The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
"Kayo ang Templo ng Diyos"

"Kayo ang Templo ng Diyos"

Pangulong Boyd K. Packer
Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Ang inyong katawan ay ang tunay na instrumento ng inyong isip at ang pundasyon ng inyong pag-uugali."

Pangulong Boyd K. Packer

Tugon ito sa matagal ko nang nadarama na kailangan kong magsalita sa mga kabataan ng Simbahan na nahaharap sa mga hamon na hindi namin dinanas sa aming kabataan.

Inilarawan ni Pangulong J. Reuben Clark ang ating mga kabataan na "nagugutom sa mga bagay na ukol sa espiritu; sabik silang matutuhan ang Ebanghelyo, at nais nilang tuwiran ito at purung-puro.

"Gusto nilang malaman ang tungkol sa . . . ating mga pinaniniwalaan; gusto nilang magkaroon ng patotoo ng mga ito; hindi na sila mapag-alinlangan kundi mga mapagtanong, naghahangad ng katotohanan. . . .

"Hindi kayo kailangang magtago sa likuran ng mga kabataang ito na may espirituwal na karanasan at ibulong ang relihiyon sa [kanila]; makakalantad kayo nang harap-harapan at makakausap [sila]. . . . Maaari ninyong banggitin sa [kanila] nang hayagan ang mga katotohanang ito. . . . Makikita ninyong pareho lang kayong takot sa mga ito. Hindi na kailangang magdahan-dahan pa" ("The Charted Course of the Church in Education," sa Teach Ye Diligently, ni Boyd K. Packer, binago at pinamatnugutan [1991], 365, 373­74).

Sang-ayon ako kay Pangulong Clark at magsasalita ako nang malinaw sa mga kabataan tungkol sa mga bagay na natutuhan ko't nalaman kong totoo.

Noong 18 taon ako ay tinawag ako sa serbisyo militar. Hindi ko pa natatanggap noon ang aking basbas ng patriyarka, kung kaya inirekomenda ako ng obispo sa patriyarkang malapit sa aming base militar.

Si Patriarch J. Roland Sandstrom ng Santa Ana California Stake ang nagbigay ng aking basbas. Doon ay sinabihan akong: "Gumawa ka ng malaya at kusang pasiya na susunod sa mga batas ng Walang Hanggang Pag-unlad na binalangkas ng ating nakatatandang kapatid, ang Panginoong Jesucristo. Ikaw . . . ay binigyan . . . ng katawang pisikal kung saan mararanasan mo ang Buhay sa Lupa, . . . isang katawang tamang-tama lamang at malusog upang ang iyong espiritu ay makagawa sa pamamagitan nito nang hindi naaabala ng pisikal na sagabal. . . . Pagyamanin ang dakilang manang ito" (basbas patriyarka ni Boyd K. Packer, ika-15 ng Ene. 1944, 1).

Malaking ginhawa iyon para sa akin. Dahil sa polyo noong bata pa ako, hindi ako nakasali sa mga larong pampalakasan at nadama kong mas mababa ako kung ihahambing sa aking mga kaibigan.

Ang aking basbas patriyarka ay nagpayo: "Pangalagaan at protektahan ang [iyong katawan]--huwag kang kakain o iinom ng anumang makasasama sa mga bahagi nito dahil ito'y sagrado. Ito ang instrumento ng iyong kaisipan at pundasyon ng iyong pag-uugali" (basbas patriyarka ni Boyd K. Packer, ika-15 ng Ene. 1944, 1).

Natagpuan ko sa Salita ng Karunungan ang isang alituntunin na may pangako. Ang alituntuning: Pangalagaan ang iyong katawan; iwasan ang mga pampasiglang nakagawian tulad ng tsaa, kape, tabako, alak, at droga (tingnan sa D at T 89:3­9). Ang gayong nakalululong na mga bagay ay hindi gaanong nagbibigay-kasiyahan sa pananabik na ang mga ito rin naman ang pinagmulan.

Ang pangakong: Ang mga susunod ay tatanggap ng higit na kalusugan (tingnan sa D at T 89:18) at "malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan" (D at T 89:19).

Sinabi ng Propetang si Joseph Smith: "Naparito tayo sa mundong ito upang magkaroon ng katawan at iharap itong dalisay sa Diyos sa kahariang selestiyal. Ang dakilang alituntunin ng kaligayahan ay kinapapalooban ng pagkakaroon ng katawan. Ang diyablo ay walang katawan, at narito ang kanyang kaparusahan. Natutuwa siya kapag nakakaangkin siya ng katawan ng tao. . . . Lahat ng nilalang na may katawan ay higit ang kapangyarihan doon sa mga wala nito" (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 181).

Maging ang matitinding pagsubok ng kalusugan o may kapansanang katawan ay makapagpapadalisay ng kaluluwa para sa maluwalhating araw ng pagpapanumbalik at kagalingan na tiyak na darating.

Ang inyong katawan ay ang tunay na instrumento ng inyong isip at ang pundasyon ng inyong pag-uugali.

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee ang mahalagang sagisag at tunay na epekto ng kung paano ninyo damitan at ayusan ang inyong katawan. Kung maayos at disente ang inyong pananamit, inaanyayahan ninyo ang pagsama ng Espiritu ng ating Ama sa Langit at pinaiiral ang mabuting impluwensiya sa mga nakapaligid sa inyo. Ang di pag-aayos at kawalang-ingat sa inyong kaanyuan ay naglalantad sa inyo sa mga impluwensiyang nakapagpapababa ng pagkatao" (tingnan sa The Teachings of Harold B. Lee, sa patnugot ni Clyde J. Williams [1996], 220).

Iwasan ang malaswang pananamit. Manamit at mag-ayos sa paraang maipapakita ninyo sa Panginoon na alam ninyo ang kahalagahan ang inyong katawan.

Kailan lamang ay binalaan kayo ni Pangulong Hinckley na huwag palamutian ang inyong katawan ng mga larawan o sagisag na hindi na maaalis o butasan ang inyong katawan at lagyan ng mga hikaw at alahas sa paraan ng daigdig (tingnan sa "Ang Iyong Pinakamalaking Hamon, Inay," Liahona, Ene. 2001, 115).

Hindi ninyo pipintahan ang templo ng madidilim na larawan o sagisag o mga sulat-sulat o maging ng mga daglat ng pangalan. Huwag ninyong gawin ito sa inyong katawan.

"Hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios, at hindi kayo sa inyong sarili?

"Sapagka't kayo'y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios, at ng inyong espiritu, na sa Dios" (1 Cor. 6:19­20).

"Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?

"Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya'y igigiba ng Dios; sapagka't ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo" (1 Cor. 3:16­17).

Nasa inyong katawan ang kahima-himalang kapangyarihan na paglikha ng buhay. Ang mga batang lalaki'y lumalaki at nagiging mga binata at maaaring maging mga ama; ang mga batang babae'y lumalaki at nagiging mga dalaga at maaaring maging mga ina. Mga likas at mabubuting damdamin ang naglalapit sa kalalakihan at kababaihan.

"Lahat ng tao--lalaki at babae--ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos. Ang kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan" (Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo, Liahona, Okt. 1998, 24).

"Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inordena ng Diyos at ang mag- anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak" (Ensign, Nob. 1995, 102).

Dapat ay naaakit kayo sa isa't isa at magpakasal. Tanging noon lamang kayo makatutugon sa malakas at mabuti at palagiang pagnanais na ipahiwatig ang pagmamahal na iyon kung saan ang mga bata ang magpapala sa inyong buhay. Sa utos ng Diyos na ating Ama, iyan ay kailangang mangyari lamang sa pagitan ng mag-asawa--lalaki at babae--na nangako sa isa't isa sa tipan ng kasal (tingnan sa 1 Cor. 7:2; D at T 42:22). Ang paggawa ng kabaligtaran ay ipinagbabawal at magdudulot ng kalungkutan.

Dahil sa pagpipigil sa mga likas na paghahangad na ito kung kaya ibinigay ang pinakamahihigpit na kautusan sa mga paghahayag (tingnan sa Smith, Teachings, 181; Gal. 5:19; Efeso 5:5; Morm. 9:28).

Mga kabataang lalaki at babae, panatilihing karapat-dapat ang inyong sarili. Lumayo sa mga kapaligiran, musika, pelikula, video, mga bahay-aliwan, at mga kasama na umaakay sa inyo sa malaswang pag-uugali (tingnan sa 1 Cor. 6:9; 1 Tesalonica 5:22; 2 Tim. 2:22; D at T 9:13).

Ngayon, kailangan kong magsalita tungkol sa isa pang panganib, na halos hindi kilala noong aming kabataan ngunit nakapaligid ngayon sa inyo.

Ang normal na mga naisin at pagkaakit ay umuusbong kapag tinedyer; nariyan ang tuksong sumubok, na pakialaman ang sagradong kapangyarihan na lumikha ng bata. Ang mga pagnanais na ito'y maaaring tumindi, o kaya'y gamitin sa maling paraan, sa pornograpiya, hindi angkop na musika, o sa panghihikayat ng di nararapat na mga pakikisama. Ang dapat sana'y pagdaraanan lamang sa paghubog ng kasarinlan ay natatanim at iniiwan kayong lito, o kaya'y nababagabag.

Kung papayagan ninyo, maaaring makontrol ng kalaban ang inyong isip at unti-unti kayong akayin sa isang kaugalian o pagkalulong, na kinukumbinsi kayo na ang malaswa at di natural na pag-uugali ay bahagi na ng inyong pagkatao.

Sa ilan ay nariyan ang tukso na tila halos hindi mapaglabanan ng lalaki ang maakit sa lalaki o kaya'y ng babae sa babae. Malinaw na isinusumpa ng mga banal na kasulatan ang mga taong "[inaalisan] nila ng puri ang kanilang mga katawan sa kanikanilang sarili . . . ; gumagawa ng kahalayan ang mga lalake sa mga kapuwa lalake (Rom. 1:24, 27) "o pinalitan ng kanilang mga babae ang katutubong kagamitan niyaong nalalaban sa katutubo" (Rom. 1:26).

Ang mga pintuan ng kalayaan, at ang mabuti at masama sa dako pa roon, ay bumubukas o sumasara sa password na pagpili. Malaya kayong pumili ng landas na maaaring humantong sa pagkabigo, sa karamdaman, maging sa kamatayan (tingnan sa 2 Ne. 2:26­27).

Kung pipiliin ninyo ang landas na iyon, ang mga bukal ng buhay ay maaaring matuyuan. Hindi ninyo malalaman ang kombinasyon ng pagmamahal at pagsisikap, ang sakit at kasiyahan, ang kabiguan at sakripisyo na, kapag pinagsama sa pagiging magulang, ay dumadakila sa isang lalaki o sa isang babae na humahantong sa puspos na kagalakan na binabanggit sa mga banal na kasulatan (tingnan sa 2 Ne. 2:25; 9:18; D at T 111:13; 42:61; 101:36).

Huwag mag-eksperimento; huwag hayaan ang sinuman ng alinmang kasarian na hipuin ang inyong katawan upang gisingin ang mga damdamin na maaaring mag-alab at di mapigilan. Nagsisimula ito sa inosenteng pag-uusisa, iimpluwensiyahan ni Satanas ang inyong kaisipan, at ito'y nauulit, nakakaugalian, na maaaring bumihag sa inyo sa pagkasugapa, na ikalulungkot at ikabibigo ng mga nagmamahal sa inyo (tingnan sa Juan 8:34; 2 Pet. 2:12­14, 18­19).

Pinipilit ang mga mambabatas na gawing legal ang di natural na pag-uugali. Hindi nila kailanman maitatama ang bagay na ipinagbabawal sa batas ng Diyos (tingnan sa Lev. 18:22; 1 Cor. 6:9; 1 Tim. 1:9­10).

Minsa'y tinatanong tayo kung bakit di natin kinikilala ang pag- uugaling ito bilang kaiba at katanggap-tanggap na uri ng pamumuhay. Hindi natin magagawa ito. Hindi tayo ang gumawa ng mga batas; ang mga ito'y ginawa sa langit "bago pa ang pagkakatatag ng daigdig" (D at T 132:5; 124:41; tingnan din sa Alma 22:13). Tayo'y mga tagapaglingkod lamang.

Tulad ng mga sinaunang propeta, tayo'y "itinalagang mga saserdote at guro ng mga taong ito, . . . [may pananagutang tuparin] ang aming mga tungkulin sa Panginoon, sa pagtanggap ng pananagutan, sa pagsagot sa mga kasalanan ng mga tao sa aming sariling mga ulo kung hindi namin sila tuturuan ng salita ng Diyos nang buong pagsusumigasig" (Jacob 1:18­19).

Nauunawaan namin kung bakit nadarama ng ilan na tinanggihan namin sila. Hindi totoo iyan. Hindi namin kayo tinatanggihan, ang mga malaswang pag-uugali lamang. Hindi maaaring tanggihan namin kayo, dahil kayo'y mga anak ng Diyos. Hindi namin kayo tatanggihan, dahil mahal namin kayo (tingnan sa Heb. 12:6­9; Rom. 3:19; Hel. 15:3; D at T 95:1).

Maaaring madama ninyong hindi namin kayo mahal. Hindi rin iyan totoo. Alam ng mga magulang, at isang araw ay malalaman ninyo, na may mga sandaling ang mga magulang at kaming namumuno sa Simbahan ay kailangang magpadama ng mabagsik na pagmamahal kapag ang kahulugan ng kabiguang magturo at magdisiplina ay manira.

Hindi kami ang gumawa ng mga batas; ang mga ito'y inihayag bilang mga utos. Hindi kami ang sanhi ni hindi namin maiiwasan ang mga ibubunga kung susuway kayo sa mga batas ng kagandahang-asal (tingnan sa D at T 101:78). Sa kabila ng pamimintas o pagsalungat, kailangan naming magturo at kailangan naming magbabala.

Kapag nagpumilit sa inyong isipan ang anumang di nararapat na hangarin, labanan ang mga ito, tutulan ang mga ito, at pigilan ang mga ito (tingnan sa Santiago 4:6­8; 2 Ne. 9:39; Mosias 3:19). Itinuro ni Apostol Pablo na, "Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa't tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pag-ilag, upang ito'y inyong matiis" (1 Cor. 10:13; tingnan din sa D at T 62:1).

Iya'y maaaring isang pagpupunyaging hindi ninyo matatakasan sa buhay na ito. Kung hindi kayo magpapatukso, hindi kayo dapat makonsiyensiya. Maaaring napakahirap labanan ng mga ito. Ngunit mas mainam iyan kaysa magpatukso at magdulot ng kabiguan at kalungkutan sa inyo at sa mga mahal ninyo sa buhay.

Iniisip ng ilan na nilikha sila ng Diyos na taglay ang di mapigilan at di natural na mga paghahangad, na sila'y bihag at hindi mananagot dito (tingnan sa Santiago 1:13­15). Hindi totoo iyan. Hindi maaaring magkatotoo. Kung tatanggapin man nilang totoo ito, dapat nilang tandaan na kaya Niyang magpagaling (tingnan sa Alma 7:10­13; 15:8).

Ngayon, paano kayo na mga nakagawa na ng pagkakamali o naligaw na sa malaswang uri ng pamumuhay? May pag-asa pa ba kayo? Itinapon na ba kayo at habampanahon nang maliligaw?

May kapatawaran pa ang mga kasalanang ito. Gaano man di karapat-dapat o di natural o kahalay ang mga kasalanang ito, may kapatawaran pa rin ang mga ito (tingnan sa D at T 42:25). Kapag lubusan nang tinalikuran at pinagsisihan, maaaring mabuksan ang nakadadalisay na kaloob ng kapatawaran, at mabubura na ang bigat ng kasalanan. May daan pabalik--mahaba, marahil; mahirap, sigurado; posible, siyempre! (tingnan sa Mga Gawa 5:31; Efeso 1:7; Mosias 4:2; 26:29; D at T 1:31­32; 58:42; 61:2).

Hindi ninyo kailangan, hindi ninyo mahahanap nang mag-isa ang landas. Mayroon kayong Manunubos. Aalisin ng Panginoon ang inyong pasanin kung pipiliin ninyong magsisi at tatalikuran ang inyong mga kasalanan at hindi na gagawin ang mga ito. Iyan ang dahilan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.

"Magsiparito kayo ngayon, at tayo'y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng tupa" (Isa. 1:18).

Ang pagpili ay nasa inyo; hindi kayo itinakwil kailanman. Inuulit ko, ang mga kasalanang ito ay may kapatawaran.

Maaaring maisip ng isang tao na, Huli na ang lahat, matatapos na ang buhay ko, at isusumpa na ako sa kawalang hanggan. Hindi totoo iyan, dahil "kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag" (1 Cor. 15:19).

Tulad ng katawang pisikal na nalilinis at napapagaling, gayundin na ang espiritu ay mahuhugasan at malilinis sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Iaangat kayo ng Panginoon at dadalhin ang inyong pasanin sa sandali ng pagdurusa at paghihirap na kinakailangan upang kayo'y maging malinis. Iyan ang buong kahulugan ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Sinabi Niya, "Ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala [ang inyong mga kasalanan]" (D at T 58:42; tingnan din sa Heb. 8:12; 10:17; Alma 36:19).

Mahal naming, mahahalagang kabataan, manatili sa landas ng Panginoon. Kung madadapa kayo, magbangon, magpatuloy. Kung naliligaw kayo ng landas, hihintayin namin ang inyong pagbabalik.

Purihin ang Diyos sa nakalilinis, nakadadalisay at mapagpatawad na kapangyarihan ng Pagbabayad-salang dulot ng Panginoong Jesucristo, na pinatototohanan ko. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy