Elder Dennis B. Neuenschwander
Ng Panguluhan ng Pitumpu
"Napakalaki ng pagkakaiba ng mga pamantayan ng mundo at ng ebanghelyo at kaharian ng Diyos, at . . . laging ituturo ng mga buhay na propeta ang mga pamantayan ng Diyos."
|
|
Mga kapatid, ngayong gabi'y nais kong ibahagi ang isang karanasang napakahalaga sa akin. Sa sesyon sa Linggo ng hapon ng pangkalahatang komperen-siya, ika-6 ng Abril, 1986, isang kapita-pitagang pagtitipon ang ginanap, upang sang-ayunan si Ezra Taft Benson bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at ika-13 Pangulo ng Simbahan. Lahat ng miyembro ng Simbahan ay inanyayahang lumahok sa pamamagitan ng pagdalo sa tabernakulo o kaya'y sa radyo at TV. Tinanggap ng aming mag-anak ang paanyayang lumahok sa aming tahanan. Maliban sa isang anak na lalaking nasa misyon, lahat ay naroon--isang mataas na saserdote, isang saserdote, isang diyakono, isang 11 taong gulang na anak na lalaki, at ang asawa kong si LeAnn. Salit-salitan kaming pinatayo, bawat maytaglay ng pagkasaserdote; at tapos ay sabay- sabay kaming mag-anak na tumayo, upang sang-ayunan si Pangulong Benson.
Bakit tumatawag ang Panginoon ng mga propeta, tagakita at tagapaghayag? At paano natin sila sinasang-ayunan?
Ang pangunahing responsibilidad ng mga propeta, tagakita at tagapaghayag, na lahat ay may awtoridad bilang Apostol, ay ang magbigay ng tiyak na patotoo ng pangalan ni Jesucristo sa buong mundo. Ang pangunahing tungkuling ito na maging natatanging saksi ng Kanyang pangalan ay namamayani tuwing may mga Apostol sa lupa. Ang patotoong ito, na ibinigay ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng paghahayag, ay naging sentro ng Simbahan ng Bagong Tipan at siyang sentro ng Simbahan ngayon. Sa Araw ng Pentecostes nagbigay si Pedro ng dalisay na patotoo na si Jesus ng Nasaret ay "[tinangay] . . . ipinako sa krus at pinatay" at na Siya ay "binuhay na mag-uli pagkaalis sa mga hirap ng kamatayan" kung saan silang mga Apostol ang mga saksi.1 Napakalakas ng kapangyarihan ng patotoong ito kay Jesucristo, na binigkas ng buhay na Apostol, kung kaya napagbago nito ang mga puso at mga 3,000 katao ang nabinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Nabasa namin na ang mga bagong kasaping ito ay "nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputol putol ng tinapay at sa mga pananalangin."2 Ang kuwentong ito sa aklat ng Mga Gawa ay nagbibigay ng malalim na kahulugang espirituwal sa mga salitang sa dakong huli'y isinulat ni Pablo sa mga Efeso, na ang mga yayakap sa ebanghelyo ay magiging kasambahay ng Diyos "at itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok."3
Sa dispensasyong ito ng pagpapanumbalik itinuro ni Propetang Joseph Smith na "ang mga saligang alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, hinggil kay Jesucristo, na Siya ay namatay, inilibing, at nagbangong muli sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito."4
Sa pagtupad sa ipinag-uutos na banal na responsibilidad na ito na magbigay ng tiyak na patotoo ng pangalan ni Jesucristo sa buong mundo, ang mga buhay na Apostol ng ating panahon ay nagbigay ng kanilang patotoo. Sa Paghahayag na "Ang Buhay na Cristo," inihahayag nila ang pagpapanumbalik ng Kanyang pagkasaserdote at Simbahan, pinatotohanan ang Kanyang Ikalawang Pagparito at "nagpapatotoo, bilang Kanyang inordenang mga Apostol--na si Jesus ang siyang Buhay na Cristo, ang walang hanggang Anak ng Diyos."5
Ang mga sinauna at makabagong Apostol ay nagpatotoo sa pangalan ni Jesucristo dahil "walang ibang pangalang ibinigay o anumang daan o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo, ang Panginoong Makapangyarihan."6
Ikalawa, ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay nagtuturo ng salita ng Diyos nang buong linaw upang makinabang at mabiyayaan ang lahat ng Kanyang mga anak sa pagsunod sa kanilang mga turo. Sumulat si Pangulong Hinckley tungkol kay Joseph Smith na: "Tunay na nagsalita siya nang tuwiran at walang alinlangan. Iyan ang misyon ng isang propeta."7 Ang pangangailangan sa mga gurong alam ang inihayag na salita ng Diyos at tuwirang sinasambit ito nang walang takot ay mahalaga sa atin ngayon tulad noon. Sa nakalilitong mundo ng magkakasalungat na ideya, paiba-ibang pagpapahalaga, at makasariling paghahangad sa kapangyarihan, makabubuting maingat nating pag-aralan ang pag-uusap ni Felipe at ng lalaking taga Etiopia. Habang binabasa ng taong ito ang mga banal na kasulatan, tumakbong palapit si Felipe sa kanya at nagtanong, "Nauunawa mo baga ang binabasa mo? At sabi niya, Paanong magagawa ko, maliban nang may pumatnubay sa aking sinoman?"8
Sa mga tao ng Panginoon ay itinuro ni Alma: "huwag pagkakatiwalaan ang sinuman na inyong maging guro ni inyong maging mangangaral, maliban sa siya ay tao ng Diyos, lumalakad sa kanyang mga landas at sinusunod ang kanyang mga kautusan. . . .
". . . At walang itinalaga maliban sa sila ay mga makatarungang tao.
"Anupa't pinangalagaan nila ang kanilang mga tao, at pinagyaman sila sa mga bagay na may kinalaman sa kabutihan."9
Ganap na inilalarawan ng mga salitang ito ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag na namumuno sa Simbahang ito. Sinasambit nila ang mga salita ng Diyos nang buong linaw, kapangyarihan, at pag-unawa.
Ikatlo, sinasang-ayunan namin ang 15 lalaki hindi lamang bilang mga propeta at tagapaghayag, kundi bilang mga tagakita rin. Hindi gaanong napag-uusapan ang pagkakaroon ng mga tagakita sa ating kalipunan, bagaman ang kakayahang makita ang hinaharap ay nagdudulot ng kapangyarihan at awtoridad sa patotoo at turo ng apostol. Tinutukoy ko ang dalawang kasulatang bumabanggit sa mahalaga at kakaibang tungkuling ito. Tinuruan ni Ammon si Haring Limhi sa Aklat ni Mormon na "maaaring malaman ng tagakita ang mga bagay na nakalipas na, at . . . mga bagay na mangyayari pa lamang, at sa pamamagitan nila ay ipahahayag ang lahat ng bagay . . . at ang mga bagay din na hindi sana malalaman ay maipaaalam nila."10
Sa Mahalagang Perlas ay mababasa nating inutusan ng Panginoon si Enoc na pahiran ng putik ang kanyang mga mata, at hugasan ito, upang siya ay makakita. Sumunod si Enoc.
"At kanyang namasdan ang . . . mga bagay na hindi nakikita ng likas na mata; at magmula noon ay lumaganap ang kasabihan sa buong lupain: Nagbangon ang Panginoon ng isang tagakita sa kanyang mga tao."11
Sa tanong kung ano ang ipinaaaalam ng ating mga makabagong tagakita na disin sana'y hindi malalaman at kung ano ang kanilang nakikitang hindi nakikita ng mata ng tao ay simple lamang ang aking isasagot. Makinig, magnilay-nilay, at may panalanging isaalang-alang kung ano ang itinuturo nila sa atin at kung ano ang kanilang ginagawa. Sa gayon, isang huwaran ang lilitaw na maraming ipinahahayag, at doo'y matutuklasan ang tugon sa tanong na ito.
Ngayo'y bumalik tayo sa karanasan ng aking pamilya sa kapita-pitagang pagtitipon. Sa pagtatapos ng botohan, sinabi ni Pangulong Hinckley, na siyang namumuno: "Salamat, mga kapatid, sa inyong pagsang-ayon. Dama naming sinang-ayunan ninyo kami hindi lamang sa inyong mga kamay kundi gayundin sa inyong mga puso at pananampalataya at panalangin, na siyang kailangang-kailangan namin, at nawa'y patuloy ninyong gawin ito."12 Mga kapatid, ang ating pagsuporta sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay hindi lamang sa pagtaas ng mga kamay, kundi higit sa ating tapang, patotoo, at pananampalatayang dinggin, unawain, at sundin ang mga ito.
Ngunit itinatanong ko sa aking sarili na kung malinaw nga ito, bakit napakahirap nito? Marami sigurong sagot dito, ngunit tingin ko'y talagang iisa lang ang sagot. Halos lahat ng hirap ay dahil sa ating paghahangad na maging higit na katanggap-tanggap sa mundo kaysa sa Diyos.
Ang mga turo ng buhay na propeta ay madalas na salungat sa mga uso sa mundo. Dapat nating unawain, bilang mga Banal sa mga Huling Araw at maytaglay ng Pagkasaserdote ng Diyos, na napakalaki ng pagkakaiba ng mga pamantayan ng mundo at ng ebanghelyo at kaharian ng Diyos at laging ituturo ng mga buhay na propeta ang mga pamantayan ng Diyos. Bagama't lubhang nais nating pakibagayan ng ebanghelyo ang mundo, hindi ito maaari, at hindi dapat, hinding-hindi kailanman.
Karamihan sa ating makabagong mundo ay batay sa pagkamakasarili, madaling pagkita at kasiyahan, at pagtanggap ng lipunan anuman ang kapalit. Ang ebanghelyo at kaharian ng Diyos ay higit pa rito. Kabilang sa mga katangiang mahalaga sa Diyos ay ang tiyaga, mahabang pagtitiis, katatagan, kabutihan, at pag-ibig sa kapwa, na lahat ay pangmatagalan o hindi yumayabong sa isang iglap lamang.
Mga kapatid, ang pagkakaroon natin ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag at hindi pakikinig sa kanila ay tulad din ng hindi natin pagkakaroon ng mga ito. Ang propetang si Jacob ay umasang ang mga salitang pinaghirapang isulat ng mga butihing lalaki sa mga lamina ay buong pasasalamat na tatanggapin ng kanilang mga anak sa kanilang puso at matuto rito "nang may kagalakan at hindi sa kalungkutan."13 Nawa'y magkaroon tayo ng sapat na talino upang gawin din iyon sa mga salita ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag ng ating panahon.
Pinatototohanan ko ang nakapagliligtas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pinatototohanan ko ang mga buhay na apostol, propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Mga Gawa 2:2324; tingnan din sa talata 32.
2. Mga Gawa 2:42.
3. Efeso 2:20.
4. Teachings of the Prophet Joseph Smith, seleksiyon ni Joseph Fielding Smith (1976), 121.
5. "Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol," Liahona, Abr. 2000, 3.
6. Mosias 3:17.
7. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 525.
8. Mga Gawa 8:3031.
9. Mosias 23:14,1718.
10. Mosias 8:17.
11. Moises 6:36; tingnan din sa talata 35.
12. Ensign, Mayo 1986, 75.
13. Jacob 4:3.