The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
"Panahon Na"

"Panahon Na"

Elder M. Russell Ballard
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Kung hindi natin . . . nanaising ituro sa iba ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, sino pa ang gagawa nito?"

Elder M. Russell Ballard

Noong Marso ng 1839, mula sa mapanglaw na kulungan ng Liberty Jail, pinayuhan ni Propetang Joseph Smith ang Simbahan, "Marami pa sa mundo sa lahat ng sekta, pangkat, at demoninasyon, ang binubulag ng pandaraya ng mga tao . . . at napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan" (D at T 123:12).

Pagkalipas ng ilang taon, sa gulang na 15, ang pamangkin ng Propeta na si Joseph F. Smith ay tinawag na magmisyon sa Hawaii. Alalahanin ninyong limang taong gulang pa lamang siya nang patayin ang kanyang ama na si Hyrum. Namatay ang kanyang ina na si Mary Fielding noong siya ay 13. Pagdating niya sa isla ng Maui, nagkasakit nang malubha ang batang si Joseph. Sa kabila nito at ng iba pang kahirapan, sumulat siya kay Elder George A. Smith: "Handa akong magpatotoo . . . anumang oras, o saanmang lugar, o anuman ang kalagayan ko. . . . Handa akong pagdaanan ang hirap man o ginhawa para sa layuning ito na pinagkakaabalahan ko" (ayon sa pagsipi sa tinipon ni Joseph Fielding Smith, Life of Joseph F. Smith, [1938],176).

Ngayo'y dapat nating tanungin ang ating sarili: Handa ba tayong pagdaanan ang hirap man o ginhawa para sa layuning ito na pinagkakaabalahan natin? Nasasalamin ba sa ating mukha ang kagalakan sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Cristo tulad ng dapat gawin ng mga tunay na disipulo? Kung hindi natin nauunawaan at nanaising ituro sa iba ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, sino pa ang gagawa nito? Hindi natin maaaring iatang na lamang sa mga balikat ng mga full-time na misyonero ang pangangaral ng ebanghelyo sa lahat ng tao. Hindi mapatatatag ang mga mag-anak, ni mapalalakas ang mga personal na patotoo, hindi dadami ang bibinyagan, ni mapababalik ang di gaanong aktibo, hangga't tayo, bilang mga miyembro ng Simbahan, ay hindi isa-isa at sama-samang magtutulungan nang may dedikasyon at paggawa upang tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Ang ating tungkulin ay ang tulungan ang iba, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, na malaman at maunawaan ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Dapat maramdaman ng bawat isa na tunay at napakahalaga ng mga doktrina ng Pagpapanumbalik. At bawat isang tatanggap ng mensahe ay dapat magsikap na ipamuhay ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagtupad sa mga sagradong tipan at sa pakikilahok sa lahat ng ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan. Madalas nating iniisip na ang pagbabalik-loob ay nauukol lamang sa mga nagsisiyasat, ngunit may mga miyembrong hindi pa lubos ang pagbabalik-loob at hindi pa nakaranas ng malaking pagbabago ng puso na inilarawan sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Alma 5:12).

Mga kapatid, ang tunay at ganap na pagbabalik-loob ang siyang susi sa mas mabilis na pag-unlad ng gawain ng Simbahan.

Batid natin na kapwa ang mga miyembro at di miyembro ay malamang na higit na magbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo kung kusa nilang susubukin ang salita (tingnan sa Alma 32:27). Ito ay kapwa saloobin ng isipan at puso na kinabibilangan ng pagnanais na malaman ang katotohanan at pagkukusang isagawa ito. Sa mga nagsisiyasat ng Simbahan, ang pagsubok dito ay maaaring kasing-simple ng pagpayag na basahin ang Aklat ni Mormon, pagdarasal tungkol dito, at taimtim na paghahangad na malaman kung si Joseph Smith ay propeta ng Panginoon.

Ang tunay na pagbabalik-loob ay dumarating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. Kapag naaantig ng Espiritu ang puso, ang mga puso ay nagbabago. Kapag kapwa naramdaman ng miyembro at mga nagsisiyasat na pinupukaw sila ng Espiritu, o kapag nakasaksi sila ng pagmamahal at awa ng Panginoon sa kanilang buhay, naliliwanagan sila at espirituwal na lumalakas at lumalago ang pananampalaya nila sa Kanya. Kusang dumarating ang mga espirituwal na karanasang ito kapag kusang susubukan ng isang tao ang salita. Ito ang paraan para madama natin na ang ebanghelyo ay totoo.

Isang napakahalagang katibayan ng ating pagbabalik-loob at ano ang pakiramdam natin sa ebanghelyo sa ating buhay ay ang ating pagkukusang ibahagi ito sa iba at sa pagtulong sa mga misyonerong makakita ng taong matuturuan. Higit na mabisa ang pagbabalik-loob kapag ang di miyembro ay may kaibigan o kamag-anak na kinakikitaan ng kagalakan sa pagiging miyembro ng Simbahan. Napakalakas ng impluwensiya ng mga miyembro ng Simbahan. Kaya marahil hiniling sa atin ni Pangulong Hinckley na tiyaking bawat isa sa kanila ay mayroong kaibigan (tingnan sa "Converts and Young Men," Ensign, Mayo 1997, 47).

Heto ngayon ang isang mahalagang susi sa ating tagumpay sa pagpapaunlad ng gawain ng Panginoon. Bilang mga aktibong miyembro ng Simbahan, at lalo na bilang mga pinuno ng pagkasaserdote at pantulong na samahan, dapat nating pag-ibayuhin ang pagtulong sa proseso ng pagbabalik-loob, pagpapanatili, at pagpapaaktibo. Batid nating nais maglingkod ng matatapat na miyembro, ngunit minsa'y nakakalig-taan natin ang mahahalagang bungang dapat idulot ng ating pananampalataya at gawa sa pagsisikap na patatagin ang pangako ng mga anak ng ating Ama sa ebanghelyo.

Mga obispo, kayo ang susi. Ipaunawa ninyo ito sa kanila at anyayahan ang kapulungan sa inyong purok na tulungan kayong palakasin ang espirituwal na pagbabalik-loob ng mga nagsisiyasat at gayundin ng mga miyembro ninyo sa Simbahan. Hikayatin ang mga miyembro ng kapulungan na laging mag-isip kung paano nila kayo matutulungan upang higit na maipaalam at maipaunawa ang ebanghelyo sa mga miyembro ng purok at sa kanilang mga kaibigang hindi miyembro. Ano ang maitutulong nila upang ipadama sa kanilang ito ay totoo at suportahan sila sa kanilang pagsusumigasig na ipamuhay ang mga alituntunin? Tanungin ang inyong sarili kung ano ang tiyak na magagawa natin bilang mga pinuno ng pagkasaserdote at pantulong na samahan upang mahikayat ang isang mag-anak o isang tao na subukin ang mabuting salita ng Diyos. Ano ang magagawa ng kapulungan bilang mga pinuno at guro upang tiyaking ang bawat taong dumadalo sa Simbahan ay nadarama ang Espiritu at lumalakas ang espirituwalidad?

Ngayon pa lamang natin natututuhan kung paano magtuon ng pansin sa mga tamang bagay sa mga pulong natin sa kapulungan, ngunit kadalasa'y nakatuon pa rin tayo sa pangkalahatan. Sa isang istaka kung saan matagumpay sila sa pagbibinyag at pagpapanatili ng mga bagong miyembro, inaanyayahang makipagkita ang mga full-time na misyonero sa mga miyembro ng kapulungan ng purok upang pag-usapan ang tungkol sa mga taong kanilang tinuturuan. Ang mga miyembro ng kapulungan ay humihingi ng inspirasyon sa pagpapasiya kung sinong mga pinuno at miyembro sa purok ang makatutulong sa mga misyonero sa pakikipagkaibigan sa partikular na tao o magp-anak at madala sila sa Simbahan.

Ang ilan sa inyong mga obispo ay nag-aakalang kailangan ninyong malaman ang lahat ng ginagawa ng mga miyembro ng inyong kapulungan. Mali ito dahil kung gagawin ninyo ito, kailanman'y hindi ninyo magagamit nang husto ang lahat ng mabisang kasangkapang bigay sa inyo ng Diyos. Sa pangkalahatang pulong ng Samahang Damayan dalawang linggo na ang nakaraan, sinabi ni Sister Sheri Dew na naniniwala siya na ang mga kapatid na babae ang "lihim na sandata ng Panginoon." Sa palagay ko'y tama siya. May espirituwal na damdamin ang mga kapatid na babae na nagbubunsod sa kanilang gawin ang pinakamainam upang malapitan at mapangalagaan ang mga taong tinuturuan ng mga misyonero. Ang pinakamagandang lugar upang masimulan ang lubos na paggamit ng mga talino at karunungan ng ating mga kapatid na babae ay sa naitatag na sistema ng kapulungan ng Simbahan. Malaya kayong gawin ang nararapat sa kapulungan ng purok.

Noong isang taon lamang, sinabi ito ni Pangulong Hinckley sa mga obispo ng Simbahan: "Hindi kayo nakatali sa mahihigpit na patakaran. Bahala kayong umisip ng mga nararapat gawin. May karapatan kayong makatanggap ng sagot sa inyong mga panalangin, sa inspirasyon at paghahayag mula sa Panginoon" (Gordon B. Hinckley, Ensign, Mayo 1999, p. 110). Marahil sa ilang kaso, hindi sapat ang buwanang pagpupulong ng kapulungan upang mapagtuunan ang espirituwal na pagbabalik-loob ng kapwa mga miyembro at hindi miyembro na nasa ilalim ng inyong pangangasiwa. Malaya kayong magpulong nang madalas kung kailangan.

Kamakaila'y ibinahagi ng isang pangulo ng istaka ang isang nakaaantig na kuwentong nagpapamalas ng kapangyarihan ng sistema ng kapulungan sa pagtatatag ng Simbahan. Sinabi niyang kapwa tinatrabaho ng Samahang Damayan at Pagkasaserdote ang isang pamilya sa istaka nila ngunit nahirapan sila sa mga magulang. Natagpuan ng mga pinuno ng Primarya ang sagot. Pumayag ang mga magulang na dumalo ang kanilang anak na babae sa Primarya. Ang tanging kondisyon nila ay kailangang labis-labis ang kagustuhan niyang pumunta roon para makapunta siyang mag-isa. Walang sasakyang mailaan ang simbahan. Dahil kailangan niyang dumaan sa mabakong bahagi ng bayan, tiniyak ng kapulungan sa purok na may kasabay siya sa pagbibisikleta patungong Simbahan. Sa init, ulan, at niyebe man, nagpumilit pa rin siyang pumunta sa Simbahan. Isang binatilyo, na kasama ng kanyang pamilyang naatasang sabayan siya isang umagang maniyebe, ang lubos na naantig habang pinagmamasdan ang determinasyon ng batang babaing ito na nagpepedal sa gitna ng niyebe at lamig kung kaya nagpasiya siyang magmisyon, at tinutukoy ang karanasang ito na dahilan ng pagbabago sa kanyang buhay. Noong Pasko, binigyan ng isang pamilya sa purok ang matapat na batang babaing ito ng isang bago't mabilis na bisikleta. Lubos na naantig ang kanyang mga magulang kung kaya sila rin ay nagsimulang dumalo sa Simbahan. Noong Mayo, 1999, nabinyagan ang batang babaing ito. Lalong naging espesyal ang pagbibinyag dahil isinagawa ito ng pinakabagong saserdote sa purok, ang kanyang amang muling napaaktibo.

Mga obispo, upang maisagawa ninyo ang hinihingi ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa, kailangang kamtan ng kapulungan sa inyong purok ang gayong pag-unawa sa layuning ito at lalo pang magtulungan sa dakilang gawain ng Diyos upang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Isipin ang kapangyarihang darating kung tutulong ang bawat miyembro ng Simbahan sa lahat ng miyembro at nagsisiyasat na tamasahin ang pakikisama ng Espiritu. Lalo tayong magsikap upang tiyakin ang pagdalo ng Espiritu sa lahat ng ating pagpupulong upang magdulot ng mas malalim na espirituwal na pagbabalik-loob. Higit na kailangan ditong tulungan ng mga kapulungan sa purok ang obispado sa pagpapaibayo ng katahimikan sa mga pulong-sakramento at pagsasaayos ng pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng pagpupulong natin sa Simbahan.

Lagi nating isaisip ang pag-aalay ng buhay ng Tagapagligtas para sa atin. Kailanma'y hindi natin dapat limutin na dumanas Siya ng pagtatatwa, panlilibak, matinding sakit, at sa huli'y kamatayan upang iligtas ka at ako at ang buong mundo mula sa kasalanan. Makahaharap ba sa Kanya ang sinuman sa atin balang araw at masasabing hindi natin naibahagi ang ebanghelyo sa iba at natulungan ang mga misyonerong humanap ng matuturuan dahil masyado tayong abala o mahiyain--o anupamang dahilan?

Ito ay gawain ng Diyos. Nais Niyang makilahok tayo sa Kanya at sa Kanyang Minamahal na Anak sa paghahatid ng ebanghelyo sa buhay ng lahat ng Kanyang mga anak. Ipinangako sa atin ng Panginoon na mas nakagagalak kung makapagdadala tayo ng kahit isang kaluluwa lang sa Kanya (tingnan sa D at T 18:15­16). Manampalataya pa tayo at magtulungan, mga miyembro at misyonero, upang makapagdala ng mas maraming kaluluwa sa Kanya. Pasamahan ang pang-araw-araw na panalangin ng bawat pamilya sa Simbahan ng pagsusumamo sa Panginoon na ihanda ang daan para sa mga miyembro ng inyong pamilya at tulungan silang makakita ng taong handang tumanggap ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Panahon na upang higit na magkaroon ng tapang ang mga miyembro ng Simbahan na tumulong sa iba nang malaman nilang ang Simbahan ay totoo. Panahon na para sang-ayunan ng ating mga pagkilos ang hinihiling ni Pangulong Gordon B. Hinckley na gawin natin.

Nagpapalaganap si Lucifer ng mahalay, nakasusuklam, marahas, at nakapagpapababang kalaswaan sa hangaring wasakin ang espirituwal na damdamin ng mga anak ng ating Ama. Tunay na kalaban natin ang mga nanlilibak sa Diyos at umiiwas sa katotohanan, kaya sundin natin ang ating mga tipan at tumugon sa tawag ng tungkulin. Tipunin ang lahat ng kaloob ng Panginoon, kabilang na ang ating sariling patotoo. Iparinig ito sa mas maraming tao. Isapuso ang Diwa ni Pangulong Joseph F. Smith. Sabihin nating "Handa akong magpatotoo . . . anumang oras, o saanmang lugar, o sa anuman ang kalagayan ko." Tutulungan tayong gampanan ito sa pamamagitan ng madalas na pagbabasa ng sariling kuwento ni Joseph Smith at pagkatapos ay ibahagi sa iba ang ating tiyak na kaalaman na ang kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo ni Jesucristo ay muling naipanumbalik sa lupa. Kailangan tayong sumulong na taglay ang pangakong pagpapalain tayo ng Espiritu upang malaman natin ang gagawin at sasabihin habang tinutulungan natin ang mga naghahanap sa katotohanan. Sumulong tayo nang higit ang pananampalataya, na hindi kailanman nalilimutang tutulungan tayo ng Panginoon habang taimtim tayong nananalangin sa Kanya. Ang ating Ama sa Langit ay buhay at minamahal ang bawat isa sa kanyang mga anak. Ang Panginoong Jesucristo ay buhay. Ang pinakamahalagang magagawa natin ay tulungan ang mga anak ng Diyos na lubos na maunawaan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Alam kong ito ay totoo at pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy