The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Tayo ay mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos

Tayo ay mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos

Mary Ellen Smoot
Pangkalahatang Pangulo ng Samahang Damayan

Hindi natin kailangan ang bagong programa upang mahikayat tayo--dapat lamang nating hangaring ibahagi ang ebanghelyo at tulungan ang mga bagong miyembro at di-gaanong aktibo.

Mary Ellen Smoot

Mahal kong mga kapatid, magsisimula ako sa pagsasabing mahal na mahal ko kayo. Hindi ko mailarawan ang pasasalamat ko sa pagiging bahagi ng dakilang kapatirang ito ng kababaihan, na tinawag ni Pangulong Gordon B. Hinckley na pandaigdigang mag-anak ng kapatiran ng kababaihan. Tayo ay magkakapatid, at lagi akong nabibigyang-inspirasyon ng inyong pananampalataya, kabutihan, at pagnanais na gawin ang ipinagagawa sa inyo ng Panginoon. Salamat sa inyong paglilingkod, sa inyong halimbawa, at sa pagiging kababaihang may pananampalataya, kabutihan, pangitain, at pag-ibig sa kapwa-tao. Saan man ako pumunta, nakikita ko ang mga bunga ng Samahang Damayan na namamalas sa buhay ng mga kababaihan ng Simbahan. Bawat isa sa atin ay mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.

Kamakailan ay may nakilala akong isang kapatid na babae sa Oregon na naging aktibong muli dahil sa isang mapagkalingang tagapagturong dumadalaw. Tiyak na nadama ng tagapagturong dumadalaw na ito ang nadama ni Ammon at ng kanyang mga kapatid nang magalak sila sa pagiging "mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos" (Alma 26:3) sa paghahatid ng kaalaman tungkol kay Cristo sa mga Lamanita na naging "mga dayuhan sa Diyos" (Alma 26:9). Dahil ang "kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos" (D at T 18:10).

Sa mahigit na 165 bansa sa buong mundo, nagiging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos ang ating mga kapatid na babae. Naiisip ko ang isang purok sa Brazil na dinadagsaan ng mga bagong miyembro linggu-linggo. Nagpasiya ang mga kapatid sa Samahang Damayan na layuning huwag palagpasin ang isang linggo na walang dumadalaw sa bagong binyag na kapatid na babae sa kanyang tahanan at bigyan siya ng kopya ng "Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo" at ng Pagpapahayag ng Samahang Damayan. Hanggang ngayon ay aktibo pang lahat ang mga kapatid na babae sa kanila.

Humahanga ako sa isang inspiradong pangulo ng Samahang Damayan sa isang purok sa Korea na nagpasiyang dumalaw sa bawat di-gaanong aktibong kapatid na babae sa kanyang purok. Sa kasalukuya'y 25 kapatid na babae na ang nadalaw niya, at lahat maliban sa 3 ay bumalik sa Simbahan.

Ang mga kapatid na tulad nito ay mga buhay na patunay sa sinabi ni Pangulong Hinckley na "walang tungkulin sa simbahang ito . . . na hindi mahalaga. Lahat tayong gumagawa ng ating tungkulin ay nakaaapekto sa buhay ng iba. . . .

". . . Anuman ang inyong tungkulin, puno rin ito ng pagkakataong makagawa ng kabutihan tulad ng sa akin. . . . Ang gawain natin ay ang gumawa ng kabutihan tulad ng ginawa [ng Maestro]" ("This Is the Work of the Master," Ensign, Mayo 1995, 71).

Tunay na ang bawat isa sa atin ay maaaring maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Mabuti na lang at hindi natin kailangang maging magkakatulad na kasangkapan. Tulad ng mga instrumento sa isang orkestra na magkakaiba ang laki, hugis, at tunog, tayo din ay magkakaiba sa isa't isa. Iba't iba ang ating mga talento at hilig, ngunit tulad ng French horn na hindi magaya ang tunog ng piccolo, hindi din natin kailangang paglingkuran ang Panginoon sa iisang paraan. Sinabi ni Sister Eliza R. Snow na "walang kapatid na babae na lubos na nag-iisa at napakaliit ng ginagalawang mundo na hindi siya makagagawa ng malaking bagay sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos sa mundo" (Woman's Exponent, ika-15 ng Set. 1873, 62; idinagdag ang diin). Ang ating pribilehiyo at responsibilidad bilang mga anak ng Diyos at bilang magkakapatid sa Samahang Damayan, kung gayon, ay ang maging pinakamabisang kasangkapan sa abot ng ating makakaya.

Matutulungan tayo ng Samahang Damayan. Nilinaw ng Propetang Joseph, na siyang nagtatag ng Samahang Damayan noong 1842, na ang layunin ng makalangit at inspiradong samahang ito ay hindi lamang "paginhawahin ang mahihirap, kundi para magligtas din ng mga kaluluwa" (History of the Church, 5:25). Sa simula pa lamang ay di na mabilang ang nagawang kabutihan ng Samahang Damayan. Ang Samahang Damayan ang nagkaloob ng unang hakot ng harina sa mga nasalanta ng lindol sa San Francisco noong 1906 at sa huli ay nagkaloob ng trigo sa pamahalaan ng Estados Unidos noong Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong isang taon ang mga kapatid nating babae ay nagbigay ng mahigit sa 140,000 kubrekama upang tulungan ang mga naghihirap. Naipaglaban natin ang pagiging ina at ang mag-anak, nakibaka laban sa kamangmangan, at naglaan ng napakaraming oras ng paglilingkod sa buong mundo. Ngunit ang pahayag ko sa inyo ngayong gabi ay na ang pinakamahalagang gawain ay kakaharapin pa lamang natin habang katulong natin ang ating mga pinuno ng pagkasaserdote sa pagsusulong ng kaharian ng Diyos.

Mga kapatid, kailangan tayo rito--ng Panginoon, ng ating mga pinuno ng pagkasaserdote, ng ating mga mag-anak, at ng isa't isa. Kailangan ng Panginoon na yakapin natin ang ating walang hanggang tungkulin at gampanan ang hangganan ng paglikha sa atin. Kailangan Niya tayong magbalik-loob sa Samahang Damayan at humanap ng mga paraan upang maglingkod sa iba sa pangalan ng Kanyang samahan para sa kababaihan at makipagtulungan sa mga kapatid na babae sa pagsusulong ng kaharian ng ebanghelyo. Tunay na tutulungan tayo ng Samahang Damayan na maglingkod sa ating mag-anak at sa bawat isa sa mga paraang hindi kayang gawin ng iba pang samahan o organisasyon.

Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: "Sa daigdig na pinanggalingan natin bago tayo isinilang, ang matatapat na kababaihan ay binigyan ng mga takdang gawain. . . . Kahit hindi na natin natatandaan ang mga nangyari, hindi nito mababago ang maluwalhating katotohanang minsa'y ating sinang-ayunan. Pananagutan [natin] ang mga bagay na noon pa ay inasahang gagawin [natin]" ("The Role of Righteous Women," Ensign, Nob. 1979, 102).

Kaya't paano natin gagawin ito? Sa gitna ng mga kahirapan sa buhay, paano tayo magiging pinakamabibisang kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon? Malaki ang matututuhan natin sa mga anak na lalaki ni Mosias at sa Pagpapahayag ng Samahang Damayan.

Bilang 1. Dapat unahin ang ating pagbabalik-loob. Ang pinakamahalagang pagbabalik- loob ng sinuman sa atin ay ang sa ating sarili. Kung ihahatid natin ang liwanag ng ebanghelyo sa buhay ng iba, dapat itong magningning sa ating sariling buhay. Nang magbalik-loob ang mga anak ni Mosias, masigasig silang nagbahagi ng ebanghelyo sa iba, dahil "hindi nila maatim na ang sinumang kaluluwa ng tao ay masawi" (Mosias 28:3). Sa pagbabalik-loob lamang natin sa Panginoong Jesucristo tayo magkakaroon ng kakayahang palakasin ang iba. At noon lamang natin mauunawaan na tunay na ang ating buhay ay may kahulugan, layunin, at direksyon, at na bilang nagkakaisang magkakapatid sa ating debosyon kay Jesucristo ang ating tungkulin ay maging ilaw sa sanlibutan.

Bilang 2. Tulad ng mga anak ni Mosias, kailangan tayong maging "malakas sa kaalaman ng katotohanan" (Alma 17:2). Patuloy na nag-aral ng ebanghelyo ang magkakapatid na ito. Sa pamamagitan ng pag-aayuno at panalangin at pag-aaral nilang mabuti ng mga banal na kasulatan, nalaman nilang si Jesus ang Cristo, at natutuhan nilang dinggin ang Kanyang tinig.

Gayundin, bilang magkakapatid sa Samahang Damayan dapat nating sikaping paunlarin ang ating patotoo kay Jesucristo sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at maghangad ng espirituwal na lakas sa pagsunod sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo.

Halos imposibleng maging mabisang kasangkapan sa atin mismong mag-anak, kapitbahay, o mula sa pulpito man maliban kung makikilala natin ang mga pagbulong ng Espiritu Santo. Nagawang tukuyin ni Ammon ang mga iniisip ng haring Lamanita dahil malapit siya sa Panginoon (tingnan sa Alma 18:16).

Ang kakayahan nating marinig ang tinig ng Espiritu ay nakasalalay sa ating pagnanais na sundin ang mga kautusan, dahil "kapag tayo ay nagtatamo ng anumang pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay" (D at T 130:21). Kung nais nating maranasan ang di maipahayag na kagalakan sa pamumuhay ng ebanghelyo at madama ang maawaing pagbabayad-sala ni Cristo, ang pagsunod sa lahat, at hindi sa iilan lamang sa mga kautusan ng Diyos ang siyang tanging paraan.

Natanggap na ba natin ang di-masukat na mga pagpapala ng pagdaraos ng lingguhang gabing pantahanan ng mag-anak at araw-araw na panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan? Nauunawaan ba natin ang malawakang mga biyaya ng pagtupad sa ating mga tipan at pagpuno sa ating mga isip ng mga bagay lamang na "marangal, kaaya-aya, o magandang balita"? (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Kapag ginawang layunin ang pagsunod, hindi na ito kaiinisan.

Matutulungan tayo ng programa ng Samahang Damayan na makasunod sa mga makalangit na batas at maging mas malapit sa Diyos. Isipin ninyo ang kabutihang pupuno sa mundo kapag sa ilalim ng patnubay ng pagkasaserdote, ang mga matwid na kababaihang ito, ay magkakaisa upang isakatuparan ang mabubuting layunin! Kapag nagkakaisa tayong maglingkod sa isa't isa at sa lahat ng anak ng ating Ama, maaari tayong maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, hindi lamang para ibsan ang paghihirap ng katawan, kundi mas mahalagang matulungan sila sa mga pangangailangang espirituwal.

Bilang 3. Ang paglilingkod ay isang susi sa pagiging mabisang kasangkapan. Pinili ng mga anak ni Mosias na maglingkod sa mga Lamanita kaysa humalili sa pamumuno sa kaharian ng kanilang ama. At sa maraming pagkakataon, ang paglilingkod nila ay nagpalambot sa mga puso ng mga Lamanita at inihanda sila sa pagtanggap ng ebanghelyo. Habang abalang isinasalaysay ng mga tagapagsilbi ng hari ang katapangan ni Ammon sa paghadlang sa mga mandarambong, si Ammon mismo ay nasa kuwadra at nagpapakain ng mga kabayo at nagsisilbi sa hari (tingnan sa Alma 18:9­10).

Tayo rin ay nalulugod sa paglilingkod at mabubuting gawa. Nakapagpapalambot at nakapagbubukas ng mga puso ang paglilingkod dahil ito ang tunay na pamumuhay ng ebanghelyo. May alam akong isang purok sa Arizona kung saan tatlong mag-anak ang kasalukuyang nagsisiyasat sa Simbahan, lahat ay tuwirang bunga ng madamaying paglilingkod na ibinigay ng Samahang Damayan.

Binibigyan tayo ng Samahang Damayan ng mga pagkakataong umunlad at magsanay sa dalisay na pag-ibig ni Cristo sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Halimbawa, ang pulong sa pagpapayaman ng tahanan, mag-anak, at sarili ay naaangkop upang sama-samang matuto at maglingkod. Ang paglilingkod ay ang pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo, dahil kapwa pinagpapala ang nagbibigay at tumatanggap. Maaari bang humanap kayo ng mga paraan upang maihatid ang inyong paglilingkod sa pamamagitan ng Samahang Damayan, na nalalamang ang paglilingkod ay isa sa mabibisang paraan upang mabiyayaan natin ang iba sa temporal at espirituwal?

Bilang 4. Pagmamahal ang dapat na umalalay sa lahat ng ginagawa natin. Bilang mga kababaihan ng Samahang Damayan, mahal natin ang Panginoon, mahal natin ang ating mag- anak, mahal natin ang buhay at pagkatuto, at mahal natin ang isa't isa. Ang ama ni Lamoni, na noo'y hari ng mga Lamanita, ay lumambot ang puso nang makita niya kung gaano katapat ang pagmamahal ni Ammon sa kanyang anak. Dahil dito ang pagmamahal ni Ammon ang naging dahilan ng pagbabalik-loob ng mag-anak ni Lamoni (tingnan sa Alma 20:26­27). Ang dapat na pinakamatindi at pangunahing alalahanin natin pagdating sa pagbabalik-loob, pagpapanatili, at pagpapaaktibo ay ang ating sariling mag-anak.

Muli, ang Samahang Damayan ay makatutulong. Nalalaman ni Sister Elsa Bluhm, na 102 taong gulang na ngayon, na totoo ang ebanghelyo. Mahal niya ang Panginoon. Nakilala at pinakasalan niya ang isang mabuting lalaki. Siya'y taga Germany na hindi miyembro ng Simbahan. Hindi kailanman naturuang manalangin ang kanyang asawa. Kapag lumuluhod si Elsa sa gilid ng kama gabi-gabi, hinahawakan niya ang kamay nito at mananalangin. Pagkalipas ng maraming taon ay sumapi siya sa Simbahan at naibuklod sila sa templo. Bago siya pumanaw, naging kasangkapan si Brother Bluhm sa mga kamay ng Diyos sa pagsasaliksik ng kanyang mga ninunong Aleman.

Ang masayang wakas na ito ay nagsimula sa isang babaeng mapagpunyagi, mapagmahal, at mabuting halimbawa. Inanyayahan ni Elsa ang Espiritu sa Kanyang tahanan at pagiging mag- asawa sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanya at sa Panginoon. Siya ay matapat at puno ng pananampalataya, kahit kung minsan ay nakadarama siya ng pag-iisa. Naging kasangkapan siya sa mga kamay ng Diyos sa sarili niyang tahanan.

Para sa bawat isa sa atin, tila mumunti ang mabubuting halimbawa natin, ngunit napakalawak ng impluwensiya ng mga ito. Sa lahat ng saklaw ng inyong impluwensiya, "maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan" (I Tim. 4:12). Ipadama ninyo sa iba ang kapayapaan at kagalakang hatid ng pamumuhay ng ebanghelyo sa inyo. Anyayahan ang mga kaibigan ninyong hindi miyembro o di-gaanong aktibong miyembro sa gabing pantahanan ng mag-anak. Dalhin sila sa simbahan at magpakita sa kanila ng halimbawa ng pagpipitagan. Ipakita ninyo sa kanilang iniiwasan ninyo ang mga pelikula o mga programa sa telebisyon o sa Internet na magtataboy sa Espiritu at ginagawa tayong di-gaanong mabibisang kasangkapan.

Paulit-ulit na hiniling sa atin ni Pangulong Hinckley na maging mas mabubuting misyonero, at itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na kung ang programang pangmisyonero ng Simbahan ay upang maisagawa ang lahat ng dapat gawin, tayo bilang mga magkakapatid ay dapat makibahagi sa gawaing ito.

Hindi natin kailangan ang bagong programa upang mahikayat tayo--dapat lamang nating hangaring ibahagi ang ebanghelyo at tulungan ang mga bagong miyembro at di gaanong aktibo sa ating mga umiiral na programa. Maging tayo man ay mga tagapagturong dumadalaw o nagpaplano ng mga pulong ng pagpapayaman ng tahanan, mag-anak, at sarili o nagtuturo sa mga bata sa Primarya o namumuno sa mga kabataan, makakakita tayo ng mga paraan upang kalingain ang mga taong nanlalamig na ang pananampalataya o mga taong hindi pa natatagpuan ang katotohanan. Maaari tayong maging mga kasangkapan sa pagtulong na tipunin ang mga tupa ng Panginoon pabalik sa kawan.

Alam kong kaya natin. Alam kong magagawa natin ito. Nakapagdulot tayo ng init sa libu-libong tao sa buong mundo sa pamamagitan ng mga kubrekamang gawang-kamay. Naipakita natin ang ating kahandaang maglingkod at magbigay at magmahal. Ngayon, humanap tayo ng mga paraan upang maibigay ang kaloob ng ebanghelyo sa mga taong nangangailangan ng espirituwal na init.

Sa inyong pag-uwi ngayong gabi, maaari bang maglaan kayo ng ilang sandali na maisulat ang lahat ng nakintal sa inyong puso sa gabing ito? Maaari bang umisip kayo ng mga tiyak na paraan na magiging kasangkapan kayo sa mga kamay ng Diyos? Maaari bang pagnilay-nilayin ninyo ang mga biyayang naghihintay sa inyo sa pagsunod sa buhay na ito at sa kawalang- hanggan? At maaari bang isingit ninyo ang inyong pangalan sa talata ng banal na kasulatang ito at alamin nang buong kaluluwa ninyo na mahal kayo ng Diyos? "Magpatuloy sa pangangaral para sa Sion, sa diwa ng kaamuan, pinatototohanan ako sa daigdig; at akin [kayong] dadalhin tulad sa mga pakpak ng mga agila; at [kayo] ay magtatamo ng kaluwalhatian at karangalan para sa [inyong] sarili, at sa aking pangalan" (D at T 124:18). Alam kong totoo ang ebanghelyo. Alam ko na ito ang gawain ng Panginoon. Alam ko na si Jesus ang Cristo at mayroon tayong totoong propeta sa mundo sa ngayon. Kaytamis ng gawain. Ito ay mapagkumbaba kong pinatototohanan, sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy