The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Ang mga Panlilinlang ni Satanas

Ang mga Panlilinlang ni Satanas

Bishop Richard C. Edgley
Unang Tagapayo sa Namumunong Obispado

Pakikinggan ba natin si "Satanas, ang may-akda ng lahat ng kasinungalingan . . . ? O paniniwalaan ba natin ang isang mapagmahal na Ama sa Langit, na siyang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan at kaligayahan?"

Bishop Richard C. Edgley

Bilang binatilyo na katatapos lang ng unang taon ko sa kolehiyo at nangangailangang kumita ng salapi para sa hinahangad kong misyon, ginugol ko ang bakasyon sa pagtatrabaho sa bagong Jackson Lake Lodge sa Jackson Hole, Wyoming. Maraming kabataang nasa edad ng kolehiyo ang nagpupunta upang makapagtrabaho sa isang likas na malinis at magandang lugar.

Isa sa mga taong iyon si Jill, isang dalagita mula sa San Francisco, California. Dahil inisip namin na ang isang dalagita mula sa malaking lungsod ay medyo inosente pagdating sa ganoong kapaligiran, naisip ko at ng ilang kaibigan na turuan siya ng mga kaugalian ng tunay na taga Kanluran. Ipinasiya naming isama siya sa "snipe hunt." Para sa inyo na hindi pamilyar sa snipe hunt, ito'y biro lamang dahil wala naman talagang ibong snipe, kahit paano sa kanluraning Estados Unidos. Ang mga kagamitang kailangan para sa snipre hunt ay patpat at bag na yari sa tela. Pupunta ang "manghuhuli" sa damuhan, hahampas-hampasin ang mga damo na gamit ang patpat habang tinatawag ang ibong snipe sa mataas na tono at katawa-tawang tinig. Ang mga kathang-isip na ibong snipe ay itinataboy patungo sa bag.

Ibinigay namin kay Jill ang bag at patpat at lugar sa kabilang burol kung saan siya manghuhuli. Ang plano ay bumalik sa lugar kung saan kami nagsimula sa loob ng 15 minuto, kung kailan dapat naming bilangin ang aming mga ibong snipe.

Nang hindi siya nakabalik sa itinakdang oras, tuwang-tuwa kami sa seryosong panghuhuli na ginawa niya. Pagkatapos ng mga 30 minuto, nadama namin na oras na para sagipin siya, ipaliwanag ang biro, magtawanan, at kumain na ng hapunan ang lahat. Subalit, tila masyado niyang sineryoso ang panghuhuli ng snipe kaysa sa inaasahan namin--wala siya sa lugar na itinakda sa kanya. Matapos ang matinding paghahanap at wala pa ring bakas kung nasaan siya, nagsimula kaming maghanap sa kakahuyan, tinatawag siya nang ubod-lakas sa abot ng aming makakaya, pero walang nangyari.

Umaasa na baka bumalik na siya sa kanyang dormitoryo, bumalik kami at hiniling sa ilang dalagita na hanapin siya doon, pero wala pa ring nangyari. Medyo dumidilim na at lalo kaming nag-alaala. Tinawag namin ang lahat ng binatilyo sa dormitoryo ng mga lalaki at gamit ang mga plaslayt na nagpatuloy sa paghahanap sa kakahuyan. Nang lumalim na ang gabi-- takot, alalang-alala, at malat na sa pagtawag--naipasiya naming panahon na para iulat ang kakatwang birong ginawa namin sa mga tagapag-alaga ng parke. Habang nakatayo kami sa harapan ng mga dormitoryo, pinipilit na alamin kung sino ang matapang na maglalakas-loob na mag-ulat ng pagkawala niya, biglang lumitaw si Jill--hindi mula sa kanyang dormitoryo, kundi mula sa dormitoryo ng isang kaibigan, na kasama niyang naghapunan (na hindi namin nagawa) at nakipagsaya siya noong gabing iyon sa kanyang mga kaibigan. Ang unang sinabi niya sa amin habang papalapit siya ang nagpalinaw nang lahat: "Mga kaibigan, nasiyahan ba kayo sa paghahanap sa mga 'snipe hunter'?" Kaya tigilan na iyang pag-aakala na ang mga tao sa malalaking lungsod ay walang alam sa kaugalian ng mga taga Kanluran. Kami ang naloko, at simula noo'y ayaw ko nang manghuli ng snipe.

Ngunit mayroong isa pang "snipe hunt" na nangyayari sa paligid natin, at maaaring tayo ang mga inosenteng biktima. Hindi ito isang biro, at hindi ito matatapos sa tawanan at kaunting pagkakaibigan. Si Satanas ang pinakamahusay na manlilinlang, sinungaling, at kalaban ng lahat ng mabuti, at ng ating kaligayahan at kapakanan. Ang marubdob niyang hangarin ay hadlangan ang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit at gawin tayong "kaaba-abang katulad ng kanyang sarili" (2 Nephi 2:27). Dahil siya mismo ang may-akda at pasimuno ng panlilinlang, nais niyang anyayahan tayong samahan siya sa panghuhuli ng snipe, upang punuin ang ating mga bag ng katuwaan, saya, katanyagan, at ng tinatawag na "masayang buhay." Ngunit ang mga pangako niya ay guni-guni lamang tulad ng mga snipe. Ang talagang inaalok niya ay mga kasinungalingan, kalungkutan, pagpapababa ng espirituwal, at kawalan ng pagpapahalaga sa sarili.

Ang paraan ng panghihikayat ni Satanas ay ang pag-aanyaya sa atin na "Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagka't mamamatay tayo bukas" (2 Ne. 28:7). Maaaring tila nakaaakit at nakakukumbinsi ang paanyaya niya. Inilarawan ni Nephi ang paraan niya ng panghihikayat na "payapa," "labis-labis na papuri," at "dahan-dahang pag-akay" habang sinasabi niyang "mainam ang lahat" (2 Ne. 28:21­22). Kabilang sa maraming bagay na ipalalagay ni Satanas sa mga bag natin ay ang imoralidad sa lahat ng anyo nito, pati na ang pornograpiya at pananalita, pananamit, at pag-uugali. Ngunit ang gayong masasamang gawa ay nagdudulot ng kalungkutan, kawalan ng espirituwalidad, kawalan ng paggalang sa sarili, at kawalan ng pagkakataong makapagmisyon o makasal sa templo, at maging ng pagbubuntis na hindi inaasam. Aalipinin tayo ni Satanas sa pagpapalagay sa ating bag ng mga bawal na gamot, alak, at tabako.

Sasabihin sa atin ni Satanas na AYOS lang ang lahat ng ito at "ginagawa naman ito ng lahat." Sasabihin niya sa atin na magdudulot ito ng katanyagan at pagtanggap. Maaaring maging kahali-halina ang mga pang-uudyok ni Satanas, lalo na sa kritikal na panahon ng buhay kung kailan gutom ang mga kabataan sa pagtanggap at katanyagan.

Gayunman, may mga tiyak na palatandaan na gagabay sa atin kung ano ang dapat iwasang ilagay sa ating mga bag. Makikilala ninyo ang mga palatandaang ito dahil ang mga ito'y pangkaraniwan at pamilyar--mga palatandaang tulad ng:

  • "Ginagawa ng lahat ito."

  • "Walang makaaalam."

  • "Hindi naman talagang nakakasakit ito kahit kanino."

  • "Wala namang masama kung minsan lang."

  • "Eh, ano?"

  • "Puwede ka namang magsisi kalaunan at makapagmisyon pa rin at makasal sa templo."

  • "Nagbayad-sala si Cristo para sa mga kasalanan mo; Patatawarin ka niya."

    Kapag ang gayong mga pangangatwiran ay sinasabi nang harap-harapan ng iba o palihim na ibinubulong ng manunukso, ikaw ay binabalaan. Huwag makinig. Huwag sumubok. Basta huwag mong gawin.

    Ang Diyos, na ating mapagmahal na Ama, na pinagmumulan ng lahat ng katotohanan, ay nagbabala sa atin tungkol sa panlilinlang ni Satanas. Pakinggan ninyo ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta:

  • Tinuruan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto: "Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya'y igigiba ng Dios, sapagka't ang templo ng Dios ay banal" (I Mga Taga Corinto 3:16­17).

  • Binalaan ni Jacob ang mga Nephita noong una: "Subalit sa aba, sa aba, sa inyo na hindi mga dalisay ang puso, na sa ngayon ay marurumi sa harapan ng Diyos" (Jacob 3:3).

  • Pinaalalahanan ni Alma ang kanyang suwail na anak na si Corianton, hinggil sa kasalanang seksuwal: "Hindi mo ba alam, anak ko, na ang mga bagay na ito ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon?" (Alma 39:5). At sinabi pa niya kay Corianton, "Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan" (Alma 41:10).

    Upang hindi natin isiping ang mga babalang ito ay noong panahon lamang ng Biblia, pakinggan ninyo ang sinabi ng ating makabagong propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley: "Sa kabila ng tinatawag na 'bagong moralidad,' sa kabila ng napakaraming talakayan tungkol sa pagbabago sa mga pamantayan ng moralidad, walang sapat na panghalili sa kabutihang-asal. Maaaring mahamon ang mga pamantayan ng Diyos saanmang dako ng daigdig, ngunit hindi pinawawalang-bisa ng Diyos ang Kanyang mga kautusan" ("With All Thy Getting Get Understanding," Ensign, Ago. 1988, 4; idinagdag ang diin).

    Kaya tinatanong natin ang ating sarili, "Sino ang paniniwalaan natin sa ating paghahanap ng kaligayahan at kagalingan?" Si Satanas ba, ang may-akda ng lahat ng kasinungalingan at panlilinlang, na ang tanging layunin ay wasakin tayo? O paniniwalaan ba natin ang isang mapagmahal na Ama sa Langit, na siyang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan at kaligayahan, na ang tanging layunin ay ang biyayaan tayo ng Kanyang walang hanggang pagmamahal at kagalakan?

    Maaaring nagmumula tayo sa hamak na mga kalagayan, hindi gaanong nakapag-aral, at marahil ay may mga naisagawa sa mundo na hindi natin maituturing na kahanga-hanga. At dahil sa panlilinlang ni Satanas, minsan ay nakadarama tayo ng kawalang-kahalagahan, kawalang-kabuluhan, o kawalang-kakayahan. Ngunit huwag nating kalimutan kailanman--tayo ang mga piniling magtaglay ng pagkasaserdote ng Diyos, tayo ang Kanyang tinawag, inordenang mga kinatawan, at iyan ang nagbibigay-halaga sa atin.

    Dahil sa Kanyang pagkasaserdote, tayo ay nabigyan ng kapangyarihan. Tayo ay mga maharlika. At may kapangyarihan tayong malaman ang pagkakaiba ng mga panlilinlang ni Satanas at mga tunay na alituntunin ng Diyos ukol sa kaligayahan. Dahil alam natin kung sino tayo at dahil tayo ay pinagkalooban ng Espiritu Santo at binigyang-kapangyarihan ng Kanyang pagkasaserdote, may lakas tayong sabihin lang na, "Hindi, Satanas, hindi ako magiging biktima ng iyong mapanlinlang, makamandag, at madalas na nakamamatay na snipe hunt." Pinatototohanan ko na "ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan" (Alma 41:10) at ang kasamaan ay hindi kailanman magiging kaligayahan. Pinatototohanan ko rin na ang ating kaligayahan at ang pagpapahalaga sa sarili ay nagmumula lamang sa pamumuhay ng mga alituntunin Niya na lumikha ng plano ng kaligtasan. Ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  •  
    © 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy