The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
Manindigan at Magkaisa

Manindigan at Magkaisa

Sheri L. Dew
Ikalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Samahang Damayan

Walang sinumang babae ang higit na masiglang instrumento sa mga kamay ng Panginoon kaysa sa isang babaing may takot sa Diyos na tuwang-tuwang maging kung sino siya.

Sheri L. Dew

Noong tumuntong ako sa gulang na 12, 5'10" na ang taas ko at asiwa akong makihalubilo. Ang pagiging mas matangkad kaysa aking mga kaibigan ang naging parusa ko sa aking kabataan. Ayaw kong mapansin--sa gayong paraan--kaya nakahukot ako. Bilang bunga, lagi akong pinaaalalahanan ni Inay na "tumayo nang tuwid." Ayaw kong tumayo nang tuwid noon, ngunit ngayo'y nagagawa ko na. Dahil lahat tayo'y hinikayat na "bumangon" (2 Nephi 8:17) at tumayo bilang saksi (Mos. 18:9) upang tayo ay "makatayong walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw" (D at T 4:2). Wala akong makitang atas sa banal na kasulatan na maghukot sa Sion. Sa halip, pauli-ulit tayong sinasabihan na tumayo sa ating mga paa, upang "bumangon at tumayo" (3 Ne. 20:2).

Bilang tinedyer hindi ko alam na kailanman ay hindi ako magiging katulad ng iba. Kayo man ay gayundin. Dahil bilang kababaihan ng Diyos kailangang manindigan tayo na maging kaiba sa mga tao sa daigdig. Tanging sa paggawa ng gayon tayo magkakaroon ng pag-asa na matagpuan ang kagalakan. Dahil ang pagkatagpo ng kagalakan at ang paninindigan bilang mga kinatawan ng Panginoon, ay tuwirang magkaugnay.

Naranasan ito kamakailan ng aking mag-anak sa mapait na paraan. Mayroon akong 17 mga pamangkin na nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan. Kami'y nakapaglakad at nakapagbisikleta at nag-ayuno at nanalangin nang magkakasama. At kailan lamang ay sama- sama kaming umiyak. Mga ilang linggo pa lang ang nakararaan ay dumanas kami ng nakapanlulumong kawalan nang bawiin ng isang aksidente ang buhay ng dalawa sa mga anak ng aking kapatid na babae--si Amanda na 11, at si Tanner na 15. Dahil sama-sama kaming namuhay nang may pagmamahalan, tumangis kami sa pagkawala nila na nangamatay (D at T 42:45).

Kasama naming tumangis ang aming mga kaibigan, marami sa kanila ang hindi mga miyembro, at alam naming ang kanilang mga puso ay maaaring hindi magiging higit na bukas sa katotohanan kundi noong araw na iburol ang dalawa sa isang kapilya sa Kansas. Dahil dito ay iniukol namin ang libing sa pagpapatotoo kay Cristo at sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Pagkatapos ay marami ang nagsabi sa amin kung gaano sila naantig ng kanilang narinig at nadama. Ang ilan ay humiling pa ng dagdag na kaalaman. Hindi namin alam ngayon kung mayroon sa mga naapektuhan ng pagkamatay ng aming mga anak na sasapi sa Simbahan. Subalit ito ang alam namin--na ang paninindigan sa aming pinaniniwalaan at pagtuturo ng ebanghelyo sa aming mga kaibigan na ayaw makinig noon ay nakatulong sa pagpawi ng sakit at nagdulot sa aming mag-anak ng galak.

Sa daigdig na ito, ang tanging tunay na kagalakan ay nagmumula sa ebanghelyo--ang kagalakang nagmumula sa Pagbabayad-sala at mula sa mga ordenansa na may epekto hanggang sa kabilang buhay, at mula sa Taga-aliw na pumapayapa sa ating kaluluwa. Kailan lamang ang aking 11 taong gulang na pamangking si Aubrey, na ang ama ay limang taon nang patay, ay tinanong ng isang kaibigang di-miyembro kung bakit hindi siya nalulungkot sa pagkamatay ng kanyang ama, at kailan lamang, ng kanyang mga pinsan. Kahanga-hanga ang isinagot ni Aubrey: "Hindi nalulungkot? Maniwala ka, malungkot kami, kaya lang alam naming muli kaming magsasama-sama, kaya hindi kami masyadong nag-aalala." Talagang nag-iyakan kaming mag-anak, ngunit hindi kami nag-aalala na tulad ng dapat dahil nadama namin ang di- pangkaraniwang bisa at kapangyarihang magpagaling ni Jesucristo. Ang ebanghelyo ay "bulaklak na kahalili ng mga abo" (Isa. 61:3); ito'y "langis ng kasayahan" (Heb. 1:9); ito'y tunay na mabuting balita!

Bagama't pumanaw na ang aming mga anak, nasa amin ang maluwalhating katiyakan na hindi sila nawala sa amin. Ngunit paano naman ang mga anak ng ating Ama, ang ating mga kapatid, na naliligaw at dumaranas hindi lamang ng pisikal kundi maging ng espirituwal na kamatayan? Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nakatuon sa lahat ng tao. Tungkol ito sa pag-iwan ng siyamnapu't siyam at pagpunta sa ilang upang hanapin ang mga naliligaw. Tungkol ito sa pagpasan ng pasanin ng iba, kasama na ang huling pasanin na daranasin ng sinuman, ang paglakad sa buhay na ito nang walang liwanag. Kung kaya ang samo ng Panginoon sa mga huling araw:

"Ang bukid ay puti na upang anihin; at ito na ang ikalabing-isang oras, at ang huling pagkakataong ako ay tatawag ng mga manggagawa sa aking ubasan. . . .

". . . Kaya nga humawak sa inyong panggapas, at maggapas ng buo ninyong kakayahan" (D at T 33:3, 7).

Nakinita ng mga sinaunang propeta ang araw kung kailan "ang panahon ay darating na ang kaalaman ng isang Tagapagligtas ay kakalat sa bawat bansa, lahi, wika, at tao" (Mosias 3:20). Ang araw na iyon ay dumating na. At pagkakataon naman nating humawak sa ating mga panggapas at tumulong sa pag-ani. Na hindi nagkataon lamang na narito tayo ngayon. Matagal na panahon tayong binantayan ng ating Ama at alam Niyang mapagkakatiwalaan tayo sa kabila ng maraming panganib. Inilaan tayo para sa sandaling ito mismo. Dapat nating maunawaan hindi lamang kung sino tayo ngayon, kundi kung sino tayo noon pa man. Sapagkat tayo ang mga kababaihan ng Diyos, at ang gawain ng mga kababaihan ng Diyos ay ang palaging tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Noong tanggapin natin sa buhay bago pa ang buhay na ito ang plano ng ating Ama, sinabi ni Elder John A. Widtsoe na, "nakipagkasundo tayo nang sandali ring iyon na magiging . . . tagapagligtas ng buong sangkatauhan. . . . Ang pagsasagawa ng plano ay naging . . . hindi lamang gawain ng Ama, at gawain ng Tagapagligtas, kundi ating gawain" (Utah Genealogical and Historical Magazine, Okt. 1934, 189.) Pagkatapos, nang mabinyagan tayo dito, binago natin ang pangako natin--at ating tipan sa-- Panginoon. Hindi kataka-takang ipahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley na "kung ililigtas ang mundo, kailangang tayo ang gumawa nito. . . . Walang sinumang tao sa kasaysayan ng daigdig ang . . . nakatanggap ng . . . higit na mahigpit na kautusan maliban sa atin . . . , at dapat lamang na isagawa natin ito" ("'Church Is Really Doing Well,'" Church News, ika-3 ng Hulyo, 1999, 3).

Mga kapatid, mayroon tayong gagawing gawain. Inatasan ng Propetang si Joseph ang Samahang Damayan na magligtas ng mga kaluluwa (tingnan sa History of the Church, 5:25), sapagkat likas sa atin ang lingapin at hanapin ang mga naliligaw. Gayunman, si Pangulong Spencer W. Kimball ay nanghinayang na may kapangyarihan sa Samahang Damayan na hindi "pa nagagamit nang husto upang . . . itayo ang kaharian ng Diyos" ("Relief Society--Its Promise and Potential," Ensign, Mar. 1976, 4). Sa kabila ng lahat ng kabutihang nagawa nito noong nakaraan, ang Samahang Damayan ay kailangan pa ring tumulong sa pagsusulong ng gawaing ito sa mga huling araw na tulad ng nararapat. Mga kapatid, panahon na upang gamitin ang kapangyarihan ng matwid na kaligayahan na umiiral sa mga kababaihan ng Diyos. Dumating na ang oras upang tayo ay maging sabik sa gawaing pagliligtas ng mga kaluluwa. Sumapit na ang sandali upang ang kababaihan ng Simbahang ito ay manindigang kasama ng propeta sa pagtulong na maitayo ang kaharian. Panahon na upang tayo ay manindigan at magkaisa.

Ang paninindigan ay nagsisimula sa ating sariling pagbabalik-loob, sapagkat kapag natikman natin ang "labis na kagalakan" (Alma 36:24) ng ebanghelyo ay nanaisin nating ibahagi ito. Ang mga pagkaing iniluto at mga kubrekamang ginawa upang maibsan ang paghihirap ay kahanga-hangang gawain ng kabutihan, ngunit walang paglilingkod--inuulit ko, walang paglilingkod--na makapapantay sa pag-akay sa isang tao tungo kay Cristo. Gusto mo bang lumigaya? 'Yon bang talagang maligaya? Kung gayon ay lingapin ang isang tao sa landas na patungo sa templo at kay Cristo.

Ang pinakamabisang paraan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay ang ipamuhay ito. Kapag namumuhay tayong tulad ng nararapat na pamumuhay ng mga disipulo ni Cristo, kapag hindi lamang tayo mabuti kundi maligaya sa pagiging mabuti, ang ibang tao'y lalapit sa atin dahil tayo'y "namumukod-tangi at kakaiba--sa maligayang mga paraan," tulad ng ipinropesiya ni Pangulong Kimball ("The Role of Righteous Women," Ensign, Nob. 1979, 104). Maligaya sa pinili nating paraan ng pamumuhay; maligaya dahil hindi natin palaging paulit-ulit na iniaakma ang ating sarili sa pananaw ng mundo, maligaya dahil nasa atin ang "kaloob at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo" (1 Ne. 13:37), maligayang naninindigan upang tayo'y maging kaiba.

Sa tuwing pinalalakas natin ang ating sariling patotoo o tumutulong na mapalakas ang patotoo ng iba, ating itinatayo ang kaharian ng Diyos. Sa tuwing tutulungan natin ang bagong binyag na kapatid o kaya'y kakaibiganin ang isang kaluluwang naliligaw ng landas nang hindi hinahatulan ang taong ito o kaya'y aanyayahan ang isang mag-anak na hindi miyembro sa gabing pantahanan ng mag-anak o magbibigay ng Aklat ni Mormon sa isang kasama o aakayin ang isang mag-anak tungo sa templo o maninindigan sa kayumian at pagiging ina o aanyayahan ang mga misyonero sa ating mga tahanan o tutulungan ang isang tao na matuklasan ang kapangyarihan ng Salita, itinatayo natin ang kaharian ng Diyos. Isipin ninyo kung paano gumaan ang pakiramdam ng aking kapatid na babae nang mabasa niya ang talang ito sa talaarawan ni Tanner bago siya namatay: "Salamat, Inay at Itay, sa pagtuturo ninyo sa akin ng tungkol kay Cristo." May higit pa bang makapagtatayo ng kaharian kaysa sa pagpapalaki ng isang bata sa Panginoon?

Maliban sa mga naglilingkod sa misyon, hindi natin kailangang magsuot ng tag o kumatok sa mga pintuan upang tumulong sa pagtatayo ng kaharian. Bagama't ang tingin ng iba sa atin ay hindi tayo kaakit-akit at makaluma at nakokontrol ng iba sa halip na masigla at masayahing kababaihan, walang sinumang babae ang higit na mapanghikayat, walang sinumang babae ang may higit na impluwensiya sa kabutihan, walang sinumang babae ang higit na masiglang instrumento sa mga kamay ng Panginoon kaysa sa isang babaing may takot sa Diyos na tuwang-tuwang maging kung sino siya. Gusto kong isipin na tayo ang lihim na sandata ng Panginoon. Kung mayroon man tayong name tag, gusto kong mabasa ang sa akin na: "Sheri Dew, Babaing May Takot sa Diyos, Abala sa Pagtatayo ng Kaharian ng Diyos."

Isipin na lamang ang mangyayari sa Simbahang ito kung sa tuwing umaga ang 4.5 milyon sa atin ay luluhod at magtatanong sa Ama kung sino ang nais Niyang tulungan natin sa araw na iyon. At isipin din ang bunga kung magagawa natin ito! Isipin na lamang kung ilalaan natin ang ating lakas at itutuon ang ating pansin bilang isang pangkat sa pinakadakilang paglilingkod sa lahat, ang pag-akay sa ating mga kapatid papunta kay Cristo. Isipin ang mangyayari kapag pinakilos natin ang mga kapatid sa Samahang Damayan upang sama-samang manindigan para tumulong sa pagtatayo ng kaharian. Makikita natin ang pagkamulat at pagbangon ng natutulog at nakahukot na higante.

Ngayong gabi ay inaanyayahan ko kayo na manindigan, na humawak sa inyong panggapas at sumama sa gawaing ito nang may sigla. Inaanyayahan ko kayong ilaan muli ang inyong buhay sa pagtatayo ng kaharian. Na tulungan ang isang taong naligaw. Na tumulong sa paglingap at pagkaibigan sa bagong miyembro. Na isaalang-alang ang pagmimisyon kasama ang iyong asawa. Na maghanap at manalangin para sa mga pagkakataon na maging misyonero. Na gumawa ng kaibahan sa espirituwal na buhay ng isang tao lalo na ang mga miyembro ng inyong sariling mag-anak. Hindi kailangan ng sinuman sa atin na tumulong sa lahat. Ngunit paano kung lahat tayo'y nakatulong sa isang tao? At tapos ay sa isa pang tao? at patuloy na gagawin ang gayon. Hiniling ni Pangulong Hinckley sa atin na "maging malaking hukbo na may sigla para sa gawaing ito" ("Find the Lambs, Feed the Sheep," Liahona, Hulyo 1999, 124). Sa paggawa natin ng gayon, tayo'y magiging isa sa pinakamalalakas na puwersa sa kabutihan na matutunghayan ng mundong ito. Sapagkat tayo, ang mga kapatid ng Samahang Damayan, ay mga kababaihan ng Diyos. At ang gawain ng mga kababaihan ng Diyos at ang gawain ng Samahang Damayan ay palaging ang tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Naniniwala akong higit pa ang magagawa natin upang matulungan ang ating mga pinuno ng pagkasaserdote kaysa nagawa na natin noon.

Sa korum ng pagkasaserdote ng aking pamangkin, mga ilang oras lamang bago siya namatay, ay sinabi ni Tanner: "Kung mamamatay na ako, gusto ko na ang libing ko ay maging pamamaalam sa misyonero." Ang dalangin ko ngayong gabi ay maging ganoon din tayo kalinaw hinggil sa ating misyon bilang mga kababaihan ng Diyos. Hindi lamang ito tunay na magandang Simbahan na nagtuturo sa atin ng tunay na magagandang ideya upang maging talagang maayos ang ating pamumuhay. Ito Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na pinagkalooban ng Kanyang kapangyarihan at inatasang magdala ng Kanyang katotohanan sa lahat ng dako ng mundo. Mahal ko ang ating Ama. At mahal ko ang Kanyang Anak. At nalaman ko sa aking sarili na ito ang Kanilang gawain at Kanilang kaluwalhatian at lubos tayong pinagpala sa lahat ng kababaihan sa pagkakaroon ng kahit na maliit na bahagi lamang nito. Nawa'y ating palakasin ang ating "mga tinig gaya ng tunog ng isang pakakak" (D at T 42:6). Nawa'y makatagpo tayo ng kagalakan habang tayo'y naninindigan at nagkakaisa. At nawa'y ating "malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya" (D at T 123:17), at pagkatapos ay makatayong hindi natitinag upang makita ang bisig ng Diyos na inihahayag habang ang Kanyang gawain ay sumusulong nang buong lakas at giting hanggang "sa . . . masuyod [nito] ang lahat ng bansa, at maipahayag sa lahat ng tainga, hanggang ang mga layunin ng Diyos ay maisasagawa, at sabihin ng Dakilang Jehovah na ang gawain ay tapos na" (History of the Church, 4:540). Sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy