The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Pagkadisipulo

Pagkadisipulo

Elder L. Tom Perry
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Dapat tayong bumuo ng . . . patuloy at walang patid na proseso na higit na magpapalapit sa atin sa ating Panginoon at Tagapagligtas upang tayo ay mapabilang sa Kanyang mga disipulo."

Elder L. Tom Perry

Ang aking ina ay napakahusay magtoka ng gawain. Tuwing Sabado ng umaga noong kaming magkakapatid ay bata pa, pinagbibilinan niya kami na maglinis ng bahay. Ang mga tagubilin niya sa amin ay natutuhan niya sa kanyang ina: "Tiyakin ninyong lilinisin ninyong mabuti ang mga kasuluk-sulukan at lahat ng mga gilid-gilid. Kung may maiiwan man kayong hindi malinis, iwan ninyo ang lugar kung saan madaling makita ang dumi."

Alam na alam niya na kung lilinisin namin ang mga kasuluk-sulukan na hindi na siya magkakaproblema pa sa anumang maiiwang dumi sa gitna ng silid. Ang bagay na nakikita ng mga mata ay hindi kailanman maiiwang marumi.

Sa loob ng maraming taon, ang payo ng aking ina ay nagamit ko sa aking buhay sa maraming paraan. Angkop na angkop ito lalo na sa espirituwal na paglilinis. Ang bahagi ng ating buhay na nakikita ng iba ay karaniwang madaling ilagay sa ayos dahil nais nating maging kapuri-puri ito sa paningin ng iba. Subalit sa mga nakakubling sulok ng ating buhay na tanging tayo lamang ang nakaaalam iyan ang dapat nating pagtuunan ng pansin upang matiyak na tayo ay malinis.

Isa sa mga sulok na iyon ng ating buhay na nangangailangan ng espesyal na atensiyon ay ang nasa isipan. Kailangan nating patuloy na maging maingat sa mga sandaling naglalakbay ang ating mga kaisipan sa mga lugar na kinakailangang iwasan. Mababasa natin sa Mga Kawikaan, "Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa kanyang puso ay gayon siya" (Mga Kawikaan 23:7). At tulad ng isinulat ni Judas, "Sa kanilang pagkagupiling ay inihahawa ang laman" (Judas 1:8).

Sadyang hindi maiiwasan na ang ating isipan ang siyang humuhubog sa ating buhay. Ipinahayag ito ni James Allen sa kanyang aklat na As a Man Thinketh:

"Tulad ng pag-usbong ng halaman, ay hindi ito uusbong nang wala ang buto, gayundin naman na ang bawat gawa ng tao ay umuusbong mula sa nakakubling mga buto ng isipan, at hindi ito kusang uusbong kung wala ang mga ito. Kapwa ito may kinalaman sa mga gawa na tinatawag na "kusang dumarating" at "hindi pinag-iisipan" maging sa mga bagay na sinasadyang gawin. . . .

"Sa kublihan ng isipan ay pinapanday nito ang mga sandata na siyang sisira dito; hinuhubog din nito ang mga kasangkapan na magagamit niya sa pagtatayo ng makalangit na mga mansiyon ng kagalakan at lakas at kapayapaan. . . . Nakapagitan sa magkabilang panig nito ang lahat ng uri ng pag-uugali, at ang tao ang tagapaglikha at panginoon ng mga ito. . . . Ang tao ang panginoon ng isipan, ang tagahubog ng pag-uugali, at tagapaglikha at tagahubog ng katayuan, kapaligiran, at patutunguhan" (As a Man Thinketh, [1983], 7­10).

Kasunod nito ay idinagdag ni Ginoong Allen: "Hayaang sikapin ng tao na mabilis na baguhin ang kanyang isipan, at mamamangha siya sa mabilis na pagbabago na maidudulot nito sa kanyang buhay. Inaakala ng tao na ang isipan ay maaaring maikubli, subalit hindi niya magagawa ito; mabilis itong nagiging gawi at ang gawi ay nahuhubog at nagiging pangyayari" (As a Man Thinketh, 33­34).

Sadyang ang isa sa mga sulok na kailangan nating pagsikapang mapanatiling malinis ay ang ating isipan. Dapat nating ituon ang ating pansin sa mga sagradong bagay.

Marahil ang isa pang sulok na maaaring makapag-ipon ng alikabok dahil sa kapabayaan ay nakapatungkol sa paggabay natin sa ating pamilya. Inilarawan ni Pangulong Kimball ang kanyang pagmamalasakit sa ganitong mga salita:

"Ang ating tagumpay, bilang indibiduwal man at bilang Simbahan, ay masusukat batay sa kung gaano natin katapat na ipinamumuhay ang ebanghelyo sa ating tahanan. Kapag naging malinaw na sa atin ang responsibilidad ng bawat indibiduwal at ang papel ng mag- anak at tahanan, doon pa lamang natin mauunawaan na ang mga korum ng pagkasaserdote at pantulong na samahan, maging ang mga purok at istaka ay sadyang nilikha sa layunin na matulungan ang mga miyembro na ipamuhay ang ebanghelyo sa tahanan. Noon natin mauunawaan na ang mga tao ay higit na mahalaga kaysa mga programa at ang mga programa ng Simbahan ay dapat makatulong at hindi kailanman makasira sa mga gawain ng mag-anak. . . .

"Ang bawa't isa ay dapat magtulungan upang gawin ang tahanan na isang lugar na may pagmamahalan, lugar ng pag-uunawaan at pagka- katuto, isang lugar kung saan ang bawat isa ay makakatagpo ng pagmamahalan, pagtutulungan, pasasalamat at paghihikayat.

"Inuulit ko na ang ating tagumpay, bilang indibiduwal man at bilang Simbahan, ay masusukat batay sa kung gaano natin katapat na ipinamumuhay ang ebanghelyo sa ating tahanan" ("Living the Gospel in the Home," Ensign, Mayo 1978, 101).

Ang aking pangkalahatang payo sa inyo ay dapat tayong bumuo ng mga panuntunan na hihikayat para sa espirituwal na paglilinis--patuloy at walang patid na proseso na higit na maglalapit sa atin sa ating Panginoon at Tagapagligtas upang tayo ay mapabilang sa Kanyang mga disipulo.

Ang sentrong layunin ng ating mortal na buhay ay maghanda sa pagharap sa Diyos at matamo ang mga pagpapala na Kanyang ipinangako sa Kanyang karapat-dapat na mga anak. Ipinakita ng Tagapagligtas ang huwaran noong Siya ay nagministeryo sa lupa at hinimok ang mga sumunod sa Kanya na maging Kanyang mga disipulo.

Ang sumusunod ay isinulat tungkol sa pagkadisipulo: "Ang salitang disipulo ay nagmula sa Latin [na ang ibig sabihin ay] isang mag-aaral. Ang disipulo ni Cristo ay siya na nag-aaral na maging tulad ni Cristo--natututong mag-isip, makadama, kumilos na tulad niya. Ang maging tunay na disipulo, ang magampanan ang gawaing iyon, ay ang pinakamahirap na gawain na maaaring hingin sa isang tao. Walang maaaring makapantay . . . sa mga hinihingi nito o gantimpalang inilalaan nito. Kinapapalooban ito ng ganap na pagbabago ng isang tao mula sa pagiging likas na tao tungo sa pagiging [isang] banal, isang taong nagmamahal sa Panginoon at naglilingkod nang buo niyang puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas" (Chauncey C. Riddle, "Becoming a Disciple," Ensign, Set. 1974, 81).

Binigyang-tagubilin ng Tagapagligtas ang mga tao na susunod sa Kanya tungkol sa kahulugan ng pagkadisipulo nang sabihin Niyang:

"Kung ang sinumang tao ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang sarili, at pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.

"At ngayon, ang pasanin ng isang tao ang kanyang krus, ay itanggi sa sarili ang lahat ng masama, at bawat makamundong pagnanasa, at sumunod sa aking mga kautusan" (Mat. 16:24, JST sa talababa d).

"Huwag labagin ang aking mga kautusan upang mailigtas ang inyong sarili; sapagkat kung sinuman ang magliligtas ng kanyang buhay sa daigdig na ito, ay mawawalan nito sa daigdig na darating.

"At sinuman ang mawawalan ng kanyang buhay sa daigdig na ito, nang dahil sa akin, ay makakasumpong nito sa daigdig na darating.

"Samakatwid, talikuran ang daigdig, at iligtas ang inyong mga kaluluwa" (JST, Mat. 16:27­29, apendice ng Bible).

Kapag nagapi ng espiritu ang laman, ang laman ay nagiging alipin sa halip na panginoon, kapag nililinis natin ang ating buhay mula sa kamunduhan at handa nang maging masunurin sa Panginoon, doon tayo magkakaroon ng kakayahan na tanggapin ang Kanyang salita at sundin ang Kanyang mga kautusan.

Kamangha-manghang pagbabago ang magaganap sa buhay ng mga indibiduwal kapag inlaan nila ang kanilang sarili upang maging mga disipulo ng Panginoon. Isa sa pinakamalinaw na halimbawa na naiisip ko mula sa mga banal na kasulatan ay ang pagbabalik-loob ng nakababatang Alma at ang pagbabago na naganap sa kanyang katauhan noong siya ay maging disipulo ng Panginoon. Maaalaala ninyo na si Alma at ang mga anak na lalaki ni Mosias ay kabilang sa mga hindi naniniwala. Si Alma ay taong bihasa sa pananalita at gumamit ng maraming panghihimok sa mga tao. Iniligaw niya ang maraming tao sa paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Siya ay naging malaking hadlang sa Simbahan, inaakit ang puso ng mga tao at lumilikha ng pagtatalu-talo sa kanila. Ngunit dahil sa mababang-loob na pagsusumamo ng kanyang ama, isang anghel ang nagpakita sa kanila habang kanilang ginagawa ang kanilang paninira. Si Alma ay lubhang namangha kung kaya siya ay bumagsak sa lupa at iniutos sa kanya ng anghel: "Alma, magbangon ka at tumindig, sapagkat bakit mo inuusig ang simbahan ng Diyos? Sapagkat sinabi ng Panginoon: Ito ay aking simbahan, at aking itatatag ito; at walang anumang makapagpapabagsak dito, maliban sa pagkakasala ng aking mga tao (Mosias 27:13). Dahil sa labis na panghihina ay hindi niya maigalaw ang kanyang biyas at kinailangan na siya ay buhatin. Siya din ay napipi. Siya ay ipinasok at dinala sa harapan ng kanyang ama. Ang kanyang ama ay nagalak at nanawagan sa mga tao na manalangin para sa kanyang anak.

"At ito ay nangyari na, na matapos silang mag-ayuno at manalangin sa loob ng dalawang araw at dalawang gabi, natanggap ng mga biyas ni Alma ang mga lakas nito, at siya ay tumindig at nagsimula siyang mangusap sa kanila, sinabihan silang magkaroon ng lakas ng loob:

"Sapagkat, sinabi niya, nagsisi na ako sa aking mga kasalanan, at tinubos ng Panginoon: masdan, isinilang ako sa Espiritu" (Mosias 27:23, 24).

Pagkatapos ay isinalaysay niya ang matinding pagdurusa at paghihirap na kanyang pinagdaanan nang malaman niyang siya ay inilayo mula sa kaharian ng Diyos. Naalala niya ang mga turo ng kanyang ama at siya ay tumawag sa Panginoon upang siya ay maligtas.

Ngayon ay makikita natin ang kamangha-manghang pagbabago tungo sa kanyang pagiging disipulo ng ating Manunubos.

"At ngayon ito ay nangyari na, na simula sa panahong ito ay nagsimula nang magturo si Alma sa mga tao, at yaon ding mga kasama ni Alma sa panahong nagpakita sa kanila ang anghel, naglalakbay sa palibot ng buong lupain, naghahayag sa lahat ng tao ng mga bagay na kanilang narinig at nakita, at ipinangangaral ang salita ng Diyos sa labis na paghihirap" (Mosias 27:32).

Sa kasaysayan ng aking pamilya, bilang mga tagabunsod ay maraming kuwento tungkol sa magigiting na kaluluwa na nagpamalas ng mga katangian ng tunay na pagkadisipulo. Ang lolo sa tuhod ng aking mga anak ay isang magiting na disipulo ni Jesucristo. Ang kanyang pamilya ay mayamang may-ari ng mga lupain sa Denmark. Bilang nag-iisang anak, siya ang tagapagmana ng lupain ng kanyang ama. Umibig siya sa isang napakagandang dalaga na hindi kauri sa lipunan ng kanyang pamilya. Pinangaralan siya na huwag nang ipagpatuloy pa ang relasyong iyon. Hindi niya nais sundin ang payo ng kanyang pamilya, at sa isa sa mga pagdalaw niya upang makipagkita sa kanya, natuklasan niya na lahat ng kanyang pamilya ay sumapi sa Simbahan. Tumanggi siyang makinig sa doktrinang niyakap ng kanyang pamilya at mariing sinabi sa dalaga na kailangan niyang mamili kung siya ba ang pipiliin o ang Simbahan. Mariin niyang sinabi na hindi niya ipagpapalit ang kanyang relihiyon.

Dahil sa napakatibay na paninindigang ito, nagpasiya siyang makinig sa mga turo na napakahalaga sa kanya. Hindi nagtagal ay inantig siya ng espiritu, at siya rin ay nagbalik- loob sa Ebanghelyo. Ngunit nang banggitin niya sa kanyang mga magulang ang kanyang desisyon na sumapi sa Simbahan at pakasalan ang dalagang ito, nagalit sila sa kanya at pinilit siyang magpasiya kung pipiliin niya ang kanyang pamilya at ang kanilang kayamanan o ang Simbahan. Tinalikuran niya ang ginhawa na nalasap niya sa buong buhay niya, pinili ang Simbahan, at pinakasalan siya.

Kasunod nito, nagsimula silang maghandang umalis sa Denmark, at maglakbay patungong Sion. Ngayong wala na ang suporta ng pamilya, kinailangan niyang magsikap na maghanap ng kahit anong ikabubuhay upang makaipon para sa paglalakbay sa bagong lupain. Matapos ang isang taong matiyagang paghahanap-buhay, nakapag-ipon siya nang sapat para sa kanilang pamasahe. Habang sila ay naghahanda sa kanilang pag-alis, ang pangulo ng kanilang sangay ay nagpunta sa kanila at sinabi na mayroong pamilya na may mas malaking pangangailangan kaysa sa kanilang mag-asawa. Tinanong siya kung ibibigay niya ang kanyang naipon upang ang pamilyang nangangailangan ay makapaglakbay patungong Sion.

Ang pagkadisipulo ay nangangailangan ng pagsasakripisyo. Ipinagkaloob nila ang kanilang ipon sa pamilyang nangangailangan, at pagkatapos ay nagsimula sila ng panibagong taon ng pag-iimpok upang matustusan ang kanilang paglalakbay. Sa dakong huli sila ay dumating sa Sion, ngunit ito'y nangyari matapos ang maraming mga pagsasakripisyo ng tunay na pagkadisipulo.

Ang binatang mayamang lalaki ay binigyan ng isa sa pinakamahirap na mga pagsubok ng pagkadisipulo nang siya ay sabihan na, "Ipagbili mo ang lahat ng tinatangkilik mo, at ipamahagi mo sa mga dukha, . . . pumarito ka, sumunod ka sa akin" (Lucas 18:22).

Para sa marami sa atin ang katumbas na pagsubok ay iwaksi ang ating masasamang gawi at makamundong kaisipan upang tayo ay hindi malihis at magdalawang isip sa ating pagsisikap na makapaglingkod sa Panginoon.

Bilang tunay na mga disipulo ni Cristo, makita nawa sa ating buhay ang Kanyang halimbawa. Taglayin nawa natin sa ating sarili ang Kanyang pangalan at tumayong mga saksi Niya sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar (tingnan sa Mosias 18:9).

Bukod dito, pagpalain nawa tayo ng Diyos na marubdob nating naisin na gawin ang ating espirituwal na paglilinis, na inaabot ang mga kasuluk-sulukan, nililinis ang lahat ng bagay na makababawas sa atin bilang disipulo ng Panginoon upang tayo ay sumulong sa ating paglilingkod sa Kanya na siya nating Tagapagligtas at Hari, ang mapagpakumbaba kong panalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy