The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
April 2001
"Makipagpuyat sa Akin"

"Makipagpuyat sa Akin"

Elder Henry B. Eyring
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Habang pinangangalagaan ninyo ang Kanyang mga tupa, mag-iibayo ang pagmamahal ninyo sa Kanya. At iyon ay magdaragdag ng tiwala at lakas ng loob sa inyong sarili."

Elder Henry B. Eyring

Ako'y nagpapasalamat na makapagsalita sa pangalan ng Panginoon sa mga pastol ng Israel. Tayo ay sadyang Kanyang mga pastol. Nang tanggapin natin ang pagkasaserdote, inako natin ang pananagutan na gawin ang magagawa natin upang mapangalagaan ang Simbahan. Walang makaiiwas sa atin sa pananagutan. Ang pangulo ng pagkasaserdote sa buong mundo ang nagdadala ng buong pananagutan. Sa pamamagitan ng mga susi ng pagkasaserdote, bawat korum ay pumapasan sa bahagi ng pananagutang ito. Kahit na ang pinakabagong tawag na diyakono sa pinakamalayong lugar sa daigdig ay may bahagi sa napakalaking responsibilidad na pangalagaan ang Simbahan.

Pakinggan ang mga salitang ito mula sa Doktrina at mga Tipan: "Samakatwid, ang bawat tao ay tumayo sa kanyang sariling katungkulan, at gumawa sa kanyang sariling tungkulin; at huwag sabihin ng ulo sa mga paa na hindi nito kailangan ang mga paa; sapagkat kung wala ang mga paa ay paano makatatayo ang katawan?" At kasunod nito, maging ang mga diyakono ay ibinilang ng Tagapagligtas sa listahan na binigyan Niya ng tungkulin: "ang mga diyakono at guro ay dapat na italaga na pangalagaan ang simbahan na maging mga tumatayong mangangaral sa simbahan"(D at T 84:109,111).

Idinadalangin ko na maipaliwanag ko ang ating sagradong tungkulin upang maging ang mga bagong diyakono at ang mga kailan lamang nabinyagan ay maunawaan ang oportunidad na ito. Sa maraming dako ng mga banal na kasulatan, inilarawan ng Panginoon ang kanyang sarili at ang mga tinawag Niya sa pagkasaserdote bilang mga pastol. Pinangangalagaan ng mga pastol ang mga tupa. Sa mga kuwento sa mga banal na kasulatan, ang mga tupa ay nasa panganib; kailangan nila ng proteksiyon at pangangalaga. Binigyang babala tayo ng Tagapagligtas na kailangan nating pangalagaan ang mga tupa tulad ng ginawa Niya. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa kanila. Sila ay Kanyang mga tupa. Hindi natin maaabot ang uri ng Kanyang paglilingkod kung, tulad ng upahang tagapaglingkod, pangangalagaan lamang natin sila kung kailan lamang maluwag ito para sa atin at dahil sa gantimpala. Narito ang uri ng Kanyang paglilingkod:

"Ako ang mabuting pastol: ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay dahil sa mga tupa.

"Ang nagpapaupa, at hindi ang pastol, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangalat" (Juan 10:11–12).

Ang mga miyembro ng Simbahan ang mga tupa. Sila ay Kanyang mga tupa at tinawag Niya tayo upang pangalagaan sila. Hindi lamang natin sila dapat bigyang babala laban sa panganib. Kailangan natin silang pakainin. Minsan, mahabang panahon na ang nakalilipas, iniutos ng Panginoon sa Kanyang propeta na pagalitan ang mga pastol ng Israel. Narito ang babala, na nananatiling umiiral, sa mga salita ng propetang Ezekiel:

"At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

"Anak ng tao, manghula ka laban sa mga pastol ng Israel, manghula ka, at iyong sabihin sa kanila, sa mga pastol, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos; Sa aba ng mga pastol ng Israel na pinakakain ang kanilang sarili! hindi baga dapat pakanin ng mga pastol ang mga tupa?" (Ezek. 34:1–2).

Ang pagkain na kinuha ng mga pastol na iyon para sa kanilang sarili, na hinahayaan na magutom ang mga tupa, ay maaaring makapagligtas para sa mga tupa. Inilarawan kapwa ng isa sa mga pinakadakilang pastol sa Aklat ni Mormon kung ano ang pagkaing iyon at paano ito maipagkakaloob:

"At matapos na sila ay matanggap sa pagbibinyag, at nahikayat at nalinis ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sila ay napabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo; at ang kanilang mga pangalan ay kinuha, upang sila ay maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan, upang patuloy silang mapanatili sa mataimtim na panalangin, umaasa lamang sa mga gantimpala ni Cristo, na siyang may akda at tagatapos ng kanilang pananampalataya" (Moro. 6:4).

Napakasakit isipin na pinakakain ng pastol ang kanyang sarili at hinahayaan na magutom ang mga tupa. Gayunman, nakita mismo ng sarili kong mga mata nang maraming beses ang mga pastol na pinakakain ang kanilang mga tupa. Isa rito ang pangulo ng korum ng mga diyakono. Isa sa mga miyembro ng kanyang korum ay nakatira malapit sa aking tahanan. Ang kapitbahay na batang lalaking iyon ay hindi kailanman dumalo sa pulong ng korum ni nakagawa ng anuman para sa mga miyembro ng kanyang korum. Ang kanyang ama-amahan ay hindi miyembro at ang kanyang ina ay hindi dumadalo sa Simbahan.

Ang panguluhan ng kanyang korum ng mga diyakono ay nagpulong isang Linggo ng umaga. Bawat linggo ay pinakakain sila ng mabuting salita ng Diyos ng isang mabuting tagapayo at guro. Sa pulong nila ng panguluhan, naalaala ng mga 13 gulang na pastol na iyon ang isang batang lalaki na hindi pa nakadadalo kailanman. Pinag-usapan nila kung gaano niya kailangan ang mga bagay na kanilang tinanggap. Itinalaga ng pangulo ang kanyang tagapayo upang hanapin ang naliligaw na tupang iyon.

Kilala ko ang tagapayo, at alam kong siya'y mahiyain at alam kong sadyang mahirap ang gawain, kaya't may paghanga akong nagmasid sa gawing harap ng aking bintana habang marahang dumadaan ang tagapayo malapit sa aking bahay, patungo sa bahay ng batang lalaking hindi pa nakadalo sa Simbahan kailanman. Ipinasok ng pastol sa kanyang bulsa ang kanyang mga kamay. Ang kanyang mga mata ay nakatuon sa lupa. Lumakad siya nang marahan, gaya rin ninyo kapag hindi ninyo tiyak kung nais ba ninyong marating ang lugar na inyong pupuntahan. Sa loob ng 20 minuto o higit pa, bumalik siyang kasabay na lumalakad ang nawalang diyakono. Ang tagpong iyon ay naulit nang mga ilang Linggo. Kasunod niyon, ang batang lalaki, na nawala at natagpuan, ay lumipat ng tirahan.

Ang kuwentong iyon ay sadyang kahanga-hanga. Tungkol ito sa tatatlong batang lalaking nakaupo sa harap ng mesa sa loob ng isang silid. Kasunod nito ay isang batang lalaki ang lumakad sa kalsada at bumalik na kasama ang isa pang batang lalaki. Subalit pagdaaan ng maraming taon, ako'y nasa isang komperensiya ng istaka, isang kontinente ang layo mula sa silid na pinagpulungan ng panguluhang iyon. Isang matandang lalaki ang lumapit sa akin at banayad na sinabing: "Tumira ang apo ko sa inyong purok maraming taon na ang nakalilipas." May pagmamalasakit niyang ikinuwento sa akin ang buhay ng batang lalaking iyon. At pagkatapos ay nagtanong siya kung matatagpuan ko ba ang diyakonong iyon na lumakad nang marahan sa kalsadang iyon mahabang panahon na ang nakalilipas. At sinabi niya na kung saka-sakaling magkita kami ay ipaabot ko ang pasasalamat dito at sabihin sa kanya na naaalala pa ng kanyang apo, na ngayon ay mamang-mama na, ang mga nangyari noon.

Naalaala niya sapagkat sa loob ng ilang linggong iyon, sa kauna- unahang pagkakataon sa kanyang buhay ay napagmalasakitan siya, napangalagaan siya ng mga pastol ng Israel. Nabigyan siya ng babala sa pamamagitan ng pakikinig sa walang hanggang katotohanan mula sa mga taong nagmamalasakit sa kanya. Napagkalooban siya ng tinapay ng buhay. At ang mga batang pastol ay naging matapat sa tungkulin nila sa Panginoon.

Hindi ganoon kadaling matutuhang gawin ito nang gayon lamang at patuloy na magawa ito. Ipinakita ng Tagapagligtas kung paano ito gagawin at kung paano tuturuan ang iba na gawin ito. Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan. Kinailangan Niyang iwan ang Kanyang Simbahan sa mga kamay ng mga walang karanasang tagapaglingkod, na kagaya din naman nating lahat. Alam Niyang sila'y mahaharap sa mga suliranin na lampas sa taglay nilang kakayahan na lutasin ang mga ito. Kung ano ang ginawa Niya para sa kanila ay maggagabay rin sa atin.

Noong magtungo ang Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani upang magdanas ng matinding pagdurusa bago pa Siya ipagkanulo at magpakasakit sa krus, maaari sanang nagtungo Siya roon nang nag-iisa. Subalit isinama Niya ang Kanyang mga tagapaglingkod na pagkasaserdote. Narito ang salaysay mula sa Mateo: "Nang magkagayo'y sinabi Niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang kaluluwa Ko, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at makipagpuyat sa akin" (Mateo 26:38; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Nanalangin ng kalakasan ang Tagapaglitas sa Kanyang Ama. Sa gitna ng Kanyang pagdurusa, bumalik Siya kay Pedro upang turuan siya kung ano ang inaasahan sa lahat ng mangagsisipagpuyat sa Kanya:

"At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kanyang naratnang nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Ano, hindi kayo maaaring mangakipagpuyat sa akin ng isang oras?

"Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman" (Mat. 26:40–41).

May katiyakan at babala sa simpleng pakikipag-usap na iyon ng Guro sa Kanyang mga pastol. Kasama Niya tayong nagpupuyat. Siya na nakakikita ng lahat ng bagay, na ang pagmamahal ay walang katapusan, at siya na hindi natutulog,--siya ay nagpupuyat na kasama natin. Alam Niya kung ano ang pangangailangan ng mga tupa sa bawat sandali. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay masasabi Niya ito sa atin at ipadadala Niya tayo sa kanila. At sa pamamagitan ng pagkasaserdote ay maaari nating pababain ang Kanyang kapangyarihan na magbabasbas sa kanila.

Subalit ang babala Niya kay Pedro ay para sa atin ding lahat. Ang lobo na papatay sa mga tupa ay tiyak na sasalakay sa pastol. Dahil dito, kailangan nating pangalagaan ang ating sarili gayundin naman ang iba. Bilang pastol, matutukso tayong lumapit sa bangin ng kasalanan. Subalit ang anumang anyo ng kasalanan ay nakasasakit sa Espiritu Santo. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay o magtutungo saanman na makasasakit sa Espiritu. Hindi kayo makikipagsapalaran na malagay sa panganib. Kung mabibigo kayo nang dahil sa kasalanan, hindi lamang kayo mananagot para sa sarili ninyong mga kasalanan kundi pati na rin sa kalungkutan na maaari sanang naiwasan ninyong mangyari sa buhay ng iba kung naging karapat- dapat kayo na pakinggan at sundin ang mga bulong ng Espiritu. Kailangang pakinggan ng pastol ang tinig ng Espiritu at pababain ang kapangyarihan ng langit o siya ay mabibigo.

Ang babala na ibinigay sa sinaunang propeta ay babala rin sa atin:

"Sa gayo'y ikaw, anak ng tao, ay inilagay ko na bantay sa sangbahayan ni Israel; kaya't dinggin mo ang salita sa aking bibig, at magbigay alam ka sa kanila sa ganang akin.

"Pagka aking sinabi sa masama, Oh masamang tao, ikaw ay walang pagsalang mamamatay; at ikaw ay hindi nagsasalita upang magbigay alam sa masama ng kaniyang lakad; ang masamang yaon ay mamamatay sa kaniyang kasamaan, ngunit ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa iyong kamay" (Ezek. 33:7–8).

Ang kaparusahan sa hindi pagganap ay malaki. Subalit itinuro ng Panginoon kay Pedro kung paano magtayo ng pundasyon para sa tagumpay. Inulit Niya nang tatlong beses ang isang simpleng mensahe. Iyon ay ang pag-ibig sa Panginoon na dapat mamalagi sa puso ng tunay na pastol. Narito ang katapusan ng ulat:

"Sinabi niya sa kaniya sa ikatlo, Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako? Nalumbay si Pedro sapagkat sa kaniya'y sinabing makaitlo, Iniibig mo baga ako? At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng bagay; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa" (Juan 21:17).

Ang pag-ibig na iyon ang siyang dapat na humikayat sa mga pastol ng Israel. Maaaring maging mahirap iyon sa simula, sapagkat hindi pa natin gaanong lubos na kilala ang Panginoon. Subalit, kung paiiralin natin ang kahit na munting pananampalataya sa Kanya, ang paglilingkod natin sa mga tupa ay makadaragdag ng pagmamahal natin sa Kanya at sa kanila. Ito'y nagmumula sa mga simpleng bagay na kailangang gawin ng bawat pastol. Dumadalangin tayo para sa mga tupa, sa bawat tupa na nasa ilalim ng ating pangangalaga. Kapag nagtanong tayo ng, "Ipaalam po ninyo kung sino ang nangangailangan sa akin," ang sagot ay darating. Papasok sa ating isipan ang mukha at pangalan ng ating tutulungan. O bigla na lamang nating makikita ang tao na sadyang nilayon na ating makatagpo. Sa mga ganoong sandali, madarama natin ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa kanila at sa atin. Habang pinangangalagaan ninyo ang Kanyang mga tupa, mag- iibayo ang pagmamahal ninyo sa Kanya. At iyon ay magdaragdag ng tiwala at lakas ng loob sa inyong sarili.

Ngayon, maaaring iniisip ninyo: Hindi madali iyon para sa akin. Napakaraming tao ang kailangan kong asikasuhin. At kulang ang oras ko. Ngunit kapag tinawag tayo ng Panginoon, ihahanda Niya ang pamamaraan, ang Kanyang pamamaraan. May mga pastol na naniniwala dito. Babanggitin ko sa inyo ang isa.

Dalawang taon na ang nakalilipas, isang lalaki ang tinawag bilang pangulo ng korum ng mga elder. Magsasampung taon pa lamang siyang miyembro ng Simbahan. Kamakailan lamang siya naging karapat-dapat na mabuklod sa kanyang asawa at mag-anak sa templo. Ang kanyang asawa ay masasakitin. Mayroon siyang tatlong anak na babae. Ang panganay ang tagapagluto ng pagkain at katu-katulong niya ang iba sa paglilinis ng bahay. Ang maliit niyang kinikita mula sa mabigat na pagtatrabaho ang sumusuporta hindi lamang para sa limang taong iyon kundi pati na sa lolo nila na kasa-kasama nila sa maliit nilang bahay.

Nang tawagin siya upang maging pangulo ng korum ng mga elder, mayroon itong 13 miyembro. Tungkulin ng maliit na korum na iyon ang 101 pang kalalakihan na ang iba ay walang anumang taglay na pagkasaserdote o kaya naman ay mga diyakono, guro, o saserdote. Tungkulin niya na pangalagaan ang mga kaluluwa ng 114 na mag-anak, na may kaunting pag-asam na maipagkakaloob niya ang higit pa sa mga araw ng Linggo at marahil isang gabi bawat linggo sa kanyang paglilingkod matapos na magawa niya ang lahat para sa kanyang pamilya.

Ang paghihirap na kanyang kinaharap ang nagtulak sa kanya upang lumuhod at manalangin. Pagkatapos ay tumindig siya at nagsimulang gumawa. Sa kanyang mga pagsisikap na makita at makilala ang kanyang mga tupa, nasagot ang kanyang mga panalangin sa paraang hindi niya inaasahan. Lumawak ang pagkaunawa niya sa mga pangangailangan ng bawat isa. Nalaman niya na ang layunin ng Panginoon ay mapatatag niya ang mga mag-anak. At kahit pa limitado ang kanyang karanasan, nalaman niya na ang paraan sa pagpapatatag ng mag-anak ay matulungan silang maging karapat-dapat na makagawa at maipamuhay ang mga tipan sa templo.

Sinimulan niyang gawin ang bagay na palaging ginagawa ng mabuting pastol, subalit ginawa niya ito sa naiibang paraan nang maunawaan niya ang templo bilang kanilang patutunguhan. Una, nananalangin siya upang malaman kung sino ang kanyang magiging mga tagapayo, na makakasama niya. At pagkatapos ay nanalangin siya upang malaman kung sinong mag-anak ang nangangailangan sa kanya at yaong mga naihanda na.

Tinawagan niya ang lahat ng maaari niyang tawagan. Ang ilan ay naging malamig at hindi siya tinanggap na isang kaibigan. Ngunit sa mga tumanggap, mayroon siyang sinusundang pamamaraan kung paano iyon gagawin. Kapag nakakita siya ng interes at tiwala, inaanyayahan niya sila na makipagkita sa obispo. Bago pa man, hiniling niya sa obispo na: "Pakibanggit lang sa kanila kung paano sila magiging karapat-dapat na makapasok sa templo upang makamit nila at ng kanilang mag-anak ang mga pagpapala nito. At pakiusap lang na ibigay ninyo ang patotoo ninyo sa kanila, tulad ng ginawa ko, na ito'y sadyang napakahalaga."

May iilan na tumanggap sa paanyaya ng pangulo ng korum na dumalo sa klase sa paghahanda sa templo na itinuturo ng mga pinuno ng istaka. Hindi lahat ay nakatapos ng kurso at hindi lahat ay nakapaghanda na makapasok sa templo. Ngunit bawat mag-anak at bawat ama ay ipinanalangin. Halos lahat ay naanyayahan kahit minsan man lamang na magpakabusog sa mabuting salita ng Diyos. Sa bawat paanyaya ay lakip ang patotoo ng pangulo hinggil sa mga pagpapala ng pagbubuklod ng mag-anak sa kawalang-hanggan, at ang lungkot ng paghihiwalay. Ipinaabot ang bawat paanyaya nang may pagmamahal ng Tagapagligtas.

Sa panahon ng paglilingkod ng pangulo nakita niyang naordenan na maging elder ang 12 kalalakihan na tinuruan niya. Nakita niyang naordenan na maging mataas na saserdote ang kanyang mga elder. Ang mga bilang na iyon ay hindi sapat upang mabilang ang mga himalang nangyari. Pagpapalain ang mga pamilya ng mga kalalakihang iyon sa loob ng mga susunod na salinlahi. Naibuklod na ang mga ama't ina sa isa't isa at sa kanilang mga anak. Sila'y nananalangin para sa kanilang mga anak, tumatanggap ng tulong mula sa langit, at itinuturo ang ebanghelyo nang may pagmamahal at inspirasyon na ibinibigay ng Panginoon sa matatapat na magulang.

Tunay na naging mga pastol ang pangulong iyon at ang kanyang mga tagapayo. Pinangalagaan nila ang mga tupa na kasama ang Tagapagligtas at natutuhan Siyang mahalin. Sila'y mga saksi sa katotohanan ng bagay na itinuro ng Tagapagligtas sa isang apostol, na si Thomas B. Marsh. Ito'y isang makatotohanang bagay sa lahat ng nakikipagpuyat kasama ng Panginoon alang-alang sa Kanyang mga tupa:

"Humayo ka kung saan ko man naisin, at ipahahayag sa iyo ng Mang-aaliw kung ano ang iyong gagawin at kung saan ka magtutungo.

"Manalangin tuwina upang hindi ka matukso at mawala ang iyong gantimpala.

"Maging matapat hanggang katapusan, at masdan, ako ay kasama mo. Ang mga salitang ito ay hindi sa tao ni sa mga tao, kundi sa akin, maging si Jesucristo, ang iyong Manunubos, sa kalooban ng Ama. Amen" (D at T 31:11–13).

Nagpapatotoo ako na buhay ang Diyos Ama at sinasagot ang ating mga panalangin. Ako'y isang saksi na nagpapatotoo na pinangangalagaan ng mapagmahal na Tagapagligtas ang Kanyang mga tupa kasama ng Kanyang matatapat na pastol.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy