Elder D. Todd Christofferson
Ng Panguluhan ng Pitumpu
"Sa pamamagitan ng pagkilala sa mga ninuno natin at pagsasagawa para sa kanila ng mga nakapagliligtas na ordenansa na hindi nila mismo magagampanan ay nagpapatotoo tayo sa walang hanggang saklaw ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo."
Matagal nang pinag-iisipan ng mga Kristiyanong nag-aaral sa relihiyon ang tanong na Ano ang maaaring maging tadhana ng bilyun-bilyong nabuhay at namatay nang walang alam tungkol kay Jesus?"
1 Kaakibat ng Pag- papanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay dumating ang pang-unawa sa kung paano natutubos ang mga patay na hindi nabinyagan at paanong ang Diyos ay isang "ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos."
2
Noong nabubuhay pa sa lupa, nagpropesiya si Jesus na mangangaral din siya sa mga patay.3 Ayon kay Pedro nangyari ito sa pagitan ng Pagkakapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag- uli ng Tagapagligtas.4 Nasaksihan ni Pangulong Joseph F. Smith ang pangitain na dinalaw ng Tagapagligtas ang daigdig ng mga espiritu at "mula sa mabubuti [espiritu] . . . binuo ang kanyang lakas at nagtalaga ng mga sugo, na nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan, at inatasan silang humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman. . . .
"Sa kanila ay itinuro ang pananampalataya sa Diyos, pagsisisi mula sa kasalanan, pagbibinyag alang-alang sa iba para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay."5
Ang doktrina na ang mga buhay ay makapagpapabinyag at maka- pagsasagawa ng mga ordenansa alang-alang sa mga patay ay muling ipinahayag ni Propetang Joseph Smith.6 Nalaman niya na ang mga espiritung naghihintay ng pagkabuhay na mag-uli ay hindi lamang binibigyan ng sarilig kaligtasan, kundi maaari na silang mabuklod sa langit bilang mga mag- asawa at mabuklod sa kanilang mga ama at ina ng mga nakalipas na salinlahi at sa kanilang mga anak sa mga salinlahing darating. Tinagubilinan ng Panginoon ang Propeta na ang mga sagradong ordenansang ito ay nararapat lamang isagawa sa bahay na itinayo sa Kanyang pangalan, sa isang templo.7
Hindi dapat maging kakaiba sa kahit sinumang Kristiyano ang alituntunin ng paggawa alang-alang sa iba. Sa pagbibinyag para sa nabubuhay na tao, ang nangangasiwa ay kumikilos bilang kahalili ng Tagapagligtas. Hindi ba pangunahing doktrina ng pananampalataya natin na ang sakripisyo ni Cristo ang nagbayad sa ating kasalanan sa pamamagitan ng pagtugon Niya sa mga hinihiling sa atin ng katarungan? Tulad ng ipinahiwatig ni Pangulong Gordon B. Hinckley: "Sa palagay ko ang paggawa ng gawain para sa mga patay ang pinakamalapit sa ginawang sakripisyo ng Tagapagligtas mismo para sa atin kaysa anumang gawain. Ibinigay ito nang may pagmamahal, nang hindi naghihintay ng kabayaran o kapalit o anumang kauri nito. Tunay na napakaluwalhating alituntunin nito."8
Hindi nauunawaan at inaakala ng ilan na ang mga namatay ay "binibinyagan sa relihiyong Mormon nang hindi nila alam"9 o na ang "mga tao na dating kabilang sa ibang relihiyon ay mapipilitang mapabilang sa relihiyong Mormon."10 Ipinalalagay nilang mayroon tayong kapangyarihang ipilit sa isang kaluluwa ang mga bagay ukol sa relihiyon. Siyempre hindi natin ginagawa iyan. Ibinigay ng Diyos sa tao ang kalayaang pumili noon pa man.11 "Ang mga patay na magsisisi ay natutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,"12 ito ay kung tatanggapin nila ang mga ordenansang iyon. Hindi sila isinusulat ng Simbahan sa listahan nito o isinasama sa bilang ng mga miyembro.
Ang kagustuhan nating tubusin ang patay, at ang oras at salaping ginugugol natin sa gawaing iyan ay, higit sa lahat, pagpapahiwatig ng ating patotoo kay Jesucristo. Taglay nito ang makapangyarihang pahayag na maaari nating magawa hinggil sa Kanyang banal na pagkatao at misyon. Una ay pinatototohanan nito ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo; ikalawa, ang walang hanggang impluwensiya ng Kanyang Pagbabayad-sala; ikatlo, na Siya ang tanging pinagmumulan ng kaligtasan; ikaapat, na itinatag Niya ang mga kundisyon para sa kaligtasan; at, ikalima, na Siya ay paparitong muli.
ANG KAPANGYARIHAN NG PAGKABUHAY NA MAG-ULI NI CRISTO
Hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli, tinanong ni Pablo, "Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismohan dahil sa mga patay, kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay . . . ? bakit nga sila'y binabautismuhan dahil sa kanila?"13 Binibinyagan tayo para sa mga patay dahil alam natin na magbabangon sila. "Ang kaluluwa ay magbabalik sa katawan, at ang katawan sa kaluluwa; oo, at bawat biyas at kasu-kasuan ay magbabalik sa kanyang katawan; oo, maging isang buhok sa ulo ay hindi mawawala; kundi lahat ng bagay ay magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo."14 "Sapagka't dahil dito ay namatay si Cristo at nabuhay na mag-uli, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay."15
Napakahalaga ng ginagawa natin hinggil sa mga namatay na sapagkat nabubuhay sila ngayon bilang mga espiritu at mabubuhay na muli bilang mga kaluluwang walang kamatayan, at iyan ay dahil kay Jesucristo. Naniniwala tayo sa mga salita Niya nang sabihin Niyang, "Ako ang pagkabuhay na mag-uli at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya."16 Sa mga pagbibinyag na ginagawa natin alang-alang sa mga patay, pinatototohanan natin na "kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. . . .
"Sapagka't kinakailangan, siya'y maghari hanggang mailagay niya sa ilalim ng kanyang mga talampakan ang lahat niyang mga kaaway.
"Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan."17
ANG WALANG HANGGANG SAKLAW NG PAGBABAYAD-SALA NI CRISTO
Sa pagkilala sa mga ninuno natin at pagganap para sa kanila sa mga ordenansang hindi nila mismong magagampanan ay nagpapatotoo tayo sa pagmamahal ng Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak at sa walang hanggang saklaw ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Si Cristo ay "namatay dahil sa lahat."18 "Siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman."19
"Hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao:
"Kundi sa bawat bansa siya na may takot sa kaniya, at gumagawa ng katuwiran, ay kalugodlugod sa kaniya."20
"Sumisigaw ba siya sa sino man, sinasabing: Lumayo sa akin? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; kundi sinasabi niya: Magsilapit sa akin lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, bumili ng gatas at pulot nang walang salapi, at walang bayad."21 Ang ating Panginoon ay "inaanyayahan . . . lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi; alipin at malaya, lalaki at babae; at naaalala niya ang mga di binyagan; at pantay-pantay ang lahat sa Diyos, kapwa Judio at Gentil."22
Hindi mo maiisip na ang paanyayang ito, na ipinaaabot sa lahat ng nabubuhay sa mundo, ay hindi ibibigay sa mga taong hindi nakarinig nito bago sila namatay. Sa tulong ni Pablo, nahikayat tayo na hindi hadlang ang kamatayan: "Kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alinmang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin."23
SI JESUCRISTO, ANG TANGING PINAGMUMULAN NG KALIGTASAN
Ang pag-aalala nating masiguro na ang mga ninuno natin ay nabinyagan sa pangalan ni Jesus ay isang saksi sa katotohanan na si Jesucristo ang "daan, at ang katotohanan, at ang buhay" at na "sinuman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan [Niya]," gaya nang pinatotohanan Niya mismo.24 Ipinahayag ni Pedro, "At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan; sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas."25
"Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus."26
Ang ilang makabagong Kristiyano, na nagmamalasakit sa walang hanggang kapakanan ng bilyun-bilyong namatay nang walang alam tungkol sa isang Tagapamagitan, si Jesucristo, ang nagsimulang magtanong kung totoo bang may "isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo lamang."27 Ang maniwalang si Jesus ay ang Tagapagligtas, sabi nila, ay isang kahambugan, kakitiran ng pag-iisip, at hindi katanggap-tanggap. Sinasabi naman natin, gayunman, na ito ay mali. Walang hindi makatarungan sa pagiging Isa na kung kanino ang kaligtasan ay maaaring dumating, kung ang Isang iyon at ang Kanyang kaligtasan ay iniaalok sa bawat kaluluwa, nang walang itinatangi. Hindi natin kailangang baguhin ang doktrina o pababawin ang mabuting balita ni Cristo.
MGA KUNDISYON NG KALIGTASANG INIHANDA NI CRISTO
Dahil naniniwala tayo na si Jesucristo ang Manunubos, tinatanggap din natin ang karapatan Niya na itatag ang mga kundisyon kung saan maaari nating matanggap ang Kanyang biyaya. Kundi gayon ay hindi na natin aabalahin ang ating sarili sa pagpapabinyag para sa mga patay.
Pinagtibay ni Jesus na "makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay,"28 Sinabi din Niyang, "Maliban na ang tao'y ipinanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios."29 Ang ibig sabihin nito ay kailangang "mangagsisi, at mangagbautismo ang bawat isa . . . sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, at . . . tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo."30
Bagaman wala Siyang kasalanan, si Jesucristo mismo ay bininyagan at tumanggap ng Espiritu Santo upang patotohanan "sa Ama na siya ay magiging masunurin sa kanya sa pagsunod ng kanyang mga kautusan,"31 at upang ipakita sa atin ang kakiputan ng landas, at ang kakitiran ng pasukan, na [aming] dapat pasukin; siya na nagbigay ng halimbawa sa harapan [natin]. At sinabi niya, "Siya na nabinyagan sa aking pangalan, sa kanya ay ibibigay ng Ama ang Espiritu Santo katulad sa akin; samakatuwid, sumunod sa akin, at gawin ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko."32
Walang pagtatanging ibinigay, at hindi naman kailangan. At ang mga maniniwala at magpapabinyag-- kabilang na ang para sa iba--at mananatili sa pananampalataya, ay maliligtas, "hindi lamang yaong mga naniwala pagkatapos niyang pumarito sa kalagitnaan ng panahon, sa laman, kundi lahat ng yaong mula pa sa simula, maging kasindami noong bago pa siya pumarito."33 Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ang ebanghelyo, "Maging sa mga patay, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa't mangabuhay sa espiritu, ayon sa Dios."34
ANG PANGALAWANG PAGPARITO NI JESUCRISTO
Pinatototohanan ng gawain natin para sa mga patay na, tulad ng maraming beses nang naipropesiya, si Jesucristo ay paparitong muli sa mundo. Sa mga huling talata ng Lumang Tipan, ipinahayag ni Jehovah, "Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon:
"At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako'y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa."35
Sa isang nabigyang-inspirasyong komentaryo tungkol sa kasulatang ito, ipinahayag ng Propetang Joseph Smith, "Ang mundo ay babagabagin ng isang sumpa maliban kung may isang pag-uugnay ng anumang uri o iba pa sa pagitan ng mga ama at ng mga anak, sa alinmang paksa o iba pa--at masdan ano ang paksang yaon? Ito ang pagbibinyag para sa mga patay."36
Ang mga ordenansa para sa mga patay na ginagawa natin sa mga templo, simula sa pagbibinyag, ay ginagawang posible na magkaroon ng walang hanggang ugnayan sa pagitan ng mga salinlahi na tutupad sa layunin ng paglikha sa mundo. Kung wala ito, "ang buong mundo ay lubusang mawawasak sa pagparito ni [Cristo]."37 Sa katunayan, si Elias ay dumating gaya nang ipinangako upang igawad ang kapangyarihang pagkasaserdote na nagbabaling sa mga puso at nagtatatag ng mga pag-uugnay sa pagitan ng mga ama at anak upang sa muli ang anumang talian sa lupa "ay tatalian sa langit."38 Nang siya'y dumating, ipinahayag ni Elias, "Ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkatiwala sa inyong mga kamay; at sa pamamagitan nito ay inyong malalaman na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay nalalapit na, maging nasa mga pintuan na."39
Masigasig nating sinasaliksik ang mga nakaraang salinlahi ng ating mga ama at ina at itinatali ito sa atin at ang ating salinlahi sa kanila. Hindi ba't ito ang maaaring napakalakas na katibayan ng ating pananalig na si Jesucristo ay muling maghahari sa mundo? Alam nating maghahari Siya, at alam natin kung ano ang inaasahan Niyang gagawin natin bilang paghahanda.
Sa mga banal na kasulatan, tinutukoy minsan ang mga espiritu ng mga patay na nasa kadiliman o bilangguan.40 Sa pagmumuni-muni sa maluwalhating plano ng Diyos para sa kaligtasan ng mga ito, na Kanyang mga anak, isinulat ni Propetang Joseph Smith ang kathang ito: "Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak. Bumulalas ang mundo sa pag-awit. Magsalita ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri sa Haring Immanuel, na nag- orden, bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, na yaong makatutulong sa atin upang matubos sila mula sa kanilang bilangguan; sapagka't ang mga bilanggo ay makalalaya."41
Ang tungkulin natin ay umaabot nang kasinglawak at kasinglalim ng pagmamahal ng Diyos upang masakop ang lahat ng Kanyang mga anak sa bawat panahon at pook. Ang mga kilos natin sa kapakanan ng mga namatay ay nagpapatotoo na si Jesus ang banal na Manunubos ng buong sangkatauhan. Ang Kanyang awa at mga pangako ay sumasaklaw maging sa mga tao na hindi nakatatagpo sa Kanya dito sa lupa. Dahil sa Kanya, tunay ngang makalalaya ang mga bihag. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Ang pambungad ni John Sanders sa What About Who Have Never Heard? Three Views on the Destiny of the Unevangelized, nina Gabriel Fackre, Ronald H. Nash, at John Sanders [1995], 9. May ilang teoriya hinggil sa mga namatay na "hindi naturuan ng ebanghelyo," mula sa hindi maipaliwanag na pagkakait ng kaligtasan, hanggang sa mga panaginip o iba pang makalangit na pamamagitan sa sandali ng kamatayan, sa kaligtasan para sa lahat, kahit walang pananampalataya kay Cristo. Naniniwala ang ilan na nakarinig ang mga kaluluwa ng tungkol kay Jesus matapos ang kamatayan. Walang makapagpaliwanag kung paano matutugunan ang hinihingi ni Jesus na kailangang ipanganak ang tao sa tubig at espiritu upang makapasok sa kaharian ng Diyos (tingnan sa Juan 3:35). Dahil sa kulang ang kaalaman na minsan ay tinaglay ng sinaunang Simbahan, ang mga sabik na naghahanap na ito ay "napilitang pumili sa pagitan ng mahinang batas na [nagpapahintulot] sa hindi binyagan na makapasok sa langit, at sa isang malupit na Diyos na [isinusumpa] ang walang alam" (Hugh Nibley, Mormonism and Early Christianity [1987], 101).
2. Alma 42:15.
3. Tingnan sa Juan 5:25.
4. Tingnan sa 1 Pedro 3:1819.
5. D at T 138:30, 33.
6. Tingnan sa D at T 124, 128, 132; The Personal Writings of Joseph Smith, ed. Dean C. Jessee (1984), 486; The Words of Joseph Smith, ed. Andrew F. Ehat at Lyndon W. Cook (1991), 49.
7. Tingnan sa D at T 124:2936. Ang malawakang pagtatayo ng mga templo sa buong mundo ay may pangunahing layunin na maglaan ng lugar kung saan ang mahahalagang ordenansa sa kaligtasan ay maisasagawa para sa mga tao, na sa buhay na ito ay hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang mga ito.
8. "Excerpts from Recent Addresses of President Gordon B. Hinckley," Liahona, Ago. 1998, 1617.
9. "Mormons Using Secret British War Files 'to Save Souls,' " ni Ben Fenton, The Telegraph, (London), ika-15 ng Peb. 1999.
10. "Ancestral Passion," ni Greg Stott, Equinox, Abril/Mayo 1998, 45.
11. Tingnan sa Moises 7:32; tingnan din sa Alma 5:3336; 42:27.
12. D at T 138:58.
13. 1 Cor. 15:29.
14. Alma 40:23.
15. Rom. 14:9.
16. Juan 11:25.
17. 1 Cor. 15:22, 2526.
18. 2 Cor. 5:15.
19. 1 Juan 2:2.
20. Mga Gawa 10:3435.
21. 2 Ne. 26:25.
22. 2 Ne. 26:33.
23. Rom. 8:3839.
24. Juan 14:6.
25. Mga Gawa 4:12; tingnan din sa 2 Ne. 25:20; Mosias 5:8.
26. 1 Tim. 2:5.
27. Efeso 4:5. Tingnan, halimbawa, ang The Myth of God Incarnate, ni John Hick (1977).
28. Mat. 7:14.
29. Juan 3:5.
30. Mga Gawa 2:38.
31. 2 Ne. 31:7; tingnan din sa Mat. 3:1317; Marcos 1:911; Lucas 3:2122; Juan 1:2934.
32. 2 Ne. 31:9, 12.
33. D at T 20:26.
34. 1 Ped. 4:6.
35. Mal. 4:56; tingnan din sa 3 Ne. 25:56; D at T 2:13.
36. D at T 128:18.
37. D at T 2:3; JS--K 1:39.
38. Mat. 16:19; tingnan din sa Mat. 18:18; D at T 132:46.
39. D at T 110:16.
40. Tingnan sa Isa. 24:22; 1 Ped. 3:19; Alma 40:1213; D at T 38:5; D at T 138:22, 30. Maging ang mabubuting espiritu ay tinatawag na matatapat na "bihag" na naghihintay ng kalayaan mula sa mga kamay ng kamatayan (tingnan sa D at T 138:1819).
41. D at T 128:22.