The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2000
"Magsiparito Kayo at Inyong Makikita"

"Magsiparito Kayo at Inyong Makikita"

Elder Alexander B. Morrison
Miyembrong Emeritus ng Pitumpu

"Magsiparito kayong hangad Siyang makilala, at ipinangangako ko sa inyong matatagpuan ninyo Siya at makikita Siya sa tunay Niyang pagkatao bilang Tagapagligtas ng daigdig na nagbangon at tumubos."

Elder Alexander B. Morrison

Sa mga unang araw ng Kanyang ministeryo, dalawang disipulo ang lumapit kay Jesus at nagtanong, "Rabi, . . . saan ka tumitira?" Ang maikli ngunit malalim na sagot ni Jesus na "Magsiparito kayo at inyong makikita," ang siyang batayan ng aking kaunti at hamak na sasabihin ngayon (tingnan sa Juan 1:38­39).

"Magsiparito kayo at inyong makikita," magsiparito kayong hangad Siyang makilala, at ipinangangako kong matatagpuan ninyo Siya sa tunay Niyang pagkatao bilang Tagapagligtas ng daigdig na nagbangon at tumubos. "Magsiparito kayo at inyong makikita," at makikilala ninyo Siya bilang ang Cristo ng libingang walang laman, ang manlulupig ng Kalbaryo, na siyang kumalag sa mga gapos ng kamatayan at matagumpay na nagbangon mula sa libingan, upang magdulot ng kawalang-kamatayan sa lahat at walang hanggang buhay sa matatapat. Siya ang "korderong walang kapintasan at walang dungis," na itinalaga noon pa man sa Kanyang pagiging mesiyas "bago itinatag ang sanglibutan" (I Ped. 1:19­20). "Siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang [at] siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan: . . . at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo" (Isa. 53:5).

"Magsiparito kayo at inyong makikita," at sa paglapit ninyo ay iwan ninyo sa Kanyang paanan ang inyong mga pasanin. Talikuran ang lahat ng inyong kasalanan upang makita at makilala ninyo Siya (tingnan sa Alma 22:18). "Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha," sabi Niya, "at kayo'y aking papagpapahingahin.

"Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin . . . at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa" (Mat. 11:28­29). Lumapit kayo sa Kanya, at papalisin Niya ang inyong mga kasalanan at pagagalingin ang inyong kaluluwa, bagama't ito ay makasalanan. Papalitan Niya ang inyong poot ng pag-ibig at ang kasakiman ng paglilingkod. Palalakasin Niya ang inyong mga balikat upang higit ninyong makaya ang inyong mga pasanin at bibigyan kayo ng bagong tapang at pag-asa para sa hinaharap na paglalakbay.

"Magsiparito kayo at inyong makikita," at habang ginagawa ninyo ito mabubuksan ang inyong mga mata at talagang makikita ninyo, marahil sa unang pagkakataon, kung sino kayo, at kung sino Siya. Makikita ninyo ang inyong sarili bilang anak ng Diyos, na may banal na pinanggalingan, na nagtataglay ng walang katapusang kakayahang umunlad sa espirituwal at maging higit na katulad Niya. Mauunawaan ninyo na ang Diyos ay "ginawa niya sa isa ang bawat bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa" (Mga Gawa 17:26) at ituturing ninyo bilang mga kapatid ang lahat ng lalaki at lahat ng babae saanman, kasama ang lahat ng ibig ipakahulugan noon hinggil sa pananagutan natin bilang magkakapatid. Makikita ninyo na "wala Siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; . . . at pantay-pantay ang lahat sa Diyos" (2 Ne. 26:33).

"Magsiparito kayo at inyong makikita," at habang ginagawa ninyo ito matatagpuan ninyo ang Kanyang Simbahan--Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang Simbahang pinamamahalaan sa lupa ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag, ngunit ang pinuno nito ay hindi mortal na tao, walang-iba kundi si Jesus, ang Panginoong Diyos mismo na Makapangyarihan. Habang "nagsisiparito kayo at nakakakita," makakatagpo kayo ng masasayang tao--mga taong puno ng pag-asa at galak--na, habang nagsisikap na madaig ang mga karaniwang pagkakamali at kahinaan ng tao, ay lalo pang nagpapakabuti, na makagawa ng kabutihan sa lahat ng tao, na magtayo ng lungsod ng Diyos kung saan ang lahat ay maaaring sama-samang mabuhay sa kabutihan. Habang "nagsisiparito kayo at nakakakita," makatatagpo kayo ng mga taong may masidhi at walang maliw na malasakit sa mahihirap at nangangailangan, mga taong tumutulong sa pagkalinga ng mga balo at ulila, mga may karamdaman at nagdadalamhati, mga dukha at naaapi. "Magsiparito kayo at inyong makikita" ang bunga ng pamumuhay ng ebanghelyo. Tikman ninyo ang mga ito, at matutuklasan ninyong matamis at masarap ang mga ito. Kapag nalaman ninyo na "kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos" (Mosias 2:17), hahangarin ninyong ilaan ang inyong buhay sa paglilingkod sa Guro.

Magtatapos ako kung saan ako nagsimula: Ang pahayag ni Jesus na "Magsiparito kayo at inyong makikita" ay kapwa isang paanyaya at pangako sa lahat ng tao saanman. Magsilapit kayo sa Kanya; ituring Siyang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon; kilalanin sa Kanya ang Dakilang Mesiyas na muling paparito na may pagpapagaling sa Kanyang mga bagwis, upang palayain ang Kanyang mga tao. Babalutan Niya kayo ng balabal ng Kanyang mapagtubos na pagmamahal, at magbabago ang inyong buhay magkailanman.

Iyan ang pinatototohanan ko, bilang isa sa Kanyang mga tagapaglingkod, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy