Elder Russell M. Nelson
Ng Korm ng Labindalawang Apostol
"Kailangan nating lahat ng gabay sa buhay. Pinakamainam na makukuha natin ito mula sa mga pamantayang banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta ng Diyos."
Kamakailan si Sister Nelson at ako ay nasa Denmark para sa paggunita sa ika-150 anibersaryo ng Simbahan sa Scandinavia. Sa pagitan ng mga pulong, naglaan kami ng ilang oras sa paglilibot sa bayan-bayan kung saan ipinanganak ang dalawa sa mga lolo't lola ng aking ama. Sila ay kabilang sa mga pinakaunang miyembro ng Simbahan sa Denmark. Ang mga kamag-anak ng ama ng lola ni Itay ay nanirahan sa kanluraning bahagi ng Denmark.
1 Ang ama ng lolo niya ay nanirahan sa hilagang bahagi ng Denmark.
2 Salamat sa magaling na tsuper at maaasahang mapa, natagpuan namin ang bawat bayang nasa listahan namin at nakakuha ng mahalagang impormasyon. Habang naglalakbay, mahigpit na hawak-hawak ko ang mahalagang mapang iyon upang makamit namin ang aming layunin.
Sa kabilang dako, maraming tao ang naglalakbay sa buhay nang walang mabuting gabay, kulang sa kaalaman ng nais patunguhan o kung paano pumunta roon. Ngunit kung bibigyan ng kaukulang pansin ang mapa para sa maghapong paglalakbay, hindi ba't makabubuting mag-ukol ng pansin sa may awtoridad na gabay sa paglalakbay natin sa buhay? Tungkol dito ay nais kong magsalita--tungkol sa kung bakit kailangan natin ang gabay. Saan natin makukuha ito, at paano natin matatamo ito.
BAKIT KAILANGAN NATIN NG GABAY
Ang tanong na bakit? ay nakatuon sa layunin ng buhay. Ang pinakalayunin ng buhay natin sa lupa ay ipinahayag ng ating Maylikha, na nagsabi, "Kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos."3
Ang Kanyang kaloob na buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa mga kundisyong itinatag Niya.4 Binubuo ng mga kundisyong iyon ang isang plano, o sa aking paghahambing, ang espirituwal na mapa. At kapag dumarating ang problema, lubos nating kailangan ng tulong. Sa aming paglalakbay sa Denmark, hindi sinasadyang napaliko kami sa isang daan na nagpaligaw sa amin. Para makabalik sa tamang daan, inihinto namin ang sasakyan. Pinag-aralan naming mabuti ang mapa. Pagkatapos dumaan kami sa dapat na daanan.
Paano kung nawawala ka at wala kang mapa? Ipagpalagay natin na nag-iisa ka at hindi mo alam kung nasaan ka. Ano ang puwede mong gawin? Humingi ka ng tulong! Tumawag ka sa bahay! Tumawag ka sa Simbahan! Magdasal ka! Kapag naikonekta ka sa gusto mong tulong, malalaman mo na kailangan mong umakyat dito o lumiko roon para mapunta ka sa tamang daan. O kakailanganin mong bumalik mula sa pinanggalingan upang makatiyak na makararating ka sa gusto mong puntahan.
SAAN TAYO NAKAKAKUHA NG GABAY
Dinadala tayo niyan sa tanong na saan tayo makakukuha ng gabay na kailangan natin? Bumabaling tayo sa Kanya na nakakikilala sa atin nang lubos--ang ating Maylikha. Pinahintulutan niyang bumaba tayo sa lupa nang may kalayaang pumili ng sarili nating daan. Dahil sa dakila Niyang pag-ibig, hindi Niya tayo iniwang mag-isa. Naglaan siya ng gabay--isang espirituwal na mapa-- upang tulungan tayong makamtan ang tagumpay sa ating paglalakbay. Tinatawag natin ang gabay na iyan na mga banal na kasulatan, pinangalanan nang gayon--dahil ang mga ito--ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas--ang bumubuo ng pamantayan na dapat nating ipamuhay. Nagsisilbi silang pamantayan ng reperensiya, gaya nang ang mga pamantayan sa oras, bigat, at sukat ay iniingatan sa kawanihang pambayan ng mga pamantayan.
Upang makamit ang layunin nating buhay na walang hanggan, kailangang sundin natin ang mga turo sa mga pamantayang banal na kasulatan at iba pang mga paghahayag na natanggap mula sa mga propeta ng Diyos.5 Nakita na noon pa man ng mapagmahal nating Panginoon ang pangangailangan natin ng gabay: "Sapagkat makipot ang pintuan," sabi Niya, "at makitid ang daan na patungo sa kadakilaan at pagpapatuloy ng mga buhay, at kakaunti ang makasusumpong noon."6
Kakaunti lamang ang nakakasumpong ng daan dahil winawalang-halaga ang banal na mapang inilaan ng Panginoon. Ang isa pang mas mabigat na pagkakamali ay ang pagwawalang-halaga sa Maylalang ng mapa. Ipinahayag ng Diyos na una sa Kanyang Sampung Kautusan: "Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko."7 Subalit ang mga taong makalaman ay malimit na ibinabaling ang katapatan sa mga idolo.
Halimbawa, humahanga tayo sa mga kompyuter at Internet na nagagawang maihatid ang mga impormasyon sa pambihirang bilis. Totoong nagpapasalamat tayo sa mga elektronikong tagapagsilbing ito. Subalit kung hahayaan natin silang nakawin ang ating oras, hadlangan ang ating potensyal, o lasunin ang ating mga isipan ng pornograpiya, hindi na sila nagiging mga tagapagsilbi at sa halip ay nagiging mga huwad na diyos.
Binalaan ng Guro ang mga yaong "hindi hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig, at kung kaninong kaanyuan ay yaong sa diyus-diyusan."8
Walang kahahantungan ang mga huwad na diyos. Kung nais nating maging matagumpay ang paglalakbay natin sa buhay, kailangang sumunod tayo sa banal na gabay. Sinabi ng Panginoon, "Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot."9 At isinulat ng Mang-aawit, "Ang salita mo'y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas."10
Ang pagsunod sa gayong payo ay hindi lamang humihingi ng pananalig, kundi gayon din ng pagbabalik-loob, at kadalasan, pagsisisi. Iyan ay makasisiya sa Panginoon, na nagsabi: "Mangagbalik-loob kayo, at kayo'y magsitalikod sa inyong mga dios-diosan; at [humiwalay] . . . sa lahat ninyong kasuklamsuklam."11
Sa paglalakbay ninyo sa buhay, nakahaharap kayo ng maraming hadlang at nakagagawa ng ilang pagkakamali. Tinutulungan kayo ng mga banal na kasulatan na makilala ang inyong mga pagkakamali at gumawa ng nararapat na pagwawasto. Humihinto kayo sa pagpunta sa maling direksyon. Maingat ninyong pag-aralan ang mapang banal na kasulatan. Pagkatapos ay magsisi at magsauli ng kinakailangang bagay upang makarating sa "makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan."12
Mga kapatid, pinipilit tayo ng mga abala nating buhay na magtuon ng pansin sa mga ginagawa natin sa araw-araw. Ngunit ang pagbuo ng pagkatao ay dumarating lamang kung pagtutuunan natin ng pansin kung sino ba talaga tayo. Upang mabuo at maisakatuparan ang higit na mga dakilang layuning ito, kailangan natin ang tulong mula sa langit.
PAANO NATIN MAKAKAMTAN ANG GABAY NA MULA SA BANAL NA KASULATAN
Sa sandaling maunawaan natin kung bakit kailangan natin ang gabay at saan natin makukuha ito, itinatanong naman natin pagkatapos ang, paano natin makakamtan ito? Paano tayo tunay na mabubuhay, hindi "sa tinapay lamang, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Dios"?13
Nagsisimula tayo sa matibay na hangaring "ihalintulad [sa atin] ang lahat ng banal na kasulatan . . . para sa [ating] kapakinabangan at kaalaman."14 Kung magpapatuloy tayo, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.15
Ang pagpapakabusog ay nan- gangahulugan hindi lamang ng pagtikim. Ang pagpapakabusog ay paglasap. Nilalasap natin ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga ito sa diwa ng malugod na pagtuklas at matapat na pagsunod.16 Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, naitatanim ito sa mga "tapyas ng pusong laman."17 Nagiging mahalagang bahagi sila ng ating pagkatao.
Maraming taon na ang nakalipas, pinagsabihan ako ng kasamahan ko sa medisina dahil hindi ko nagawang ihiwalay ang kaalaman ko bilang propesyonal sa paniniwala ko sa relihiyon. Ikinagulat ko iyon dahil hindi ko inisip na dapat paghiwa-hiwalayin ang katotohanan. Hindi mapaghihiwa-hiwalay ang katotohanan.
Hindi mamamalayan ang paglapit ng panganib kapag inihihiwalay natin ang ating sarili sa mga pahayag na "ang pribado kong buhay," "ang propesyonal kong buhay" o "pinakamahusay kong kilos." Ang pamumuhay sa magkakahiwalay na kalagayan ay humahantong sa panloob na pagtatalu-talo at nakapapagal na tensyon. Upang matakasan ang tensyong iyan, maraming tao ang nagkakamaling bumaling sa mga nakalululong na bagay, naghahanap ng kasiyahan, o pinalalayaw ang sarili, na nagbubunga pa ng higit na tensyon, sa gayon lumilikha lamang na mga paulit-ulit na pangyayaring nagdaragdag sa problema.
Dumarating lamang ang panloob na kapayapaan habang napananatili natin ang integridad ng katotohanan sa lahat ng aspeto sa ating buhay. Kapag nakipagtipan tayo na susunod sa Panginoon at susundin ang Kanyang mga kautusan, tinatanggap natin ang mga pamantayan Niya sa bawat pag-isip, pagkilos, at paggawa.
Hinihingi ng pamumuhay natin sa mga pamantayan ng Panginoon na linangin natin ang kaloob na Espiritu Santo. Tinutulungan tayo ng kaloob na iyan na maunawaan ang doktrina at ipamuhay ito nang personal. Sapagkat ang katotohanang ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag ay mauunawaan lamang sa pamamagitan ng paghahayag,18 dapat na maging mapanalangin tayo sa ating pag-aaral. Pinatutunayan ng mga banal na kasulatan ang bisa ng panalangin sa pang-araw-araw na buhay. Isa na rito ang nasa Mga Kawikaan: "Kilalanin mo [ang Diyos] sa lahat ng iyong ga lakad, at kaniyang ituturo ng iyong mga landas."19 Ang isa pa ay nagmula sa Aklat ni Mormon. "Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan."20
Habang nagninilay-nilay at nananalangin kayo tungkol sa mga doktrinal na alituntunin, makikipag-usap ang Espiritu Santo sa inyong isip at inyong puso.21 Mula sa mga pangyayaring inilarawan sa mga banal na kasulatan, darating ang mga bagong kabatiran at ang mga alituntuning naaangkop sa inyong kalagayan ay magpapadalisay sa inyong puso.
Nililinang ninyo ang gayong karanasan ng pagpapahayag sa pamamagitan ng pamumuhay alinsunod sa liwanag na ibinigay na sa inyo at sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan nang may dalisay na adhikain--nang may tunay na layunin na "lumapit kay Cristo."22 Habang ginagawa ninyo ito, ang pananalig ninyo ay "lalakas sa harapan ng Diyos" at ang Espiritu ang inyong nagiging kasama sa tuwina.23
Ang pagkakamit ng gabay na banal na kasulatan ay inaalalayan ng mga makabuluhang pagtatanong.24 Marahil ay tatanungin ninyo, "Anu-anong alituntunin ang matututuhan mula sa mga turong ito ng Panginoon?" Halimbawa, itinuturo ng mga banal na kasulatan na naisagawa ang Paglikha sa loob ng anim na yugto ng panahon.25 Ipinakikita ng mga alituntuning natutuhan mula sa pag-aaral na iyon na anumang dakilang tagumpay ay nangangailangan ng wastong pagpaplano, panahon, tiyaga, paggawa, at mahabang panahon.
Pagkatapos ay iminumungkahi ko na iangkop ninyo ang istilo ng pag-aaral sa pamamaraang babagay sa inyo.26 Isang paraan ay ang pagbabasa ng aklat o banal na kasulatan mula sa unang pahina hanggang sa huli. Nagbibigay ng mabuting pananaw ang istilong ito sa kabuuan. Ngunit may halaga rin naman ang ibang pamamaraan. Ang pagbibigay-pansin sa isang partikular na paksa o partikular na tema, na dinaragdagan ng paggamit ng mga talababang pangsanggunian at gabay sa pag-aaral, ay makatutulong sa pagbubukas ng isip para sa pag- unawa ng doktrina.
Maaaring dumating ang gabay kapag nakikibaka tayo sa mabigat na hamon sa buhay. Maraming taon na ang nakalipas, noong ako ay bago pa lamang nagsasagawa ng pang-agham na pagsasaliksik sa larangan na noon ay bago pa lang sa panggagamot, isang pamantayan ng katotohanan mula sa banal na kasulatan ang nagbigay ng tapang na kailangan ko para magpatuloy. Umaasa ako nang lubos sa mga talatang ito sa Doktrina at mga Tipan: "Lahat ng kaharian ay may batas na ibinigay;
"At may maraming kaharian; sapagka't walang lugar na walang naroroong kaharian, at walang kaharian na walang naroroong lugar. . . .
"At ang bawat kaharian ay binigyan ng batas; at sa bawat batas ay may hangganan din at mga batayan."27 Natutuhan natin ang mga batas na patungkol sa "kaharian" na may kinalaman sa atin at natuto ng pagpipigil na dati ay natatamo natin dahil nagkataon lamang.
Ang pagkahikayat para sa paghingi ng gabay mula sa banal na kasulatan ay dumarating kapag may mahalagang pagpapasiya tayong dapat gawin--maging sa pagitan ng mga pagpipilian na parehong tama. Madalas na nahaharap sa ganitong mga pagpapasiya ang mga Kapatid na Lalaki. Sa gayong pagkakataon, bumabaling kami sa mga banal na kasulatan. Binabasa naming muli at muli ang lahat ng mga pamantayang banal na kasulatan, naghahanap ng mga kabatirang may natatanging paksa.
Ang oras para sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nangangailangan ng iskedyul na dapat pahalagahan. Kung hindi magkagayon, ang pinakamahalagang biyaya ay mahahalinhan ng mga bagay na hindi gaanong mahalaga. Maaaring mahirap magtakda ng panahon para sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang mag-anak. Maraming taon na ang nakalipas, noong nasa bahay pa ang aming mga anak, at iba't ibang grado sila sa iba't ibang paaralan. Kailangang nasa ospital na ang kanilang ama bago mag-alas 7:00 ng umaga. Sa pulong ng mag- anak, napagpasiyahan namin na ang pinakamainam na oras para sa aming pag-aaral ng banal na kasulatan ay alas 6:00 ng umaga. Sa oras na iyon, antok na antok pa ang maliliit naming anak, ngunit nakikisama pa rin sila. Paminsan-minsan, kinakailangang gisingin namin ang isa kapag oras na niyang magbasa. Hindi ako gaanong magiging tapat sa inyo kung sasabihin ko na ang pangmag-anak na pag-aaral namin ng banal na kasulatan ay talagang malaking tagumpay. Paminsan-minsan, mas malamang pa na hagulgulan ito kaysa tagumpay. Ngunit hindi kami sumuko.
Ngayon, pagkalipas ng isang salinlahi, may asawa na ang aming mga anak at may kanya-kanya nang mag-anak. Pinagmamasdan namin sila ni Sister Nelson habang sila ay nag-aaral ng mga banal na kasulatan sa kanilang sariling tahanan. Mas matagumpay ang mga pagsisikap nila kaysa sa amin. Natatakot kaming isipin ang maaari sanang nangyari kung huminto kami sa pagsusumikap.28
Kailangan nating lahat ng gabay sa buhay. Pinakamainam na makukuha natin ito mula sa mga pamantayang banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta ng Diyos. Sa pamamagitan ng masigasig na pagpupunyagi, makakamtan natin ang gabay at sa gayon ay magiging karapat- dapat sa lahat ng mga biyayang inilaan ng Diyos para sa matatapat Niyang anak. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Gording, Vejrup at Vester Nebel, sa Ribe County.
2. Mølholm, Støre Brondum, sa Ålborg County.
3. D at T 14:7.
4. Tingnan sa D at T 130:21.
5. Tingnan sa D at T 1:38.
6. D at T 132:22.
7. Ex. 20:3.
8. D at T 1:16.
9. D at T 6:36.
10. Awit 119:105.
11. Ez. 14:6.
12. 2 Ne. 31:18; tingnan din sa Mateo 7:14; Jacob 6:11; 3 Ne. 14:14; 27:33, D at T 132:22.
13. Mat. 4:4.
14. 1 Ne. 19:23.
15. 2 Ne. 31:20.
16. Ang mga banal na kasulatan ay naghihikayat na mamuhay alinsunod sa kalooban ng ating Maylikha, na nagsabi: "Kung iyong iuurong . . . ang paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na kaarawan; at iyong tawagin ang sabbath na kaluguran, at ang banal ng Panginoon, . . . at iyong pararangalan, na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad, ni hahanap ng iyong sariling kalayawan, . . . kung nagkagayo'y malulugod ka nga sa Panginoon" (Isa. 58:1314). Ang tiwala sa sarili ay matatamo rin sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos hinggil sa kalinisang-puri (tingnan sa Ex. 20:14; Lev. 18:22; Mat. 5:28; 1Cor. 6:9; 3 Ne. 12:28; D at T 42:24; 59:6).
17. 2 Cor. 3:3.
18. Tingnan sa 1 Cor. 2:1114.
19. Mga Kaw. 3:6.
20. Alma 37:37.
21. Tingnan sa D at T 8:2.
22. Jacobo 1:7; Omni 1:26; Moro. 10:30; 32.
23. D at T 121:4546; tingnan din sa talata 46.
24. Dahil maaaring magamit nang hindi wasto ang anumang mabuting bagay, nararapat ang pagbibigay-babala. Hindi lahat ng tanong ay masasagot ng mga banal na kasulatan. Hindi pa naipahahayag ang marami pang mahahalagang katotohanan. Ang labis na pagkahumaling sa mga tinatawag na "mga hiwaga" ay dapat iwasan. Iwasan din ang pansariling pagpapakahulugan. Umasa sa mga buhay na propeta at mga opisyal na tuntunin para sa pagpapakahulugan. Huwag hatulan ang iba na nasa mga kalagayang wala kang saan ay wala kang karapatang husgahan. Gayunman, tayo ay muling binigyan ng katiyakan na sila na "naghahanap nang masigasig ay makasusumpong; at ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa kanila, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo" (1 Ne. 10:19). Alalahanin din ninyo na maraming paghahayag ang naibigay bilang tugon sa mga pagtatanong ng mga propeta.
Mahalagang pansinin na ang mga una at huling aklat ng Lumang Tipan ay nagbibigay ng mahahalagang tanong: "Ako ba'y tagapagbantay ng aking kapatid? (Gen. 4:9), at "Nanakawan baga ng tao ang Dios?" (Mal. 3:8).
25. Tingnan sa Ex. 20:11; 31:17; Mosias 13:19; D at T 77:12, Abr. 4:31.
26. Sa inyong pansariling pag-aaral ng banal na kasulatan, maaari ninyong naisin na iugnay ang pagbabasa ninyo sa ibinanghay na kurso ng pag-aaral ng Simbahan, tulad ng kurikulum ng Doktrina ng Ebanghelyo. Pinipili ng ilan na maghanda ng mga kard para sa pagsasaulo na magagamit nila habang naghihintay para sa mga panayam o pulong.
27. D at T 88:3638.
28. Maaaring gumamit ng mga aklat, rekording, o iba pang materyal sa pangmag-anak at pansariling pag-aaral ng banal na kasulatan. Yaong mga magtatakda ng oras para sa pag- aaral ng banal na kasulatan at magtitiyaga hanggang sa huli sa adhikaing iyan ay mapananatili ang espiritung punong-puno ng sigla at pag-asa sa mga araw ng kanilang buhay.