The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
"Liwanag sa Gitna ng Kadiliman"

"Liwanag sa Gitna ng Kadiliman"

Virginia U. Jensen
Unang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Samahang Damayan

"Ang liwanag ni Jesucristo ay mas malakas kaysa anumang uri ng kadilimang nasasagupa natin sa buhay na ito, kung may pananampalataya tayo sa Kanya, hahanapin at susundin natin Siya."

Virginia U. Jensen

Noong sampung taon pa lamang siya, si Joshua Dennis ay nakulong nang limang araw sa napakadilim na minahan. Nang sa wakas ay marinig ng mga sumaklolo ang kanyang mahinang tinig na humihingi ng tulong at hatakin siya palabas sa nakasisindak na kadiliman, siya'y litung- lito, giniginaw, at hapung-hapo. Laking gulat nila dahil hindi siya takot. Ginugol ni Josh ang kanyang oras sa pagtulog, pagsigaw para humingi ng tulong, at pagdarasal. "May nangalaga sa akin," paliwanag niya, "alam kong matatagpuan ako ng mga tao."

Ang simple ngunit malakas na pananampalataya ni Josh ay pinangalagaan ng kanyang mga magulang, na nagturo sa kanya na mayroon siyang Ama sa Langit na nakababatid kung saan siya naroon sa lahat ng sandali. Itinuro nila sa kanya na isinilang siyang taglay ang liwanag ni Cristo. Tunay na pinalaki si Josh sa liwanag at katotohanan (D at T 93:40) kung kaya't nang matagpuan niya ang kanyang sarili sa lalim na 2,000 talampakan sa isang minahan ay nanalig siya sa liwanag ni Cristo na tutulong at aaliw sa kanya, na magbibigay sa kanya ng lakas ng loob at pag-asa. Naranasan ni Josh ang itinuro ni Abinadi nang, sa pagtukoy kay Cristo, ay sinabi niya: "Siya ang ilaw at buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim" (Mosias 16:9).

Tunay na angkop na ang pagsilang ng Tagapagligtas sa Bet-lehem ay sinabayan ng mahimalang mga pagpapamalas ng liwanag sa Kanlurang Hemisperyo. Noong Siya'y isilang "sa paglubog ng araw ay hindi nagkaroon ng kadiliman; at ang mga tao ay nagsimulang manggilalas dahil . . . hindi nagkaroon ng kadiliman sa buong gabing yaon" (3 Nephi 1:15, 19). Ang pagdiriwang na ito ay maliwanag na kabaligtaran sa nangyari sa Kanyang pagkapako sa krus nang "nagkaroon ng makapal na kadiliman sa ibabaw ng buong lupain, kung kaya't ang mga naninirahan doon . . . ay nadama ang ulap ng kadiliman" (3 Nephi 8:20­23).

Lahat ng uri ng kadiliman ay nasa daigdig na ito. Kadilimang nagmumula sa kasalanan; kadilimang nagmumula sa panghihina ng loob, kabiguan, at pighati; kadilimang nagmumula sa kalungkutan at damdamin ng kakulangan. Subalit kung paanong ang liwanag na nag-alab sa puso ni Josh Dennis ay mas malakas kaysa sa nakasasakal na kadilimang bumalot sa kanya, ang liwanag ni Jesucristo ay mas malakas kaysa anumang uri ng kadilimang nasasagupa natin sa buhay na ito, kung may pananampalataya tayo sa Kanya, hahanapin at susundin Siya. Sapagkat tulad ng inihayag ng Propetang si Joseph, kung "ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo" (D at T 88:67).

Matapos mamuhay nang walang liwanag sa loob ng limang araw, si Josh Dennis ay nahapo at nalito. Gayundin naman na ang pamumuhay nang walang liwanag ay nakahahapo. Iniiwan tayo nitong nalilito, gaya ng nais mangyari ni Satanas.

Ang liwanag ni Cristo at ang mensahe ng ebanghelyo ng liwanag at kaligtasan ay mapadidilim lamang sa ating sariling buhay ng ating pagsuway at kakulangan ng pananampalataya. Sa gayunding paraan ang liwanag ng Tagapagligtas ay nadaragdagan sa ating buhay sa pagsunod natin sa mga kautusan at patuloy na pagsisikap na maging tulad Niya. Dahil "yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag" (D at T 50:24).

Habang ang liwanag ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo ay lalong nagliliwanag sa ating katauhan at ating puso, mas madali para sa atin na matanto kung ano ang tunay na mahalaga kaysa mga huwad na alay ng mundo. Ang kaalamang mahal tayo ni Cristo nang sapat upang pasanin ang bigat ng ating mga kasalanan ay pumapawi sa pag-asa sa sariling kakayahan o sa kakayahan ng ibang tao. Ang paniniwalang ibinabalik sa atin ng Pagbabayad-sala ang lahat ng nawala dahil sa kasalanan at mga kamalian sa buhay ay lumilikha ng pag-asang higit sa anumang kasiyahan ng katawan o panandaliang aliw ng kamunduhan.

Tingnan ang karanasan ni Haring Lamoni. Bagama't walang hangganan ang kanyang kapangyarihan, maraming kayamanan sa mundo, at may mga aliping nagsisilbi sa lahat niyang kailangan at nais, siya'y namuhay sa espirituwal na kadiliman. Nang handa na niyang payagan si Ammon na ituro sa kanya ang ebanghelyo, isang kagila-gilalas na bagay ang nangyari, si Lamoni ay "nalugmok sa lupa, na tila baga siya ay patay na" (Alma 18:42). "Alam ni Ammon na si Haring Lamoni ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos; alam niyang ang madilim na tabing ng kawalang-paniniwala ay iwinawaksi mula sa kanyang isipan, at ang liwanag na umilaw sa kanyang isipan, na liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos . . . oo, ang liwanag na ito ang nagbigay ng kagalakan sa kanyang kaluluwa" (Alma 19:6).

Tanging kaluwalhatian ng Diyos at liwanag ng buhay na walang hanggan ang nagdudulot ng matinding kagalakang sapat upang mapuspos ng kaligayahan ang tao at mapalis ang "madilim na tabing ng kawalang-paniniwala."

Sa buong mga banal na kasulatan, at maging sa mga sulat ng mga maalalahaning Kristiyano sa mga nakaraang siglo, makikita natin kung paano tayo kapwa espirituwal at pisikal na mapapatatag ng mensahe ni Cristo tungkol sa liwanag at kaligtasan. Bilang isang batang saserdoteng naglalakbay sa Italya noong 1833, nakasumpong ang Ingles na si John Henry Newman ng emosyonal at pisikal na kadiliman nang matagal siyang pigilan doon ng karamdaman. Talagang nasiraan siya ng loob, at isang narses na nakita ang kanyang pagluha ang nagtanong kung ano ang bumabagabag sa kanya. Ang tanging naisagot niya ay tiyak niyang may ipagagawa ang Diyos sa kanya sa Inglatera. Sabik na makauwi, nasakay din siya sa wakas sa isang maliit na bangka.

Hindi pa natatagalan sa paglalayag ang barko, bumaba ang makapal na hamog at ikinubli ang mapanganib na mga talampas sa paligid nila. Isang linggong nabimbin sa basa at malungkot na karimlan, ang barko'y hindi makasulong o makaatras, ay humingi ng tulong si Newman sa kanyang Tagapagligtas habang isinusulat niya ang mga salita ng kilalang himnong "Liwanag sa Gitna ng Kadiliman."

Liwanag sa gitna nitong dilim . . .
Tahanan ko'y malayo sa akin . . .
At ang hinaharap, . . .
Patnubay mo'y sapat.
(Hymns, no. 97)

Pahiwatig ng himnong ito ang isang katotohanang batid ng ating puso: bagama't mapapatay ng mga pagsubok ang ibang pinagmumulan ng liwanag, tatanglawan ni Cristo ang ating landas, "papatnubayan tayo," at ituturo ang landas pauwi. Dahil nangako ang Tagapagligtas, "ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman" (Juan 8:12).

Matatagpuan nating lahat ang ating sarili sa mga lugar ng kadiliman sa tuwi-tuwina. Maaaring maligaw tayo sa madilim na espirituwal na yungib kapag pumipili tayo ng mali, nagpapapasok ng nakapipinsalang impluwensiya sa ating buhay, o tumatalikod sa liwanag ng ebanghelyo upang yakapin ang mundo nang ilang saglit pa. Maaaring parang bale-wala ito sa una--kaunting pagtuklas, iyon lang. Ngunit bago natin matuklasan, nawalay na pala tayo sa liwanag at naiwang nag-iisa sa dilim. Bakit tayo nananatili sa dilim samantalang naghihintay ang liwanag ni Cristo upang iligtas tayo? Magpainit tayo sa tumatanglaw na liwanag na laan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hayaan nating dahan-dahan tayong akayin ng liwanag ng Tagapagligtas. Manatili tayong ligtas sa mga tipan at utos habang sinusunod natin ang ebanghelyo patungo sa ating tahanan sa langit.

Natatandaan ba ninyo ang batang si Josh Dennis. Siya ngayon si Elder Dennis na nasa misyon at malayo sa madilim na minahang bumihag sa kanya. Ngayo'y tinatahak ni Elder Dennis ang makikitid at di kilalang mga lansangan ng Honduras, nagbabahagi ng mensahe ng pag-asa, kaligtasan, at liwanag. Ang itinuturo niya araw-araw ay kabaligtaran ng naranasan niya bilang isang batang naligaw sa minahan: na sa gitna ng kadiliman, sa gitna ng pinakamadilim na kalagayan, ay maaaring makadama ng pag-asa, kapayapaan, at ginhawa--lahat dahil sa liwanag na mas malakas kaysa lahat ng kadiliman, ang liwanag ni Jesucristo.

Alam ko sa naranasan ko mismo, tulad ng alam ni Josh sa sarili niyang karanasan, ang katotohanan ng kamangha-manghang liwanag na iyon--ang ating Tagapagligtas. Nawa'y yakapin natin ang Kanyang liwanag at mamuhay upang tanglawan nito ang ating landas at akayin tayo tungo sa ating tahanan sa langit, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy