Pangulong Gordon B. Hinckley
"Wala akong ibang alam na mas mabuting solusyon . . . [sa] masasamang gawaing ito na nakakaharap ng ating mga kabataan maliban sa mga turo ng isang ina, na ibinigay nang may pagmamahal at hindi maipagkakamaling babala."
Masisiyahan na akong tapusin ang pulong sa ngayon. Naturuan tayong mabuti. Pinupuri ko ang panguluhan sa kanilang napakahusay na mga pangungusap. Malalaman ninyo na sila ay nag-alala at nanalangin at sumamo sa Panginoon na tulungan sila sa kanilang paghahanda at pagtatanghal. Lahat kami'y may utang-na-loob sa inyo, Sister Smoot, Sister Jensen, at Sister Dew. Napakagiting ng inyong ginawa.
Itinuturing kong napakahalagang pagkakataon ang magsalita sa inyo. Walang ibang kongregasyon na tulad ng kongregasyong ito. Nagsasalita tayo mula sa Tabernacle sa Temple Square sa Salt Lake City. At naririnig ninyo ito sa halos lahat ng dako. Nagtitipon kayo sa buong Estados Unidos at Canada, sa lahat ng bansa ng Europa, at Mexico, Central America, at South America. Kayo ay parang iisa sa malaking pagtitipon na ito bagama't kayo'y nasa Asia, sa South Pacific, at sa iba pang malalayong lupain.
Ang inyong mga puso ay iisa. Kayo'y sama-samang nagtitipon dahil mahal ninyo ang Panginoon. Mayroon kayong patotoo at pananalig na Siya'y tunay na nabubuhay. Nananalangin kayo sa Ama sa pangalan ni Jesus. Nauunawaan ninyo ang bisa ng panalangin. Kayo'y mga asawa at mga ina. Kayo'y mga balo at nag-iisa na sa pagdadala ng napakabigat na mga pasanin. Kayo'y mga babaing bagong kasal, at kayo'y mga babaing hindi pa nag-aasawa. Kayo'y napakalaking grupo ng kababaihan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kabilang kayo sa dakilang samahang ito, kayong mahigit sa apat na milyon. Walang sinumang makatatantiya sa magagawa ninyong malaking impluwensiya sa kabutihan. Kayo ang mga tagapangalaga ng mag-anak. Kayo ang mga manedyer sa tahanan. Tulad ni Sister Dew, hinahamon ko kayo na manindigan at maging malakas sa pagtatanggol sa mga dakilang katangian na naging pundasyon ng pag-unlad ng ating lipunan. Kapag nagkakaisa kayo, ang inyong kapangyarihan ay walang-hangganan. Magagawa ninyo ang anumang naisin ninyong gawin. At, oh, talagang kailangan kayo sa daigdig na nawawalan na ng pagpapahalaga sa mabubuting katangian kung saan ang kaaway ang siyang tila nasusunod.
Napakalaki ng paggalang at paghanga ko sa inyong mga kabataang babae na kailan lamang napabilang sa Samahan. Nagawa ninyong labanan ang mga tukso ng pagiging tinedyer. Napanatili ninyong malinis ang inyong sarili sa daigdig. Napanatili ninyong malaya ang inyong sarili sa mga epekto ng kasamaan. Kayo ang pinakamaiinam sa mabubuti at tumutuntong na sa hustong gulang na mga kabataan ng Simbahan. Narating na ninyo ang puntong ito ng buhay, malinis at maganda at mababait. Taos-puso ko kayong pinupuri.
Pinupuri ko kayong mga babae na wala pang asawa. Dumanas na kayo ng maraming kalungkutan. Dumanas na kayo ng pagkabalisa at takot at matinding pananabik. Ngunit hindi ninyo hinayaang magapi kayo nito. Sumulong kayo sa inyong buhay na gumagawa ng makabuluhan at kahanga-hangang kontribusyon. Pagpalain kayo ng Diyos, mga mahal kong kapatid at kaibigan.
Ngayong gabi'y hindi ako tuwirang makapagsasalita sa inyong lahat. Pagtutuunan ko ang isang bahagi ng malaking kongregasyon na ito, at iyon ay kayong mga ina. Maaaring ibilang ko ang mga magiging ina. Kahanga-hanga ang nagawa ninyo bilang mga ina. Nagsilang kayo at nag-aruga ng mga anak. Nakikipagtulungan kayo sa ating Ama sa Langit sa pagbibigay ng mortal na karanasan sa Kanyang mga anak. Sila'y Kanyang mga anak at sila'y inyong mga anak, laman ng inyong laman, at papananagutin Niya kayo sa mga ito. Nagalak kayo sa kanila, at sa maraming pagkakataon ay nagdalamhati kayo. Nakapagdulot sila sa inyo ng kaligayahang hindi maibibigay ninuman. Nakapagdulot sila sa inyo ng sakit na hindi magagawa ng iba.
Sa pangkalahatan, kahanga-hanga ang nagawa ninyo sa pagpapalaki sa kanila. Maraming ulit ko nang sinabi na naniniwala akong nasa atin ang pinakamainam na henerasyon ng mga kabataan na nakilala ng Simbahang ito. Mas nakapag-aral sila; mas nahikayat sila; alam nila ang mga banal na kasulatan; sinusunod nila ang Salita ng Karunungan; nagbabayad sila ng kanilang ikapu; nananalangin sila. Sinisikap nilang gawin ang tama. Matatalino sila at may kakayahan, malilinis at wala pang karanasan, kaakit-akit at ismarte. Napakarami nila. Marami na sa kanila ang nagmimisyon ngayon kaysa noon. Marami na sa kanila ang nagpapakasal sa templo. Alam nila kung ano ang ebanghelyo, at sinisikap nilang ipamuhay ito, umaasa sa Panginoon para sa Kanyang patnubay at tulong.
Ngunit ikinalulungkot kong sabihin na marami sa ating mga kabataan ang naliligaw. Paulit-ulit silang gumagawa ng kahangalan, hindi kailanman nasisiyahan, hanggang sa hatakin sila sa hukay kung saan hindi na sila makakaahon. Ang ilan sa ating kabataan ay kabilang sa mga ito, at kayong mga ina ang nagpapasan ng kalungkutang nagmumula dito. Sila'y inyong mga anak. Kung kaya ngayong gabi sa pag-asang makatutulong ako, ay sumasamo ako sa inyo.
Sa ilang situwasyon ay maaaring huli na ang lahat, ngunit sa karamihan ay may pagkakataon pa kayong gumabay at manghikayat, magturo nang may pagmamahal, umakay sa mga landas na mabunga at masagana at malayo sa situwasyong humahadlang na walang kabutihang idinudulot.
Wala ng iba pang bagay sa mundong ito na higit na mahalaga kaysa sa inyong mga anak. Kapag tumanda na kayo, kapag puti na ang buhok ninyo at pagod na ang inyong katawan, kapag mauupo na lamang kayo sa tumba-tumba at pag-iisipan ang mga bagay sa inyong buhay, walang tanong na kasing-halaga ng kung paano lumaki ang inyong mga anak. Hindi mahalaga ang salaping naipon ninyo. Hindi mahalaga ang mga kotseng pag-aari ninyo. Hindi mahalaga ang malaking bahay na tinitirhan ninyo. Ang pinakamahalagang tanong na paulit-ulit na papasok sa inyong isipan ay ang, Gaanong kabutihan ang nagawa ng aking mga anak?
Kung ang sagot ay napakabuti ng kanilang nagawa, malulubos ang inyong kaligayahan. Kung sila'y hindi gaanong naging mabuti, walang kasiyahan na makapupuno sa inyong pagkukulang.
Kung kaya sumasamo ako sa inyo ngayong gabi, mahal kong mga kapatid. Maupo kayo at tahimik na suriin ang inyong papel bilang isang ina. Hindi pa huli ang lahat. Kapag nabigo nang lahat, may panalangin at may pangako ang Panginoon na tutulungan kayo sa inyong mga pagsubok. Ngunit huwag magpaliban. Magsimula na ngayon, kahit ang inyong anak ay anim o kaya'y 16 na.
May nagsabi sa akin na kailan lamang ay may malaking pagtitipon na ginanap sa lugar na ito na umakit sa 10,000 kabataan. Nakatitiyak akong ang ilan sa mga kabataang ito ay mga miyembro ng Simbahan.
Naiulat na ang mga kilos ng gabing iyon ng kaaliwan ay mahahalay at masasama. Nakapandidiri at nakapagpapababa ng pagkatao. Sumagisag ang mga iyon sa pinakamaruming aspeto ng buhay. Walang ganda sa mga iyon, bagama't gayon ang layunin. Ang tanging naroon ay kapangitan at kabuktutan. Iyon ay pinakamaruming uri ng kasamaan.
Ang mga kabataang ito ay nagbayad ng $35 hanggang $50 para makapasok. Sa maraming pagkakataon ang salapi'y nagmula sa kanilang mga magulang. Ganito ring mga bagay ang naglipana sa buong daigdig. Ang ilan sa ating mga anak ay nagbibigay-daan upang umunlad sa kanilang masasamang pita ang mga taong gumagawa ng gayong basura.
Noong nakaraang Linggo ang Deseret News ay naghatid ng detalyadong lathala ng kuwento tungkol sa ilegal na parti ukol sa droga na tinatawag na Rave. Nagsisimula ang mga ito nang alas 3:00 at hanggang alas 7:30 na ng Linggo ng umaga. Dito ang mga kabataan, mga tinedyer o nasa beinte anyos, ay sumasayaw sa tugtog na itinuturing na musika ng mga kabataan na nagmumula sa marami at malalakas na speaker ng stereo. "Ang ilan ay nagsusuot ng matitingkad na kulay ng abaloryo (beads); ang iba'y nagwawagayway ng mga nagliliwanag na patpat. Ang ilan ay may pacifier sa kanilang bibig, samantalang ang iba'y nakasuot ng pinturadong maskara" (Deseret News, ika-17 ng Set., 2000, B1).
Ang mga droga ay pabalik-balik sa mga nagbebenta at gumagamit sa halagang $20 hanggang $25 bawat pildoras.
Wala akong ibang alam na mas mabuting solusyon sa masasamang gawaing ito na nakakaharap ng ating mga kabataan maliban sa mga turo ng isang ina, na ibinigay nang may pagmamahal at hindi maipagkakamaling babala. Magkakaroon ng mga kabiguan, oo. Magkakaroon ng napakalungkot na pagkabigo. Magkakaroon ng mga trahedya, lungkot at kawalan ng pag-asa. Ngunit sa napakaraming situwasyon, kung maagang masisimulan ang proseso at magpapatuloy ay magkakaroon ng tagumpay at kaligayahan at pagmamahal at maraming pasasalamat. Ang pagbubukas ng inyong pitaka at pag-aabot ng salapi sa inyong anak bago kayo magmadali sa pagpasok sa trabaho ay hindi makatutulong. Maaaring humantong lamang iyan sa mas masamang gawain.
Ang kawikaan na binigkas noong una ay nagsabing, "Turuan mo ang bata sa dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan" (Mga Kawikaan 22:6).
Isa pang matalinong sawikain ang mababasa, "Dahil nakayuko ang puno noong maliit pa, kapag lumaki ang puno'y baluktot na" (Alexander Pope, Moral Essays, tomo 2 ng The Works of Alexander Pope, Esq., "Epistle I: To Sir Richard Temple, Lord Cobham" [1776], 119; linya 150).
Turuan ang inyong mga anak habang batang-bata pa sila at maliliit, at huwag tumigil kailanman. Habang sila'y nasa tahanan pa ninyo, sila ang unang pag-ukulan ninyo ng pansin. Hayaan ninyong magmungkahi ako ng ilang bagay na maaari ninyong ituro sa kanila. Hindi kumpleto ang listahan. Maaari pa kayong magdagdag.
Turuan silang maghanap ng mabubuting kaibigan. Magkakaroon sila ng mga kaibigan, mabuti man o masama. Ang mga kaibigang iyon ay makagagawa ng malaking kaibahan sa kanilang buhay. Mahalagang magkaroon sila ng ugaling mapagparaya sa lahat ng tao, ngunit mas mahalagang makisalamuha sila sa mga kauri nila na makapagtuturo ng mabuti sa kanila. Kung hindi, maaari silang mahawa sa mga pag-uugali ng kanilang mga kasamahan.
Hinding-hindi ko malilimutan ang ikinuwento ni Elder Robert Harbertson sa pulpitong ito ng Tabernacle. Nagkuwento siya tungkol sa isang batang lalaking Indiyan na umakyat sa mataas na bundok. Malamig doon sa tuktok. Sa paanan niya ay may isang ahas, isang makamandag na ahas na may maingay na buntot. Giniginaw ang ahas at nakiusap sa binatilyo na damputin at ibaba siya kung saan mas mainit.
Nakinig ang batang lalaking Indiyan sa panghihimok ng ahas. Pumayag siya. Binuhat niya ito at tinakpan ng kanyang kamiseta. Ibinaba niya ito mula sa bundok kung saan mas mainit. Dahan-dahan niya itong inilapag sa damo. Nang mainitan na ang ahas ay tumayo ang ulo nito at tinuklaw ang batang lalaki sa pamamagitan ng makamandag na mga pangil nito.
Isinumpa ng batang lalaki ang ahas sa pagtuklaw nito sa kanya bilang ganti sa kanyang kabutihan. Sumagot ang ahas, "Alam mo kung ano ako nang damputin mo ako" ("Restoration of the Aaronic Priesthood," Ensign, Hulyo 1989, 77).
Bigyang-babala ang inyong mga anak laban sa mga makamandag na pangil na manghihimok sa kanila, aakit sa kanila sa pamamagitan ng madulas na pananalita, pagkatapos ay susugatan at kung maaari'y wawasakin sila.
Turuan silang pahalagahan ang edukasyon. "Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan, o sa ibang salita, liwanag at katotohanan" (D at T 93:36).
Nakasalalay sa mga tao ng Simbahang ito ang isang kautusan mula sa Panginoon na matuto. Pagpapalain nito ang kanilang buhay ngayon at sa mga darating na taon.
May pagkabighaning pinanood ko isang gabi sa telebisyon ang kuwento ng isang mag- anak sa gitnang bahagi ng Estados Unidos. Naroon ang ama at ina at tatlong anak na lalaki at isang anak na babae.
Ang ama at ina ay nagpasiya noong magpakasal sila na gagawin nila ang lahat upang makita ang kanilang mga anak na magkaroon ng pinakamainam na karanasan sa edukasyon.
Nakatira sila sa isang tahanang katamtaman ang laki. Katamtaman ang uri ng kanilang pamumuhay. Subalit pinalaki nila ang kanilang mga anak sa kaalaman. Ang bawat isa sa mga batang iyon ay nakapagtapos sa kahanga-hangang paraan. Lahat sila'y nakapag-aral na mabuti. Ang isa'y naging pangulo ng unibersidad; ang iba'y naging pinuno ng malalaking negosyo, matatagumpay na indibiduwal sa lahat ng pamantayan.
Turuan silang igalang ang kanilang katawan. Ang gawain ng paglalagay ng tato at mga palamuti sa kanilang katawan ay lumalaganap sa mga kabataan. Darating ang panahon na pagsisisihan nila ito, ngunit magiging huli na ang lahat. Maliwanag na ipinahayag ng mga banal na kasulatan:
"Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?
"Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya'y igigiba ng Dios; sapagka't ang templo ng Dios ay banal, na ang [templong] ito ay kayo" (I Cor. 3:1617).
Nakalulungkot at nakapanghihinayang na ang mga kabataang lalaki at ang ilan sa mga kabataang babae ay nagpapalagay ng tato sa kanilang katawan. Ano ang inaasahan nilang makamtan sa masakit na prosesong ito? Mayroon bang anumang "bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri" (Saligan ng Panamapalataya 1:13) sa pagkakaroon ng masagwang sining na ito na inilalagay sa balat na tataglayin sa buong buhay, hanggang sa pagtanda at hanggang kamatayan? Dapat silang mapayuhan na umilag dito. Kailangan silang mapayuhan na iwasan ito. Darating ang panahon na pagsisisihan nila ito, ngunit hindi na nila matatakasan ang magiging alaala ng kanilang kahangalan maliban sa pamamagitan ng isa pang may kamahalan at masakit na paraan.
Masasabi kong hindi kaakit-akit, bagaman pangkaraniwan, ang makita ang isang kabataang lalaki na may butas ang tainga para sa hikaw, hindi para sa isang pares lamang, kundi para sa ilan.
Wala na silang paggalang sa kanilang kaanyuan. Iniisip ba nilang matalino o kaakit-akit ang palamutian ng gayon ang kanilang sarili?
Sasabihin kong hindi iyan palamuti. Pinapapangit nito ang kaakit-akit. Hindi lamang binubutasan ang mga tainga, kundi gayundin ang iba pang bahagi ng katawan, maging ang dila. Katawa-tawa.
Kami--ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawa--ay naninindigan, at babanggitin ko, na "ang Simbahan ay hindi sang-ayon sa pagpapatato. Hindi rin ito sang-ayon sa pagpapabutas ng katawan maliban sa layuning pagpapagamot, bagama't wala itong sinasabi tungkol sa pagpapabutas ng mga tainga ng kababaihan para sa isang pares ng hikaw."
Turuan ang inyong mga anak na iwasan ang ilegal na droga na tulad ng pag-iwas nila sa salot. Ang paggamit ng mga narkotikong ito ay makasisira sa kanila. Hindi nila basta maaabuso ang kanilang katawan, hindi sila basta magkakaroon ng masama at nakaaaliping hilig nang hindi lumilikha ng hindi matiyak na kapinsalaan. Ang isang kaugalian ay nag-aanyaya ng isa pa, hanggang sa ang biktima sa maraming situwasyon ay igugupo na sa lubos na kawalan ng pag- asa, at nawawalan na ng pagpipigil sa kanyang sarili at umaabot sa puntong hindi na niya ito kayang alisin.
Ang isang programa sa telebisyon kamakailan ay nagsabing 20 porsiyento ng mga kabataan na gumagamit ng droga ay nagsimulang gumamit ng mga ito dahil sa mga magulang. Ano ba ang nangyayari sa mga taong ito? Ang paggamit ng ilegal na droga ay nagiging gawain na walang positibong ibubunga. Aakayin lamang nito ang tao tungo sa kawalan ng pagpipigil sa sarili, sa kawalan ng paggalang sa sarili, at sa sariling kapahamakan. Turuan ang inyong mga anak na iwasan ang mga ito na tulad ng nakapandidiring sakit. Likhain sa kanila ang labis na pagkamuhi sa gayon.
Turuan silang maging matapat. Ang mga bilangguan sa mundo ay puno ng mga taong nagsimula sa kanilang masasamang gawain sa pamamagitan ng maliliit na gawa ng panloloko. Ang maliit na kasinungalingan ay kadalasang humahantong sa mas malaking kasinungalingan. Ang kaunting pagnanakaw ay madalas na humahantong sa mas malaking pagnanakaw. Hindi magtatagal ang tao ay lilikha ng situwasyon kung saan hindi na siya makakawala. Ang malawak na landas patungo sa bilangguan ay nagsisimula sa maliit at hindi kaakit-akit na daanan.
Turuan silang maging marangal. Turuan ang mga kabataang lalaki na igalang ang mga kabataang babae bilang mga anak ng Diyos na pinagkalooban ng isang bagay na napakahalaga at napakaganda. Turuan ang inyong mga anak na babae na magkaroon ng paggalang sa mga kabataang lalaki, sa mga batang lalaki na nagtataglay ng pagkasaserdote, mga batang lalaki na dapat at tunay na umiiwas sa mahahalay na kasamaan ng daigdig.
Turuan silang manalangin. Walang sinuman na may sapat na talino ang magtatagumpay sa pamamagitan ng pag-asa lamang sa ating sarili. Kailangan natin ang tulong, ang kaalaman, ang patnubay ng Makapangyarihan sa pagkakamit ng mga pasiya na tunay na napakahalaga sa ating buhay. Walang panghalili sa panalangin. Walang mas dakilang mapagkukunan.
Mahal kong mga ina, ang mga bagay na nabanggit ko ay hindi na bago. Kasing-tanda na nina Adan at Eva ang mga ito. Ngunit tiyak ang layon at ibubunga ng mga ito tulad ng pagsikat ng araw sa umaga, at ang listahan ay hindi pa kumpleto.
Sa kabila ng lahat ng dapat iwasan, marami pa rin namang magiging kasiyahan. Sa mabubuting kaibigan ay marami pa ang tatamasahing kaligayahan. Hindi sila kailangang maging mapagmalaki. Magkakaroon at mayroon silang panahon na magsaya.
Pagpapalain kayo ng Diyos, mga mahal kong kaibigan. Huwag ipagpalit ang inyong napakahalagang responsibilidad bilang ina sa maliliit na bagay na walang halaga. Una ninyong pagtuunan ng pansin ang inyong tahanan. Ang sanggol na hawak ninyo sa inyong bisig ay mabilis na lalaki tulad ng pagsikat at paglubog ng araw sa abalang mga maghapon. Umaasa ako na kapag nangyari iyon ay hindi kayo mapapabulalas na tulad ni Haring Lear, "Mas masakit pa sa tuklaw ng ahas na may matatalim na ngipin ang pagkakaroon ng isang anak na hindi marunong magpasalamat!" (King Lear, I, iv, 312). Sa halip, inaasahan kong mapapasainyo ang lahat ng dahilan upang maipagmalaki ang inyong mga anak, mag-ukol ng pagmamahal sa kanila, magtiwala sa kanila, pagmasdan silang lumalaki sa kabutihan at may dangal sa harapan ng Panginoon, makita silang maging kapaki-pakinabang at matagumpay na mga miyembro ng lipunan. Kung sa kabila ng lahat ng inyong ginawa ay may kabiguan paminsan-minsan, masasabi pa rin ninyong, "Kahit paano'y ginawa ko ang lahat sa abot ng aking makakaya. Sinikap kong mabuti sa abot ng aking nalalaman. Hindi ko hinayaan ang anumang bagay na humadlang sa aking tungkulin bilang isang ina." Ang mga kabiguan ay kakaunti lamang sa gayong mga kalagayan.
Upang hindi ninyo isipin na ipinapatong ko ang lahat ng responsibilidad na ito sa inyo, sasabihin kong balak kong kausapin ang mga ama tungkol dito sa pangkalahatang pulong ng pagkasaserdote mga dalawang linggo mula ngayon.
Nawa'y mapasainyo ang mga pagpapala ng langit, mga mahal kong kapatid. Nawa'y hindi ninyo ipagpalit sa isang bagay sa ngayon na pansamantala lamang ang halaga ang higit na kabutihan ng mga anak na lalaki at babae, mga batang lalaki at babae, mga binatilyo at dalagita. Ang pagpapalaki sa kanila ay responsibilidad na hindi ninyo matatakasan.
Nawa ang karangalan ng buhay ng inyong mga anak ay makapagpadalisay at makapagpabanal sa inyong pagtanda. Nawa'y maibulalas din ninyo nang may pasalalamat tulad ni Juan, "Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan" (3 Juan 1:4). Ito ang dalangin ko, at taos kong panalangin, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.