Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
"Bilang pahiwatig ng ating pagmamahal sa Diyos, hindi ba natin maitatalagang muli ang ating buhay at mga tahanan sa gayunding paraan?"
Isang paboritong himno ang naglalarawan sa magiliw na damdamin ng aking puso at kaluluwa sa magandang araw na ito ng pagtatalaga. Palagay ko'y ilalarawan din nito ang inyong damdamin:
Sa araw ng tuwa't galak,
Panginoon ang ngalan N'yo;
Pinupuri, hinahayag,
Sa banal na pook na 'to!
Sa aming tinig na masigla,
Luwalhati'y inaawit
Sa aming Hari't Maylikha!1
Noong ika-7 ng Abril, 1863, nagsalita si Charles C. Rich, tungkol sa pangangailangan ng isang tabernakulo para sa pagpupulong. Sinabi niya: "Ano ang masasabi ko hinggil sa tabernakulo? Makikita natin kaagad na matatamasa natin ang mga biyaya ng gayong gusali sa kasalukuyang panahon. Kung ipagpapaliban pa natin ang pagtatayo ng tabernakulo, kailan pa ito maitatayo? Kapag naitayo na ang gusaling iyon, matatamasa natin ang mga biyaya at kapakinabangang maibibigay nito. Ang gayong alituntunin ay maiaangkop rin sa lahat ng hinahawakan natin at dapat nating gawin, maging ito man ay magtayo ng templo, . . . magtayo ng tabernakulo, magpadala ng mga pangkat ng tao at hayop sa hangganan upang tipunin ang mga maralita, o . . . gawin ang anumang gawaing iniaatang sa atin. Hindi maisasagawa ang anumang kailangang gawin hangga't hindi tayo nagsisimulang magtrabaho at gawin natin iyon mismo. Wala nang iba pang tao na dapat nating asahan at samakatwid, tayo pa rin ang dapat magtrabaho at gumawa ng ating bahagi."2
Nagtrabaho sila!
Salamat sa Diyos para sa ating dakilang propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley na, sa kanyang pagiging tagakita ay kinilala niya na kailangan ang kamangha-manghang gusaling ito, at sa tulong ng marami, "ay nagtrabaho." Ang bunga ay nasa harapan natin ngayon at ilalan ngayong umagang ito.
Bilang tanda ng ating pasasalamat, bilang pahiwatig ng ating pagmamahal sa Diyos, hindi ba natin maitatalagang muli ang ating buhay at mga tahanan sa gayunding paraan?
Si Apostol Pablo, sa kanyang sulat sa mga taga Corinto, ay nagdagdag ng kanyang pananaw bilang apostol sa pangako ng pagtatayo noong ipahayag niya: "Hindi ba ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?"3
Ang pangangailangan ng personal na dedikasyon at pangangakong muli ay mahalaga sa lipunan ngayon. Ang mabilis na pagsulyap lamang sa ilang kuwento sa pahayagan ay naglalarawan ng ating kalagayan.
Isinaad ng Associated Press ang sumusunod: "Sa ngalan ng malayang pagsasalita, ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang isang batas na nagpoprotekta sa mga bata mula sa mga programa sa telebisyon na nagpapalabas tungkol sa seks."4
Lumabas ang isang kuwentong ito mula sa The San Jose Mercury News, "Maituturing na makina ng ekonomiya ng Europa ang Alemanya, ngunit tuwing Linggo ay humihinto ito. Ngunit nagsisimula nang gambalain ng mga puwersa ng pandaigdigang pamilihan ang nakaugaliang araw ng pamamahinga ng Alemanya. Sa . . . estilong Amerikano, [7 araw sa isang linggo] na pamimili [na kasalukuyang umiral], at ang pagbibigay ng Internet ng 24 oras na serbisyo para sa mga kalakal ng daigdig, ang gayong mahihigpit na regulasyon sa pamilihan 'ay parang kastilyong mula sa sinaunang siglo.' Upang makipagsabayan sa mga nangungunang lungsod sa daigdig, kailangang maging mas agresibo ang Berlin. 'Gusto pa naming kumita ng mas malaki.'"5
Habang minamasdan natin ang kawalang pananaw na lumalamon sa libu-libong tao ngayon, natututuhan natin sa mahirap na paraan ang isinulat ng sinaunang propeta tatlong libong taon na ang nakalilipas: "Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak; o siya mang umiibig sa kasaganaan ng pakinabang."6
Inilarawan nang wasto ng kagalang-galang na Abraham Lincoln ang ating kalagayan: Tayo ang mga tagatanggap ng mga pinakapiling biyaya ng langit. Iningatan tayo sa loob ng maraming taon sa kapayapaan at kaunlaran; lumago tayo sa bilang, yaman at kapangyarihan. . . . Ngunit nakalimutan natin ang Diyos. Nakalimutan natin ang mapagpalang kamay na nag-ingat sa atin sa kapayapaan at nagparami at nagpayaman at nagpalakas sa atin at may kapalaluang inilalagay natin sa ating mapanlinlang na puso na ang lahat ng biyayang ito ay bunga ng ating labis na katalinuhan at kabutihan. Dahil nalasing tayo sa walang tigil na tagumpay, naging masyado tayong mapagtiwala sa sariling kakayahan kung kaya hindi na natin nararamdaman ang pangangailangan sa mapagkalinga at mapanubos na awa, naging masyadong mapagmalaki para manalangin sa Diyos na lumikha sa atin.7
Kapag bumabagyo sa karagatan ng buhay, humahanap ng daungan ng kapayapaan ang isang matalinong manlalayag. Ang mag-anak, tulad ng nakagisnan natin, ay kanlungan ng kaligtasan. "Ang tahanan ang saligan ng mabuting buhay at wala ng iba pang kasangkapan na makahahalili o makatutupad sa mga pangunahing gawain nito."8 Sa katunayan, ang tahanan ay higit pa sa isang bahay." Ang bahay ay gawa sa kahoy, laryo, at bato. Ang tahanan ay gawa sa pagmamahal, sakripisyo, at paggalang. Ang bahay ay maaaring maging tahanan, at ang tahanan ay maaaring maging langit kapag kinakanlungan nito ang isang mag-anak. Kapag mga tunay na pinahahalagahan at saligang kabutihang-asal ang nagbibigkis sa mga mag-anak ng lipunan, dadaigin ng pag-asa ang kawalang -pag-asa, at magtatagumpay ang pananampalataya sa pag- aalinlangan.
Ang gayong mga pinahahalagahan, kapag natutuhan at ipinamuhay sa ating mga mag- anak, ay magiging katanggap-tanggap na ulan sa lupang tigang; iiral ang pagmamahal; madaragdagan ang katapatan sa pinakamainam na magagawa ng tao; at mahihikayat ang mabubuting katangian, integridad at kagandahang asal na iyon. Kinakailangang mapanatili ng mag-anak ang mataas na katayuan sa ating pamumuhay dahil ito lang ang tanging posibleng saligan na mapagbabatayan ng lipunan ng mga responsableng nilalang upang mabuo ang hinaharap at mapanatili ang mga pinahahalagahan nila sa kasalukuyan.
Iba't iba ang anyo ng masasayang tahanan. Ang ilan ay kinatatampukan ng mga mag- anak na may ama, ina, at magkakapatid na magkakasamang namumuhay sa diwa ng pagmamahal. Ang ilan ay binubuo ng isang magulang na may isa o dalawang anak, samantalang ang ibang tahanan ay may iisa lamang na naninirahan. Gayunpaman, may mga katangiang mapagkikilanlan sa masayang tahanan, anuman ang bilang o pagkakalarawan ng mga miyembro ng mag-anak nito. Ang mga tampok na katangiang ito ay:
Huwarang panalangin.
Aklatan ng karunungan.
Pamana ng pagmamahal.
Tungkol dito, nagpahayag ang taga lupalop ng Amerika, si Jacob, na kapatid ni Nephi: "Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, at manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya."9
Isang kilalang hukom ang tinanong kung ano ang magagawa natin bilang mga mamamayan ng daigdig upang mabawasan ang krimen at pagsuway sa batas at makapagdulot ng kapayapaan at kasiyahan sa ating buhay at sa ating mga bansa. Nag-iisip siyang sumagot, "Iminumungkahi kong bumalik tayo sa makalumang kaugalian ng panalanging pangmag-anak."
Hinggil sa kung paano natin magagawang sentro ng pag-aaral ang ating sariling buhay at tahanan, ipinayo ng Panginoon, "Maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pananampalataya."10
Ang mga pamantayang banal na kasulatan ay nag-aalok ng aklatan ng karunungan na sinasabi ko. Ingatan natin at huwag nating maliitin ang kakayahan ng mga bata na magbasa at maunawaan ang salita ng Diyos.
Bilang mga magulang, dapat nating alalahanin na ang buhay natin ay maaaring ang aklat mula sa aklatan ng mag-anak na siyang pinakaiingatan ng mga bata. Karapat-dapat bang tularan ang mga halimbawa natin? Namumuhay ba tayo sa paraan kung saan masasabi ng ating anak na lalaki o babae na, "Gusto kong gayahin ang tatay ko" o "Gusto kong maging katulad ng nanay ko"? Hindi kagaya ng aklat sa istante, na ang mga nilalaman ay napoprotektahan ng mga pabalat nito, ang mga buhay natin ay hindi maaaring isara. Mga magulang, tayo ay tunay na isang bukas na aklat sa aklatan ng karunungan ng ating mga tahanan.
Kasunod nito, ipinakikita ba natin sa pamamagitan ng halimbawa ang pamana ng pagmamahal? Gayon ba ang ating tahanan? Ipinayo ni Bernardine Heally sa isang talumpati:"Bilang doktor na lubos na nagkaroon ng pribilehiyong maging bahagi ng pinakamasidhing sandali ng buhay ng tao, kabilang na ang kanilang mga huling sandali, hayaan ninyong sabihin ko sa inyo ang isang sikreto. Hindi naiisip ng mga taong malapit nang mamatay kung anong kurso ang natapos nila, anong posisyon ang nahawakan nila, o kung gaano karami ang kayamanang naipon nila. Sa huli, ang talagang mahalaga ay kung sino ang minahal mo at kung sino ang nagmahal sa iyo. Ang palibot na pagmamahal ang talagang mahalaga at siyang mabuting sukatan ng nakaraang buhay. Ito ang pinakamahalagang handog."11
Ang mensahe ng ating Panginoon at Tagapagligtas ay pagmamahal. Ito'y maaaring magsilbing liwanag sa ating sariling daan patungo sa kadakilaan.
"Nang malapit na siyang mamatay, ginunita ng isang ama kung paano niya ginugol ang panahon niya sa mundo. Bilang ipinagbubunyi at iginagalang na may-akda ng maraming mahuhusay na aklat, sinabi niya, 'Sana sa halip na sumulat ako ng isa pang aklat ay isinama ko na lamang sa pangingisda ang mga anak ko.'
"Mabilis lumipas ang panahon. Maraming mga magulang ang nagsasabi na parang kahapon lang nila isinilang ang kanilang mga anak. Ngayon ay malalaki na ang mga batang iyon, marahil may sarili nang mga anak. "Saan napunta ang mga taon?' ang tanong nila. Hindi na natin maibabalik ang nakaraan, hindi na natin mapipigilan ang panahon ngayon, at hindi natin mararanasan ang hinaharap sa ating kasalukuyang kalagayan. Ang panahon ay isang handog, isang kayamanang hindi maisasantabi para sa hinaharap kundi dapat na gamitin nang mahusay sa kasalukuyan."
Napagyaman ba natin ang diwa ng pagmamahal sa ating mga tahanan? Ipinahayag ni Pangulong David O. Mckay, "Ang totoong tahanan ng Mormon ay ang tahanan na kung nagkataon mang si Cristo ay pumasok doon, Siya'y masisiyahang magtagal at magpahinga."12
Ano ang ginagawa natin upang matiyak na ganito ang paglalarawan sa ating mga tahanan? Tayo ba mismo ay ganito?
Sa paglalakbay natin sa landas ng buhay ay may mga nabibiktima. Ang ilan ay lumilihis mula sa mga palatandaan sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan, upang matuklasan lamang na ang pinili ay wala palang kahahantungan. Ang pagwawalang-bahala, kawalang-ingat, kasakiman at kasalanan ay sumisingil nang mahal sa buhay ng tao. May mga tao, na sa di maipaliwanag na mga dahilan, ay namumuhay ayon sa naiibang pamantayan, upang malaman lamang sa kalaunan na ang sinundan pala nila ay maling panghihimok na patungo sa kalungkutan at paghihirap.
Ngayon ay isang paanyaya ang nagmumula sa pulpitong ito para sa lahat ng tao sa daigdig: Halina mula sa iyong paglilibot, pagod na manlalakbay. Halina sa ebanghelyo ni Jesucristo. Halina sa makalangit na kanlungan na tinatawag na tahanan. Dito mo malalaman ang katotohanan. Dito mo matututuhan ang katunayan ng Panguluhang Diyos, ang kapanatagang dulot ng plano ng kaligtasan, ang kabanalan ng tipan ng kasal, ang kapangyarihan ng pansariling panalangin. Halinang umuwi.
Mula sa ating kabataan, marahil marami sa atin ang nakaaalala sa kuwento ng isang musmos na dinukot mula sa kanyang mga magulang at tahanan at dinala sa isang malayong bayan. Sa mga kalagayang ito, naging binatilyo ang musmos nang walang alam tungkol sa tunay niyang mga magulang o tahanan.
Ngunit saan makikita ang tahanan? Saan matatagpuan ang kanyang ina at ama? O, kung maaalala lang sana niya ang kanilang mga pangalan, magkakaroon siya ng kahit kaunting pag- asa. Pinilit niyang gunitain ang kanyang kamusmusan.
Sa biglang pagdaloy ng inspirasyon, naalala niya ang kalembang ng isang kampana sa itaas ng simbahan sa kabayanan na tumutunog bilang pagsalubong sa bawat umaga ng Sabbath. Naglibot sa bayan-bayan ang binatilyo, taimtim na pinakinggan ang pamilyar na tunog ng kampanang iyon. Magkakatulad ang ilang kampana, ang iba'y malayo sa tunog na naaaalala niya.
Sa wakas ay tumayo sa harap ng simbahan ng isang karaniwang bayan ang binatilyo isang umaga ng Linggo. Nakinig siyang mabuti nang magsimulang tumunog ang kampana. Pamilyar ang tunog. Hindi ito katulad ng naririnig niya, maliban sa kampanang narinig niya noong bata pa siya. Oo, iyon na nga ang kampana. Iyon nga ang tunog. Napuno ng luha ang kanyang mga mata. Nagalak ang kanyang puso. Umapaw sa pasasalamat ang kanyang kaluluwa. Lumuhod ang binatilyo, tumingala sa kampanang nasa tore--maging sa kalangitan-- at sa panalangin ng pasasalamat ay ibinulong, "Salamat sa Diyos. Ako'y nakauwi na."
Tulad ng tunog ng isang naaalalang kampana ay ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kaluluwa ng taong masigasig na naghahanap. Marami sa inyo ang malayo na ang nalalakbay dahil sa paghahangad na makita ang katotohanan. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay masigasig na nag-aanyaya sa inyo. Buksan ang inyong mga pintuan sa mga misyonero. Buksan ang inyong mga isipan sa salita ng Diyos. Buksan ang inyong mga puso--maging ang inyo mismong kaluluwa--sa tunog ng marahan at banayad na tinig na nagpapatotoo sa katotohanan. Tulad ng ipinangako ni Propetang Isaias: "Ang inyong mga pakinig ay makaririnig ng mga salita . . . na nagsasabing, Ito ang daan, lakaran ninyo."13 Sa gayon, tulad ng isang batang lalaking aking nabanggit, kayo rin, habang nakaluhod, ay sasabihin sa ating Diyos, "Nakauwi na ako."
Nawa ang biyayang ito'y mapasalahat, ito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. "On This Day of Joy and Gladness," ni Leroy J. Robertson (18961917), Mga Himno.
2. Deseret News Weekly, ika-20 ng Mayo 1863, 369.
3. I Cor. 3:16
4. "High Court Kills Limits on TV Sex," ni Richard Carelli, Salt Lake Tribune, ika-23 ng Mayo 200, A1.
5. "Global Economy Erodes Ban on Sunday Shopping," ni Daniel Rubin, Salt Lake Tribune, ika-23 ng Mayo 2000, A1.
6. Ec. 5:10.
7. Compilation of the Messages and Papers of the Presidents, ni James D. Richardson, 10 tomo (1897), 5:3366.
8. Sinipi sa Conference Report, Okt. 1962, 72.
9. Jacob 3:1.
10. D at T 88:118.
11. "On Light and Worth: Lessons from Medicine," Commencement address, Vassar College, ika-29 ng Mayo 1994, 10, Mga Natatanging Koleksiyon.
12. Sa Conference Report, Okt, 1947, 120.
13. Isaias 30:21.