Elder H. Aldridge Gillespie
Ng Pitumpu
"Dapat manguna ang mga banal sa mga Huling Araw sa pagpapabanal sa itinalagang araw na ito bawat linggo."
Sa inyong lahat na kalugod-lugod at matatapat na banal sa hapong ito ng Linggo, pinupuri namin ang paggalang ninyo sa Araw ng Sabbath na ipinapakita ninyo sa pamamagitan ng pagdalo sa komperensiya ngayong hapon, saanmang dako kayo naroon.
Naturuan tayo, pinatibay at espirituwal na napakain sa loob ng limang sesyon ng napakagandang pangkalahatang komperensiyang ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naturuan tayo "kung paano kumilos at sa mga bahagi ng batas [ng Panginoon] at mga kautusan"1 at [napabanal] sa [ating] tinanggap."2
Ngayon ang panahon upang "[ipangako] ang [ating] sarili na kumilos nang buong kabanalan sa harapan [ng Panginoon]."3 Sa madaling salita, sang-ayon sa komperensiyang ito, kailangan nating magpasiyang gumawa ng ilang partikular na hakbang upang magbunga ng mga kinakailangang pagbabago sa ating buhay. Ang hakbang na ito ay tinatawag na pananampalataya at ang mga pagbabago ay ang pagsisisi. Laging sinusundan ng mga biyaya ang dalawang alituntuning ito. Kung hindi tayo kikilos nang mabilis, ang bagay na mismong magpapabanal sana sa atin ay mauuwi sa ating kaparusahan.
Ngayon ay Sabbath. Hindi ito nagtatapos sa paglisan natin sa sesyong ito; hindi ito nagtatapos kapag may tumawag sa atin sa telepono o kumatok sa ating pintuan at aanyayahan tayong lumabas at maglaro, mamasyal, manood ng laro, o mamili; hindi ito nagtatapos dahil lang sa nagbakasyon tayo o may dumalaw sa atin, miyembro man o hindi miyembro.
Iniutos ng Panginoon: "Lumayo kayo mula sa masasama. Iligtas ang inyong sarili. Maging malinis kayo na nagtataglay ng sisidlan ng Panginoon."4 Ang pinakapangunahing elemento sa pagsunod sa utos na ito ay ang "alalahanin mo ang Araw ng Sabbath upang ipangilin."5
Buong araw ang Sabbath! Sa isang paghahayag "na sadyang naaangkop sa mga Banal sa Sion,"6 ipinahayag ng Panginoon na ang Sabbath ay ibinigay upang mapanatili natin ang ating sarili na "walang bahid-dungis mula sa sanlibutan."7 Ito ay araw ng pakikibahagi ng sakramento, araw "upang iukol ang [ating] mga pananalangin sa Kataas-taasan,"8 araw ng "pag-aayuno at pananalangin,"9 araw upang ialay ang ating panahon, mga talento, at kabuhayan sa paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa-tao,10 araw upang "[ipagtapat ang ating] mga kasalanan sa [ating] mga kapatid at sa harapan ng Panginoon."11 Mabuting araw din ito sa pagbabayad ng ating mga ikapu at handog-ayuno, araw na dapat kakitaan ng tunay na pagsasakripisyo ng mga libangan at kalayawan ng daigdig. Ito'y araw upang sundin ang tipan ng Sabbath,12 araw ng "kagalakan at panalangin,"13 araw ng "maligayang mga puso at maligayang mukha."14
Ipinangako ni Isaias: "Kung iyong iuurong ang iyong paa . . . sa paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na kaarawan; at iyong tawagin ang Sabbath na kaluguran, . . . at pararangalan [siya], na hindi . . . ka hahanap ng iyong sariling kalayawan . . . kung magkagayo'y malulugod ka nga sa Panginoon."15
Kitang-kita, na ang ating atensiyon ay nasa paggawa ng kalooban ng Panginoon at hindi sa patuloy na paggawa ni pagbibigay layaw sa ating makamundong mga hilig sa paglilibang at paglilimayon.
Ipinayo ni propetang Spencer W. Kimball: "Ang Sabbath ay banal na araw kung saan dapat gumawa ng makabuluhan at banal na mga bagay. Ang pagliban sa trabaho at paglilibang ay mahalaga, ngunit hindi sapat. Kailangan sa Sabbath ay makatuturang pag-iisip at pagkilos, at kung ang isang tao ay magpapalipas lang ng oras at walang ginagawa sa Sabbath, nilalabag niya ito. Upang masunod ito kailangan ang isang tao ay nakaluhod sa panalangin, naghahanda ng mga aralin, nag-aaral ng ebanghelyo, nagninilay-nilay, dumadalaw sa maysakit at nalulungkot, natutulog, nagbabasa ng makabuluhang materyal, at dumadalo sa lahat ng pulong sa araw na iyon kung saan siya ay inaasahan. Ang [hindi paggawa] sa nararapat na mga bagay na ito ay kasalanan sa panig ng hindi paggawa."16
Ipinangako ng ating mahal na Propetang Gordon B. Hinckley: "Kung mayroon kayong anumang alinlangan tungkol sa kabanalan ng pagsunod sa Araw ng Sabbath, . . . mamalagi sa tahanan at tipunin ang iyong mag-anak, ituro sa kanila ang ebanghelyo, masayang magsama- sama sa Araw ng Sabbath, pumunta sa inyong mga pulong, makihalubilo. Malalaman ninyo na ang alituntunin ng Sabbath ay totoong alituntunin na may kaakibat na malalaking biyaya."17
Itinuro ni Jesus, "Ginawa ang Sabbath ng dahil sa tao."18 Ano ang ibig sabihin noon? Ang ibig sabihin, upang makamit ng tao ang kagalakan at kaligayahan na ipinangangako ng ebanghelyo, sa araw na ito ay dapat na isakripisyo niya ang daigdig, isantabi ang kanyang trabaho, hangga't maaari, at sundin ang walang hanggang tipan ng Araw ng Sabbath. Iniutos ng Panginoon: "Kaya't ang mga anak ni Israel [na kinabibilangan ng mga banal sa mga Huling Araw] ay mangingilin sa sabbath . . . sa buong panahon ng kanilang mga lahi, na pinakapalaging tipan. Ito'y isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailan man."19
Sa lahat ng mga tao sa mundo, dapat manguna ang mga banal sa mga Huling Araw sa pagpapabanal ng itinalagang araw na ito bawat linggo. "Kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo," sabi ng Panginoon, "sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit."20
Hanggang sa araw na ito, "ang pagsunod sa Sabbath ay isang bagay na nananatili bilang isa sa mabibigat na tungkulin na naghihiwalay sa mabubuti mula sa mga makamundo at masasama," ang sabi ni Elder Bruce R. McConkie.21
Ang mga pangako ng Panginoon sa mga nagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay malinaw na malinaw sa mga banal na kasulatan kaya't nananatiling nagtatanong ang ilan, "Bakit iwawaksi ng sinuman ang gayong mga biyaya bilang kapalit ng mga walang halaga at panandaliang kasiyahan ng daigdig?" Pakinggan muli ang mga salita ni Jehova mula sa Bundok ng Sinai: "Inyong ipangingilin ang aking mga Sabbath, at inyong igagalang ang aking santuario: Ako ay Panginoon.
"Kung lalakad kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at iingatan ninyo ang aking mga utos, at inyong tutuparin;
"Ay maglalagpak nga ako ng ulan sa kapanahunan, at ang lupain ay pakikinabangan. . . .
". . . At kakanin ninyo ang inyong pagkain na sagana, at tatahan kayong tiwasay sa inyong lupain.
"At magbibigay ako [sa inyo] ng kapayapaan sa lupain, . . . ni hindi dadaanan ang inyong lupain sa tabak. . . .
"At lilingapin ko kayo, at pararamihin ko kayo, . . . at pagtitibayin ko ang aking tipan sa inyo. . . .
"At ilalagay ko ang aking tabernakulo (ibig sabihin, ang aking templo) sa gitna ninyo. . . .
"At lalakad ako sa gitna ninyo at ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging aking bayan."22
Mahal ko ang araw ng Sabbath! Nabiyayaan nito ang aking mag-anak sa di mabilang na paraan. Magpapatotoo ako mula sa sariling karanasan na ang mga kautusan ng Panginoon ay "tunay at tapat."23
Alam ko na higit kayong magiging masaya, higit na makatatamasa ng kapayapaan, at makikitang may kagalakan sa inyong buhay habang sinasaksihan ninyo ang mga himalang dumarating sa bawat tao at mag-anak na nagsakripisyong sundin ang walang hanggang tipang ito.
Mahal ko ang ating Panginoon at Tagapagligtas. Alam kong Siya'y buhay at ito ang Kanyang Simbahan at kaharian sa mundo. Alam ko na siya ay kapwa makatarungan at mahabaging Diyos, na nagmamahal sa Kanyang mga anak nang may buong kagiliwan at kabaitan ng mapagmahal na Ama. Nawa, bilang kapalit, tayo'y "maghandog ng hain sa Panginoon [nating] Diyos sa kabutihan, maging yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu."24 Ito ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. D at T 43:8.
2. D at T 43:9.
3. D at T 43:9.
4. D at T 38:42.
5. Ex. 20:8.
6. D at T 59: pang-ulo ng bahagi.
7. D at T 59:9.
8. D at T 59:10.
9. D at T 59:14.
10. Ang D at T 59:12 ay mababasa, "Inyong iaalay ang inyong mga handog," ibig sabihin ay ialay ang panahon, talino o kabuhayan.
11. D at T 59:12.
12. D at T 59:12.
13. D at T 59:14.
14. D at T 59:15.
15. Isaias 58:1314.
16. The Miracle of Forgiveness (1969), 9697.
17 Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 559.
18. Marcos 2:27.
19. Ex. 31: 1617.
20. Mateo 5:20.
21. Mormon Doctrine, ika-2 edisyon (1966), 658.
22. Lev. 26:212.
23. D at T 71:11.
24. D at T 59:8.