The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Ang Tipan ng Pagbibinyag: Ang Maging nasa Kaharian at para sa Kaharian

Ang Tipan ng Pagbibinyag: Ang Maging nasa Kaharian at para sa Kaharian

Elder Robert D. Hales
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Ang ating pagbibinyag at pagpapatibay ay ang daan patungo sa Kanyang kaharian. Kapag pumasok tayo, nakikipagtipan tayo na maging taga kaharian Niya--magpakailanman!"

Elder Robert D. Hales

Matapos makabawi mula sa tatlong matitinding operasyon na humadlang sa akin na makapagsalita sa nakaraang dalawang pangkalahatang komperensiya, nagagalak akong makatayo sa magandang Conference Center na ito ngayon upang magturo at magpatotoo sa lahat ng naghahangad na marinig ang salita ng Panginoon.

Sa nakaraang dalawang taon, naghintay ako na turuan ng Panginoon ng mga aral sa mundo sa mga panahon ng aking pagkakasakit, pagdadalamhati ng isip, at pagninilay-nilay. Natutuhan ko na ang paulit-ulit na matinding sakit ay napakahusay na pampadalisay na nagpapakumbaba sa atin at higit na nagpapalapit sa Espiritu ng Diyos. Kung makikinig tayo at susunod, gagabayan tayo ng Kanyang Espiritu at magagawa ang Kanyang kalooban sa pang-araw-aaw nating gawain.

May mga pagkakataong tuwiran akong nagtanong sa aking mga panalangin, gaya ng, "Anong mga aral ang gusto ninyong matutuhan ko sa mga karanasang ito?"

Habang pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan sa mahalagang bahaging ito ng aking buhay, naging manipis ang tabing at ang mga sagot ay ibinigay sa akin tulad ng pagkakatala nito sa buhay ng iba na nakaranas ng higit na matinding pagsubok kaysa sa akin.

"Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

"At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas" (D at T 121:7­8).

Ang madidilim na sandali ng kalungkutan ay mabilis na napawi ng liwanag ng ebanghelyo nang ang Espiritu ay nagdulot ng kapayapaan at kaaliwan kasama ang mga katiyakan na bubuti ang lahat.

Sa ilang pagkakataon, sinabi ko sa Panginoon na matututuhan ko ang mga araling ituturo at hindi na kinakailangan pang magdanas pa ako ng karagdagan pang paghihirap. Tila hindi nakatulong ang mga pagsusumamong iyon dahil nilinaw sa akin na ang nagpapadalisay na prosesong ito ng pagsubok ay dapat na tiisin sa panahon ng Panginoon at sa pamamaraan ng Panginoon. Ibang bagay ang ituro ang, "Mangyari nawa ang iyong kalooban" (Mat. 26:42). At iba naman ang ipamuhay ito. Natutuhan ko rin na hindi ako iiwang nag-iisa sa pagharap sa mga pagsubok at pagharap na ito, kundi may mga anghel na magbabantay at tutulong sa akin. May ilan na halos mistulang mga anghel sa katauhan ng mga doktor, nars, at higit sa lahat ng aking magiliw na asawang si Mary. At minsan-minsan, kapag ninais ng Panginoon, ako ay inaaliw ng mga pagdalaw ng mga hukbo ng langit na nagbigay ng ginhawa at walang hanggang pag-alo sa oras ng aking pangangailangan.

Bagaman ang pansarili kong paghihirap ay hindi maihahambing sa matinding paghihirap ng Tagapagligtas sa Getsemani, nakatamo ako ng higit na pang-unawa sa Kanyang Pagbabayad-sala at pagpapakasakit sa oras ng Kanyang paghihirap, nagsumamo Siya sa Kanyang Ama, "Ama ko, kung baga maaari ay lumampas sa akin ang sarong na ito gayon ma'y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo" (Mat. 26:39). Nagpadala ang Kanyang Ama sa Langit ng anghel upang palakasin at aliwin Siya sa oras ng Kanyang pangangailangan (tingnan sa Lucas 22:43).

Pinili ni Jesus na huwag lisanin ang mundong ito hanggang hindi pa Niya natatapos ang Kanyang pagdurusa at misyon na siyang ipinarito niyang gawin para sa sanlibutan. Doon sa krus sa kalbaryo, itinagubilin ni Jesus ang Kanyang espiritu sa Kanyang Ama sa simpleng pahayag na ito, "Naganap na" (Juan 19:30). Dahil nagtiis Siya hanggang wakas, Siya ay pinalaya mula sa mortalidad.

Tayo rin ay dapat na magtiis hanggang sa wakas. Itinuro ng Aklat ni Mormon, "Maliban sa ang tao ay magtiis hanggang wakas, sa pagsunod sa halimbawa ng Anak ng Diyos na buhay, siya ay hindi maaaring maligtas" (2 Ne. 31:16).

Ang mga karanasan ko sa nakalipas na dalawang taon ay nagpalakas sa aking espiritu at nagbigay sa akin ng tapang na lakasan pang lalo ang aking loob sa pagpapatotoo sa daigdig ng masisidhing damdamin ng aking puso. Nakatayo ako sa harapan ninyo ngayon na may pagpapasiyang ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo tulad ng ginawa ng mga sinaunang propeta--nang walang takot sa tao, maliwanag na nangungusap sa malinaw na pagsasalita, at nagtuturo ng mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo.

Batay diyan, nais kong magsalita kung paanong nag-aalis sa atin sa daigdig na ito ang pagbibinyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo patungo sa kaharian ng Diyos.

May isang pamilyar na taludtod. Ang maging nasa sanlibutan, ngunit hindi ng sanlibutan (tingnan sa Juan 17:11, 14­17). Ang buhay natin sa lupa ay kinakailangan upang maisakatuparan ang plano ng kaligtasan. Kinakailangan, kung gayon, na mamuhay sa daigdig na ito, ngunit kailangan din nating labanan ang mga makamundong impluwensiya na lagi nang nasa harapan natin.

Itinuro ni Jesus, "Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito" (Juan 18:36). Ang mga salitang ito ang nagtulak sa akin na pag-isipan pang mabuti ang tungkol sa Kanyang kaharian. Ipinalagay ko na kapag tayo ay bininyagan ng isang taong may angkop na karapatan sa pagkasaserdote sa pamamagitan ng paglulubog at piniling sumunod sa ating Tagapagligtas, tayo kung gayon ay nasa Kanyang kaharian at para sa Kanyang kaharian.

Hinihingi ng ating pagiging nasa kaharian ng Diyos ang pakikinig sa utos ng Panginoon na "Sumunod kayo sa akin" (2 Ne. 31:10). Itinuro ni Nephi na kailangan nating sundin si Jesus sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Ama sa Langit, "Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, makasusunod ba tayo kay Jesus maliban sa tayo ay nakahandang sumunod sa mga kautusan ng Ama?" (2 Ne. 31:10).

Sa pagbibinyag nakikipagtipan tayo sa ating Ama sa Langit na tayo ay nakahandang pumunta sa Kanyang kaharian at sundin ang Kanyang mga utos, mula sa araw na iyon, bagaman nabubuhay pa rin tayo sa daigdig na ito. Pinaaalalahanan tayo sa Aklat ni Mormon na ang ating pagbibinyag ay isang tipan na "tumayo bilang mga saksi ng Diyos [at ng Kanyang kaharian] sa lahat ng panahon, at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay man naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Mosias 18:9; idinagdag ang pagbibigay-diin.)

Kapag naunawaan natin ang ating tipan sa binyag at ang kaloob na Espiritu Santo, babaguhin nito ang ating buhay at tayo ay makakapiling ng Tagapagligtas sa kaharian ng Diyos. Kapag dumarating ang mga tukso sa ating landas, kung makikinig tayo, paaalalahanan tayo ng Espiritu Santo na tayo ay nangako na ating aalalahanin ang ating Tagapagligtas at susunod sa mga kautusan ng Diyos.

Si Pangulong Brigham Young ay nagsabi: "Ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay pumapasok sa bago at walang hanggang tipan kapag pumasok sila sa Simbahang ito. Nakikipagtipan sila na titigil sa pagsang-ayon, pagtangkilik at pagtatangi sa kaharian ng Diyablo at sa mga kaharian ng daigdig na ito. Pumapasok sila sa bago at walang hanggang tipan upang sang-ayunan ang Kaharian ng Diyos at wala nang iba pang kaharian. Nangangako sila nang taimtim, sa harap ng mga kalangitan at lupa . . . na sasang-ayunan nila ang katotohanan at kabutihan sa halip na kasamaan at kasinungalingan, at itatayo ang Kaharian ng Diyos, sa halip nang kaharian ng daigdig na ito" (Mga Turo ng Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1999] 62­63).

Ang pagpasok sa kaharian ng Diyos ay napakahalaga kung kaya si Jesus ay bininyagan upang ipakita sa atin ang "kakitiran ng pasukan, na [ating] dapat pasukin" (2 Ne. 31:9). "Sa kabila ng kanyang pagiging banal, ipinakikita niya sa mga anak ng tao na, ayon sa laman siya sa kanyang sarili ang nagpakumbaba sa harapan ng Ama, at pinatototohanan sa Ama na siya ay magiging masunurin sa kanya sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan" (2 Ne. 31:7).

Ipinanganak sa isang mortal na ina, bininyagan si Jesus upang isakatuparan ang kautusan ng Kanyang Ama na ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos ay dapat na mabinyagan. Ibinigay Niya ang halimbawa sa atin upang magpakumbaba tayo sa harapan ng ating Ama sa langit. Bininyagan siya upang patotohanan sa Kanyang Ama na Siya ay magiging masunurin sa Kanyang mga kautusan. Bininyagan siya upang ipakita sa atin na dapat nating tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa 2 Ne. 31:4­9).

Habang sinusunod natin ang halimbawa ni Jesus, maipakikita rin natin na tayo ay magsisisi at magiging masunurin sa mga kautusan ng Ama sa Langit. Nagpapakumbaba tayo na may bagbag na puso at nagsisising espiritu habang tinatanggap natin na nagkasala tayo at naghahangad ng kapatawaran sa ating mga kasalanan (tingnan sa 3 Ne. 9:20). Nakikipagtipan tayo na pumapayag tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Kanyang anak, at lagi Siyang alalahanin.

"Sapagkat ang pasukang inyong dapat pasukin ay pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig, at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo.

"At pagkatapos kayo ay nasa makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan" (2 Ne. 31:17­18).

Ito ang pangakong ibinigay sa atin nang pumasok tayo sa kaharian sa pamamagitan ng pagbibinyag at kapag ang mga kamay ay ipinapatong sa ating mga ulo, ang kaloob na Espiritu Santo ay iginawad sa atin, at tayo ay napagtibay na mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw--na ang ibig sabihin ay naging mga "kababayan ng mga banal" sa "sangbahayan ng Diyos" (tingnan sa Ef. 2:19) at lumakad sa panibagong buhay (tingnan sa Rom. 6:4).

Hindi natin maipagwawalang- bahala ang batas na ibinigay sa atin na turuan natin ang ating mga anak ng doktrina ng pagsisisi; pananampalataya kay Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos; at ang pagbibinyag at kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay kapag walong taong gulang, ang edad na may pananagutan na sila na itinalaga ng Diyos. Kailangang paghusayan natin ang pagtuturo sa ating mga anak at apo upang maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pagpasok sa kaharian ng Diyos dahil tayo ang pananagutin dito. Maraming miyembro ang hindi ganap na nakauunawa kung ano ang mangyayari kapag nagtungo sila sa mga tubig ng pagbibinyag. Napakahalaga para sa atin na maunawaan ang kahanga-hangang kaloob ng pagpapatawad ng mga kasalanan ngunit may higit pa riyan. Nauunawaan ba ninyo at nauunawaan ba ng inyong mga anak na kapag nabinyagan sila nabago na sila magpakailanman? Higit na nauunawaan ng mga miyembrong nasa hustong gulang ang pagbabagong ito sapagkat nararamdaman nila ang kaibahan habang sila ay umaalis sa daigdig patungo sa kaharian ng Diyos.

Kapag bininyagan tayo, tinataglay natin sa ating sarili ang banal na pangalan ni Jesucristo. Ang pagtaglay sa Kanyang pangalan ang isa sa mga pinakamahalagang karanasan natin sa buhay. Subalit minsan dumadaan tayo sa karanasang iyon nang walang ganap na pag-unawa.

Ilan ba sa ating mga anak--ilan ba sa atin--ang talagang nakauunawa na kapag tayo ay nabinyagan, hindi lamang ang pangalan ni Cristo ang tinaglay natin sa ating sarili kundi pati ang batas ng pagsunod?

Bawat linggo sa pulong sakramento nangangako tayong aalalahanin ang pagbabayad--salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas habang pinaninibago natin ang ating tipan sa binyag. Nangangako tayong gagawin ang ginawa ng Tagapag-ligtas--ang maging masunurin sa Ama at lagi Siyang alalahanin. Ang biyayang natatanggap natin bilang kapalit ay ang napapasaatin tuwina ang Kanyang Espiritu.

Ang kaloob na Espiritu Santo, na ibinigay sa atin nang tayo ay pinagtibay, ay nagbibigay sa atin ng kakayahang makita ang kaibahan ng mapagparayang katangian ng kaharian ng Diyos at sa sakim na kaugalian ng daigdig. Ibinibigay sa atin ng Espiritu Santo ang lakas at tapang na pangasiwaan ang ating sarili sa pamamaraan ng kaharian ng Diyos at siyang pinagmumulan ng ating patotoo sa Ama at sa Anak. Habang sinusunod natin ang kalooban ng ating Ama sa Langit, patuloy na mapapasaatin ang walang katumbas na kaloob na Espiritu Santo.

Kailangan nating makapiling ang Espiritu Santo sa tuwina upang tulungan tayong makapili nang mas mabuti sa mga pagpapasiyang kinakaharap natin araw-araw. Patuloy na napapaharap ang ating mga kabataang lalaki at babae sa di magagandang bagay ng daigdig. Magbibigay sa kanila ng lakas ang patnubay ng Espiritu upang labanan ang kasamaan, at kung kinakailangan, ang pagsisisi at pagbalik sa makipot at makitid na landas. Wala isa man sa atin ang hindi tinatablan ng mga panunukso ng kaaway. Kailangan nating lahat ng pagpapalakas na makukuha sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Dapat na mapanalanging anyayahan ng mga magulang ang Espiritu Santo upang manahan sa kanilang mga inilaang tahanan. Nakatutulong sa mga miyembro ng mag-anak ang kaloob na Espiritu Santo sa pagpili ng tama--mga pagpiling tutulong sa kanilang makabalik sa kanilang mga mag-anak, sa kanilang Ama sa Langit, at sa Kanyang Anak na si Jesucristo upang makasama sila magpakawalang-hanggan.

Pinagtitibay ng mga banal na kasulatan na ang mga tunay na napabalik-loob ay gumagawa ng higit pa sa pagtalikod sa mga pang-aakit ng daigdig. Minamahal nila ang Diyos at ang kanilang kapwa. Ang kanilang mga puso at isipan ay nakasentro sa pagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Mula sa sandali ng kanilang pagbabalik- loob, sina Enos, nakababatang Alma, Pablo, at iba pa ay buong-pusong bumaling sa pagpapabalik sa kanilang sarili at kanilang kapwa sa Diyos. Nawalan ng halaga ang makamundong kapangyarihan at ari-arian. Tinanggihan ng mga anak ni Mosias ang makamundong kaharian at inilagay sa panganib ang buhay nila para sa kapakanan ng iba. Ang matatapat na anak ay nahikayat sa pag-asa na matulungan nilang iligtas maging isang kaluluwa man lamang--nang sa gayon ay magkamit para sa kanilang sarili at mga kapatid ng lugar sa walang hanggang kaharian ng Diyos.

Sa pamamagitan ng pagpiling mapunta sa Kanyang kaharian, hinihiwalay natin--hindi inilalayo--ang ating sarili mula sa daigdig. Ang mga damit natin ay magiging disente, dalisay ang ating isip, malinis ang ating pananalita. Ang mga pelikula at telebisyong pinanonood natin, ang musikang pinakikinggan natin, ang mga aklat, magasin, at mga pahayagang binabasa natin ay makapagbibigay-inspirasyon. Pipili tayo ng mga kaibigang maghihikayat sa ating walang hanggang layunin, at pakikitunguhan nang mabuti ang iba. Iiwasan natin ang mga bisyo ng imoralidad, sugal, tabako, alak, at bawal na gamot. Kakikitaan ng kautusan ng Diyos ang mga panlinggo nating aktibidad na alalahanin ang araw ng Sabbath at gawin itong banal. Susundin natin ang mga halimbawa ni Jesucristo sa pamamaraan ng pakikitungo natin sa iba. Mamumuhay tayo sa paraang magiging karapat- dapat tayo upang makapasok sa bahay ng Panginoon.

Magiging uliran tayo "ng mga nagsasampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan" (1 Tim. 4:12).

Nakatatanggap tayo ng "malaking pagbabago . . . sa [ating] mga puso, kaya nga [tayo]ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti . . . sa lahat ng nalalabi [nating] mga araw" (Mosias 5:2, 5).

Ipakikita natin na tayo ay nahahandang . . . matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa't isa, nang ang mga yaon ay gumaan.

"Oo at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw" (Mosias 18:8­9).

Hinihikayat ko ang lahat ng magulang na ihanda ang inyong mga anak at ang mga misyonero na ihanda ang inyong mga napabalik-loob sa sagradong ordenansa ng binyag. Ituro ang kahalagahan nito nang sa gayon ay makintal sa espirituwal nilang alaala ang kanilang binyag sa mga nalalabing araw ng kanilang buhay. Dalhin sila linggu-linggo sa pulong-sakramento upang sariwain ang kanilang mga tipan sa binyag sa pamamagitan ng ordenansa ng sakramento. Maging mabuting halimbawa nila at tularan ito. Ituro sa kanila na dahil sa pagbibinyag at sa kaloob na Espiritu Santo, dapat na mabago ang pananaw nila sa daigdig. Isang malaking pagbabago ang dapat na mamayani sa kanilang mga puso at sa kanilang mga isipan upang sila ay makaiwas sa mga panunukso ng daigdig at mula sa araw na iyon ay ilagay sa kanilang "puso, kakayahan, pag-iisip at lakas" (D at T 4:2) na mapabilang sa kaharian ng Diyos.

Nagpapasalamat ako sa aking binyag at pagpapatibay sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagpapasalamat ako sa espirituwal na lakas at gabay na ibinigay ng kaloob na Espiritu Santo sa buong buhay ko. Nagpapasalamat ako sa mabubuting magulang at guro, na nagkintal sa akin ng kahalagahan ng pagbibinyag kaya't ang alaala at damdamin ng pangyayaring iyon ay naging walang maliw na impluwensiya sa aking buhay.

Pinatototohanan ko ang kabanalan ng ebanghelyo, na ipinanumbalik sa mga huling araw na ito. Pinatototohan ko ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang bisa at kapangyarihan ng pagkasaserdote at ang ordenansa ng ebanghelyo nito. Idinadalangin ko na ang bawat isa sa atin bilang miyembro ng Kanyang kaharian ay maunawaan na ang ating pagbibinyag at pagpapatibay ay siyang daan patungo sa Kanyang kaharian. Kapag pumasok tayo, nakikipagtipan tayo na maging para sa kaharian Niya--magpakailanman! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy