The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Ang Kalaban sa Ating Sarili

Ang Kalaban sa Ating Sarili

Pangulong James E. Faust
Ikalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

"Kailangang magsanay ang bawat isa sa atin na maging matapang, disiplinado, at matapat na saserdote na handa at taglay ang mga wastong sandata upang labanan ang kasamaan at manalo."

Pangulong James E. Faust

Mahal kong mga kapatid sa pagkasaserdote, ipinaaabot ko ang aking pagmamahal at pagpapahalaga sa bawat isa sa inyo. Pinasasalamatan namin ang lahat ng ginagawa ninyo upang pasulungin ang banal na gawaing ito sa buong mundo. Ikinararangal kong mapabilang sa inyo.

Bago pa nilikha ang mundo, isang malaking digmaan sa langit ang nagsimula sa pagitan ng mga puwersa ng mabuti at masama.1 Mas matindi pa ngayon ang digmaang iyon. Si Satanas pa rin ang kapitan ng mga kampon ng kasamaan. Tinutukso pa rin niya tayo gaya ng ginawa niya kay Moises, na nagsasabing, "Anak ng tao, sambahin mo ako."2 Bilang mga maytaglay ng pagkasaserdote, pinakikilos tayo sa malaking hukbo ng kabutihan upang labanan ang mga puwersa ni Lucifer. Kailangang magsanay ang bawat isa sa atin na maging matapang, disiplinado, at matapat na mga saserdote na handa at taglay ang mga wastong sandata upang labanan ang kasamaan at manalo. Sinabi ni Pablo na ang mga sandatang ito ay "ang baluti ng katuwiran," "kalasag ng pananampalataya," "turbante ng kaligtasan," at "ang tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Diyos."3

Ngayong gabi ay nais kong magsalita tungkol sa pakikidigma natin sa ating sarili. Tinuruan tayo ni Pangulong Joseph F. Smith na: "Matatagpuan natin sa ating sarili ang ating unang kalaban. Makabubuting daigin muna ang kalabang iyon at magpasailalim tayo sa kalooban ng Ama at sa mahigpit na pagsunod sa mga prinsipyo ng buhay at kaligtasan na ibinigay Niya sa mundo para sa kaligtasan ng sangkatauhan."4 Sa madaling salita, ang ibig sabihin nito ay kailangan nating palakasin ang kabutihan sa ating sarili at daigin ang mga tukso ni Satanas. Sigurado ang panghanap ng direksiyon. Sinasabi sa atin ni Alma, "Ano mang mabuti ay nagbubuhat sa Diyos; at ano mang masama ay nagbubuhat sa diyablo."5

Nailarawan ni Robert Louis Stevenson ang ganitong patuloy na pakikibaka ng kabutihan sa kasamaan sa nobela tungkol kina Dr. Jekyll at Mr. Hyde. Sinasabi sa atin ng kuwento na sa simula "si Dr. Jekyll ay isang iginagalang na doktor sa London, isang mabuti at mabait na tao, na noong kabataan ay kinakitaan ng pagkahilig sa kasamaan na, gayunman, ay nagawa niyang pigilin. Dahil interesado sa droga, nakasumpong ang doktor ng isang nagpapabago sa kanyang panlabas na anyo na nagiging kasuklam-suklam na unano, na larawan mismo ng kasamaan, na tinawag niyang Mr. Hyde. Ang droga ding iyon ang magpapabalik sa kanyang dating anyo at pagkatao bilang kagalang-galang na doktor. Maraming ulit na nagiging si Mr. Hyde ang doktor, na lalong nagpapalakas sa bahaging ito ng kanyang pagkatao. Nahihirapan nang husto si Jekyll na mabawi ang dati niyang mabuting katauhan at natatagpuan ang sariling nagiging si Hyde kahit hindi gamit ang droga."6 Sa katauhan ni Mr. Hyde, pumapatay siya, at nang hindi na siya maibalik ng droga sa dating mabait na si Dr. Jekyll, natuklasan ang katotohanan at nagpakamatay si Hyde. Ang di-wastong paggamit ng droga ang sumira sa kanyang buhay. Maaari ding magkagayon sa tunay na buhay.

Ngayon ang susi sa hindi pagiging masama kailanman ay kailangang malaman ng masamang si Mr. Hyde na hindi dapat sumuko sa mapanirang tukso. Huwag na huwag sumubok ng anumang bagay na nakasusugapa. Huwag kailanman gumamit ng anumang uri ng tabako o anumang nakaaaliping sangkap. Umiwas sa nakalalasing na alak. Ang pagkasugapa ay nagdudulot ng mga nakalulunos na pangyayari na mahirap pigilan.

Ang mga biyaya ay nagmumula sa pagiging tapat sa ating mga prinsipyo. Noong pangulo pa ako ng istaka ng Cottonwood, isa sa mga patriyarka ng aming istaka si Dr. Creed Haymond. Paminsan-minsan ay nagbibigay siya ng malakas na patotoo tungkol sa Salita ng Karunungan. Noong kabataan niya siya ang kapitan ng koponan sa karerahan ng Unibersidad ng Pennsylvania. Noong 1919, naanyayahan ang koponan ni Brother Haymond na lumahok sa taunang paligsahan ng karera ng Inter-Collegiate Association. Noong gabi bago ang paligsahan ang kanyang tagasanay na si Lawson Robertson, na siyang nagsanay sa maraming koponan sa Olympics, ay sinabihan ang mga miyembro ng kanyang koponan na uminom ng alak. Noong panahong iyon, ang mga tagasanay ay nagkamali sa pag-aakalang ang alak ay nagpapasigla ng kalamnang pinatigas ng mahigpitang pagsasanay. Lahat ng miyembro ng koponan ay uminom, samantalang tumanggi si Brother Haymond dahil itinuro sa kanya ng kanyang mga magulang ang Salita ng Karunungan. Nabalisa nang husto si Brother Haymond dahil ayaw niyang maging suwail sa kanyang tagasanay. Makikipaglaban siya sa pinakamabibilis na lalaki sa mundo. Paano kung hindi maging maganda ang pagtakbo niya kinabukasan? Paano niya haharapin ang kanyang tagasanay?

Kinabukasan sa paligsahan ang lahat ng miyembro ng koponan ay may sakit at natalo sa paligsahan o napakasama ng katawan para tumakbo. Gayunman, si Brother Haymond ay maayos ang pakiramdam at nanalo sa pang-100- at 200-yardang takbuhan. Sinabi ng tagasanay sa kanya, "Katatakbo mo pa lang ng dalawang daan at dalawampung yarda na pinakamabilis na tinakbo ng sinumang tao." Nang gabing iyon at sa buong buhay niya ay nagpasalamat si Creed Haymond sa kanyang simpleng pananampalataya sa pagsunod sa Salita ng Karunungan.7

Sa serbisyong militar noong Ika-II Digmaang Pandaigdig, nakisalamuha ako sa ilang matatalinong kabataang may naghihintay na magandang bukas. Ngunit unti-unti, nakita ko ang pagbabago ng ilan sa kanila mula sa pagiging disente, may takot sa Diyos na si Dr. Jekyll, tungo sa pagiging masamang tulad ni Mr. Hyde. Sa ilan, nagsimula iyon sa pag-inom ng kape dahil marumi ang tubig, at ang mga tabletang pampalinis ng tubig ay hindi maganda ang lasa. Ang kape ang umakay sa iba na uminom paminsan-minsan ng serbesa. Bawat sundalong naglilingkod sa ibayong-dagat ay may rasyong sigarilyo at paminsan-minsang bote ng alak na nagkakahalaga ng malaki-laking salapi.

Minsa'y ibinigay ni Pangulong George Albert Smith ang payong ito: "Kung tatawid kayo nang isang pulgada sa panig ng linya ng diyablo, mapapasailalim kayo ng kapang- yarihan ng manunukso, at kung magtatagumpay siya, hindi na kayo makapag-iisip o makapangangatwiran pa nang wasto, dahil mawawala sa inyo ang espiritu ng Panginoon."8 Ilang sundalo ang nanatili sa ligtas na panig ng linya at hindi kailanman sumubok ni nakibahagi sa mga nakaaaliping sangkap na ito, kahit na libre pa itong ibinibigay sa atin. Ngunit ang iba ay susubok ng sigarilyo o alak bilang paglilibang habang nasa digmaan. Ang ilan naman ay nahatak sa imoralidad sa paniniwalang ang hirap ng digmaan ay sapat na katwiran sa pagbaba ng kanilang mga pamantayan at pagpapanaig sa Mr. Hyde na bahagi ng kanilang katauhan.

Pagkatapos ng digmaan, nabatid ng mga naging sugapa sa tabako, alak, at imoralidad na hindi nila madaling maiwaksi ang mga pangit na pag-uugaling ito. Ang mga kabataang lalaki na nagsimulang magpakita ng katalinuhan ay unti-unting tumawid sa linyang ito, na umagaw sa kanila at sa kanilang mga pamilya ng pangakong kaligayahan at sa halip ay nakaranas sila ng diborsiyo, wasak na mga pamilya, at sama ng loob.

Ang mga hindi nagbaba ng kanilang mga pamantayan ay hindi nagpadala sa mga pagkasugapang ito. Nalusutan nila ang hirap ng buhay na mas matatag at mas handang mamuhay nang makabuluhan, uliran, at maligaya bilang matatapat na ama at lolo ng matwid na mga pamilya. Naglingkod din sila bilang mararangal at kagalang-galang na mga pinuno sa Simbahan at sa pamayanan.

Isa pang maling pilosopiya na nakaaakit sa Mr. Hyde na panig ng ating pagkatao ay na walang masama sa pagsilip sa pornograpiya. Ito ay malaking panlilinlang. Ang pornograpiya ay kasingtindi ng pagkasugapa sa cocaine o anumang ilegal na droga. Kamakailan ay nakatanggap ako ng isang nakapanlulumong liham mula sa isang itiniwalag na lalaki. Ang kaluluwa niya ay puno ng lungkot at pagsisisi. Sa kanyang pahintulot, sisipiin ko ang sumusunod mula sa kanyang liham: "Sana'y mapagtibay ng liham na ito sa sinumang may pag-aalinlangan na ang landas ng kapahamakan ay umaani lamang ng lungkot at pighati at walang pagkakasalang karapat-dapat sa katumbas na halagang ito."

Nagpatuloy siya sa pagsasabing: "Dinulutan ko ng pighati at lungkot ang aking sarili. Ngayon ko lamang natanto ang malaking kapahamakang idinulot ko sa aking sarili. Walang makasarili o sakim na pagnanasa ang karapat-dapat na maging kapalit ng pagkawala ng inyong pagiging miyembro sa Simbahan. Nadulutan ko ng matinding pighati ang aking asawa at dalawang napakabuting anak. Nagpapasalamat ako sa dakilang pagsisikap ng aking asawa na tulungan akong daigin ang aking mga pagkakasala. Ang asawa ko ang naging biktima ng aking mga kasalanan at nagtiis siya ng matinding lungkot at pagdurusa. Kinasasabikan ko ang araw na makabalik ako sa Simbahan ng Panginoon at ang aming mag-anak ay maging pangwalang- hanggang mag-anak."

Nagpatuloy ang liham na ito sa pag-amin na: "Ang aking mga kasalanan ay bunga ng pagkasugapa ko sa pornograpiya noong bata pa ako. Walang alinlangan na nakasusugapa ang pornograpiya at ito ay lason. Kung nalaman ko lang nang maaga sa buhay ko na supilin ang aking sarili, miyembro na sana ako ng Simbahan ngayon."

Isa sa mga panlilinlang ni Mr. Hyde ay ang tinatawag ng iba na "pinag-isipang pagsisisi." Walang gayong doktrina sa Simbahang ito. Medyo nakaaakit ang tunog nito, ngunit ang totoo'y mapanganib at mali ang konseptong ito. Ang layunin nito ay hikayatin tayong maaari tayong sumuway sa pag-aakalang ang mabilis na pagsisisi ay magpapahintulot sa ating tamasahin ang buong pagpapala ng ebanghelyo, gaya ng mga biyaya ng templo o misyon. Ang tunay na pagsisisi ay maaaring maging matagal at mahirap na proseso. Ang kalokohang doktrinang ito ay nakini-kinita ni Nephi.

"At marami rin ang magsasabi: "Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya; gayon pa man, matakot sa Diyos--kanyang bibigyan ng katwiran ang paggawa ng kaunting kasalanan; oo, magsinungaling nang kaunti, pagsamantalahan ang isa dahil sa kanyang mga salita, humukay ng hukay para sa iyong kapwa; walang masama rito; at gawin ang lahat ng bagay na ito, sapagkat bukas tayo ay mamamatay; at kung tayo man ay may kasalanan, hahagupitin tayo ng Diyos ng ilang palo, at sa wakas tayo ay maliligtas sa kaharian ng Diyos."9

Sa lahat ng nagtuturo ng doktrinang ito ay sinabi ng Panginoon, "Ang dugo ng mga banal ay daraing mula sa lupa laban sa kanila."10 Ito ay dahil sa ang lahat ng ating tipan ay hindi lamang dapat tanggapin sa mga ordenansa, kundi upang maging pangwalang-hanggan, dapat ding ibuklod ito ng Banal na Espiritu ng Pangako.11 Ang banal na pagsang-ayon ay nakapatong sa ating mga ordenansa at tipan sa pamamagitan lamang ng ating katapatan. Ang mga maling ideya na tinatawag na pinag-isipang pagsisisi ay kinasasangkutan ng isang elemento ng panlilinlang ngunit hindi malilinlang ang Banal na Espiritu ng Pangako.

Ang ilang tao ay nagkukunwaring disente at nagpapakitang-tao ngunit namumuhay sa panlilinlang, naniniwalang, gaya ni Dr. Jekyll, makapamumuhay sila nang gayon nang hindi natutuklasan. Sabi ni Santiago, "Ang taong may dalawang akala ay walang tiyaga sa lahat ng kaniyang mga paglakad."12 Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang kuwento tungkol kay Corianton na nagmisyon sa mga Zoramita kasama ang kanyang ama at kapatid na lalaki. Ang dalawang buhay niya ay naging dahilan upang talikuran niya ang kanyang misyon at magdalamhati ang kanyang ama, "O anak ko, anong laking kasamaan ang dinala mo sa mga Zoramita; sapagkat nang makita nila ang iyong inaasal ay hindi sila naniwala sa aking mga salita."13

Ang mga mapagpaimbabaw ay yaong nagkukunwaring mabubuti sa labas ngunit sa loob ay nabubuhay sa kasamaan at panlilinlang. Ganito ang mga escriba at Fariseo na lumapit sa Tagapagligtas na kunwari'y nakokonsensiya at naghahangad ng Kanyang matalinong payo. "Guro," sabi nila na nambobola, "nalalaman naming ikaw ay totoo, at itinuturo mong may katotohanan ang landas ng Diyos, at hindi ka nangingimi kanino man: sapagka't hindi ka nagtatangi ng tao."

Sa panlolokong ito ay inasahan nilang hulihin Siya nang magtanong sila: "Sabihin mo nga sa amin, Ano sa akala mo? Matuwid bagang bumuwis kay Cesar, o hindi?"

Ang tanong nila ay puno ng masamang layon dahil isa sa mga pinakamasaklap na batas ng Romano ay ang buwis. Kung sumagot Siya ng "Oo," tatagurian siyang taksil ng mga Judio. Ngunit kung ang sagot Niya ay "Hindi," isusuplong Siya sa salang pagtataksil sa pamahalaan. "Datapuwa't napagkikilala ni Jesus ang kanilang kasamaan, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ako tinutukso, kayong mga mapagpaimbabaw?"

Hinilingan Niya sila na ipakita sa Kanya ang isang piseta at tapos ay nagtanong, "Kanino ang larawang ito at ang nasusulat?" Sumagot sila, "Kay Cesar" at pinatahimik Niya ang mga mapagpaimbabaw na Fariseo sa di-malilimutang tugong ito, "Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Dios ang sa Dios."14 Tayo ay nasa mundo, ngunit hindi tayo dapat madaig ng pagkukunwari at panlilinlang na naririto.

Ang katotohanan tungkol sa kung sino tayo at ano ang ating ginagawa ay mababatid sa dakong huli. Ibinigay sa atin ng Panginoon ang payapang paalalang ito: "Sapagkat ang kanilang mga kasamaan ay ipagsisigawan sa mga bubungan, at ang kanilang lihim na gawain ay ihahayag."15 Dahil nabubuhay tayo sa isang kapaligirang manhid sa moralidad nahihirapan tayong sabihin sa ating sarili at sa iba na mali ang ating mga kilos.

Mga kapatid, mapoprotektahan natin ang ating sarili sa kalaban na nasa atin ding sarili sa pamamagitan ng paggamit ng pananggol na balabal ng pagkasaserdote ng Diyos. Bawat isa sa atin ay kailangang gamitin ang dakilang kapangyarihan ng banal na pagkasaserdote sa ating buhay. Nangangahulugan ito ng araw-araw na paggamit sa banal na kalayaang ito upang pagpalain ang iba habang ginagampanan natin ang ating pagtuturo sa tahanan, pagsasagawa ng mga ordenansa, at pagdaraos ng gabing pantahanan ng mag-anak. May misyon tayong lahat na dalhin ang mensahe ng kaligtasan sa mundo, isang misyon na ginagampanan natin sa pamamahala ng ating Pangulong si Gordon B. Hinckley, na mayhawak ng lahat ng susi ng pagkasaserdote sa mundo sa panahong ito. Ngunit hindi natin maisasakatuparan ang misyong ito maliban kung lahat tayo ay mananalo sa pakikidigma sa ating sarili. Kapag nangyari ito, maisusukbit natin ang buong kagayakan ng Diyos at tatanggapin ang mga biyayang nakapaloob sa pangako at tipan ng pagkasaserdote. Ipinangako ng Panginoon na "lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako . . .

"At siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama;

"At siya na tumatanggap sa aking Ama ay tinatanggap ang kaharian ng aking Ama; kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya."16

Ang kadakilaan sa kaharian ng Ama ay kinabibilangan ng mga kaharian, luklukan, nasasakupan, pamunuan, at kapangyarihan na walang katapusang nag-iibayo.17 Na lahat tayo ay magpunyaging daigin ang kalaban sa ating sarili upang matanggap natin ang mga biyayang ito, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa Apoc. 12:4­9; Moises 4:1­4; Abr. 3:24­28; D at T 29:36­38; Isa. 14:12­20; Lucas 10:18.
2. Moises 1:12.
3. Tingnan sa Efeso 6:14­17.
4. Teachings of Presidents of the Church: Joseph F. Smith (1998), 371­72.
5. Alma 5:40.
6. Thesaurus of Book Digests, (1949), 206.
7. Tingnan sa "Speed and the Spirit," ni Joseph J. Cannon, Improvement Era, Okt. 1928, 1001­ 7.
8. Sharing the Gospel with Others, pinamatnugutan ni Preston Nibley (1948), 43.
9. 2 Ne. 28:8.
10. 2 Ne. 28:10.
11. Tingnan sa D at T 132:7.
12. Santiago 1:8.
13. Alma 39:11.
14. Mat. 22:16­21.
15. D at T 1:3.
16. D at T 84:35, 37­38.
17. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 82­83.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy