Elder David B. Haight
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Habang lumalabo ang aking paningin, sa palagay ko ay umuunlad ang aking pang-unawa--ang pang-unawa ko sa mahabang landas, ang pang-unawa ko sa hinaharap."
Nang ipahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ako ang magiging pangwakas na tagapagsalita, natitiyak kong iniisip niya kung makapupunta pa ako sa pulpito nang maayos. Alam niyang katatapos pa lamang ng aking ika-94 na kaarawan. Kaya nasa ika-95 taon na ako, at mamamangha siya.
Alam din niyang malabo na ang aking paningin, ngunit habang lumalabo ang aking paningin, sa palagay ko ay umuunlad naman ang aking pang-unawa--ang pang-unawa ko sa mahabang landas, ang pang-unawa ko sa hinaharap. At gayon din sa lahat sa inyong narito ngayong umaga, tiyak kong sasang-ayunan ninyo ako sa pagsasabing napakahusay na panahon ngayon na mabuhay at anong ganda ng panahong maging miyembro ng Simbahang ito at anong ganda ang magkaroon ng kalayaang tinatamasa natin, ang kalayaang magtipun-tipon at magsama-sama sa paniniwala.
Nang lumuhod kami ni Ruby sa altar ng Templo sa Salt Lake noong ika-4 ng Setyembre, 1930, magkahawak-kamay at nakatitig sa isa't isa, hindi sumagi sa aming isipan kung ano ang naghihintay sa amin. Mga bata pa kami noon. Nanggaling ako sa isang bayan sa katimogang Idaho, at si Ruby ay galing sa Sanpete County, Utah. Patay nang pareho ang aming mga ama, ngunit may dalawa kaming mabubuting balong ina, at kasama namin sila sa templo. Habang nakaluhod kami at nakikipagtipan at nangangako, alam kong totohanan na iyon.
Ngayon, sa loob ng 70 taong pagsasama, masasabi ko sa inyong lahat na bumubuti ito, na bumubuti ito taun-taon, na may kahalagahan at tamis at katuparan ng ilan sa mga walang-hanggang pagpapalang nakalaan sa amin. Kaya nga sa inyong lahat ay masasabi ko, at sasamahan ako ni Ruby kung makakatayo lamang siya rito, na gaganda at magiging makabuluhan ang buhay, ngunit kailangan nating mamuhay nang simple. Ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Sapagkat ang ebanghelyo sa ating buhay ang nagbibigay-kaibahan habang tumatahak tayo sa landas ng buhay.
Nagpalipat-lipat na ang aking mag-anak sa buong bansa. Lumaki ang aming mga anak sa paaralan na sila lamang ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang klase. Maraming beses nangyari ang gayon, ngunit nagpadagdag iyon sa kanilang pag-unlad at kanilang pang-unawa at nakatulong sa pagpapaunlad ng kanilang sariling patotoo na makita ang pagkilos ng daigdig ngunit gayundin upang makita ang mga biyaya ng ebanghelyo sa aming buhay.
Noong isang Linggo, dumalo kami ni Ruby sa pulong-sakramento ng purok dito sa gitnang Salt Lake. Kawili-wili ang pulong dahil sa purok na iyon ay may ilang mayayaman at maging mga naninirahan sa mga dampa. Bago nagsimula ang pulong-patotoo, isang batang ginang ang lumapit sa obispo sa may pulpito karga ang isang munting sanggol, at gustong pabasbasan ang sanggol. Bumaba ang obispo at kinuha ang munting sanggol, at binasbasan ito.
Nang malaon, habang nagpupulong-patotoo, isang munting pitong-taong-gulang na batang lalaki, na hawak sa kamay ang kanyang limang-taong-gulang na kapatid na babae, ang umakyat sa pulpito. Tumulong siyang ayusin ang isang munting upuan doon para tuntungan ng kanyang limang-taong-gulang na kapatid na babae, at tinulungan niya itong magbigay ng patotoo. At kapag ang kapatid niyang babae ay bahagyang mauutal, yuyukod at bubulong sa kanyang tainga itong mapagmahal na munting pitong-taong-gulang na kapatid na lalaking ito.
Nang makatapos ang batang babae, tumayo ang batang lalaki sa upuan, at minasdan siya ng kapatid na babae, at nagpatotoo siya. Matamis ang ngiti sa mukha ng batang babae habang pinagmamasdan siya. Siya ang kanyang nakatatandang kapatid, ngunit mapapansin ang pagmamahalan sa ugnayan ng dalawang batang munting ito. Bumaba siya mula sa upuan, at hinawakan sa kamay ang kapatid, at lumakad pabalik sa kanilang upuan.
Bago natapos ang pulong-patotoo, nang may natitira pang kaunting sandali sa bandang huli para sa akin, tinanong ko ang batang ginang na nagdala ng kanyang anak upang mabasbasan kung maaari siyang umakyat at tumayo sa aking tabi, at nagpaunlak siya. Samantala, habang patuloy ang pulong-sakramento, tinanong ko ang obispo nang pabulong, "Nasaan ang kanyang asawa?"
Sabi ng obispo, "Nasa kulungan."
Tanong ko, "Ano ang pangalan niya?" at sinabi niya sa akin ang kanyang pangalan.
Umakyat siya at tumayo sa aking tabi, karga ang munting sanggol. Habang nakatayo kami sa pulpito, tiningnan ko ang pinakamamahal na munting sanggol na ito, ilang araw pa lamang ang gulang, at ang inang ito, ang ina ng munting anak na iyon na nagdala sa kanya upang makatanggap ng isang pagbabasbas sa kamay ng pagkasaserdote. Nang tumingin ako sa ina at tumingin ako sa pinakamamahal na munting sanggol na iyon, inisip ko kung ano ang kanyang maaaring kahinatnan. Nagsalita ako sa mga nakikinig at sa batang inang ito tungkol sa pahayag na inilabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa limang taon na ang nakararaan, isang pahayag tungkol sa mag-anak, at sa ating pananagutan sa ating mga anak, at sa pananagutan ng mga anak sa kanilang mga magulang, at sa mga pananagutan ng mga magulang sa isa't isa. Pinagsama-sama ng napakagandang dokumentong iyon ang tagubiling tinanggap natin sa mga banal na kasulatan na gumabay sa mga buhay ng mga anak ng Diyos mula sa panahon ni Adan at Eva at patuloy na gagabay sa atin hanggang sa pagwawakas ng mortalidad.
Habang pinag-uusapan namin ito at nakatingin ako sa magandang munting sanggol na iyon, naalala ko ang nakaraang tag-init. Si Ruby at ako ay pumunta sa Idaho upang dumalaw, at nakilala namin ang pamilyang Goodrich mula sa Mountain Home, Idaho. Dumalaw sa amin si Sister Goodrich at isinama niya ang kanyang anak na si Chelsea. Sa aming pag-uusap, sinabi ni Sister Goodrich na naisaulo ni Chelsea ang pahayag tungkol sa mag-anak.
Kay Chelsea, na ngayon ay 15 taong gulang na, ay sinabi niya, "Chelsea, tama ba iyon?"
Sabi niya, "Opo."
Sabi ko, "Gaano katagal mo ginawa iyon?"
Sabi niya, "Nang mga bata pa kami nagsimula ang aking ina ng isang programa sa aming bahay upang tulungan kaming magsaulo. Nagsasaulo kami ng mga talata sa banal na kasulatan at mga awit sa pulong-sakramento at iba pang uri ng mga bagay na makatutulong sa amin. Kaya natuto kaming magsaulo, at naging madali sa amin ito."
Sabi ko, "Kung gayon ay maibibigay mo itong lahat?"
Sabi niya, "Opo, maibibigay ko pong lahat ito."
Sabi ko, "Natutuhan mo iyan nang 12 taong gulang ka pa; ngayon ay 15 ka na. Di maglalaon at makikipagligawan ka na. Sabihin mo sa akin. Ano ang nagawa nito para sa iyo?"
Sabi ni Chelsea, "Habang iniisip ko ang mga pangungusap sa pahayag na iyon, at habang nauunawaan ko ang mas marami sa ating mga pananagutan bilang isang mag-anak at ang ating pananagutan sa ating pamumuhay at sa pamamalakad natin sa ating buhay, nagiging bagong patnubay sa akin ang pahayag. Habang nakikisalamuha ako sa ibang tao at nagsisimulang makipagligawan, naiisip ko ang mga parirala at pangungusap na iyon sa pahayag tungkol sa mag-anak. Bibigyan ako nito ng isang panukat na gagabay sa akin. Bibigyan ako nito ng lakas na kailangan ko."
Kailan lamang ay nagsalita si Pangulong Hinckley sa mga mag-aaral sa Brigham Young University. Sinabi niya na ang buhay ang isang malaking kadena ng henerasyon, dugtong- dugtong, hanggang sa katapusan ng panahon. Sa pagsasalita sa mga mag-aaral, hinikayat niya sila na huwag maging mahinang dugtong kundi maging isang matibay na dugtong sa kanilang mag-anak.
Nakarinig tayo ng maraming tagubilin dito sa komperensiya ngayong umaga tungkol sa kasaysayan ng mag-anak at mga mag-anak, ang dahilan ng pagdurugtong, at ang pananagutan nating gumawa sa templo para sa sanlaksang tao na maaaring bahagi ng ating sariling mag-anak na naghihintay sa kabilang panig upang makatanggap ng mga ordenansang dapat gawin sa panig na ito ng tabing upang makapagpatuloy sila sa kung anuman ang kailangang gawin sa kabilang panig. Ito ay lubos nating nauunawaan.
Kaya nga sinasabi ko sa inyong lahat na narito ngayong umaga, sana ay malinang ninyo ang isang matinding pagmamahal sa inyong sariling mag-anak--at sa inyong sarili--tungkol sa hindi pagnanais na maging mahinang dugtong sa kadena ng inyong mag-anak at ng inyong mga ninuno. Hinihikayat ko rin kayo na maging matibay na dugtong para sa inyong mga inapo. Huwag maging mahinang dugtong. Hindi ba nakakikilabot gawin ito? Sa pag-iisip sa mahabang kadenang iyon at lahat ng gawaing iyon na kailangang magawa sa pagliligtas ng mga kaluluwa at ng mahalagang gawaing kailangang magawa, hindi ba nakalulungkot kung kayo ang mahinang dugtong na magiging dahilan para hindi makabahagi ng matibay na pagdurugtong ang inyong mga inapo?
Nang naghahanda ang mga Banal upang lisanin ang Nauvoo, at hindi pa yari ang Templo sa Nauvoo, nakapag-endow sila ng ilang tao. Si Pangulong Brigham Young, bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa, ang siyang nakatatandang Apostol sa panahong iyon. Isinulat niya sa kanyang talaarawan ang tungkol sa pagkaligalig na nadama ng mga tao nang nagsisikap silang makasakay sa kanilang mga bagon handa upang simulan ang paglalakbay pakanluran patungo sa bagong pook na iyon na wala silang kaalam-alam. Sumusunod sila sa kanilang mga pinuno, na inihahanda ang kaunting pag-aaring madadala nila sa mga bagon.
Sa gitna ng lahat ng paghahandang ito, nagkaroon ng pagkakataon para ma-endow ang ilan sa kanila, at sabik ang mga tao na ma-endow. Itinigil ni Brigham Young ang lahat ng lagi at karaniwang ginagawa niya. Isinaisantabi niya ito upang makapanatili siya sa templo at magdaos ng endowment na kailangang-kailangan. Sa pagsasalita tungkol sa karanasan, sinabi niyang sabik niyang gawin ang anumang kinasasabikang magawa ng mga Banal. Ang salitang iyon, pananabik, ay nakatutuwa sa kanyang pagkakasalaysay. Isinulat niya ang pananabik nila, umaasang ang mahalagang gawain ng endowment ay maisasakatuparan bago lumisan ang mga tao patungong kanluran.
Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at ang aking patotoo at ang kaalamang tinanggap ko na ang gawaing ito ay totoo. Alam ko na buhay ang Diyos. Alam kong mahal Niya tayo. Mahal niya tayo gaya ng pagmamahal natin sa ating mga anak at ating mga inapo. Mayroon na kaming 65 apo sa tuhod, at tiyak na marami pang darating. Mahal namin silang lahat, at umaasa kaming ang mga kadena at mga dugtong sa aming mag-anak ay magiging matibay, at na ang aming mga anak ay pagpapalain. Ipinagmamalaki namin silang lahat at idinadalangin naming lumaki sila na may matibay na kaalaman at damdaming taglay ko tungkol sa Diyos, na Siya ay buhay, at Siya ay ating Ama, at na lahat ng gawaing ito ay nasa ilalim ng Kanyang pamamahala, ng Kanyang Anak, na ating Tagapagligtas, ang Cristo Jesus. Ito ang Simbahan ni Jesucristo na ipinanumbalik sa lupa sa mga huling araw na ito. Alam kong ito ay totoo.
Alam kong mayroon tayong isang buhay na propeta sa lupa ngayon, at makikita ninyo ang mga kamangha-manghang bagay na nagaganap sa Simbahan ngayong may 100 umiiral na templo. Ilan sa inyo rito ay mabubuhay upang masaksihan ang araw na may 200 umiiral na templo at pagkatapos ay 300 umiiral na templo, at anuman ang maaaring marating na bilang. Nabubuhay tayo sa panahong ito at sa araw at panahong ito na nagaganap ang mga kamangha-manghang bagay. Kapag pinag- uusapan ang tungkol sa isang buhay na propeta na nakakatanggap ng mga pahayag mula sa itaas sa pamamahala sa gawaing ito, pinatototohanan ko sa inyo na kaming gumagawa at nakikisalamuha sa kanya [Pangulong Hinckley] ay makapagpapatotoo sa inyo na siya ay propeta ng Diyos dito sa lupa, na namumuno sa atin sa paggawa ng tama at wasto.
Nawa ay maging matibay ang inyong mga dugtong. Nawa ay makatagpo kayo mismo ng galak at ligayang mapapasaatin sa pamamagitan ng pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at patotoong ito na ang Simbahan ay totoo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.