Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan
"Kapag nililingon ko ang nakaraan, nakikita ko ang isang pinagmulan ng aking kakaibang lakas at pagpapala. ito ay ang aking patotoo at kaalaman na si Jesus ang Cristo."
Minamahal kong mga kapatid at mga kaibigan, matanda na ako. Kapag nililingon ko ang nakaraan, nakikita ko ang isang pinagmumulan ng aking kakaibang lakas at pagpapala. Ito ay ang aking patotoo at kaalaman na si Jesus ay ang Cristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. Lubos ang pasasalamat ko na sa buong buhay ko'y nagkaroon ako ng simpleng paniniwala na si Jesus ay ang Cristo. Ang patotoong iyan ay pinatunayan sa akin nang napakaraming ulit. Ito ang pinakamataas na kaalaman ng aking kaluluwa. Ito ang espirituwal na tanglaw ng aking pagkatao. Ito ang batong panulok ng aking buhay.
Bilang isa sa pinakamaliit sa inyo at sa katungkulan ko bilang isa sa Kanyang mga apostol, pinatototohanan ko na si Cristo ang ating Tagapagligtas at ang Manunubos ng daigdig. Yamang ang patotoong ito'y nalikha ng mga karanasan ko sa buhay, kinakailangang ibahagi ko ang aking mga personal na karanasan. Ngunit ang patotoong ito'y akin at nadarama kong batid ng Tagapagligtas na alam kong Siya ay buhay.
Ang unang batong panulok ng aking patotoo ay nailatag noon pa man. Ang isa sa alaala ko noong bata pa ay ang pagkakaroon ko ng bangungot. Naaalala ko pa itong mabuti. Marahil ay nagsisigaw ako sa takot sa kalagitnaan ng gabi. Ginising ako ng lola ko. Umiiyak ako, at kinuha niya ako't niyakap, at inalo ako. Kumuha siya ng isang mangkok ng paborito kong rice pudding na tira sa hapunan, at kumandong ako sa kanya at sinubuan niya ako. Sinabi niya sa akin na ligtas kami sa loob ng aming bahay dahil binabantayan kami ni Jesus. Dama kong totoo ito noon at pinaniniwalaan ko pa rin ito ngayon. Napanatag ang aking katawan at kaluluwa at payapang nagbalik sa higaan, nakatitiyak sa banal na katotohanang tunay na binabantayan kami ni Jesus.
Ang unang di malilimutang karanasang iyon ay nagdulot ng iba pang malalakas na pagpapatibay na buhay ang Diyos at si Jesus ang ating Panginoon at Tagapagligtas. Marami sa mga ito ang dumating bilang kasagutan sa taimtim na panalangin. Noong bata pa ako, kapag nawawalan ako, tulad ng mahal kong lanseta, ay nalaman ko na kung taimtim akong mananalangin ay mahahanap ko ito. At lagi kong nahahanap ang mga nawawalang baka na ipinagkatiwala sa akin. Minsa'y kailangan kong magdasal nang maraming beses, ngunit tila palaging nasasagot ang aking mga dalangin. Minsan ang sagot ay hindi, ngunit kadalasan iyo'y positibo at nagpapatunay. Kahit ang sagot ay hindi, napag-alaman ko na, sa dakilang karunungan ng Panginoon, ang sagot na aking natatanggap ay para sa aking ikabubuti. Ang pananampalataya ko'y patuloy na tumitibay tulad ng mga blokeng gamit sa pagtatayo ng gusali ay nadaragdag sa batong panulok, ng taludtod sa taludtod at ng tuntunin sa tuntunin. Napakarami ng mga ito kung isa-isang ililista; ang ilan ay napakasagrado upang banggitin.
Ang mga murang binhi na ito ng pananampalataya ay lalo pang umusbong nang, bilang batang lalaki sa Pagkasaserdoteng Aaron, ay nakatanggap ako ng personal na pagpapatibay sa kahanga-hangang patotoo ng tatlong saksi hinggil sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Ang pangulo ng istaka ko noon ay si Pangulong Henry D. Moyle at ang kanyang ama ay si James H. Moyle. Kapag tag-araw ay dinadalaw ni Brother James H. Moyle ang kanyang mag-anak, at sumasamba siyang kasama namin sa aming maliit na purok sa timog-silangan ng Salt Lake Valley.
Isang araw ng Linggo, si Brother James H. Moyle ay nagbahagi sa amin ng isang kakaibang karanasan. Noong binata pa siya pumasok siya sa University of Michigan upang mag- aral ng abogasiya. Nang papatapos na siya sa pag-aaral, sinabi sa kanya ng kanyang ama na si David Whitmer, isa sa mga saksi ng Aklat ni Mormon, ay buhay pa. Iminungkahi ng ama sa kanyang anak na sa pagbabalik niya sa Salt Lake City ay dalawin niya mismo si David Whitmer. Ang layon ni Brother Moyle ay tanungin siya tungkol sa kanyang patotoo hinggil sa mga gintong lamina at Aklat ni Mormon.
Sa kanyag pagdalaw ay sinabi ni Brother Moyle kay David Whitmer, "Ginoo, matanda na po kayo at ako'y bata pa. Pinag-aaralan ko po ang tungkol sa mga saksi at patotoo. Sana'y sabihin ninyo sa akin ang totoo hinggil sa patotoo n'yo bilang isa sa mga saksi ng Aklat ni Mormon." Sa gayo'y sinabi ni David Whitmer sa binata, "Oo, nahawakan ko ang mga gintong lamina, at ipinakita iyon sa amin ng isang anghel. Ang patotoo ko sa Aklat ni Mormon ay tunay." Si David Whitmer ay hindi miyembro ng Simbahan, subalit hindi niya kailanman itinatwa ang kanyang patotoo tungkol sa pagdalaw ng anghel, ang paghawak sa mga gintong lamina, ni ang katotohanan ng Aklat ni Mormon. Ang pagkarinig ko sa kahanga-hangang karanasang ito mula mismo sa mga labi ni Brother Moyle ay nagkaroon ng mabisa at nagpapatibay na epekto sa aking tumitibay na patotoo. Dahil narinig ko ito, nadama kong may pananagutan ako sa pagkatanggap ng makapangyarihang patotoo na ito.
Ang isa sa mga saligang bato ng aking patotoo ay dumating noong unang magmisyon ako sa Brazil. Binata pa ako noon. Hindi mabunga at mahirap ang aming gawain noon. Hindi namin nakinita ang malawakang pagbuhos ng Espiritu ng Panginoon na dumating sa bansang iyon at sa mga karatig na bansa ng South America, Central America, at Mexico sa pagitan ng mga taong iyon. Noong nakaraang animnapung taon ay iisa lamang ang istaka sa lahat ng bansang ito. Ngayo'y mayroon nang 643 mga istaka sa Latin America. Naniniwala akong nagsisimula pa lamang ito. Hindi ko naisip na mangyayari ito dito. Isa ito sa maraming himala na nakita na natin. Pinatototohanan ko na ang lahat ng ito'y hindi mangyayari kung hindi namagitan ang Panginoon. Siya ang nagbabantay sa banal na gawaing ito, hindi lamang sa Latin America, kundi maging sa lahat ng mga bansa ng daigdig.
Sa buhay ko'y nakatagpo ako ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan na higit kaysa sa inasam ko't pinangarap. Ang isa sa mga dakilang pagpapala ng aking buhay ay ang makasal sa isang hinirang na anak ng Diyos. Mahal ko siya ng buong puso ko't kaluluwa. Ang pagsuporta niya ang siyang nagpalakas sa akin.1 Ikinasal kami sa Templo sa Salt Lake 57 taon na ang nakalilipas noong sundalo pa ako sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi ko alam noon kung makababalik pa ako nang buhay. Ang kanyang malakas at di-natitinag na pananampalataya at suporta ang nakapagpalakas sa sarili kong patotoo sa mga sandali ng paghamon at kahirapan. Ang pangakong makakamtan sa aking paglalakbay sa walang hanggan, kung papalarin ako, ay magiging kalugud-lugod kung siya'y nasa aking tabi.
Ang isa pang dakilang pagpapala sa aking buhay ay ang pagkakaroon ng mga anak bagama't inisip naming maaaring hindi kami kailanman magkaroon nito. Nadagdagan ang aming galak sa aming mga apo at apo sa tuhod. Tanging sa pamamagitan ng kapangyarihan ng basbas ng pagkasaserdote ito nangyari.
Kasabay ng mga pagpapala'y dumanas din ako ng mahihirap na hamon at pighati. Nagpapasalamat ako sa mga aral na natutuhan sa mga pagsubok na ito. Noong binata pa ako'y nabuhay ako sa panahon ng kahirapan sa ekonomiya, kung kailan ay nalugi ang mga bangko at marami ang nawalan ng trabaho at tahanan at nangagutom. Pinalad akong makapagtrabaho sa pabrika ng de-lata na nagpasahod ng 25 sentimo bawat oras. Iyon lang siguro ang katumbas kong halaga! Ngunit nakatulong iyon sa pag-aaral ko. Tatlong taon akong naglingkod sa militar sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Minsan nang muntik nang tumaob ang aming barko sa malakas na unos sa Pasipiko, inihabilin ko sa Panginoon ang sarili ko at taimtim na nangako sa Kanya na kung makaliligtas ako'y sisikapin kong paglingkuran Siya habambuhay.
May mga pagkakataong nadapa ako at hindi naabot ang dapat kong kinalagyan. Nararanasan nating lahat ang masasakit, mapanuri ng pagkatao, at mahihirap na desisyon na nagtutulak sa atin sa mas mataas na antas ng espirituwalidad. Ito ang mga Getsemani ng ating buhay na may kasamang matinding hirap at hapis. Minsa'y lubhang sagrado ang mga ito upang ibahagi sa publiko. Ang mga ito ang napakahahalagang karanasan na tumutulong upang linisin ang ating di-matwid na paghahangad sa mga bagay ng daigdig. Sa pagkapawi ng kaliskis ng kadiliman mula sa ating mga mata, mas malinaw nating nakikita kung sino tayo at kung ano ang mga responsibilidad natin hinggil sa ating banal na tadhana.
Mapagpakumbaba kong kinikilala ang maraming karanasang ito na nagpalago sa tiyak na kaalaman na si Jesus ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Narinig ko ang Kanyang tinig at nadama ang Kanyang impluwensiya at presensiya. Ang mga ito'y tulad ng mainit na espirituwal na balabal. Kagila-gilalas na ang lahat ng nagsisikap na mabuti na tuparin ang mga kautusan at nagtataguyod sa kanilang mga pinuno ay makatatanggap kahit paano ng kaalamang ito. Ang pribilehiyong makapaglingkod sa Guro ay makapagdudulot ng kasiyahan at kapayapaan ng kalooban.
Ang nagkakaisang patotoo at pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan noon ang naghatid sa kanila mula sa Palmyra patungong Kirtland, at mula Nauvoo patungong Salt Lake Valley. Sa huli ang pananampalatayang iyon ang magtatatag ng gawaing ito sa buong daigdig. Ang lakas na iyon ng patotoo at pananampalataya ang nagsulong sa gawain ng Diyos sa kagila-gilalas na paraan. Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa gawaing ito, tulad ng pinatunayan ng kamangha-manghang mga pangyayari sa ating panahon.
Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang namumuno sa marahil ay pinakamalaking bilang ng matatapat na tao na nabuhay sa balat ng lupa. Pinatototohanan ko na siya'y tunay na dakilang propeta. Kailangan niya ng matapat na mga tagasunod. Ang lakas ng Simbahang ito'y nagmumula sa patotoo nating lahat at ng bawat isa, na nagmula sa sarili nating mga pagsubok at katapatan. Ang katapatan ng mga Banal ang nagpahintulot upang maitayo ang malaking Conference Center na ito at mailaan sa pangalan ng Panginoon sa makasaysayang araw na ito. Kakaiba ito sa buong daigdig. Tunay na kahanga-hanga at dakila ang mga gawain ng Panginoon sa ating kapanahunan. Tayong lahat, ay hindi pa nakararating sa dapat nating kalagyan--malayo pa tayo roon. Gayunman, umaasa akong higit pa tayong magsisikap na maging mabubuting tao at karapat-dapat na patuloy na tumanggap ng mga pagpapala ng langit.
Ang mabilis na pagtatayo ng templo sa ating panahon ay kahanga-hanga. Sa pamamagitan ng pananaw ng propetang si Pangulong Hinckley tayo ngayo'y marami nang templo na nasa iba't ibang panig ng mundo. Ang kagila-gilalas na gawang ito'y naging posible dahil sa matatapat na nagbabayad ng ikapu. Ito rin naman ang dahilan upang tuparin ng Panginoon ang Kanyang pangakong binitiwan kay Malakias, "At subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan."2 Ang lahat ng magagandang banal na gusaling ito ay patotoo ng ating paniniwala na kinalag ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan at binuksan ang daan upang makapasok tayo sa mga tipan na may bisa sa isa pang daigdig.
Tulad ni Alma, makapagpapatotoo ako na "Ang lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, oo, at gayon din ang lahat ng planetang gumagalaw sa kanilang karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha."3
Sa isang paghahayag sa Propetang si Joseph Smith na alam kong totoo, ang Tagapagligtas ay nagpatotoo sa kanyang sarili sa mga salitang ito: "Ako ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig;
"At . . . ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin, at ang Ama at ako ay isa."4
Ang Panginoon ay nangako "na ang bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at mananawagan sa aking pangalan, at susunod sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha, at malalaman na ako na nga."5
Nang tawagin ako sa banal na pagka-apostol maraming taon na ang nakalipas, ang aking tiyak na patotoo ang nag-udyok sa akin na magpatunay sa pagkakataong iyon sa mga salitang ito: "Nauunawaan ko na ang isang pangunahing kailangan sa banal na pagka-apostol ay ang maging personal na saksi ni Jesus bilang ang Cristo at ang Banal na Manunubos. Marahil sa batayang iyan, ako'y karapat-dapat. Ang katotohanang ito'y ipinabatid sa akin ng hindi maipaliwanag na kapayapaan at kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos."6
Mula nang tanggapin ko ang tungkuling iyon, ang aking tiyak na patotoo ay tumibay nang husto. Ito'y dahil sa aking hindi maitatatwang patotoo na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Diyos.
Ang pinakamimithi ko'y maging totoo at tapat hanggang sa huling sandali ng aking buhay dito sa lupa. Na nawa'y magawa nating lahat ito, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa 2 Ne. 4:25.
2. Mal. 3:10.
3. Alma 30:44.
4. D at T 93:23.
5. D at T 93:1.
6. Sa Conference Report, Okt. 1978, 28.