The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
"Magpakabanal Kayo"

"Magpakabanal Kayo"

Elder Jeffrey R. Holland
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Ang panawagan sa bawat panahon--at lalo na sa ating panahon--ay panawagan ni Josue: 'Magpakabanal kayo: sapagka't bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.'"

Elder Jeffrey R. Holland

Mga kapatid, mahal ko at iginagalang ang pagkasaserdote ng Diyos, at ikinararangal kong makasama kayong mga maytaglay nito. Ang aking mensahe ngayong gabi ay para sa ating lahat, anuman ang ating edad o tagal ng ating ipinaglingkod, bagama't nais kong magsalita lalo na sa mga diyakono, guro, at saserdote sa Pagkasaserdoteng Aaron, at sa mga kabataang bago pa lamang naordenang elder sa Pagkasaserdoteng Melquisedec--kayong mga bagong henerasyon, kayong mga dapat maging handang gamitin ang inyong pagkasaserdote, na kadalasan ay sa panahon at sa paraang hindi ninyo inaasahan.

Sa diwang iyan ang aking panawagan sa inyo ngayong gabi ay tulad din ng panawagang ibinigay ni Josue sa isang naunang henerasyon ng mga maytaglay ng pagkasaserdote, mga kabataang lalaki at yaong mga hindi na gaanong bata, na nangailangang magsagawa ng himala sa kanilang panahon. Sa mga mangangailangang magsagawa ng pinakamabigat na gawain ng sinaunang Israel--muling pagbihag at pagbawi sa kanilang sinaunang lupang pangako--sinabi ni Josue, "Magpakabanal kayo: sapagka't bukas ay gagawa ng kababalaghan ang Panginoon sa inyo."1

Hayaan ninyo akong magkuwento sa inyo na nagpapahiwatig kung gaano kabilis maaaring dumating nang hindi inaasahan ang mga bukas na iyon at sa ilang pagkakataon ay kung gaano kaikli ang inyong panahon upang mabilis na makagawa ng huling paghahanda.

Noong Miyerkules ng hapon, ika-30 ng Setyembre 1998, dalawang taon pa lamang ang nakararaan noong isang linggo, ang Little League na koponan sa putbol sa Inkom, Idaho, ay naglaro sa palaruan para sa pagsasanay nito sa kalahatian ng linggo. Natapos na nila ang kanilang pagpapainit at nagsimula nang maglaro. Namumuo ang maiitim na ulap, gaya ng nangyayari kung minsan sa panahon ng taglagas, at nagsimulang umambon, ngunit hindi ito alintana ng pangkat ng mga batang lalaking gustung-gustong maglaro ng putbol.

Walang anu-ano, mula sa kung saan, isang nakabibinging kulog ang bumiyak sa kalangitan, na dagling sinundan ng kidlat na nagpaliwanag at talagang kumuryente sa buong paligid.

Nang mga sandaling iyon ang batang kaibigan kong si A. J. Edwards, na noon ay isang diyakono sa Portneuf Ward ng McCammon Idaho Stake, ay handa nang tanggapin ang bola sa isang paghagis para sa isang tiyak na puntos sa ginawang maliit na pagsasanay na laru-larong iyon. Ngunit ang kidlat na nagpaliwanag sa lupa at himpapawid ay tumama kay A. J. Edwards mula sa tuktok ng kanyang helmet hanggang sa suwelas ng kanyang sapatos.

Nasindak ang lahat ng manlalaro sa tama ng kidlat, nadapa ang ilan sa lupa, pansamantalang nawalan ng paningin ang isang manlalaro at ang natitirang mga manlalaro ay nangahilo at nangayanig. Kagyat silang nagsimulang tumakbo patungo sa konkretong daan na kadanay ng palaruan. Ilan sa mga batang lalaki ang nagsimulang umiyak. Marami sa kanila ang lumuhod at nagsimulang manalangin. Sa kabila ng lahat ng ito, nanatiling walang malay si A. J. Edwards sa palaruan.

Humangos sa tabi ng manlalaro si Brother David Johnson ng Rapid Creek Ward, McCammon Idaho Stake. Sumigaw siya sa tagasanay at kamiyembro sa purok na si Rex Shaffer, "Wala akong makuhang pulso. Inatake siya sa puso." Ang dalawang kalalakihang ito, na milagrong mga bihasang tekniko sa panggagamot, ay nagsimulang magbigay ng CPR upang sagipin siya sa kamatayan.

Habang naglalapat ng lunas ang mga kalalakihan, kandong naman ang ulo ni A. J. ng batang tagasanay sa pagtatanggol sa koponan na si Bryce Reynolds, ang 18 taong gulang na miyembro ng Mountain View Ward, McCammon Idaho Stake. Habang pinanonood niya sina Brother Johnson at Brother Shaffer na madaliang nagbibigay ng CPR, may naramdaman siya. Matibay ang paniwala kong ito ay isang tunay na paghahayag mula sa langit. Naalala niya nang malinaw ang basbas ng pagkasaserdote na minsa'y ipinagkaloob ng obispo sa kanyang lolo matapos ang gayon ding kabigat at kalubhang sakuna noong mga nagdaang taon. Ngayon, habang yakap niya ang batang diyakonong ito, natanto niya na sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay ay kailangan niyang gamitin ang kanyang bagong kaloob na Pagkasaserdoteng Melquisedec sa gayunding paraan. Sa paghihintay niya sa kanyang ika-19 na kaarawan at nalalapit na tawag na maglingkod sa isang misyon, ang batang si Bryce Reynolds ay 39 na araw pa lamang naoordenan bilang elder.

Malinaw man o pabulong niyang nasambit ang mga salita, sinabi ni Elder Reynolds, "A. J. Edwards, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo at sa kapangyarihan at awtoridad ng Pagkasaserdoteng Melquisedec na aking taglay, binabasbasan kita na ikaw ay maging maayos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen." Sa pagsasara ni Bryce Reynolds ng maikli ngunit taimtim na pagbabasbas na inialay sa pananalita ng isang 18 taong gulang, humugot ng unang panibagong hininga si A. J. Edwards.

Ang patuloy na mga dalangin, himala, at karagdagang pagbabasbas ng pagkasaserdote sa kabuuan ng karanasang iyon--kabilang na ang matuling pagbibiyahe ng ambulansiya patungong Pocatello at ang halos walang pag-asang biyahe ng LifeFlight patungo sa burn center sa University of Utah--ang lahat ng iyan ay maibabahagi sa atin ng pamilya Edwards sa susunod na mga araw. Sapat nang sabihin na isang malusog at matikas na A. J. ang kabilang sa mga nakikinig ngayong gabi kasama ang kanyang ama bilang natatangi kong mga panauhin. Kamakailan din ay nakausap ko sa telepono si Elder Bryce Reynolds, na matapat na naglilingkod sa Texas Dallas Mission sa nakalipas na 17 buwan. Mahal ko ang dalawang napakabubuting kabataang lalaking ito.

Ngayon, mga batang kaibigan kong kapwa mula sa Pagkasaserdoteng Aaron at Melquisedec, hindi lahat ng panalangin ay dagling sinasagot nang gayon at hindi lahat ng pahayag ng pagkasaserdote ay makapag-uutos ng pagpapabalik o pagpapanatili ng buhay. Kung minsan ay kabaligtaran ang kalooban ng Diyos. Ngunit mga kabataang lalaki, matututuhan ninyo, kung hindi pa ninyo natututuhan, na sa mga nakakatakot, maging sa mga mapanganib na sandali, ay kakailanganin ng inyong pananampalataya at ng inyong pagkasaserdote ang lahat ng inyong makakaya at ang pinakamainam ninyong maisasamo sa langit. Kayong mga batang lalaki ng Pagkasaserdoteng Aaron ay hindi gagamit ng inyong pagkasaserdote sa parehong pamamaraan sa paggamit ng isang naordenang elder sa Pagkasaserdoteng Melquisedec, ngunit lahat ng maytaglay ng pagkasaserdote ay dapat maging kasangkapan sa kamay ng Diyos, at upang mangyari iyon, tulad ng sinabi ni Josue, kailangang "magpakabanal kayo." Dapat kayong maging handa at karapat-dapat na kumilos.

Kaya nga ba paulit-ulit na sinasabi ng Panginoon sa mga banal na kasulatan, "Maging malinis kayo na nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon."2 Hayaan ninyong ipaliwanag ko sa inyo ang kahulugan ng pariralang "nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon." Noong unang panahon ay dalawa ang kahulugan nito, na kapwa may kaugnayan sa gawain ng pagkasaserdote.

Ang una ay tumutukoy sa pagbawi at pagbabalik sa Jerusalem ng iba't ibang mga kasangkapan sa templo na dinala sa Babilonia ni Haring Nabucodonosor. Sa pisikal na pagbabalik ng mga kasangkapang ito, ipinaalala ng Panginoon sa mga miyembro noon ang kabanalan ng anumang may kaugnayan sa templo. Samakatwid habang ibinabalik nila sa kanilang lupain ang iba't ibang mangkok, palanggana, baso, at iba pang sisidlang ito, sila mismo ay kinailangang maging malinis gaya ng mga pangseremonyang kasangkapang kanilang dala-dala.3

Ang ikalawang kahulugan ay may kaugnayan sa una. Ang mga mangkok at kasangkapan ding iyon ang ginamit sa araw-araw na paglilinis sa tahanan. Si Apostol Pablo, sa pagsulat sa kanyang batang kaibigang si Timoteo, ay nagsabi tungkol dito, "Sa isang malaking bahay ay . . . may mga sisidlang ginto at pilak, . . . kahoy at lupa"--tinutukoy nito ang mga kasangkapan sa paghuhugas at paglilinis noong kapanahunan ng Tagapagligtas. Ngunit patuloy ni Pablo, "Kung ang sinoman . . . ay malinis sa alinman sa mga ito [sa pagiging hindi karapat-dapat], siya ay magiging sisidlang . . . pinakabanal, marapat gamitin ng may-ari, at nahahanda sa lahat ng gawang mabuti. Datapuwa't," sabi ni Pablo, "layuan . . . ang masasamang pita ng kabinataan: . . . sundin mo ang kabanalan, . . . [magsi]tawag sa Panginoon mula sa pusong malinis."4

Sa dalawang salaysay na iyon sa Biblia ang mensahe ay na bilang mga maytaglay ng pagkasaserdote hindi lamang natin hahawakan ang sagradong mga sisidlan at sagisag ng kapangyarihan ng Diyos--isipin natin ang paghahanda, pagbabasbas, at pamamahagi ng sakramento, halimbawa--ngunit dapat din tayong maging banal na kasangkapan. Hindi lamang dahil sa dapat nating gawin kundi mas mahalaga dahil sa kung ano tayo dapat maging, sinasabi sa atin ng mga propeta at apostol na "layuan . . . ang masasamang pita ng kabinataan" at "[magsi]tawag sa Panginoon mula sa pusong malinis." Sinasabihan nila tayong maging malinis.

Ngayon ay nabubuhay tayo sa panahong pahirap nang pahirap magpanatili ng kalinisan. Sa makabagong teknolohiya maging ang inyong mga bunsong kapatid ay makapaglalakbay sa halos buong mundo bago pa man sila matutong ligtas na sumakay ng tricycle patawid ng kalsada. Ang itinuturing sa aking kapanahunan na maliligayang sandali sa sinehan, panonood ng TV, o pagbabasa ng magasin, na ngayon ay may kasama nang mga VCR, Internet, at personal na kompyuter, ay naging mga aliwan na puno ng tunay na panganib sa moralidad. Binigyang-diin ko ang salitang mga aliwan. Alam ba ninyo na ang katutubong kahulugan sa Latin ng salitang aliwan ay "isang pagpapabaling ng isipan sa ibang bagay upang manlinlang?" Sa kasawiang-palad iyan talaga ang muling kinahinatnan ng salitang "mga aliwan" sa ating panahon sa mga kamay ng pusakal na manlilinlang.

Kamakailan lamang ay nabasa ko ang isinulat ng isang may-akda na nagsabing: "Ang ating libreng oras, maging ang ating paglalaro, ay malaking problema. [Iyon ay dahil sa] walang anuman sa sandaigdigan na walang pinapanigan: bawat kaliit-liitang pulgada, bawat iglap, ay inaangkin ng Diyos at inaagaw naman ni Satanas."5 Naniniwala akong ito ay tumpak, at walang anumang pag-aangkin at pang-aagaw saanman na mas mahalaga at nangingibabaw kaysa sa labanang ukol sa mga isipan at moral, sa pansariling kalinisan ng mga kabataan.

Mga kapatid, bahagi ng aking babala ngayong gabi ay ang pagsasabing lulubha lamang ito. Mukhang ang pinto tungo sa sobrang kaluwagan, ang pinto tungo sa kalaswaan at kahalayan at kasagwaan ay pumapaling lamang sa iisang direksiyon. Palaki nang palaki ang siwang ng pinto; parang hindi na ito maibabalik sa dati. Maaaring piliin ng tao na isara ito, ngunit tiyak na kung pag-uusapan batay sa kasaysayan, hindi ito ipasasara kung ang masusunod ay ang kagustuhan at pamamalakad ng publiko. Hindi, sa moralidad sa totoong buhay ang tanging mapipigil lamang ninyo ay ang inyong sarili.

Mga kapatid, kung nahihirapan kayong pigilan ang inyong sarili sa mga bagay na inyong nakikita, o pinakikinggan, sa inyong sinasabi o sa inyong ginagawa, hinihiling kong dumalangin kayo at humingi ng tulong sa inyong Ama sa Langit. Manalangin kayo sa Kanya tulad ng ginawa ni Enos, na nakipagtunggali sa Diyos at nagpunyagi sa espiritu.6 Makipagtunggali tulad ng ginawa ni Jacob sa anghel, na tumangging pawalan ito hanggang sa dumating ang pagpapala.7 Kausapin ang inyong nanay at tatay. Kausapin ang inyong obispo. Hingin ninyo ang pinakamainam na tulong na makukuha ninyo mula sa lahat ng mabubuting taong nakapaligid sa inyo. Anuman ang mangyari ay iwasan ninyo ang ibang taong tutukso sa inyo, magpapahina sa inyong kalooban, o magpapatagal sa suliranin. Kung mayroon mang nakadarama ngayong gabi na siya ay hindi lubos na karapat-dapat, magiging karapat-dapat siya sa pamamagitan ng pagsisisi at sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Tumangis ang Tagapagligtas at nilabasan ng dugo at namatay para sa inyo, isinuko niya ang lahat para sa inyong kaligayahan at kaligtasan. Tiyak na hindi Siya magkakait ng tulong sa inyo ngayon!

Kaya matutulungan ninyo ang iba kung kanino kayo isinugo, ngayon at sa darating na panahon, bilang isang maytaglay ng pagkasaserdote ng Diyos. Kung magkagayon ay maaari kayo, bilang misyonero, na maging "isang manggagamot [sa] simbahan"8 tulad ng inilarawan ng Panginoon.

Mga kabataang lalaki, mahal namin kayo. Nag-aalala kami para sa inyo at nais naming tulungan kayo sa abot ng aming makakaya. Halos 200 taon na ang nakararaan noong isulat ni William Wordsworth na "sumosobra na ang mundo." Ano ba ang masasabi niya tungkol sa mga panghihimasok sa inyong mga kaluluwa at damdamin ngayon? Sa pagtalakay sa ilan sa mga suliraning ito na kinakaharap ninyo, batid namin na napakaraming kabataang lalaki ang matapat na ipinamumuhay ang ebanghelyo at matatag ang paninindigan sa harap ng Panginoon. Natitiyak ko na kabilang sa malaking bilang na ito ang nakalululang dami ng lahat ng mga nakikinig dito ngayong gabi. Ngunit ang mga babalang ibinigay namin sa ilan ay mahahalagang paalala maging sa matatapat.

Sa pinakamahirap at nakapanghihinang mga araw ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinabi ni Winston Churchill sa mga taga-Inglatera: "Sa bawat tao ay dumarating . . . ang natatanging sandaling tinatapik siya sa balikat at inaalok ng pagkakataong gumawa ng isang natatanging bagay na kakaiba sa kanya at naaangkop sa kanyang talino. Anong laking trahedya kung ang sandaling iyon ay matagpuan siyang hindi handa o hindi karapat-dapat para sa gawaing sana ay magiging pinakamainam niyang pagkakataon."

Sa mas malubha pang uri ng digmaang espirituwal, mga kapatid, maaaring dumating ang araw--talagang tiyak kong ito ay darating--kung kailan sa isang hindi inaasahang pagkakataon o sa isang panahon ng malubhang pangangailangan, tatama ang kidlat, kung baga, at ang kinabukasan ay nasa inyong mga kamay. Maging handa pagdating ng araw na iyon. Maging matatag. Laging maging malinis. Igalang at ikarangal ang pagkasaserdoteng taglay ninyo, ngayong gabi at magpakailanman. Pinatototohanan ko ang gawaing ito, ang kapangyarihang ipinagkaloob sa atin upang pamahalaan ito, at ang pangangailangang maging karapat-dapat sa pangangasiwa nito. Mga kapatid, pinatototohanan ko na ang panawagan sa bawat panahon--at lalo na sa ating panahon--ay panawagan ni Josue: "Magpakabanal kayo: sapagka't bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo." Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Josue 3:5.
2. Isa. 52:11; tingnan din sa 3 Ne. 20:41; D at T 38:42; 133:5.
3. Tingnan sa II Mga Hari 25:14­15; Ezra 1:5­11.
4. II Kay Timoteo 2:20­22; idinagdag ang diin.
5. C. S. Lewis, Christian Reflections, ed. Walter Hooper (1967), 33.
6. Tingnan sa Enos 1:2­10.
7. Tingnan sa Gen. 32:24­26.
8. D at T 31:10.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy