The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
April 2001
"Yaong mga Nagpaparangal sa Akin ay Aking Pararangalin"

"Yaong mga Nagpaparangal sa Akin ay Aking Pararangalin"

Pangulong James E Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Sundin ang apat na sagradong alituntunin sa inyong buhay: pamimitagan sa Diyos; paggalang at pagbibigay-dangal sa mga ugnayan ng mag-anak; pagpipitagan at pagsunod sa mga ordenansa at tipan ng banal na pagkasaserdote; paggalang sa sarili bilang anak ng Diyos.

Pangulong James E Faust

Mga minamahal kong kapatid ng malawak na kapatirang ito ng pagkasaserodte, lumalapit ako sa inyo nang may pagpapakumbaba at panalangin. Isang sagrado at nakapupuspos na responsibilidad ang magsalita sa inyo. Hinahangad ko na maunawaan ninyo ako. Nawa'y matamo ng bawat isa sa atin ang pangako ng Panginoon, "Yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalin."1

Kinikilala ko nang ganap ang lahat ng naisagawa ng mga tagapaglingkod ng Panginoon sa mga naunang salinlahi, ngunit naniniwala ako na kayong mga kabataang lalaki ng pagkasaserdote at ang mga kabataang babae na kasing-edad ninyo sa maraming kaparaanan ang siyang pinakamaaasahang salinlahi sa kasaysayan ng daigdig. Narating ko ang konklusyong ito dahil sa ilang kadahilanan. Habang binabasa namin ni Sister Faust ang mga basbas patriyarkal ng aming mga apo, natuklasan namin na halos lahat ay may higit na maaasahang kinabukasan kaysa sa amin.

Upang matamo ninyo ang inyong potensyal, kakailanganin ninyong sundin ang apat na sagradong alituntunin sa inyong buhay. Ang apat na ito ay ang:

1. Pamimitagan sa Diyos.

2. Paggalang at pagbibigay-dangal sa mga ugnayan ng mag-anak.

3. Pagpipitagan at pagsunod sa mga ordenansa at tipan ng banal na pagkasaserdote.

4. Paggalang sa sarili bilang anak ng Diyos.

Nais kong magsalita tungkol sa apat na alituntuning ito ngayon.

Ang una ay ang pamimitagan sa Diyos. Nagpapasalamat ako na pinagpala tayo ng Panginoon bilang mga tao ng mga temporal na pagpapalang hindi mapapantayan sa kasaysayan ng Simbahan. Ibinigay sa atin ang mga mapagkukunang ito upang gawin ang mabuti at paunlarin ang gawain natin sa mundo. Ngunit natatakot ako na dahil sa pag-unlad marami sa atin ang malulong sa tinawag ni Daniel na "mga dios na pilak, at ginto, tanso, bakal, kahoy at bato na, hindi nangakakakita, nangakaririnig, nakakaalam man."2 Mangyari pa, ang mga ito ay diyus-diyosan.

Bilang paggalang sa bagay na sagrado, ang pagmamahal at paggalang sa Diyos ang higit na mahalaga sa lahat ng iba pa at siyang batayan ng lahat ng ito. Sa malaking bahagi ng kasaysayan ng sanlibutan, lubos na nalulong sa pagsamba sa diyus-diyosan ang sangkatauhan, na sumasamba sa mga huwad na diyos, o kaya'y labis na nahuhumaling sa pagtamo ng kayamanan ng daigdig na ito.

Matapos ang pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas, sina Pedro at ilan sa mga disipulo ay nasa Dagat ng Tiberias. Ipinaalam ni Pedro sa kanila na mangingisda siya. Pumayag na sumama sa kanya ang mga disipulo. Tila nakalimutan na nila na sila ay tinawag na mamamalakaya ng mga tao. Nangisda sila hanggang sa gumabi ngunit wala silang nahuli. Noong umaga, si Jesus, na nakatayo sa baybayin ay sinabihan silang ihulog ang lambat sa dakong kanan ng daong, at napuno ng mga isda ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus na dalhin nila ang mga nahuling isda. Nakahuli sina Pedro at ang kanyang mga kasama ng 153 isda. Nang nasa baybayin na sila nakita nilang may iniihaw na isda, at inanyayahan sila ng Panginoon na kumain ng isda at tinapay. Nang makakain na sila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, "Iniibig mo baga ako ng higit kaysa mga ito?"3 Masigasig na mangingisda si Pedro. Pangingisda ang hanapbuhay niya nang tawagin siya ng Tagapagligtas na maging mamamalakaya ng mga tao.

Ang pangangailangang mahalin natin ang Panginoon nang higit pa sa isda, sa pera sa bangko, sasakyan, magagandang kasuotan, kalakal, o iba pang ari-arian ay ganap at tiyak. Ang unang kautusang ibingay sa mga sinaunang Israelita ay: "Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko."4 Pinalawak mismo ng Panginoon ang kautusang ito nang sabihin Niya sa manananggol na nagtanong sa Kanya kung alin ang pinakadakilang kautusan, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo."5

Madalas akong nasasaktan na marinig ang mga tao sa mga pampublikong talakayan o sa telebisyon na walang pakundangang nilalabag ang kautusang "Huwag mong babanggitin ang [banal na] pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan."6 Pinaaalalahanan tayo sa bahagi 107 ng Doktrina at mga Tipan na upang "maiwasan ang madalas na pag-uulit sa kanyang pangalan"7 ang banal na saserdote ay pinangalanan sa dakilang mataas na saserdoteng si Melquisedec. Ang pamimitagan at paggalang sa mga sagradong bagay ay dumadaloy lahat mula sa unang kautusan, "Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko."8

Tayo na mga ginawaran ng karapatan ng pagkasaserdote upang kumilos sa pangalan ng Tagapagligtas ay kailangang gumalang sa Diyos Ama, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo nang higit sa lahat ng iba pa.

Ang pangalawa ay paggalang at pagbibigay-dangal sa mga ugnayan ng mag-anak. Dapat na magsimula ito sa pamimitagan sa sagradong pag-ibig ng ina. Lahat ng ina ay dumadaan sa panganib ng kamatayan habang nagsisilang sila upang mabigyang buhay tayo. Maraming taon na mula nang mamayapa ang aking ina. Lagi kong naaalaala ang magiliw, mapagmahal na impluwensiya niya sa buhay ko. Naaalala ko ang karaniwan niyang ipinapayo at pagwawasto sa akin. Ngunit higit sa lahat lagi kong naaalaala ang kanyang pagmamahal na walang hinihintay na kapalit. Madalas na nakapupuspos ang pananabik na makasama siya. Masasabi ng karamihan sa atin ang sinabi ni Abraham Lincoln, "Lahat ng kung ano ako ngayon at inaasahan kong maging ay utang ko sa aking ina na isang anghel para sa akin."9 Ang aking ina ay nagluto, nanahi, nagsulsi, nagkumpuni ng mga lumang damit; pinagkaitan niya ang kanyang sarili at pinagkasya ang kaunting salapi upang maibigay sa kanyang mga anak ang mga oportunidad na higit pa sa nakamtan niya. Ngunit ang mas mahalaga sa lahat ay ang kanyang walang maliw na pananampalataya na hinangad niyang ikintal sa aming kaluluwa.

Mga kapatid, nagbibigay-sulyap sa atin ang marangal na pagkaama sa mga banal na katangian ng ating Ama sa Langit. Dapat na maraming papel na gampanan ang isang ama. Dapat na gampanan niyang mabuti ang kanyang pagkasaserdote at maging halimbawa ng kabutihan. Sa pakikisama sa kanyang maybahay, dapat na pagmulan siya ng katatagan at lakas ng buong mag-anak. Dapat siyang maging tagapagtanggol at tagapagligtas at tagapagtaguyod ng mga miyembro ng kanyang mag-anak. Ang labis na pagmamahal niya para sa kanyang mga anak ay dapat na dumaloy mula sa halimbawa niya sa pagmamahal, pagmamalasakit, at katapatan sa kanilang ina. Sa pamamagitan ng di natitinag niyang halimbawa dapat na makakintal siya ng mabuting pagkatao sa kanyang mga anak.

Nang paalis na si Elder LeGrand Richards papuntang kolehiyo, sinabi sa kanya at sa kapatid niyang si George F. Jr., ng kanyang amang si George F. Richards ang ganito, "Nagtitiwala ako sa inyong dalawa na gagawin ninyo ang halimbawang pinakita ko." Napuspos ng pagmamahal at pagmamalaki ang kanilang puso sa kanyang mga sinabi. Kalaunan ay sinabi ni LeGrand, "Pinatatag at pinatibay nila kami, at hindi namin makakayang gumawa ng anumang makabibigo sa kanya."10

Hindi dapat na sadyaing biguin ng isang ama ang kanyang asawa o mga anak. Noong 1989 nagkaroon ng napakalakas na lindol sa Armenia na pumatay sa mahigit na 30,000 tao sa loob ng apat na minuto. Isang labis na nag-aalalang ama ang tarantang naghanap sa kanyang anak. Narating niya ang paaralan ng kanyang anak na pulos mga gumuhong bato na lang. Ngunit pinalakas siya ng kanyang pangako sa kanyang anak, "Kahit anong mangyari, lagi akong naroroon para sa iyo!" Inilarawan niya sa kanyang isipan ang sulok kung saan dating nakatayo ang silid-aralan ng kanyang anak. Dali-dali siyang nagtungo roon at nagsimulang maghukay nang maghukay.

Dumating sa tagpong iyon ang punong bumbero, at sumunod ay ang mga pulis--binabalaan siya ng mga maaaring pagsiklab at pagsabog, at hinimok siyang ipaubaya ang paghahanap sa mga tagasagip. Ngunit patuloy siyang naghukay. Dumating ang gabi, at pagkatapos ng ika-38 oras na paghuhukay, tila narinig niya ang tinig ng kanyang anak, "Armand!" ang tawag niya. Pagkatapos ay narinig niya, "Itay!?! Ako po ito, Itay! Sinabi ko sa ibang mga bata na huwag mag-alala. Ang sabi ko sa kanila na kung buhay kayo, ililigtas ninyo ako at kapag iniligtas ninyo ako, maliligtas din sila.

"Labing-apat na lang kaming natira rito mula sa 33.. . . Nang bumagsak ang gusali, naging parang tatsulok ito na tumakip sa amin kaya naligtas kami."

"Lumabas ka na, anak!"

"Hindi po, Itay! Paunahin muna natin ang ibang bata, alam ko po namang kukunin ninyo ako! Kahit anong mangyari, alam kong naroroon kayo para sa akin!"11

Lahat ng mga ugnayan ng mag-anak ay dapat na igalang kabilang na ang ugnayan natin sa mga namatay nating kamag-anak. Dapat na dumaloy ang pagmamahal, paglilingkod, at pagtulong sa pagitan ng magkakapatid at magkakamag-anak.

Ang pangatlo ay paggalang at pagsunod sa mga ordenansa at tipan ng pagkasaserdote. Noong sinauna, nakabihis ng kasuotang pangsaserdote ang nakikibahagi sa mga ordenansa ng pagkasaserdote. Bagamat hindi na tayo nagbibihis ng kasuotang pangsaserdote nagpapakita tayo ng paggalang sa pamamagitan ng pagbibihis ng naaangkop na kasuotan kapag nangangasiwa at nagpapasa ng sakramento at nagpapahid ng langis sa mga maysakit.

Natanggal si Eli, ang saserdote, sa kanyang tungkulin nang pinahintulutan niya ang kasamaan sa Bahay ng Panginoon. Sinabi ng Panginoon, "Yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalin."12 Ang dakilang kapangyarihan at awtoridad ng pagkasaserdote na ipinagkatiwala sa atin ay dapat na gamitin ng mga yaong binigyang-karapatang gawin iyon na nakapagpatunay na karapat-dapat silang gawin iyon. Tanging sa pamamaraang ito mabubuklod ang ating mga gawa ng Banal na Espiritu ng Pangako at sa gayon ay maparangalan ng Panginoon.13

Pinararangalan natin ang Panginoon sa pagtupad ng ating mga tipan sa binyag, mga tipan sa sakramento, mga tipan sa templo, at sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Sinabi ng Panginoon, "Lahat sa kanila na nakababatid na ang kanilang mga puso ay tapat, at bagbag, at ang kanilang mga kaluluwa ay nagsisisi, at handang tuparin ang kanilang mga tipan sa pamamagitan ng paghahain--oo, bawat paghahain na ako, ang Panginoon, ay nag-uutos--sila ay tinatanggap ko."14

Ang pang-apat ay ang igalang ang inyong sarili bilang anak ng Diyos. Tayong mga nakapagmisyon ay nakasaksi ng mga himala sa buhay ng ilan sa mga tinuruan natin na napagtantong sila ay mga anak na lalaki at babae ng Diyos. Maraming taon na ang nakalipas isang elder na nagmisyon sa British Isles ang nagsabi nang ganito matapos ang kanyang misyon, "Palagay ko'y bigo ang aking misyon. Ginugol ko ang lahat ng araw bilang misyonero rito at nakapagbinyag lang ako ng isang gusgusing batang taga-Ireland. Siya lang ang nabinyagan ko."

Lumipas ang mga taon, matapos siyang makabalik sa tahanan niya sa Montana, may bisitang dumating sa kanyang tahanan at nagtanong, "Ikaw ba ang elder na nagmisyon sa British Isles noong 1873?"

"Oo."

Nagpatuloy ang lalaki, "At naalaala mo bang sinabi mo na sa palagay mo'y bigo ang iyong misyon dahil nakapagbinyag ka lang ng isang gusgusing batang taga-Ireland?"

Aniya, "Oo. "

Iniabot ng lalaki ang kanyang kamay at sinabi, "Gusto kong makipagkamay sa iyo. Ako si Charles A. Callis, ng Kapulungan ng Labindalawa ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ako ang gusgusing batang iyon na taga-Ireland na bininyagan mo sa misyon.15

Nabatid ng musmos na iyon ang kanyang potensyal bilang anak ng Diyos. Nag-iwan si Elder Callis ng walang hanggang pamana para sa kanyang malaking mag-anak. Sa paglilingkod niya bilang pangulo ng misyon sa loob ng 25 taon at sa kanyang paglilingkod bilang apostol sa loob ng 13 taon, literal niyang pinagpala ang buhay ng libu-libong tao. Isang pribilehiyo para sa akin na makilala ang dakilang Apostol na ito ng Panginoon noong kabataan ko.

Kung palagi nating isinaalang-alang ang mga binhi ng pagkabanal na nasa atin, makatutulong ito upang malampasan natin ang mga hamon at suliranin ng mundo. Sinabi ni Brigham Young, "Kapag tinitingnan ko ang mga mukha ng matatalinong nilalang tinitingnan ko ang imahen ng Diyos na aking pinaglilingkuran. Walang hindi nagtataglay ng maliit na bahagi ng pagkadiyos sa kanila; at bagama't nababalutan tayo ng mga katawan na nasa imahen ng ating Diyos, hindi mapapantayan ng katawang ito ang pagkadiyos na minana natin sa ating Ama."16 Ang pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa minana nating pagkadiyos ay makatutulong sa mga kabataang lalaki at sa mga may edad na mapalago at mapalawak ang pagkadiyos na nasa kanila at sa bawat isa sa atin.

Lahat tayo na nagnanais na maparangalan ng Panginoon at makatanggap ng kanyang kabutihan, awa, at walang hanggang pagpapala ay dapat na, inuulit ko, na maging masunurin sa apat na dakilang alituntuning ito.

1. Magkaroon ng pamimitagan sa Diyos.

2. Magkaroon ng paggalang at pagbibigay-dangal sa mga ugnayan ng mag-anak.

3. Magkaroon ng taimtim na pamimitagan at pagsunod sa mga ordenansa at tipan ng banal na pagkasaserdote.

4. Magkaroon ng paggalang sa inyong sarili bilang anak ng Diyos.

Mga kapatid, idinadalangin ko na pagpapalain ng Panginoon ang bawat isa sa atin sa maringal na hukbong ito ng mga matwid na kalalakihan ng pagkasaserdote. Marahil, kung hiwa-hiwalay tila hindi malaki ang ating kontribusyon, ngunit kung nagkakaisa naniniwala ako na ang kapangyarihan ng pagkasaserdote na sama-sama nating tinataglay ang siyang pinakamalakas na pwersa ng kabutihan sa mundo ngayon. Ginagamit ang lahat ng ito sa ilalim ng mga susi ng pagkasaserdoteng hawak ni Pangulong Gordon B. Hinckley na siyang namumunong mataas na saserdote sa mundo. Idinadalangin ko na nawa'y maging masunurin tayo sa kanyang inspiradong pamumuno at sundan ang kanyang halimbawa. Nawa'y tumagal pa nang maraming taon ang kanyang kahanga-hangang ministeryo.

Mga kapatid, nabigyang-pribilehiyo ako, sa aking kabataan at katandaan, na matamasa ang init, nakaaliw, na espirituwal na balabal ng banal na pagkasaserdote sa loob ng 68 taon. Hindi ko maipahahayag sa mga salita kung gaano kalaki at kagila-gilalas ang nakaaalalay na impluwensiya nito sa akin at sa aking mag-anak. Hindi ko nagagawa sa maraming pagkakataon ang dapat kong gawin. Ngunit sa mahina kong pamamaraan ninanais ko noon pa man na maging karapat-dapat sa napakataas na pagpapalang ito. Hangga't nabubuhay ako nais kong matagpuang nagpapatotoo sa hiwaga at kaluwalhatian ng ipinanumbalik na ebanghelyo kaakibat ng mga susi at awtoridad ng pagkasaserdote nito. Nawa'y maging karapat-dapat tayo sa pangako ng Panginoon na "Yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Sam. 2:30.
2. Daniel 5:23.
3. Tingnan sa Juan 21:1-15.
4. Exodo 20:3.
5. Marcos 12:30.
6. Exodo 20:7.
7. D at T 107:4.
8. Exodo 20:3.
9. Binanggit sa edisyon ni Burton Stevenson, The Home Book of Quotations, (1934), 1350.
10. Lucile Tate, LeGrand Richards: Beloved Apostle (1982), 28.
11. Mark V. Hansen, "Are Young Going to Help Me?" sa Chicken Soup for the Soul, inedit nina Jack Canfield at Mark Victor Hansen (1993), 273–74.
12. 1 Sam. 2:30.
13. Tingnan sa D at T 132:7.
14. D at T 97:8.
15. Tingnan sa The Teachings of Harold B. Lee, inedit ni Clyde J. Williams (1996), 602–3.
16. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1941), 168.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy