The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
April 2001
"Ang Dantay ng Kamay ng Guro"

"Ang Dantay ng Kamay ng Guro"

Pangulong Boyd K. Packer
Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Lahat tayo ay nagkakamali.. . . Sa gayon ay likas sa atin ang makadama ng pagkakasala at pagkapahiya at pagdurusa, na hindi natin kayang lunasang mag-isa. Sa ganitong pagkakataon nakakatulong ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala."

Pangulong Boyd K. Packer

Ang pagsang-ayon sa mga pinuno ay isang malaking proteksyon sa Simbahan. Iniutos ng Panginoon "na hindi ibibigay sa sinuman na humayo upang mangaral ng aking ebanghelyo, o magtatag ng aking Simbahan, maliban na siya ay naordenan ng isang may karapatan, at alam sa Simbahan na siya ay may karapatan at maayos na naordenan ng mga pinuno ng simbahan."1 Sa ganitong paraan ang mga miyembro ng Simbahan sa bawat organisasyon sa buong mundo ay nalalaman kung sino ang mga tunay na sugo.

Layunin kong pagaanin ang pasakit ng mga nagdurusa mula sa di- kasiya-siyang damdamin ng pagkakasala. Pakiramdam ko ay ako ang doktor na sinisimulan ang kanyang panggagamot sa pagsasabing, "O, medyo masakit ito.. . ."

Bawat isa sa atin ay nakatikim kahit paano ng bagabagin ng konsensiya kasunod ng ating mga pagkakamali.

Sinabi ni Juan na "kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, niloloko natin ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin."2 Pagkatapos ay sinabi niya nang mas matindi, "Kung sinasabi natin na hindi tayo nagkasala, ginagawa nating sinungaling [ang Panginoon], at ang kanyang salita ay wala sa atin."3

Lahat tayo kung magkaminsan, at ilan sa atin kadalasan, ay nagdurusa sa pagkakasala mula sa mga pagkakamaling ginawa natin o mga bagay na hindi nagawa. Ang damdamin ng pagkakasalang iyon ay kasingtindi ng sakit na nadarama ng katawan.

Ngunit maaaring mas mahirap dalhin ang kasalanan kaysa sakit ng katawan. Babala ng kalikasan ang sakit ng katawan na humuhudyat ng isang bagay na kailangang baguhin o linisin o gamutin, marahil maging alisin sa isang operasyon. Ang pagkakasala, ang pagbagabag ng ating konsiyensiya, ay hindi magagamot sa gayon ding paraan.

Kung kayo ay nagpapasan ng nakalulungkot na mga damdamin ng pagkakasala o pagkabigo, pagkukulang o pagkapahiya, may lunas diyan. Hindi ko layuning saktan ang inyong malalambot na damdamin, kundi tulungan kayo at ang inyong mga minamahal. Itinuturo ng mga propeta kung gaano kasakit ang dulot ng pagkakasala. Habang binabasa ko ang sinabi nila, maghanda para sa napakasakit na mga salita. Gayunman, hindi ko babasahin ang pinakamasasakit na bagay na sinabi nila.

Sinabi ng propetang si Alma sa paglalarawan ng nadama niyang bigat ng pagkakasala: "Ako ay giniyagis ng walang hanggang pagdurusa, sapagkat ang kaluluwa ko'y sinaktan sa pinakamasidhing sakit at giniyagis sa lahat ng aking mga kasalanan."4

Ang mga propeta ay gumamit ng napakalinaw na mga salita.

Ang salitang giniyagis ay nangangahulugan ng "pagpapahirap."5 Noong unang panahon ang isang bastidor ay isang mesa kung saan pinahihiga ang biktima na ang bawat bukung-bukong at pulsuhan ay nakatali sa isang kidkirang naiikot upang humatak at magdulot ng di-makakayanang sakit.

Ang suyod ay isang kuwadrong may mga pakong nakatusok. Kapag hinihila patawid sa lupa, gumuguhit at pumipilas ito sa lupa. Madalas binabanggit sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa mga kaluluwa at isipan na "sinasaktan" ng kasalanan.6

Ang pighati ay nangangahulugan ng "pagpilipit," isang paraan ng pagpapahirap na napakasakit na kahit na ang inosente ay aamin sa kasalanan.7

Binabanggit ng mga propeta ang tungkol sa "kasukdulan ng kapaitan"8 at madalas inihahambing ang sakit ng pagkakasala sa apoy at asupre. Ang asupre ay isang taguri sa sulfur.

Sinabi ni Haring Benjamin na ang mga masasama ay "matatalaga sa isang kakila-kilabot na tanawin ng kanilang sariling pagkakasala at mga gawang karumal-dumal, na magiging dahilan upang sila ay manliit sa harapan ng Panginoon tungo sa isang mahirap na kalagayang puspos ng kalungkutan at walang katapusang parusa,"9

Sinabi ni Propetang Joseph Smith na: " Ang tao ay sarili niyang tagapagpahirap at tagasumpa.. . . Ang pighati ng pagkabigo sa isipan ng tao ay kasing-inam ng isang lawang nagniningas sa apoy at asupre."10

Ang lawa ng apoy at asupre, na laging nagniningas ngunit hindi nauubos, ay ang paglalarawan ng impiyerno sa mga banal na kasulatan.11

Ipaghalimbawa nang walang lunas, walang paraan upang mapagaan ang espirituwal na sakit o mabura ang pagdurusa sa kasalanan. Ipaghalimbawa nang bawat pagkakamali, bawat kasalanan, ay nadagdag sa iba na may pahirap, pananakit, ang pagdurusang walang katapusan. Napakarami sa atin ang nagpapasan ng mga bigat ng pagkakasala at hiya nang hindi naman kinakailangan.

Itinuturo ng mga banal na kasulatan na mayroon "talagang kailangan. . .may pagsalungat sa lahat ng bagay." Kung hindi, "ang kabutihan ay hindi mangyayari,"12 ni kaligayahan, ni kagalakan, ni pagtubos.

Itinuturo ng ikatlong saligan ng pananampalataya na, "Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo." Nag-aalay ang Pagbabayad-sala ng pagtubos mula sa espirituwal na kamatayan at sa pagdurusang dulot ng kasalanan.

Sa anumang kadahilanan, akala natin ay umaangkop lamang ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa pagwawakas ng buhay sa mundo sa pagtubos mula sa Pagkahulog, mula sa espirituwal na kamatayan. Higit pa iyon doon. Ito ay ang lagi nang naririyang kapangyarihang maaasahan sa pang-araw-araw na buhay. Kapag racked tayo o harrowed up o pinahihirapan ng pagkakasala o nabibigatan sa kalungkutan, mapapagaling Niya tayo. Kahit na hindi natin lubos na maunawaan kung paano nangyari ang Pagbabayad-sala ni Cristo, mararanasan natin "ang kapayapaan ng Diyos, na di masayod ng pag-iisip."13

Ang plano ng ebanghelyo ay ang "dakilang plano ng kaligayahan."14 Kabaligtaran ito ng kalikasan ng Diyos at kabaligtaran ng kalikasan ng tao na maghanap ng kaligayahan sa kasalanan. "Kailanma'y hindi naging kaligayahan ang kasamaan."15

Alam natin na ang ilang pagkabalisa at lumbay ay dulot ng pisikal na kapansanan, ngunit marami (marahil ay karamihan) dito ay hindi sakit ng katawan kundi ng espiritu. Ang espirituwal na sakit na bunga ng pagkakasala ay maaaring halinhan ng kapayapaan ng isipan.

Sa kabila ng masasakit na salitang sumusumpa sa kasalanan, dinggin ang nakapapayapa, nakagagaling na mga salita ng awa na tumitimbang sa mas masasakit na salita ng katarungan.

Sinabi ni Alma: "Ang aking kaluluwa ay natubos mula sa kasukdulan ng kapaitan at mga gapos ng kasamaan. Ako ay nasa pinakamadilim na kailaliman noon; subalit ngayon namamasdan ko ang kagila-gilalas na liwanag ng Diyos. Ang aking kaluluwa ay pinahirapan ng walang hanggang parusa; subalit. . .ang aking kaluluwa ay hindi na muling nagdusa."16

"Naalaala ko ang lahat ng aking kasalanan at mga kasamaan, kung saan ako'y pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno.. . .

"At. . .habang ako'y nasa gayong pagdurusa, samantalagang ako'y sinasaktan ng alaala ng marami kong kasalanan, masdan, naalaala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya sa mga tao hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

"Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang hanggang tanikala ng kamatayan.

"At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasanan.

"At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko'y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!"17

Lahat tayo ay nagkakamali. Kung minsan ay sinasaktan natin ang ating sarili at lubhang pinipinsala ang iba sa mga paraang hindi natin kayang lunasang mag-isa. Nakakabasag tayo ng mga bagay-bagay na hindi natin kayang kumpunihing mag-isa. Sa gayon ay likas sa atin ang makadama ng pagkakasala at pagkapahiya at pagdurusa, na hindi natin kayang lunasang mag-isa. Sa ganitong pagkakataon nakakatulong ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.

Sinabi ng Panginoon, "Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi."18

Kung hindi ginampanan ni Cristo ang Kanyang Pagbabayad-sala, ang mga kaparusahan sa mga pagkakamali ay magpapatung-patong. Ngunit kusa Siyang nagsakripisyo upang tubusin tayo. At sinabi Niya, "Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito"19

Sinabi ni Ezekiel: "Kung isauli ng masama ang sanla, ibigay uli ang kinuha sa pagnanakaw, lumakad sa palatuntunan ng buhay, na di gumawa ng kasamaan, siya'y walang pagsalang mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.

"Wala sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang nagawa na aalalahanin laban sa kaniya."20

Isipin ninyo iyan, hindi kailanman aalalahanin!

Maaari pang tayo ay "mananatili ang kapatawaran ng [ating] mga kasalanan."21 Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog ay para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Ang tipan na iyan ay mapaninibago sa pamamagitan ng pakikibahagi ng sakramento bawat linggo.22

May praktikal, personal, pang-araw-araw na kahalagahan ang Pagbabayad-sala; gamitin ito sa inyong buhay. Mabibigyang-buhay ito sa simpleng pagsisimula sa panalangin. Hindi naman kayo magiging malaya mula sa problema at mga pagkakamali simula sa oras na iyon ngunit mabubura nito ang pagkakasala sa pamamagitan ng pagsisisi at magkakaroon kayo ng kapayapaan.

Binanggit ko ang ikatlong saligan ng pananampalataya. May dalawang bahagi ito: "Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, [pagkatapos ay ang mga kondisyon na] sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo."

Humihiling ng isang kaparusahan ang katarungan.23 Hindi nabubura ang pagkakasala nang walang sakit. May mga batas na kailangang sundin at mga ordenansang tatanggapin, at mga multang dapat bayaran.

Ang pisikal na sakit ay humihiling ng lunas at pagbabago sa pamumuhay.

Gayundin sa espirituwal na sakit. Kailangang may pagsisisi at disiplina, na kadalasan ay disiplina sa sarili. Ngunit upang maibalik ang ating kawalang-malay, matapos ang malubhang pagkakasala, kailangang magtapat sa ating obispo, na siyang hinirang na hukom.

Ipinangako ng Panginoon, "Bibigyan ko. . .kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa.."24 Ang espirituwal na operasyon na iyon sa puso, tulad ng sa katawan, ay maaaring magdulot sa inyo ng sakit at mangailangan ng pagbabago sa mga gawi at asal. Ngunit sa kapwa usapin, nagdudulot ng panibagong buhay at kapayapaan ng isipan ang paggaling.

Nang bumukas ang kalangitan, at tumayo ang Ama at ang Anak sa harapan ni Joseph Smith, nagsalita ang Ama ng pitong kataga: "Ito ang Aking Mahal na Anak. Dinggin Siya!"25 Sunud-sunod ang mga pahayag, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw26 ay nabuo. Siya Mismo ay ipinahayag ito bilang "tanging totoo at buhay na simbahan sa balat ng buong kalupaan."27

Ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan ang mataas na pagkasaserdote at ni Juan Bautista ang Pagkasaserdoteng Aaron. Inihayag ang kaganapan ng ebanghelyo.

Kasunod ng mga pahayag, na dumating at dumarating pa sa Kanyang Simbahan, lahat ng inilimbag o ipinangaral o inawit o binuo o itinuro o isinahimpapawid ay nilayon upang malaman ng mga kalalakihan at kababaihan at mga bata ang nakatutubos na impluwensiya ng Pagbabayad- sala ni Cristo sa kanilang pang-araw-araw na buhay at magkaroon ng kapayapaan.

Sinabi Niya, "Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo."28

Bilang isang nakatayo sa piling ng Kanyang mga Apostol, pinatototohanan ko Siya at ang palagiang pamamayani ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbayayad-sala.

Mula sa matatayog na salita ng katarungan at awa at ng babala at pag-asa sa mga talata ng banal na kasulatan, bumabaling ako sa gayunding mensahe sa mga talata ng isang simpleng tula:


Sira at warat 'yon, at ang nagsusubasta
Di dapat pag-ukulan ng oras ang abala
Pag-aksayahan ng panahon ang biyoling luma,
Ngunit ito'y itinaas nang may ngiti sa mukha:
"Magkano ang tawad, mabubuting kaibigan,
Sino'ng magsisimula nitong tawaran?
Isang dolyar, isa; uy! may dumalawa pa.
Dalawang dolyar lang ba, ah, tatlo ang sa kanya.
Tatlong dolyar, minsan; tatlong dolyar, makalawa;
Tatlo, tatlo, tatlo, tatlong dolyar nga lamang ba?
Sige, tatlo na nga lang--" Pero teka, hindi yata,
Mula sa likuran, may isang lalaking matanda
Lumapit sa harapan at dinampot ang busog;
Nilinis ang biyolin nang walang abug-abog.
Mga kuwerdas na maluwag sinikipan nang todo,
At nagpatugtog himig na matamis at puro.
 
Tumigil ang tugtog, at ang nagsusubasta,
Sa tinig na payapa at medyo mababa,
Sabi niya'y, "Magkano ang itatawad dito?"
At muling itinaas ang biyoling napatino.
"Isang libong dolyar, sinong dadalawa?
Dalawang libo! At mayroong tatawad pa ba?
Tatlong libo, minsan, tatlong libo, makalawa,
Wala na ba? Tapos na!" malakas na hiyaw niya.
Nagdiwang ang lahat, ngunit iba'y nagtaka,
"Di namin maintindihan," ang wika nila.
"Ano'ng nagpabago sa halaga ng biyoling ito?"
Sagot n'ya'y: "Ang dantay ng kamay ng guro."
 
Maraming taong magulo ang pamumuhay,
May sira at pilat ng pagkakasala,
Mababa ang tawad mga taong walang humpay,
Katulad na katulad nitong biyoling luma.
Isang tasang lugaw, alak sa isang baso
Isang laro--at patuloy ang kanyang paglalakbay.
Isang beses, dalawang beses, siya'y humahayo,
At siya'y palapit nang palapit sa kanyang hukay.
Ngunit ang Guro'y dumating at ang mga tao
Hindi pa rin maunawaan halaga ng espiritu
At ang malaking pagbabagong idinulot dito
Sa pamamagitan ng dantay ng kamay ng guro.
29

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. D at T 42:11.
2. 1 Jn. 1:8.
3. 1 Jn. 1:10.
4. Alma 36:12; idinagdag ang pagbibigay-diin.
5. Tingnan sa Mosias 27:29; Alma 36:12, 16, 17; Morm. 9:3.
6. Tingnan sa 2 Ne. 9:47; Alma 14:6; 15:3; 36:12, 17, 19; 39:7.
7. Tingnan sa Mosias 2:39; 3:25; 5:5; Moro. 8:21.
8. Tingnan sa Alma 41:11; Mga Gawa 8:23; Mosias 27:29; Alma 36:18; Morm. 8:31; Moro. 8:14.
9. Mosias 3:25.
10. Deseret News, ika-8 ng Hulyo 1857, 138.
11. Tingnan sa Apoc. 20:10; 21:8; 2 Ne. 9:16, 19, 26; 28:23; Jacob 3:11; 6:10; Mosias 3:27; Alma 12:17; 14:14; D&C 63:17; 76:36.
12. 2 Ne. 2:11.
13. Fil. 4:7.
14. Alma 42:8.
15. Alma 41:10; tingnan din sa talata 11.
16. Mosias 27:29.
17. Alma 36:12–13, 17–20.
18. D at T 19:16.
19. D at T 58:42; tingnan din sa Mga Heb. 8:12; 10:17.
20. Ezek. 33:15–16.
21. Mosias 4:12; tingnan din sa 2 Ne. 25:26; 31:17; Mosias 3:13; 4:11; 15:11; Alma 4:14; 7:6; 12:34; 13:16; Hel. 14:13; 3 Ne. 12:2; 30:2; Moro. 8:25; 10:33.
22. Tingnan sa D&C 27:2.
23. Tingnan sa Alma 42:16–22.
24. Ezek. 36:26.
25. JS--K 1:17.
26. Tingnan sa D at T 115:4.
27. D at T 1:30.
28. Juan 14:27.
29. Myra Brooks Welch, "The Touch of the Master's Hand," The Gospel Messenger, Brethren Press, ika-26 ng Peb. 1921.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy