Margaret D. Nadauld
Pangkalahatang Pangulo ng Kabataang Babae
"Alam ng mga babaeng anak ng Diyos na ang mapagkalingang kalikasan ng mga babae ang siyang nagdudulot ng mga walang-hanggang pagpapala, at nabubuhay sila upang payabungin ang banal na katangiang ito."
Isang di pangkaraniwang biyaya ang maging anak ng Diyos ngayon. Nasa atin ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pinagpala tayo at naipanumbalik ang pagkasaserdote sa mundo. Pinamumunuan tayo ng propeta ng Diyos na nagtataglay ng lahat ng mga susi ng pagkasaserdote. Minamahal at iginagalang ko si Pangulong Gordon B. Hinckley at lahat ng ating kapatid na lalaking karapat-dapat na nagtataglay ng pagkasaserdote.
Nabibigyang-inspirasyon ako sa buhay ng mabubuti at tapat na babae. Sa simula pa lamang malaki na ang tiwala ng Panginoon sa kanila. Ipinadala Niya tayo sa lupa sa ganitong panahon upang magsagawa ng maringal at maluwalhating misyon. Itinuturo ng Doktrina at mga Tipan, "Maging bago pa man sila isilang, sila, kasama ng marami pang iba, ay tumanggap ng kanilang mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu at inihanda upang bumangon sa takdang panahon ng Panginoon upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao" (D at T 138:56). Napakagandang pangitain nito na nagsasaad ng layunin natin sa mundo.
Sa binigyan ng marami ay marami ang hihingin. Inatasan ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak na babae na tahakin ang landas ng kabanalan, na mamuhay nang matwid nang sa gayon ay maisakatuparan natin ang misyon natin sa buhay at ang Kanyang mga layunin. Nais niya tayong magtagumpay, at tutulungan Niya tayo kung hihingin natin ang tulong Niya.
Ang pagkapanganak ng mga babae sa mundong ito bilang mga babae ay itinalaga na bago pa man isilang, gayon din ang mga banal na kaibahan ng lalaki at babae. Nalulugod ako sa kalinawan ng mga turo ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa sa Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak. Ipinahahayag nila: "Ang kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan."1 Mula sa pahayag na iyan tayo ay naturuan na bawat batang babae ay babae sa espiritu bago pa man siya isilang sa mundo.
Ipinadala ng Diyos ang mga babae sa mundo na may ilang katangiang higit ang kakayahan. Sa pagsasalita sa mga kabataang babae, binanggit ni Pangulong Faust na ang pagkababae "ay ang banal na palamuti ng sangkatauhan. Naipahihiwatig ito sa inyong . . . kakayahang magmahal, sa inyong espirituwalidad, pagkamaselan, ningning, matalas na pakiramdam, pagkamalikhain, halina, kagiliwan, kahinahunan, dangal at mapayapang lakas. Nakikita ang mga ito sa bawat babae sa iba't ibang paraan, ngunit bawat isa . . . ay nag-aangkin nito. Ang pagkababae ay bahagi ng inyong panloob na kagandahan."2
Ang panlabas na kaanyuan natin ay salamin ng ating kalooban. Nasasalamin sa ating buhay ang ating mga adhikain. At kung buong puso nating hahangaring makilala ang Tagapagligtas at maging higit na katulad Niya, magkakagayon tayo, sapagkat Siya ang ating banal at walang hanggang Kapatid. Ngunit Siya ay higit pa riyan. Siya ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas, ang mahal nating Manunubos. Tinatanong nating tulad ng sinaunang si Alma: "Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha?" (Alma 5:14).
Makikilala ninyo ang mga babaeng nagpapasalamat sa pagiging anak ng Diyos sa kanilang panlabas na anyo. Nauuunawaan ng mga babaeng ito ang pananagutan nila sa kanilang katawan at binibigyang-dangal ito. Pinangangalagaan nila ang kanilang katawan gaya ng pangangalaga nila sa banal na templo sapagkat nauuunawaan nila ang turo ng Panginoon: "Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?" (1 Cor. 3:16). Kailanma'y hindi aabusuhin o papapangitin ng mga babaeng nagmamahal sa Diyos ang isang templo. Ni hindi bubuksan ang mga pintuan ng banal at itinalagang gusaling iyon at aanyayahan ang mundong tingnan ang loob nito. Lalo nang mahalaga ang katawan, sapagkat hindi ito gawa ng tao. Ito ay likha ng Diyos. Tayo ay mga tagapangalaga, tagapag- ingat ng kalinisan at kadalisayang angkin nito mula sa langit. "Kung gibain ng sinuman ang templo ng Diyos, siya'y igigiba ng Dios; sapagkat ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo" (1 Cor. 3:17).
Maingat na pinangangalagaan ng mga mapagpasalamat na babaeng anak ng Diyos ang kanilang katawan, sapagkat alam nilang sila ang pinagmumulan ng buhay at pinagpipitaganan nila ang buhay. Hindi sila naghuhubad upang sang-ayunan ng mundo. Pinananatili nila ang kahinhinan upang bigyang-lugod ang Ama sa Langit. Sapagkat alam nilang mahal na mahal Niya sila.
Makikilala ninyo ang mga babaeng nagpapasalamat sa pagiging anak ng Diyos sa kanilang pag-uugali. Alam nilang ang paglilingkod ng mga anghel ay ibinigay sa mga babae at nais nilang maglingkod sa Diyos sa pagmamahal sa Kanyang mga anak at paglilingkod sa kanila, sa pagtuturo sa kanila ng mga doktrina ng kaligtasan, sa paghihikayat sa kanilang magsisi, sa pagliligtas sa kanila sa mga mapanganib na kalagayan, sa paggabay sa kanila sa pagsasagawa ng Kanyang gawain, sa paghahatid ng Kanyang mga mensahe.3 Nauunawaan nilang mabibiyayaan nila ang mga anak ng kanilang Ama sa kanilang mga tahanan at pamayanan at saanman. Ang mga babaeng nagpapasalamat sa pagiging mga anak ng Diyos ay nagdudulot ng luwalhati sa Kanyang pangalan.
Makikilala ninyo ang mga babaeng nagpapahalaga sa pagiging anak ng Diyos sa kanilang mga kakayahan. Tinutupad nila ang kanilang banal na potensiyal at pinag-iibayo ang mga kaloob nila mula sa Diyos. Sila ay mga babaeng may kakayahan at matatatag na nagpapala sa mga mag-anak, naglilingkod sa iba, at nauunawaan na "ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan" (D at T 93:36). Sila ay mga babaeng namumuhay sa dalisay na mga katangiang tumutugma sa inaasahan sa kanila ng Ama. Binanggit ni Jacob ang ilan sa mga katangiang iyon nang sabihin niyang ang kanilang "mga damdamin ay labis na mapagmahal at dalisay at maselan sa harapan ng Diyos, kung aling bagay ay kasiya-siya sa Diyos" (Jacob 2:7).
Makikilala ninyo ang mga babaeng nagpapahalaga sa pagiging anak ng Diyos sa kanilang pagpipitagan sa pagiging ina, kahit na ang pagpapalang iyon ay hindi naipagkaloob sa kanila nang matagal. Sa mga gayong pagkakataon, ang kanilang matwid na impluwensiya ay maaaring maging pagpapala sa buhay ng mga batang minamahal nila. Ang kanilang kapuri-puring mga aral ay magpapaalingawngaw sa tinig ng isang tapat na tahanan at magpapataginting sa katotohanan sa mga puso ng mga batang nangangailangan ng ibang saksi.
Ang mga babaeng anak ng Diyos na mapagpasalamat ay minamahal Siya at tinuturuan ang kanilang mga anak na mahalin Siya nang walang alinlangan at pagdaramdam. Tulad sila ng mga ina ng hukbong kabataan ni Helaman, na may napakalaking pananampalataya at "tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos" (Alma 56:47).
Kapag napagmasdan ninyo ang mga kilos ng mababait at mahihinahong ina, makikita ninyo ang mga babaeng napakalalakas. Madarama ng kanilang mga mag-anak ang diwa ng pagmamahal at paggalang at kaligtasan kapag sila ay malapit sa kanya habang hinahangad niyang makapiling ang Espiritu Santo at gabay ng Kanyang Espiritu. Pinagpapala sila ng kanyang karunungan at mabuting pagpapasiya. Ang mga asawa at anak, na pinagpapala nila ang mga buhay, ay mag-aambag sa katatagan ng mga lipunan sa buong mundong ito. Ang mga babae ng Diyos na mapagpasalamat ay natututo ng mga katotohanan mula sa kanilang mga ina at lola at tiya. Itinuturo nila sa kanilang mga anak na babae ang masayang sining ng paglikha ng isang tahanan. Humahanap sila ng magandang edukasyon para sa kanilang mga anak at sila mismo ay sabik ding matuto. Tinutulungan nila ang kanilang mga anak na mapaunlad ang mga kasanayang magagamit nila sa paglilingkod sa iba. Alam nilang ang pinili nilang landas ay hindi madali, ngunit batid nilang lubos na karapat-dapat ito sa pinakamahusay nilang pagsisikap.
Nauunawaan nila ang ibig sabihin ni Elder Neal A. Maxwell nang sabihin niyang: "Kapag ganap na naihayag ang tunay na kasaysayan ng sangkatauhan, ilalarawan ba nito ang mga alingawngaw ng putok ng baril o ng humuhubog na tunog ng mga paghehele [sa sanggol]? Ang mga pansamantalang pagpapatigil sa mga digmaan na ginawa ng mga hukbong sandatahan o ng pakikipagkasundo ng mga babae sa tahanan at sa pamayanan? Ang mga naganap ba sa mga kuna at kusina ay mapapatunayang mas nakakapigil kaysa sa mga kaganapan sa mga kongreso?"4
Alam ng mga babaeng anak ng Diyos na ang mapagkalingang kalikasan ng mga babae ang makapagdudulot ng mga walang-hanggang pagpapala, at namumuhay sila upang payabungin ang banal na katangiang ito. Tunay na kung pinagpipitaganan ng isang babae ang pagiging ina, titindig ang kanyang mga anak at tatawagin siyang pinagpala (tingnan sa Mga Kawikaan 31:28).
Hindi kailanman makakatulad ng babae sa mundo ang mga kababaihan ng Diyos. Sapat na ang malalakas na babae sa mundo; kailangan natin ng mapagmahal na mga babae. Sapat na ang magagaslaw na babae; kailangan natin ng mga babaeng mabait. Sapat na ang mga walang-galang na babae; kailangan natin ng mga babaeng pino. Sapat na ang mga babaeng bantog at mayaman; kailangan natin ng mga babaeng may pananampalataya. Sapat na ang kasakiman; kailangan natin ng higit na kabutihan. Sapat na ang kayabangan; kailangan natin ng kabutihan. Sapat na ang katanyagan; kailangan natin ng higit na kadalisayan.
Labis kaming nananalangin na bawat kabataang babae ay lumaking kalugud-lugod tulad ng inaasahan sa kanya. Idinadalangin naming sana'y ipakita sa kanya ng kanyang ina at ama ang tamang landas. Nawa'y igalang ng mga babaeng anak ng Diyos ang pagkasaserdote at sang- ayunan ang mga karapat-dapat na maytaglay ng pagkasaserdote. Nawa'y maunawaan nila ang kanilang sariling kakayahan para sa lakas sa mga walang-hanggang kapuri-puring katangiang hinahamak ng ilan sa makabago, malayang daigdig ng mga kababaihan.
Nawa'y maunawaan ng mga ina at ama ang magagandang potensyal na minana ng kanilang mga anak na babae mula sa kanilang tahanan sa langit. Kailangan nating pangalagaan ang kanilang kahinahunan, mapagkalingang kalikasan, likas na espirituwalidad at matalas na pakiramdam, at matatalinong pag-iisip. Ipagdiwang ang katotohanang ang mga babae ay kakaiba sa mga lalaki. Pasalamatan ang katayuan nila sa maringal na plano ng Diyos. At laging tandaan ang sinabi ni Pangulong Hinckley, "Matapos lamang hubugin ang mundo, matapos ihiwalay ang araw sa gabi, matapos ihiwalay ang mga katubigan sa lupa, matapos likhain ang halaman at mga hayop, at matapos ilagay sa mundo ang lalaki, at saka nilikha ang babae; at noon lamang ipinahayag na ang gawain ay tapos na at mabuti."5
Mga ama, asawa, kabataang lalaki, nawa'y malirip ninyo kung ano ang kabuuan at maaaring kahinatnan ng mga babae. Maging karapat-dapat sana kayo sa banal na pagkasaserdote ng Diyos, na inyong taglay, at igalang ang pagkasaserdoteng iyan, sapagkat binibiyayaan tayong lahat nito.
Mga kapatid, anuman ang inyong gulang, unawain sana ninyo ang inyong kabuuan at kahihinatnan, ang lahat ng inihanda ng Diyos Mismo para sa inyo sa mga maharlikang palasyo sa kalangitan. Nawa'y gamitin natin nang may pasasalamat ang walang katumbas na mga kaloob na ibinigay sa atin para iangat ang sangkatauhan sa mas matayog na kaisipan at mas mararangal na pangarap, idinadalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Ensign, Nob. 1995, 102.
2. "Pagiging Babae: Ang Pinakamataas na Karangalan," Liahona, Hulyo 2000, 118.
3. Tingnan sa Bruce R. McConkie, Mormon Doctrine, 2nd ed. (1966), 35.
4. "The Women of God," Ensign, May 1978, 1011.
5. "Our Responsibility to Our Young Women," Ensign, Sept. 1988, 11.