Elder Russell M. Nelson
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Dapat na banal din ang mga yaong pumapasok sa templo.. . . Matatamo lamang natin ang kabanalan sa pamamagitan ng pagsusumigasig at walang tigil na pagpupunyagi ng sarili."
Sa ilalim ng inspiradong pamamahala ni Pangulong Gordon B. Hinckley, mas madali nang marating ang mga templo ngayon kaysa noon. Nakaukit sa bawat templo ang mga salitang "Kabanalan sa Panginoon."
1 Tinutukoy kapwa ng pangungusap na iyon na banal ang templo at ang mga layunin nito. Dapat na banal din ang mga yaong pumapasok sa templo.
2 Maaaring mas madaling iukol ang kabanalan sa isang gusali kaysa sa mga tao. Matatamo lamang natin ang kabanalan sa pamamagitan ng pagsusumigasig at walang tigil na pagpupunyagi ng sarili. Sa mga nakalipas na panahon, nagbabala ang mga tagapaglingkod ng Panginoon laban sa pagiging di- banal. Si Jacob, na kapatid ni Nephi, ay sumulat: "Mangungusap ako sa inyo ng kabanalan; ngunit yamang kayo ay hindi banal, at itinuturing ninyo akong isang guro, kinakailangang turuan ko kayo ng kahihinatnan ng kasalanan."
3
Ngayon nadarama ko ang gayunding responsibilidad na magturo. Dahil inihanda ang mga templo para sa ating mga miyembro, kinakailangang maghanda ang ating mga miyembro para sa templo.
ANG TEMPLO
Ang templo ay bahay ng Panginoon. Ang batayan sa lahat ng ordenansa at tipan sa templo--ang sentro ng plano ng kaligtasan--ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang lahat ng gawain, ang lahat ng aralin, ang lahat ng ginagawa natin sa Simbahan, ay tumutuon sa Panginoon at sa Kanyang banal na bahay. Patungkol lahat sa templo ang ating mga pagsisikap na ipahayag ang ebanghelyo, gawing ganap ang mga Banal, at tubusin ang mga patay. Tumatayo ang bawat banal na templo bilang sagisag ng pagiging miyembro natin sa Simbahan,4 bilang tanda ng ating pananampalataya sa buhay matapos ang kamatayan, at bilang sagradong hakbang tungo sa walang hanggang kaluwalhatian para sa atin at sa ating mag-anak.
Sinabi ni Pangulong Hinckley na "ang mga bukod-tangi at kahanga-hangang gusaling ito, at ang mga isinasagawang ordenansa rito, ay sumasagisag sa pinakasukdulan ng ating pagsamba. Ang mga ordenansang ito ang pinakamatinding ekspresyon ng ating relihiyon."5
Isang napakalaking pagpapala ang makapasok sa templo. Subalit una sa lahat dapat tayong maging karapat-dapat. Hindi tayo dapat magmadali. Huwag nating paikliin ang ating paghahanda at ilagay sa panganib ang paglabag sa mga tipang hindi tayo handang gawin. Magiging napakasama niyon kaysa hindi paggawa nito.
ANG ENDOWMENT
Sa templo tinatanggap natin ang endowment, na, sa literal na salita, ay isang kaloob. Sa pagtanggap ng kaloob na ito, dapat nating maunawaan ang kahalagahan nito at ang kahalagahang tuparin ang mga sagradong tipan. Ang bawat ordenansa sa templo ay "hindi lamang isang ritwal na dapat na maranasan, ito ay paggawa ng mga taimtim na pangako."6
Ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag ang endowment sa templo. Samakatwid, higit itong mauunawaan sa pamamagitan ng paghahayag na dapat nating hangarin nang may panalangin at may tapat na puso.7 Sinabi ni Pangulong Brigham Young, "Ang inyong endowment ay pagtanggap ng lahat ng ordenansang iyon sa bahay ng Panginoon, na mahalaga para sa inyo, pagkatapos ninyong lisanin ang buhay na ito, upang makabalik kayo sa kinaroroonan ng Ama. . .at matamo ang inyong walang hanggang kadakilaan."8
KAPANGYARIHANG MAGBUKLOD
Sa paghahanda na matanggap ang endowment at iba pang ordenansa, dapat nating maunawaan ang kapangyarihan ng pagkasaserdote na magbuklod. Binanggit ni Jesus ang kapangyarihang ito noon pa nang Kanyang turuan ang Kanyang mga Apostol: "Anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit."9 Ipinanumbalik ang gayunding kapangyarihan sa mga huling araw na ito gaya ng ang pagkasaserdote ay walang hanggan--walang simula o katapusan--gayundin ang epekto ng mga ordenansa ng pagkasaserdote na nagbubuklod sa mga mag-anak magpakailanman.
Ang mga ordenansa, tipan, endowment, at pagbubuklod sa templo ay makapagpapasundo sa mga tao sa Panginoon at sa mga mag-anak na mabuklod hanggang sa kabilang buhay. Ang pagtupad sa mga tipan sa templo ay pinagiging marapat tayo sa buhay na walang hanggan, ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao.10 Higit pa sa imortalidad ang buhay na walang hanggan. Ang buhay na walang hanggan ay kadakilaan sa pinakamataas na langit--ang uri ng pamumuhay ng Diyos.
REKOMENDASYON SA TEMPLO
Ang paghahanda ay kinapapalooban din ng pagiging marapat para sa rekomendasyon sa templo. Iniutos ng ating Manunubos na pangalagaan ang Kanyang mga templo mula sa kalapastanganan. Walang maruming bagay ang makapapasok sa Kanyang pinabanal na bahay.11 Gayunpaman tinatanggap ang sinumang naghanda nang mabuti. Kakapanayamin ng isang hukom sa Israel ang bawat taong naghahangad na magkaroon ng rekomendasyon--ang obispo--at ang pangulo ng istaka.12 Hawak nila ang mga susi ng kapangyarihan ng pagkasaserdote at ang responsibilidad upang tulungan tayong malaman kung karapat- dapat na ang ating paghahanda at kung panahon na upang makapasok sa templo. Tatanungin nila kung sinusunod natin ang batas ng ikapu, kung sinusunod natin ang Salita ng Karunungan, at kung sinasang- ayunan natin ang mga awtoridad ng Simbahan. Tatanungin nila kung matapat tayo, malinis ang ating kapurihan, kung iginagalang natin ang kapangyarihan ng paglikha bilang isang sagradong bagay na ipinagkatiwala sa atin ng ating Lumikha.
Bakit napakahalaga ng mga bagay na ito? Dahil ang mga ito ang espirituwal na kumikilala sa mga tao. Nakatutulong ito upang malaman kung tunay tayong namumuhay bilang mga anak ng tipan,13 na nakakayang paglabanan ang tukso mula sa mga tagapaglingkod ng kasalanan.14 Tumutulong ang mga panayam na ito upang malaman kung bukal sa kalooban natin na mamuhay nang ayon sa kalooban ng tunay at buhay na Diyos, o nananatili pa ring nakalagak ang ating puso "sa mga kayamanan at. . .mga walang kabuluhang bagay ng sanlibutan."15
Hindi mahirap maunawaan ang mga gayong hinihingi. Dahil ang templo ay bahay ng Panginoon, itinalaga Niya ang mga pamantayan para makapasok dito. Pumapasok ang isang tao bilang Kanyang bisita. Ang magkaroon ng rekomendasyon sa templo ay walang katumbas na pribelihiyo at nakikitang palatandaan ng pagsunod sa Diyos at sa Kanyang mga propeta.16
PISIKAL NA PAGHAHANDA PARA SA TEMPLO
Pisikal na naghahanda ang isang tao para sa templo sa pamamagitan ng pagbibihis nang maayos. Hindi ito lugar para sa di-gaanong pormal na pananamit. "Dapat tayong manamit sa paraang magiging maginhawa tayo sa pagdalo sa pulong-sakramento o sa isang pagtitipon na maayos at marangal."17
Sa loob ng templo, ang lahat ay nakaputing damit upang paalalahanan tayo na dapat magkaroon ng mga dalisay na tao ang Diyos.18 Hindi gaanong mahalaga ang nasyonalidad, wika, o posisyon sa Simbahan. Sa lugar na iyon na ang lahat ay magkakatulad ang kasuotan, ang lahat ay magkakatabing nakaupo at ipinalalagay na pantay-pantay sa paningin ng ating Lumikha.19
Pumapasok ang magkakasintahan sa templo uapng makasal para sa buhay na ito at sa lahat ng kawalang-hanggan. Nakasuot ng mga puting damit--mahaba ang manggas, disente ang disenyo at tela, at walang masyadong palamuti ang mga kasintahan nilang babae. Nakaputing damit din ang mga kasintahang lalaki. At ang mga dumarating na kalalakihan upang saksihan ang mga kasal ay hindi nakasuot ng tuksedo.
May malalim at mahalagang isinasagisag ang pagsusuot ng garment sa templo. Sumasagisag ito sa patuloy na pangangako.20 Gaya ng pagpapakita ng Tagapagligtas ng pangangailangan sa pagtitiis hanggang wakas, matapat nating isinusuot ang garment na ito bilang bahagi ng nananatiling baluti ng Diyos.21 Sa gayon ipinakikita natin ang ating pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang mga walang hanggang tipan sa atin.22
ESPIRITUWAL NA PAGHAHANDA PARA SA TEMPLO
Bilang karagdagan sa pisikal na paghahanda, tayo'y espirituwal na naghahanda. Dahil sagrado ang mga ordenansa at tipan sa templo, nasasailalim tayo sa taimtim na obligasyon na huwag ipagsabi sa labas ng templo ang tungkol sa mga nangyayari sa loob ng templo. Gayunpaman, may mga ilang alituntunin na maaari nating talakayin.
Ang bawat templo ay bahay ng pagkatuto.23 Doon tinuturuan tayo sa paraan ng Guro.24 Ang Kanyang paraan ay kaiba sa pamamaraan ng iba. Sinauna at mayaman sa simbolismo ang Kanyang paraan. Higit tayong matututo sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay ng katotohanang isinasagisag ng bawat simbolo.25 Napakasisimple at napakagaganda ng mga turo sa templo. Nauunawaan ang mga ito ng mga mapagpakumbaba, subalit mapupukaw nito ang kaisipan ng matatalino.
Napagyayaman ang espitituwal na paghahanda sa pamamagitan ng pag-aaral. Nais kong irekomenda na basahin ng mga miyembrong papasok pa lamang sa kauna-unahang pagkakataon sa templo ang maiikling nagpapaliwanag na talata sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, na nakatala sa ilalim ng mga pitong paksa:26 Pagpapahid ng langis,27 Pagbabayad-sala,28 Cristo,29 "Tipan,"30 "Pagkahulog nina Adan,"31 "Hain,"32 at "Templo."33 Magbibigay ng matibay na pundasyon ang pagbasa sa mga ito.
Maaari ding magbasa sa Lumang Tipan34 at mga aklat nina Moises at Abraham sa Mahalagang Perlas. Ang pagbabasa ng mga sinaunang banal na kasulatan ay higit na nakapagpapalinaw matapos maging pamilyar ang isang tao sa endowment sa templo. Binibigyang-diin ng mga aklat na iyon ang kalumaan ng gawain sa templo.35
Kasama ng bawat ordenansa ang isang tipan--isang pangako. Ang isang tipan na ginawa sa Diyos ay hindi nagbabawal bagkus nangangalaga. Hindi na bago ang gayong konsepto. Halimbawa, kung hindi malinis ang ating tubig, sinasala natin ang mga nakapipinsalang sangkap. Tumutulong sa atin ang mga banal na tipan upang masala ang ating isipan sa mga karumihan na maaaring makapinsala sa atin. Kapag pinili natin na pagkaitan ang ating sarili ng lahat ng kasamaan,36 hindi tayo mawawalan at natatamo ang kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan. Hindi tayo nililimitahan ng mga tipan; itinataas tayo ng mga ito na lampas sa limitasyon ng sarili nating kakayahan at pananaw.
WALANG HANGGANG PANANAW
Ipinaliwanag ni Pangulong Hinckley ang dakilang pananaw na: "May layunin sa kabila ng Pagkabuhay na mag-uli," ang sabi niya. "Iyon ay ang kadakilaan sa kaharian ng Ama.. . . Nagsisimula ito sa pagtanggap sa kanya bilang ating Walang Hanggang Ama at sa kanyang anak bilang ating buhay na Manunubos. Kinabibilangan ito ng pakikibahagi sa iba't ibang ordenansa, ang bawat isa ay mahalaga at kinakailangan. Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog sa tubig ang una sa mga ito, kung wala ito, ayon sa Tagapagligtas, hindi maaaring makapasok ang tao sa kaharian ng Diyos. Dito kailangang sumunod ang pagsilang sa Espiritu, ang kaloob na Espiritu Santo. Pagkatapos darating na kasunod sa pagdaan ng mga taon , para sa kalalakihan, ang ordinasyon sa pagkasaserdote, kasunod ang pagpapapala ng templo para sa kalalakihan at kababaihan na karapat-dapat na pumasok dito. Kabilang sa mga pagpapala ng templo ang paghuhugas at pagpapahid ng langis sa atin upang maging malinis tayo sa harapan ng Panginoon. Kabilang sa mga ito ang. . .pagkakaloob ng mga obligasyon at pagpapala na maghihikayat sa ating umasal alinsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Kasama sa mga ito ang mga ordenansa ng pagbubuklod na anuman ang ibuklod sa lupa ay ibubuklod sa langit, na naglalaan ng pagpapatuloy ng mag-anak."37
Natutuhan ko na pinakamakabuluhan ang mga pagpapala ng templo kapag may namatay sa mag-anak. Ang malamang panandalian lamang ang sakit ng paghihiwalay ay nagbibigay ng kapayapaan na lampas sa pangkaraniwang pag-unawa.38 Hindi mapaghihiwalay ng kamatayan ang mga mag-anak na nabuklod sa templo. Nauunawaan nila ang mahalagang bahagi ng kamatayan sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos.39
Tumutulong ang gayong pananaw sa atin na manatiling tapat sa mga ginawang tipan. Binigyang diin ni Pangulong Boyd K Packer na "ang mga ordenansa at tipan ang nagiging kredensiyal natin para makapasok sa kinaroroonan [ng Diyos]. Ang matanggap ang mga ito nang karapat-dapat ang dapat na maging pinakamithiin natin; at napakalaking hamon sa atin na maging matapat sa mga ordenansa at tipan sa buong buhay natin."40
May kaugnayan ang mga ordenansa ng templo sa personal na pagsulong at gayundin sa pagtubos sa mga yumaong ninuno. "Sapagkat ang kanilang kaligtasan ay kinakailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan,. . .na sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap--ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap."41 Naglalaan ang paglilingkod alang-alang sa kanila ng paulit-ulit na pagkakataon para sa pagsamba sa templo. At mahalaga ang gayong paglilingkod kaya't dapat nating planuhin ito sa ating iskedyul. Sa paggawa ng para sa iba ng mga bagay na hindi na nila magagawa sa kanilang sarili, sinusunod natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, na isinakatuparan ang Pagbabayad-sala upang papalain ang buhay ng mga tao.
Balang araw haharap tayo sa ating Lumikha at tatayo sa Kanyang harapan upang hatulan.42 Hahatulan tayo alinsunod sa ating mga ordennansa,tipan, gawa, at sa mga hangarin ng ating puso.43
Samantala, sa daigdig na ito na hinahagupit ng espirituwal na pagkawasak, makagagawa ba ng kaibhan ang mga taong handa para sa mga pagpapala ng templo? Oo! Ang mga Banal na iyon ay "mga pinagtipanang tao ng Panginoon,. . .nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian."44 Maitataas ng kanilang halimbawa ang mga buhay ng buong sangkatauhan. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa Exodo 28:36; 39:30; Mga Awit 93:5. Ang mga katumbas na salin ay ginamit sa mga templo sa mga lugar na hindi nakapagsasalita ng Ingles.
2. Tingnan sa Exodo 19:56; Levitico 19:12; Mga Awit 24:35; I Mga Taga Tesalonica 4:7; Moro. 10:3233; D at T 20:69; 110:69; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, "Kabanalan," 102.
3. 2 Ne. 9:48.
4. Tingnan sa "Following the Master: Teachings of President Howard W. Hunter," Ensign, Abr. 1995, 2122, Howard W. Hunter; "The Great Symbol of Our Membership," Tambuli, Nob. 1994, 3.
5. "Of Missions, Temples, and Stewardship," Ensign, Nob. 1995, 53.
6. Gordon B. Hinckley, Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 638.
7. Tingnan sa Moro. 10:45.
8. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe [1941], 416.
9. Mat. 16:19.
10. Tingnan sa D at T 14:7.
11. Tingnan sa D at T 109:20; tingnan din sa Isa. 52:11; Alma 11:37; 3 Ne. 27:19.
12. O ang pangulo ng sangay at pangulo ng misyon.
13. Tingnan sa 3 Ne. 20:26; tingnan din sa "Children of the Covenant," ni Russell M. Nelson, Ensign, Mayo 1995, 32.
14. Tingnan sa Mga Taga Roma 6:17; D at T 121:17.
15. Alma 7:6.
16. Sinabi ni Pangulong Hinckley, "Hinihikayat ko ang lahat ng ating miyembro saanman, sa buong panghihikayat na makakaya ko, na mamuhay nang karapat-dapat upang magtaglay ng rekomendasyon sa templo, upang magkaroon nito at ituring itong isang mamahaling pag-aari, at lalong magsumikap na makapasok sa bahay ng Panginoon at makibahagi sa diwa at mga pagpapalang matatamo roon" ("Of Missions, Temples, and Stewardship," Ensign, Nob. 1995, 53).
17. The Holy Temple (1980), ni Boyd K. Packer, 73.
18. Tingnan sa Not My Will, But Thine, ni Elder Neal A. Maxwell (1988), 135; tingnan din sa D at T 100:16.
19. Nagpapaalaala ito sa atin na "Hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao" (Mga Gawa 10:34; tingnan din sa Moro. 8:12).
20. Inspiradong Bersiyon: Tiniyak ng Panginoon na bagama't "ang mga bundok ay mangapapalis, at ang mga buro ay mangapapalipat,. . .ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang aking mang tipan ng kapayapaan ay maalis" (Isaias 54:10). Tiyak na hindi natin nanaisin na malaman na aalisin sa atin ang simbulo ng Kanyang walang hanggang tipan.
21. Tingnan sa Mga Taga Efeso 6:1113; tingnan din sa Alma 46:13, 21; D at T 27:15.
22. Sa isang liham na may petsang ika-10 ng Oktubre 1988, isinulat ng Unang Panguluhan: "Ipinahihiwatig ng mga gawaing madalas makita sa mga miyembro ng Simbahan na hindi lubos na nauunawaan ng ilang miyembro ang ginawa nilang tipan sa templo na isuot ang garment ayon sa diwa ng banal na endowment.
"Nakipagtipan ang mga miyembro ng Simbahan na sinuotan ng garment sa templo na isusuot ang mga ito sa buong buhay nila. Binigyang-kahulugan ito na susuotin ang mga ito bilang panloob na kasuotan araw at gabi.. . . Nakabatay ang ipinangakong proteksiyon at mga pagpapala sa pagiging karapat-dapat at katapatan sa pagtupad sa tipan.
"Dapat na maging pangunahing alituntunin ang pagsusuot ng garment at hindi ang paghanap ng mga okasyon para hubarin ito. Samakatwid, hindi dapat hubarin ng mga miyembro ang lahat o bahagi ng garment upang gumawa sa bakuran o magpagala-gala sa tahanan na nakasuot ng panligo o hindi disenteng damit. Ni ang hubarin ang mga ito upang sumali sa mga gawaing panlibangan na magagawa naman na suot ang garment na nakapaloob sa pang-araw- araw na kasuotan. Kapag dapat hubarin ang garment, gaya ng sa paglangoy, dapat itong isuot kaagad hangga't maaari.
"Ang mga alituntunin ng kahinhinan at pagsusuot sa katawan ng mga angkop na kasuotan ay ipinahiwatig sa tipan at dapat na mamahala sa lahat ng uri ng damit na isinusuot. Isinusuot ng mga na-endow na miyembro ang garment bilang paalala ng mga ginawa nilang sagradong tipan sa Panginoon at proteksiyon din laban sa tukso at masama. Kung paano ito isinusuot ay panlabas na pagpapahayag ng ating kalooban at pangako na sundin ang Tagapagligtas."
23. Tingnan sa D at T 88:119; 109:8.
24. Sa katunayan, Siya ang daan (tingnan sa Juan 14:6).
25. Tingnan sa "Temple Worship," ni John A. Widtsoe, Utah Genealogical and Historical Magazine, Abr. 1921, 62.
26. Ang mga miyembro ng Simbahan na hindi nagbabasa ng Ingles ay makakakita ng mga katulad na termino sa edisyon ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa kani-kanyang wika.
27. Pahina 191, talata 1.
28. Pahina 2627, talata 1.
29. Pahina 91, talata 1.
30. Pahina 248, talata 1.
31. Pahina183, mga talata 12.
32. Pahina 71, mga talata 12.
33. Pahina 246, mga talata 14.
34. Ang mga kabanatang dapat pagtuunan ng pansin ay kinabibilangan ng Exodo 2629, 39; Levitico 8; II Samuel 12 (t. 20); II Mga Cronica 67; Isaias 22; Ezekiel 16.
35. Tingnan sa D at T 124:4041.
36. Tingnan sa Moro. 10:32; PJS Mat. 16:26.
37. "Temples and Temple Work," Ensign, Peb. 1982, 3.
38. Tingnan sa Mga Taga Filipos 4:7.
39. Tingnan sa Alma 42:8.
40. "Covenants," Ensign, Mayo 1987, 24.
41. D at T 128:15.
42. Tingnan sa 2 Ne. 9:41.
43. Tingnan sa D at T 137:9.
44. 1 Ne. 14:14.