The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
"Isulat sa Aking Puso"

"Isulat sa Aking Puso"

Elder Henry B. Eyring
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Ang panalangin ay makapagbibigay ng proteksiyong lubos na nanaisin ng mga magulang para sa [anak]."

Elder Henry B. Eyring

Dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magdasal. Natututo ang bata kapwa sa ginagawa at sinasabi ng mga magulang. Ang batang nakakakita sa ina o ama na humaharap sa mga pagsubok ng buhay nang may taimtim na panalangin sa Diyos at nakaririnig ng taos pusong patotoo na magiliw na sumasagot ang Diyos, ay makaaalala sa kanilang nakita at narinig. Kapag dumating ang mga pagsubok sa kanila, nakahanda na sila.

Sa pagkakataon na malayo ang anak sa tahanan at pamilya, ang panalangin ay makapagbibigay ng proteksiyong lubos na nanaisin ng mga magulang para sa kanya. Mahirap ang magkahiwalay, lalo na kung alam ng magulang at anak na maaaring matagal pa bago sila muling magkita. Naranasan ko iyan sa aking ama. Naghiwalay kami sa isang kanto sa New York City. Nagpunta siya roon para magtrabaho. Dumaan ako roon papunta sa ibang lugar. Alam namin pareho na malamang na hindi na ako makauuwing muli para makasama sila ng aking ina.

Mainit ang sikat ng araw noon, dakong tanghaling tapat, punung-puno ang kalye ng mga sasakyan at mga taong nagtatawiran. Sa kantong iyon ay pinahinto ng ilaw trapiko ang mga sasakyan at mga tao sa loob ng ilang minuto. Naging pula ang ilaw, huminto ang mga sasakyan. Madaling nagdatingan sa iba't ibang direksyon ang mga tao, patawid sa intersection.

Dumating ang sandali ng paghihiwalay, at nagsimula na akong tumawid sa kalye. Halos huminto ako sa gitna, kasama ng mga taong nagmamadaling lumampas sa akin. Lumingon ako. Sa halip na makisabay sa mga tao, naroon pa rin at nakatayo ang aking ama sa kanto at nakatingin sa akin. Sa tingin ko'y malungkot siya. Gusto kong bumalik sa kanya pero naisip ko na magpapalit agad ang ilaw kaya tumalikod na ako't nagmadaling tumuloy.

Pagkalipas ng maraming taon ay kinausap ko siya tungkol sa sandaling iyon. Sinabi niyang nagkamali ako ng tingin sa mukha niya. Hindi raw siya malungkot; nag-alala lamang siya. Nakita niya akong lumingon, na parang batang musmos, nag-aalinlangan at naghahanap ng katiyakan. Sinabi niya sa pagkakataong iyon na ang nasa isip niya ng mga sandaling iyon ay: Magiging maayos kaya siya? Naturuan ko na ba siya nang sapat? Nakahanda na ba siya sa anumang mangyayari?

May iba pa siyang nasa isipan noon. Sa pagkakatanaw ko sa kanya alam ko na may nararamdaman siya sa kanyang puso. Hinangad niya na mapangalagaan ako, na maging ligtas ako. Narinig at nadama ko ang matinding paghahangad na iyon sa kanyang mga panalangin, at lalo na sa mga panalangin ng aking ina, sa mga panahong nakasama ko sila. Natuto ako mula doon at natandaan ko ito.

Ang panalangin ay may kinalaman sa puso. Naturuan ako ng higit pa sa mga patakaran ng pagdarasal. Natutuhan ko sa aking mga magulang at sa mga aral ng Tagapagligtas na kailangang tawagin natin ang ating Ama sa Langit sa mapagpitagang salita ng panalangin. "Ama namin na nasa langit, . . . Sambahin nawa ang pangalan mo" (Mat. 6:9). Alam kong kailanman ay hindi natin dapat lapastanganin ang sagrado Niyang pangalan--hindi kailanman. Naiisip ba ninyo kung paano naaapektuhan ang panalangin ng isang bata dahil sa pagkakarinig niyang paglapastangan ng kanyang magulang sa pangalan ng Diyos? May mga kakila-kilabot na bunga sa gayong pagkakamali.

Natutuhan ko na mahalagang magpasalamat para sa mga biyaya at humingi ng kapatawaran. "At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin" (Mat. 6:12). Naturuan ako na hinihiling natin ang ating kailangan at idinadalangin na mabiyayaan ang iba. "Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw" (Mat. 6:11). Alam kong kailangan nating isuko ang ating kagustuhan. "Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa" (Mat. 6:10). Naturuan ako at nalaman kong totoo na mabibigyan tayo ng babala sa panganib at ipakikita kaagad sa atin ang nagawa natin na hindi kalugod-lugod sa Diyos. "At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama" (Mat. 6:13).

Natutuhan ko na kailangan tayong palaging manalangin sa pangalan ni Jesucristo. Ngunit may isang bagay akong nakita at narinig na nagturo sa akin na ang mga salitang iyon ay higit pa sa pagiging pormal. May larawan ng Tagapagligtas sa dingding ng silid kung saan naratay sa karamdaman ang aking ina bago siya namatay. Inilagay niya iyon doon dahil sa sinabi minsan ng kanyang pinsan na si Samuel O. Bennion. Nakapaglakbay siyang kasama ang isang Apostol na nagsabing nakita niya ang Tagapagligtas sa isang pangitain. Ibinigay sa kanya ni Elder Bennion ang dibuhong iyon, na nagsasabing iyon ang pinakamainam na paglalarawan na nakita niya hinggil sa lakas ng pagkatao ng Guro. Kung kaya ikinuwadro niya iyon at isinabit sa dingding na natatanaw niya mula sa kanyang higaan.

Kilala niya ng Tagapagligtas at mahal niya Siya. Natutuhan ko mula sa kanya na hindi tayo nagsasara sa pangalan ng dayuhan kapag nananalangin tayo sa Ama. Nakita ko mula sa buhay niya na ang kanyang puso ay malapit sa Tagapagligtas sa loob ng mga taon ng mapagpunyagi at walang-maliw na pagsisikap na paglingkuran at pasayahin Siya. Alam ko na totoo ang banal na kasulatan na nagbibigay-babala, "Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag- iisip at mga hangarin ng kanyang puso?" (Mosias 5:13).

Maraming taon mula nang pumanaw ang aking ina at ama, ang mga salitang "sa pangalan ni Jesucristo" ay hindi pangkaraniwan sa akin, maging ako man ang bumibigkas nito, o kaya'y naririnig ko sa iba. Kailangan natin Siyang paglingkuran upang malaman ang nasa puso ng Guro. At kailangan din nating idalangin na sagutin ng Ama sa Langit ang mga dalangin ng ating puso gayundin ng ating isipan (tingnan sa Jer. 31:33; Heb. 8:10; 10:16; at 2 Cor. 3:3).

Inilarawan ni Pangulong George Q. Cannon ang biyayang dumarating sa mga tao na sama-samang nananalangin para sa gayong mga kasagutan. Tinutukoy niya ang pagpunta sa isang pulong ng pagkasaserdote, gayunman marami sa inyo ang pumupunta sa mga pulong na ito na may mga pusong nakahanda sa pamamaraang inilarawan niya sa mga salitang ito:

"Dapat akong pumasok sa pulong na iyon na may isipang malaya sa lahat ng impluwensiya na hahadlang sa pagkilos ng Espiritu ng Diyos sa akin. Dapat ding pumunta ako na may diwa ng panalangin, na hinihiling sa Diyos na isulat sa aking puso ang Kanyang kalooban; hindi sa sarili kong kagustuhan na nakahanda nang isagawa ang nais ko, . . . maging anuman ang pananaw ng iba. Kung kailangang pumunta ako roon, at ang iba ay pupunta sa diwa ding ito, kung gayon madarama namin ang Espiritu ng Diyos, at ang mapagpapasiyahan namin ay ang isipan at kalooban ng Diyos, dahil ihahayag ito ng Diyos sa amin. Makakakita kami ng liwanag sa direksyon na dapat naming patunguhan, at makakakita kami ng kadiliman sa direksyong hindi namin dapat puntahan" (Deseret Semi-Weekly News, ika-30 ng Set. 1890, 2; idinagdag ang diin).

Ang layunin natin kapag tinuturuan nating manalangin ang ating mga anak ay upang naisin nilang sumulat ang Diyos sa kanilang mga puso at gawin ang ipinagagawa sa kanila ng Diyos. Posibleng magkaroon ng sapat na pananampalataya ang ating mga anak, batay sa nakikita nilang ginagawa at itinuturo natin, upang madama nila ang kahit maliit na bahagi ng nadama ng Tagapagligtas noong manalangin Siya na magkaroon ng lakas upang magawa ang walang hanggang sakripisyo Niya para sa atin: "At lumakad Siya sa dako pa roon, at siya'y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito; gayon ma'y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa [ibig] mo" (Mat. 26:39).

May mga panalangin ako na nasagot. Lubos na maliwanag ang mga sagot na iyon kapag ang hinihingi ko ay nadaraig ng masidhing pagnanais ko na malaman kung ano ang nais ng Diyos. Ang sagot mula sa mapagmahal na Ama sa Langit ay noon lamang maihahayag sa isipan sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig, at maisusulat sa puso.

Ang ilang magulang ay nakikinig at nagtatanong: "Pero paano ko mapalalambot ang puso ng anak ko na malaki na at naniniwalang hindi na niya kailangan ang Diyos? Paano ko sapat na mapalalambot ang puso upang maisulat ng Diyos ang Kanyang kalooban dito?" Minsan napalalambot ng trahedya ang puso. Ngunit minsan maging ang trahedya ay hindi sapat para sa ilan.

Ngunit may isang pangangailangan na maging ang mga taong may matitigas na damdamin at mapagmataas ay hindi maniniwalang kaya nilang tugunan ito. Hindi nila kayang buhatin ang bigat ng kasalanan na nasa sarili nilang mga balikat. At maging ang pinakamatitigas ang puso ay maaaring makadama kung minsan ng sakit ng pag-uusig ng budhi at ng pangangailangan ng kapatawaran mula sa Diyos. Itinuro ito ng mapagmahal na amang si Alma, sa kanyang anak na si Corianton, sa ganitong paraan: "At ngayon, ang plano ng awa ay hindi magkakaroon ng kaganapan maliban sa pagsasagawa ng pagbabayad-sala; kaya nga, ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan, upang maisakatuparan ang plano ng awa, upang tugunan ang hinihingi ng katarungan, at nang sa gayon, ang Diyos ay maging isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos" (Alma 42:15).

At matapos magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, ganito ang naging pagsamo ng ama para lumambot ang puso: "O, anak ko, hinihiling ko na huwag mo nang itatwa pa ang katarungan ng Diyos. Huwag mo nang pagsikapang bigyang-katwiran ang iyong sarili sa pinakamaliit na punto nang dahil sa iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatatwa sa katarungan ng Diyos; kundi hayaan mong ang katarungan ng Diyos, at ang Kanyang awa, at ang kanyang mahabang pagtitiis ang manaig sa iyong puso; at hayaan mo na ito ang magdala sa iyo sa alabok ng pagpapakumbaba" (Alma 42:30).

Alam ni Alma ang maaaring malaman natin ngayon: na ang pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at ang pagkakapako sa Kanya sa krus ang may pinakamalaking posibilidad upang maisip ng kanyang anak ang tulong na tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay. At ang mga panalangin ay sinasagot para sa mga taong may puso na napalambot sa pamamagitan ng nakapupuspos na damdamin ng pangangailangan ng pagkalinis.

Kapag itinuturo natin sa ating mga minamahal na sila ay espiritung anak ng mapagmahal na Ama sa Langit, binubuksan natin ang pintuan ng panalangin para sa kanila.

Tumira tayo sa piling Niya bago tayo pumunta rito upang subukin. Kilala natin ang Kanyang mukha, at kilala Niya ang ating mukha. Tulad nang pagtanaw sa akin ng aking ama sa lupa nang umalis ako, tinanaw din tayo ng ating Ama sa Langit nang bumaba tayo sa lupa.

Iniwan ng Kanyang minamahal na Anak na si Jehova ang maluwalhating palasyong iyon upang bumaba sa lupa at danasin ang lahat ng ating daranasin at pagbayaran ang halaga ng lahat ng ating mga kasalanan. Ibinigay Niya sa atin ang tanging daan pauwi sa Kanyang piling at sa ating Ama sa Langit. Kung masasabi lamang ng Espiritu Santo sa atin ang maraming bagay tungkol sa kung sino tayo, madarama natin at ng ating mga anak ang nadama ni Enos. Ganito ang kanyang panalangin:

"At ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya; oo, at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa ang aking tinig sa kaitasan kung kaya't iyon ay nakarating sa kalangitan.

"At doon ay nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing: Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain" (Enos 1:4­5).

Maipapangako ko sa inyo na walang kagalakan ang hihigit pa sa mararamdaman ninyo kung ang inyong sariling anak ay nananalangin sa oras ng pangangailangan at makatatanggap ng gayong kasagutan. Balang-araw ay mawawalay kayo sa kanila, na may pananabik sa inyong puso na magkasamang muli. Alam ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na ang pananabik na iyon ay tatagal nang habampanahon maliban na tayo'y magkasamang muli bilang mga mag-anak sa piling Niya at ng Kanyang Mahal na Anak. Inilalagay Niya sa ayos ang lahat ng kakailanganin ng Kanyang mga anak upang makamtan ang pagpapalang iyon. Upang matagpuan ito, kailangan nilang tanungin mismo ang Diyos, nang walang pag-aalinlangan, tulad ng ginawa ng batang si Joseph Smith.

Nag-alala ang tatay ko noong araw na iyon sa New York dahil alam niya, tulad ng alam ng aking inay, na ang tanging tunay na trahedya ay kung habampanahon kaming magkakahiwalay. Iyon ang dahilan kung bakit nila ako tinuruang manalangin. Alam nilang magkakasama lamang kami sa habampanahon sa pamamagitan ng tulong ng Diyos at sa Kanyang pagbibigay katiyakan. Tulad ng gagawin ninyo, pinakamainam nilang naituturo ang panalangin sa pamamagitan ng halimbawa.

Noong hapon na mamatay ang aking ina, nagpunta kami sa tahanan ng mag-anak mula sa ospital. Tahimik kaming naupo sandali sa madilim na sala. Nagpaalam si Itay at pumasok sa kanyang silid. Ilang minuto din siyang nawala. Nang magbalik siya sa sala, may ngiti na sa kanyang mukha. Sinabi niya na nag-alala siya kay Inay. Habang tinitipon niya ang mga gamit ni Inay mula sa silid ng ospital at nagpasalamat sa mga kawani sa pagiging napakabait nila sa kanya, naisip niya ang pagpunta ni Inay sa daigdig ng espiritu na mga ilang minuto lamang matapos siyang mamatay. Nangamba siya na malulungkot si Inay kung walang sasalubong sa kanya.

Pumasok siya sa kanyang silid upang hilingin sa kanyang Ama sa Langit na atasan ang isang tao na salubungin si Mildred, ang kanyang asawa at aking ina. Sinabi niya na sinabihan siya bilang sagot sa kanyang panalangin na sinalubong ng kanyang ina ang kanyang mahal na kabiyak. Nangiti din ako dito. Si Lola Eyring ay hindi kataasan. Malinaw na nalarawan sa aking isipan ang kanyang pagmamadali sa gitna ng karamihan, at mabilis ang paghakbang ng kanyang maliliit na paa sa misyon niyang salubungin ang aking ina.

Hindi naman talaga layon ni Itay na turuan ako tungkol sa panalangin nang sandaling iyon, pero naturuan niya ako. Wala akong matandaan na sermon mula sa aking ina o sa aking ama tungkol sa panalangin. Nanalangin sila sa gitna ng kahirapan at sa kabutihan. At naiulat nila sa makatotohanang paraan kung gaano kabuti ang Diyos, kung gaano ang Kanyang kapangyarihan at gaano Siya kalapit. Ang karamihan sa mga dalangin na narinig ko ay tungkol sa kung ano ang gagawin namin upang magkasama-sama sa walang hanggan. At ang mga sagot na mananatiling nakasulat sa aking puso ay kadalasang tila ang mga katiyakan na nasa tamang landas kami.

Nang makita ko sa aking isipan ang aking lola na nagmamadaling nagpunta sa aking ina, nakadama ako ng kagalakan para sa kanila at ng pananabik na maidulot sa aking mahal na kabiyak at sa aming mga anak ang gayong muling pagsasama. Ang pananabik na iyon ang dahilan kung bakit kailangan nating turuan ang ating mga anak na manalangin.

Pinatototohanan ko na sinasagot ng ating Ama sa Langit ang mga pagsamo ng matatapat na magulang na malaman kung paano tuturuan ang kanilang mga anak na manalangin. Pinatototohanan ko na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, magkakaroon tayo ng walang hanggang buhay sa mga mag-anak kung igagalang natin ang mga tipan na iniaalok dito, sa Kanyang totoong Simbahan. Gayon ang aking patotoo bilang Kanyang lingkod sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy