . ang buhay natin, sa katunayan, ay ang kabuuan ng tila hindi mahahalagang desisyon at ang ating kakayahan na mamuhay ayon sa mga desisyong iyon" (Caesar, Circus, or Christ? Mga Talumpati ng Taon ng Brigham Young University [ika-26 ng Okt. 1965, 3]).

Sa kabutihang-palad, ang mga pagkakamali natin ay matatabunan ng taimtim na pagsisisi, ng pagpapakita ng pananampalatayang sumubok muli--maging sa gawain man o sa ugnayan. Ang gayong taimtim na pagsisisi ay katibayan ng totoong pagkatao! Hindi kailangang palagiang maibagsak ang mga Espiritung anak na lalaki at babae ng Diyos kapag naiangat ng Pagbabayad- sala ni Jesus. Sa gayon ang walang hanggang Pagbabayad-sala ni Jesus ay naaangkop sa ating walang katapusang kamalian! Kaya nga, ang natatanging himnong iyon ay nagsusumamo:

Kaydali kong maligaw
Iwan ang Diyos kong Mahal
Puso ko ay akayin, Panginoon
Panginoon sa inyong piling.
("Come, Thou Fount of Every Blessing," Mga Himno [1948], bilang 70)

Makatutulong din sa pagtanggi sa mga pang-aakit at panunukso ng daigdig ang kaalaman natin na katanggap-tanggap sa Panginoon ang buhay na tinatahak natin, maging tayo man ay hindi perpekto (tingnan sa Lectures on Faith [1985], 67). Sa sapat na dedikasyon, darating ang mga payapang katiyakang iyon!

Ang katibayan ng halaga natin ay tunay na nanggagaling sa kaalaman ng kung sino tayo, hindi lamang sa kung ano ang ginagawa natin. Ang mapanuring mga salita ni Jesus ay nananatili: "Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko" (3 Ne., 27:27; tingnan din sa Mat. 5:48; 3 Ne. 12:48).

Siyempre, nakapagpapaunlad ng ating ugali at kakayahan ang makabuluhang gawain, ngunit napakalaki ng kaibahan ng mga kalagayan at pagkakataon sa buhay na ito. Subalit sa kabila ng mga pagkakaibang iyon, maaari pa rin tayong maging tulad ni Cristo sa ating kakayahan na maging--mas mapagmahal, mapagkumbaba, matiyaga, at masunurin.

Sa pag-uukol pa ng atensyon sa kung ano tayo sa halip na sa kung ano ang ginagawa lang natin, ang panlabas at panloob na pagkatao natin ay magiging magkatulad--ang lalaki o ang babae ni Cristo. Ang likas na pinahahalagahan natin gayunpaman ay hindi nakasalalay sa kakayahan natin bilang tao; sa katunayan, maaaring ang talagang nakikita sa atin ng sanglibutan ay ang ating kahinaan at kamangmangan (tingnan sa I Cor. 1:27). Gayunpaman, sinasalungat ito ng mga banal na pagpapatibay, kabilang na ang isang ito: "Ang espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Dios" (Rom. 8:16).

Kahit kailan higit na interesado ang Diyos na magkaroon tayo ng lugar sa Kanyang kaharian kaysa sa anumang posisyon o tanggapan na hinahawakan natin. Maaaring nagpapakalulong tayo sa pansariling pagpapalawak ng ating kontrol, ngunit mas inaalala Niya ang ating kakayahang kontrolin ang sarili. Ninanais ng ama na umuwi tayo, dala ang tunay na ulat ng ating mga nagawa, ang ating mga sarili!

Sa kabila noon, palagian pa ring dumarating sa atin ang mga inggit sa salapi, impluwensiya, o sa "mga balabal" at sa "mga pinatabang guya" na ibinibigay sa iba (tingnan sa Lucas 15:22­23).

Ang totoong pagiging kabilang ay nadarama kapag nalalaman natin kung sino tayo at kung kanino tayo talaga kabilang! Natatandaan ba ninyo ang popular na mga linya sa Fiddler on the Roof tungkol kay Anatevka? Yaong "nalalaman ng lahat kung sino siya at kung ano ang inaasahan ng Diyos na gawin niya" (Fiddler on the Roof ni Joseph Stein [1964], 3; idinagdag ang pagbibigay-diin), kung alin ang maidaragdag natin "at kung ano ang inaasahan ng Diyos na magiging kahihinatnan niya."

Oo, malayo tayo sa pagpili ng mga makamundong gantimpala na panandalian lamang. Gayunpaman, naghihintay sa hinaharap ang dakilang sandali kung kailan ang bawat tuhod ay luluhod, at bawat dila ay magtatapat, habang kanilang naririnig ang tunog ng pakakak, na sinasabing kilalanin na si Jesus ang Cristo! (Tingnan sa Mosias 27:31; D at T 88:104). Sa gayon ang mga bulwagan at trono sa lupa ay mawawalan ng laman. Maging ang malaki at maluwang na gusali ay babagsak--at tiyak na babagsak! (tingnan sa 1 Ne. 8:26­28). Pagkatapos, yaon ding mga nangabuhay ng walang dini-Diyos sa daigdig ay kikilalanin na ang Diyos ay Diyos! (tingnan sa Mosias 27:31). Samantala, ang Kanyang mga pagkatao at katangian ay dapat na maghikayat sa ating paghanga at hangaring tularan Siya.

Hindi ba't kagila-gilalas, mga kapatid, na ang Diyos, na nakaaalam ng lahat, ay gumugugol pa rin ng panahon sa pakikinig sa ating mga panalangin? Kung ihahambing sa banal na katotohanan tungkol sa katangian ng Diyos, ano ba talaga ang maiaalay ng daigdig sa atin? Isang masigabong palakpakan, isang panandaliang paghanga, o isang sulyap ng pagsang-ayon mula sa isang may pansamantalang kapangyarihan?

Nawa'y pagpalain tayo ng Diyos upang makita natin ang mga bagay sa tunay nitong kaanyuan at sa tunay na kahihinatnan nito (tingnan sa Jacob 4:13; D at T 93:24), at nawa'y ibigay natin ang luwalhati at parangal at papuri sa Diyos, na ngayo'y ginagawa ko. Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy