The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Pagpapanatili ng Kapatawaran ng Kasalanan

Pagpapanatili ng Kapatawaran ng Kasalanan

Elder Keith Crockett
Ng Pitumpu

"Itinuro ni Haring Benjamin ang tatlong pangunahing alituntunin na makatutulong sa atin upang mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan: "una, manatiling mapagpakumbaba; ikalawa, manawagan sa Panginoon araw-araw; at ikatlo, manindigan sa pananampalataya."

Elder Keith Crockett

Sa huling talumpati niya sa kanyang mga tao ay nagbigay si Haring Benjamin ng pormula para sa pagpapanatili ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Nakita niya ang kanilang kahandaang makipagtipan sa Diyos na gawin ang Kanyang kalooban at maging masunurin sa Kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay. Hindi ba nararapat na repasuhin natin ang pormulang iyon upang matamasa din natin ang malaking biyayang ito?

Matapos matanggap ang malaking kagalakan na nagmumula sa kaalaman ng kabutihan ng Diyos at malasap ang Kanyang pagmamahal, itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang tatlong pangunahing alituntunin na tutulong sa kanilang mapanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan: una, manatiling mapagpakumbaba; ikalawa, manawagan sa Panginoon araw-araw; at ikatlo, manindigan sa pananampalataya sa Kanya na paparito (Mosias 4:11).

Repasuhin natin ang bawat isa sa mga ito upang mapatatag din ang ating mga pangako na mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.

MANATILING MAPAGPAKUMBABA

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie sa atin na "ang lahat ng pag-unlad sa espirituwal na bagay ay nakasalalay sa pagtatamo muna ng kapakumbabaan."1 Ang pagpapakumbaba ay inilarawan bilang pagkakaroon ng "hangarin na mapasakop sa Panginoon," ang "hangarin na hanapin ang kalooban at kaluwalhatian ng Panginoon," at ang "hangarin na alisin ang kapalaluan."2 Sinabi ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao na dapat nilang "laging panatilihin sa [inyong] alaala ang kadakilaan ng Diyos, at ang inyong sariling kawalang-kabuluhan, at ang Kanyang kabutihan, at mahabang pagtititiis sa inyo, na mga di karapat-dapat na nilikha, at magpakumbaba ng inyong sarili maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba" (Mosias 4:11). Ipinayo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan na "yayamang sila ay nagpakumbaba sila ay maaaring gawing malakas, at pagpalain mula sa kaitaasan, at tumanggap ng kaalaman sa pana- panahon" (D at T 1:28).

Nawa'y magkaroon ang bawat isa sa atin ng pagpapakumbaba sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kalooban ng Panginoon sa lahat ng bagay upang mapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.

MANAWAGAN SA PANGINOON ARAW-ARAW

Ang panalangin ang isa sa mga pinakadakilang biyaya natin habang tayo ay nasa mundo. Sa panalangin ay makakausap natin ang ating Ama sa Langit at makasasamo araw-araw na patnubayan Niya. Itinuro ni Jesus, "Lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan" (3 Ne. 18:19). Kailangang manalangin tayo bawat araw upang magkaroon tayo ng kapangyarihang labanan ang tukso. Itinuturo sa atin ni Amulek na dapat manalangin tayo sa "umaga, tanghali, at gabi" upang ang ating mga puso ay "mapuspos, patuloy na lumapit sa panalangin sa Diyos" (Alma 34:21, 27). Naiimpluwensiyahan ng araw-araw nating pananalangin ang ating mga isipan, ating mga salita, at ating mga kilos. Upang mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan, mahalaga na manalangin tayo sa ating Ama sa Langit bawat araw para magkaroon ng lakas na makapamalagi sa makipot at makitid na landas.

Sa pangkalahatang komperensiya noong nakaraang Abril, itinuro ng Pangulong James E. Faust na, "upang mapalakas ang pananampalataya, kailangang ang bawat isa sa atin ay maging mapagpakumbaba at madamayin, mabait at bukas-palad sa mahihirap at mga nangangailangan. Ang pananampalataya ay higit pang pinalalakas ng araw-araw na pagtanggap ng espirituwalidad na dumarating sa atin kapag tayo'y nananalangin."3

Isang magandang paglalarawan ng panalangin ang ibinigay ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa kanyang paunang pagsasalita noong pangkalahatang komperensiya ng Oktubre 1996. "Nananalangin kayo upang marinig ninyo ang mga bagay na makatutulong sa inyong mga problema at magdaragdag ng lakas sa inyong pananampalataya. Tinitiyak ko sa inyo na nananalangin din kami. Nananalangin kami para sa inspirasyon at gabay. May palagiang panalangin sa aming mga puso na hindi kami magkukulang sa dakilang pagtitiwala na ibinigay ng Panginoon sa amin at sa pagtitiwalang ibinibigay ninyo sa amin. Nananalangin kami upang mabigyang-inspirasyon kami na sabihin ang mga salitang makapagpapalakas ng pananampalataya at patotoo at siyang magiging sagot sa mga panalangin ng mga makaririnig."4

Pinatototohanan ko na ang mga tumatawag sa Panginoon araw-araw ay magkakaroon ng higit na kapangyarihan na mapanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.

MATATAG NA MANINDIGAN

Kamakailan ay tumayo ako kasama ang mga misyonero ng Montevideo Uruguay West Mission habang sinasabi nila nang malakas ang ika-4 na Bahagi ng Doktrina at mga Tipan: "O ikaw na humaharap sa paglilingkod sa Diyos, tiyaking pinaglilingkuran mo siya nang buong puso, kakayahan, at pag-iisip, at lakas, upang ikaw ay makatayong walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw" (D at T 4:2). Nadama ko ang Diwa ng kanilang mga tungkulin habang matatag silang naninindigan sa kanilang gawain ng pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay inutasang "pasiglahin ang inyong mga puso at magalak, bigkisan ang inyong mga balakang, at magsuot kayo ng aking buong baluti, upang inyong mapaglabanan ang araw ng kasamaan, matapos na maisagawa ang lahat, upang kayo ay makatindig" (D at T 27:15). Itinuro ni Haring Benjamin na ang kanyang mga tao ay "matatag na manindigan sa pananampalataya sa kanya na paparito" (Mosias 4:11). Silang lahat ay "sumigaw nang malakas sa iisang tinig, sinasabing: O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran ng aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay; sapagkat kami ay naniniwala kay Jesucristo, na Anak ng Diyos, . . . na siyang bababa sa mga anak ng tao" (Mosias 4:2).

"Ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi dahil sa labis na pananampalataya . . . kay Jesucristo na paparito" (Mosias 4:3).

Ngayon ay matatag tayong makapaninindigan sa patotoo ng "Buhay na Cristo," tulad ng ibinigay ng mga buhay na Apostol: "Pinatototohanan namin na babalik siya sa mundo balang araw. 'At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat ng tao' (Isaias 40:5). Mamumuno Siya bilang Hari ng mga Hari at mamumuno bilang Panginoon ng mga Panginoon, at bawat tuhod ay luluhod at ang bawat dila ay magpapahayag sa Dios bilang pagsamba sa harapan Niya. Bawat isa sa atin ay hahatulan Niya alinsunod sa ating mga gawa at mga pagnanais ng ating mga puso."5

Mga kapatid, mapapasaatin ang mga biyayang ito kung ipamumuhay natin ang tatlong alituntuning ito. Ang mga Banal sa panahon ni Haring Benjamin ay pinangakuan na kung gagawin nila ito, sila ay laging magsasaya at mapupuspos ng pag-ibig ng Diyos. Ito ang nagbigay sa kanila ng kapangyarihang mapanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Pinangakuan sila na sila'y uunlad sa kaalaman ng kaluwalhatian ng Panginoon, at sa kaalaman ng yaong makatarungan at totoo. Hindi sila maglalayong saktan ang isa't isa, kundi ang mabuhay nang mapayapa sa piling ng bawat isa. Didisiplinahin nila ang kanilang mga anak nang may pagmamahal at tuturuan silang lumakad sa mga daan ng katotohanan at kahinahunan. Mamahalin nila ang isa't isa at paglilingkuran ang isa't isa. Ibabahagi nila ang kanilang kabuhayan upang pangalagaan ang mga maralita, pakainin ang nagugutom, damitan ang hubad, at alagaan ang may karamdaman. Bibigyang-ginhawa nila ang kanilang kapwa tao sa espirituwal at temporal man. Ano pa kayang biyaya ang mahihiling natin na hihigit pa sa mga ito?

Nawa'y ipagkaloob ng Diyos na, tayo rin, ay makapanatili ng kapatawaran ng ating mga kasalanan. Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay at ang Kanyang Tanging Bugtong na Anak ang siya nating tunay na Tagapagligtas at ating Manunubos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mormon Doctrine, ika-2 edisyon (1966), 370.
2. Gospel Principles (1997), 4.
3. Sa Conference Report, Abr. 2000, 21; o Liahona, Hulyo 2000, 21.
4. Sa Conference Report, Okt. 1996, 3; o Ensign, Nob. 1996, 4.
5. "Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol," Liahona, Abr. 2000, 2­3.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy