The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Maliliit na Alon

Maliliit na Alon

Virginia U. Jensen
Unang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Samahang Damayan

Ang mga kilos ng mabubuting kababaihan ay patuloy na umaalun-alon sa paglipas ng panahon at sa kabila ng agwat at maging ng mga henerasyon.

Virginia U. Jensen

Gustung-gusto naming mag-anak ang mga paglalakbay sa mga bundok noong maliliit pa ang aming mga anak. Habang nakatayo sa gilid ng magandang Jackson Lake, kung saan nasasalamin ang mariringal na taluktok ng bundok, ay nagpapaligsahan kami sa pagpapatalon ng mga bato sa mapayapang tubig. Habang lumulubog ang mga bato, kami'y nakatingin samantalang umaalun-alon nang maliliit ang tubig hanggang sa abot ng aming tanaw. Maging ang pinakamaliit na batong inihahagis ng aming bunsong anak ay tumatalun-talon.

Tulad ng lumalaking mga bilog na nalilikha ng aming maliliit na bato sa Jackson Lake, ang mga kilos ng mabubuting kababaihan ay patuloy na umaalun-alon sa paglipas ng panahon at sa kabila ng agwat at maging ng mga henerasyon. Ang mabubuting gawang ito ay nagmumula sa ating pang-unawa sa banal na misyon ni Jesucristo, sa kaalaman natin tungkol sa plano ng ebanghelyo, sa pagsunod natin sa mga walang-hanggang kautusan, at sa gawain natin dito, sa kaharian ng Diyos sa mundo.

Hayaan ninyong ibahagi ko ang isang halimbawa kung paano nagsisimula at nagpapatuloy ang pag-alon na ito kapag ang isang mabuting babaing Banal sa mga Huling Araw ay kumikilos ayon sa kanyang kaalaman na si Jesus ang Cristo at ang ebanghelyo ay ipinanumbalik.

Noong 1841, si Dan Jones, isang dayuhan na taga Wales, ang siyang kapitan ng isa sa pinakamaliliit na rehistradong bangka na naglululan ng mga tao at bagahe sa hilagang bahagi ng Ilog Mississippi. Para sa akin ay tila hindi nagkataon lamang na ang kanyang bangka ay pinangalanang Ripple (Maliliit na Alon). Kabilang sa kanyang mga pasahero ang mga miyembro ng di-kilalang "bagong" simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sa kanyang mga paglalakbay si Dan Jones ay nagsimulang makarinig ng mga pamimintas sa "mga Mormon" na ito. Dahil marami sa kanila ang naisakay niya, nakipag-usap siya sa kanila at pinagmasdan ang kanilang pag-uugali. Natuklasan niyang mabubuting tao sila--mababait, matatapat, at masisipag. Ang mga negatibong komentaryo at panulat tungkol sa mga taong ito ay hindi tumugma sa karanasan niya sa kanyang pakikitungo sa kanila.

"Sa pamamagitan ng maingat na pagsisiyasat sa mga paratang," isinulat niya sa dakong huli, "naunawaan kong mabuti na imposibleng maging totoo ang mga ito, maaaring dahil sa . . . pinalabisan nila ang tungkol dito o . . . magkakasalungat ang kanilang sinabi " (Ronald D. Dennis, "Dan Jones, Welshman," Ensign, Abr. 1987, 50).

Isang mahalagang pangyayari ang lalong nagtulak sa kanya mula sa pagiging isang maingat na tagamasid tungo sa aktibong nagsisiyat sa Simbahan. Isinulat niya ito: "Nagkataon na napasakamay ko ang liham na isinulat ni [Emma Smith]. . . . Hindi ko kailanman malilimutan ang damdaming idinulot . . . ng liham na iyon sa akin. Naunawaan kong mabuti na hindi lamang naniwala [si Emma] sa Bagong Tipan, na tulad ko--inihahayag ang apostolikong paniniwala, at nagagalak sa gitna ng kanyang malaking paghihirap bilang nararapat na dumanas ng lahat . . . nang dahil sa patotoo kay Jesus at sa ebanghelyo--kundi naglalaman din ito ng mas mabuting payo, dagdag na karunungan, at nagpapakita ng higit na . . . diwang makadiyos kaysa anumang nabasa ko noon!" (Ensign, Abr. 1987, 50, 52).

Dahil nabigyang-inspirasyon ng mga salita at halimbawa ni Emma, hinangad ni Dan Jones na madagdagan pa ang kanyang kaalaman tungkol sa simbahang ito. Siya ay bininyagan noong 1843 sa Ilog Mississippi at naging isa sa mga maimpluwensiyang misyonero sa kasaysayan ng Simbahan, at nagdala ng daan-daang tao sa ebanghelyo sa kanyang bansang sinilangan, sa Wales. Sa napakaliteral na paraan, ang impluwensiya ni Emma Smith ay patuloy na nagkakaroon ng epekto sa mga nagdaraang henerasyon. Sino ang makapagsasabi kung ilang daan, maging libu-libong mga inapo ng mga binigyang-kaalaman ni Dan Jones ng ebanghelyo ang maaaring nakikinig sa pulong na ito ngayon sa mga sandaling ito?

Bawat isa sa atin ay makakikilos sa mga paraan na maaaring makaimpluwensiya sa buhay nang kasinglakas ng ginawa ng mga salita ni Emma Smith sa puso ni Dan Jones. Bawat isa sa atin ay isang tao lamang, subalit naaalala ko ang mga bilog na nalilikha ng maliliit na bato sa kalawakan ng Jackson Lake. Isapuso natin ang panghihimok na ito sa banal na kasulatan: "Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila" (D at T 64:33).

Sa pinakamahalagang lugar na iyan, na ating tahanan, natin matututuhan kung paanong "mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila," dahil ang buhay sa tahanan ay serye ng maliliit na bagay na nagsasama-sama upang makalikha ng walang hanggang mag-anak. Marahil dahil ang paglikha ng matatag na ugnayan sa Panginoon at sa bawat isa ay unti-unti lamang nabubuo, o dahil ang pagtuturo at panghihimok at pamumuno ay hindi napasasalamatan kung minsan, kung kaya madaling magambala, at masiraan ng loob.

Nais ng kalaban na malito tayo at maalis ang ating pansin sa pinakamahalagang bagay. Ngunit pinagpala tayo, dahil alam nating ang pananampalataya at mag-anak ang pinakamahalaga. Ang mga kababaihang umantig sa aking puso at nakahimok sa akin na magkaroon ng mas mainam na pamumuhay ay iyong mga nagtiwala muna sa Panginoon at sa mag-anak. Ang kanilang "diwang makadiyos" ay nakaimpluwensiya sa aking puso tulad ng ginawa ng mga salita ni Emma Smith kay Dan Jones, na tumatawag sa akin na lumapit kay Cristo, na nagpahayag na, "Ang nauuhaw ay aking paiinuming walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay" (Apoc. 21:6).

Ang kabutihan at kapangyarihan ay matatagpuan sa pang-araw-araw at pangkaraniwang gawain, sa lahat ng araw-araw na pangangalaga sa ating mga mag-anak, at sa ating regular na paglilingkod sa iba. Ang kabantugan ay hindi katumbas ng priyoridad, ni hindi matutumbasan ng ibabayad ng daigdig ang maibibigay ng ating Ama sa Langit, na nakaaalam sa kahalagahan ng katapatan ng babae sa pagliligtas ng mga kaluluwa.

Habang iniisip natin ang mabubuting impluwensiya ng kababaihan na may epekto sa kawalang-hanggan, isaalang-alang natin si Maria, na "isang mahalaga at piniling nilikha" (Alma 7:10). Sa pagpapakilala ng isang anghel sa walang katulad na banal na pagpapahayag, buong giliw siyang sumunod sa kagustuhan ng Panginoon: "Narito ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita" (Lucas 1:38). Ang kanyang pananampalataya, pagkamasunurin, at kababaang-loob ay nagtakda ng pamantayan sa lahat ng kababaihan.

Bagama't natatangi ang tungkulin ni Maria, ang lahat ng kababaihan ay "may gayunding uri ng kagandahan. Sila ang kababaihan na naghahangad na makalugdan ng Diyos. . . . Sila'y mapagpakumbaba at namumuhay nang dalisay at matwid. . . . Sila'y may pusong naniniwala at dumadakila sa Panginoon. . . . Nagagalak sila sa Tagapagligtas at . . . kinikilala ang Kanyang mga kaloob at awa" (Daughters of God: Scriptural Portraits, ni S. Michael Wilcox [1998], 179).

Ang mga paglalarawang iyon ay angkop din sa inyo, na matatapat na kapatid ng Samahang Damayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kayo ang kababaihan na ang mga pang-araw-araw na gawain ay nag-uumapaw sa kaalamang nakapapawi ng uhaw na binigkas nang may kapangyarihan ni Isaias:

"Ang Diyos ang aking kaligtasan; . . . ang Panginoong Jehova ang aking lakas at aking awit; . . .

"Samakatwid, masaya kang iigib ng tubig mula sa mga balon ng kaligtasan" (2 Ne. 22:2­3).

Ang layunin ni Cristo--na tubusin ang lahat ng kaluluwa--ay nangangailangan ng inyong lakas, panahon, at talento sa inyong mga tahanan at sa inyong mga pamayanan. Ang inyong matatapat na gawain at salita ay nakatutulong nang malaki sa pagtatayo nito, ang kaharian ng Diyos sa mundo. Ipinaalala sa atin ni Elder Bruce R. McConkie kung gaano kahalaga ang ating papel noon pa man: "Ito ang alam natin: si Cristo sa ilalim ng pamamahala ng Ama ang siyang Manlilikha; si Miguel, na Kanyang kasama at kaibigan, ang nangasiwa sa karamihan sa gawain ng paglikha; at kasama nila, ayon sa nakita ni Abraham, ang "marami [sa] marangal at dakila. May magagawa pa ba tayo maliban sa magsabing sina Maria at Eva at Sara at ang sanlaksa nating mga kapatid na babae ay kabilang sa kanila? Tiyak na ang mga kapatid na ito ay buong sigasig na nagpagal noon, at nakipaglaban nang buong giting sa digmaan sa langit, na tulad ng mga kapatid na lalaki, gaya ng ginagawa nilang matatag na paninindigan sa ngayon, sa mortalidad, sa layunin ng katotohanan at kabutihan" (Woman, [1979], 59).

Tulad ng "mga marangal at dakilang" kababaihan na nauna sa atin, hindi tayo dapat maging pangkaraniwang kababaihan. Hindi tayo dapat maging katulad ng kababaihan ng daigdig. Kailangan tayong magsalita para sa kabutihan nang hindi humihingi ng paumanhin. Tayo, tulad nina Maria, Eva, Sara, at Emma ay bukod-tangi. Dapat tayong gumawa ng maliliit na alon at magbahagi ng tubig. Taglay ang ating walang hanggang mana, dapat nating tandaan kung gaano kabisa ang magiging impluwensiya ng ating simple at mabubuting kilos sa mga puso at tahanan ng mga nakapaligid sa atin. Napakarami nating pagkakataon na gumawa ng napakaraming kabutihan, at ang pinakamahalaga, alam natin kung saan at paano "iigib ng tubig mula sa mga balon ng kaligtasan."

Ang kaibigan kong si Tammy ay tumigil sa pagsisimba noong 15 taong gulang lamang siya. Sa may kanto na malapit kina Tammy ay may nakatirang binatilyo na nagpasiya din sa kalagitnaan ng kanyang pagiging tinedyer na ayaw na niyang maging bahagi ng Simbahan. Kapwa sila nagkaroon ng mga pag-uugaling umakay sa kanila palayo sa mga gawain sa Simbahan. Sa dakong huli, nagpakasal sila at nagsimulang magkaroon ng mag-anak.

Mahal na mahal ni Tammy ang kanyang asawa at ang kanyang dalawang anak na babae, subalit sa kaibuturan ng kanyang puso ay ang pagnanais na balikan ang buhay na kinagisnan niya noong bata pa. Bahagya na lamang niyang naaalala ang damdaming dulot ng Espiritu ng kanyang Ama sa Langit at impluwensiya nito sa kanya, at nangungulila siya sa Kanya. Sa pag-aatubiling ibahagi ang mga kaisipang ito sa kanyang asawa dahil sa takot na hindi siya sasang-ayon, ay itinago niya ito. Gusto na niyang magbalik ngunit hindi niya alam kung paano magsisimula. Pakinggan natin ang kanyang mga salita habang ikinukuwento niya ang epekto ng maliliit na alon ng dalawang kahanga-hangang tagapagturong dumadalaw na "[umigib] ng tubig [mula] sa mga balon ng kaligtasan" at ibinahagi ito kay Tammy.

[Sipi ng video ni Tammy Clayton]

Nagpapasalamat ako sa araw na ito sa aking mga tagapagturong dumadalaw dahil minahal nila ako at hindi ako hinusgahan. Talagang ipinadama nila sa akin na tila ba talagang napakahalaga ko at may puwang ako sa Simbahan.

Pupunta sila sa aking tahanan at mauupo at kami'y magkukuwentuhan. Mga ilang saglit ay tatanungin nila ako kung nais ko ng aralin, at iiwanan nila ako ng mensahe bawat buwan.

At sa pagdating nila sa bawat buwan, nadarama kong tila talagang mahalaga ako, at tila talagang nagmamalasakit sila sa akin, at tila talagang mahal na mahal nila ako at nalulugod sa akin.

Sa kanilang pagdalaw at pagpunta upang makita kami, sa wakas ay nagpasiya akong panahon na upang magbalik ako sa simbahan. Sa tingin ko'y talagang hindi ko lamang alam kung paano magbalik, at sa kanilang pagpunta at pagtulong sa akin, nagbigay sila ng daan upang makabalik ako.

Dapat nating malaman na mahal tayo ng Panginoon maging sinuman tayo, at tinulungan ako ng aking mga tagapagturong dumadalaw na makita na tama ito.

Ngayon ako at ang aking asawa ay naibuklod na sa templo.

Salamat sa Diyos sa matatapat na tagapagturong dumadalaw. Oo, mga kapatid, ang mga kilos ng mabubuting kababaihan ay patuloy na umaalun-alon sa paglipas ng panahon at sa kabila ng agwat at maging ng mga henerasyon. Wala nang mas tatagal pang maliliit na alon (impluwensiya) kaysa sa pagkakaroon ng mag-anak na nabuklod sa templo para sa kawalang- hanggan. Maging katulad tayo ng matatapat na kapatid na nauna sa atin. Isipin nating mabuti ang tubig na "mula sa mga balon ng kaligtasan."

Ang Diyos ay buhay. Ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ang nagbigay ng daan upang tayo'y makabalik at mamuhay sa Kanyang piling. Ang totoong ebanghelyo ay naipanumbalik na muli sa lupa. Mayroon tayong buhay na propeta sa ngayon, si Pangulong Gordon B. Hinckley, at sa pamamagitan niya ay pinamamahalaan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga tao. Nawa tayo, sa pamamagitan ng maliliit na alon na mula sa mabubuting gawa, ay makatulong sa lahat na malaman ang mga katotohanang ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy