Elder Neal A. Maxwell
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
"Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, nakakamtan natin ang mga kaloob ng Espiritu Santo na 'pumupuno ng pag-asa at ganap na pag-ibig'"(Moro. 8:26).
Totoo ngang ang mundo ay "nasa kaguluhan,"mga kapatid, ngunit ang Kaharian ay mabilis na sumusulong na kailanma'y di pa nangyari! (tingnan D at T 88:91; 45:26). Ang pagiging kakaiba nito ay mas malinaw na nasisilayan sa masasamang kalakaran sa mundo, kung saan ang mga tradisyonal na pagpapahalagang hindi ayon sa mga prinsipyo ng Panunumbalik ay mabilis na nagbabago (tingnan sa D at T 105:31).
Ang mga bunga ay pinaghalu- halong salungatan gaya ng pagkabagot at karahasan. Ang ilan ay nabubuhay lamang, "walang pag-asa, at walang Diyos sa daigdig:" (Ef. 2:12; tingnan din sa Alma 41:11). Ang hamon ng pagiging mga makabagong miyembro ng Simbahan ay ang mabuhay sa mapanganib na daigdig na may mga kulturang walang kinikilalang hangganan!
Oo, mayroon tayong mga libangan at komunikasyong walang kaparis, ngunit maraming malulungkot na tao. Hindi mahahalinhan ng pinagsama-samang teknolohiya ang pamilya.
Bagama't nalulungkot ako sa mga problemang dumating at darating pa, maaaring may katuturan ang mga ito. Sa mga problemang ito tayo mas espirituwal na umaamo dahil "maliban kung parurusahan ng Panginoon ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng maraming pagdurusa,. . .ay hindi nila siya maaalaala"(Hel. 12:3). Tahimik namang pinadadalisay ng Panginoon ang Kanyang matatapat na tao, ngunit palilinawin din ng mga kaganapan ang mas matataas na pamamaraan ng Diyos at ang Kanyang Kaharian (tingnan sa D at T 136:31).
Gayunpaman, mapanghamon ang ating mga kalagayan. Marami tayong nabibigatang magulang at pamilyang di makaganap nang maayos. Mapanira ang mga bunga ng mga droga, karahasan, at pornograpiya. Tunay, na "ang kabiguan ay dumarating dahil sa kasamaan" (Moroni 10:22). Dahil hinahangad ng kaaway "na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad niya," gayon ang kanyang plano ng pagdurusa (2 Ne. 2:27; tingnan din sa talata 18).
Ang magigiting sa atin ay patuloy namang sumusulong, dahil alam nilang mahal sila ng Panginoon, kahit hindi nila "nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay" (1 Ne. 11:17). Habang minamasdan natin silang tagumpay na nalalagpasan ang matitindi at walang habag na pagsubok, pinupuri natin sila sa ating kalooban at ipinagdiriwang ang kanilang umuusbong na lakas at kabutihan. Gayunman ang iba sa atin ay nangingilabot sa kabayaran ng paghuhubog ng gayong lubos na bukod-tanging pagkatao, habang umaasang hindi tayo madadapa kung mangyari ang gayon din sa atin!
Maaaring huli na para ayusin ang ilang komunidad, ngunit hindi pa huli para tulungan ang mga tao at pamilyang handang ayusin ang kanilang sarili. Hindi pa rin huli para sa ilan na maging mga tagabunsod na disipulo sa kanilang pamilya at pook, o maging lokal na tagapayapa ang mga tao sa lugar na nawalan ng kapayapaan (D at T 1:35). Kung may iba pang nakararanas ng kakulangan ng mga halimbawa, sila mismo'y maaaring maging huwaran.
Samantalang nasabi ni Josue na, "Ngunit sa ganang akin at ng aking sambahayan . . ." ang ibang taong kasalukuyang nangungulila ay masasabi pa ring, "ngunit sa ganang akin . . .", at pagkatapos ay mamuhay nang marapat sa lahat ng inihanda ng Panginoon para sa kanila (tingnan sa Josue 24:15). Sa gayon ang mga disipulo ay "nananatiling matatag" (D at T 9:14), "patuloy na magiging matapat hanggang wakas" (D at T 6:13), at "matatag sa [kanilang] landas"(D at T 122:9) maging sa isang magulong mundo.
Gayunman, ang pagtitiis at pagkamasunurin ay hindi lamang mga tugong walang dapat gawin kundi ang totoo'y pinagiging matatag para sa mas mahihirap na tungkulin, habang dala ang mga sugat--nang mapagkumbaba ngunit matagumpay--mula sa mga nakaraang labanan.
Ano ang bisa ng masasamang punang naririnig natin ngayon (tingnan sa 1 Ne. 8:33), kung sa malao't madali'y malalaman ng matatapat kung paano ang "[ma]yakap ng mga bisig ni Jesus"? (Mormon 5:11).
Ano ang bisa ng mga panlilibak ngayon, kung sa malaon ay marinig natin ang maluluwalhating salitang, "Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin"? (Mat. 25:21).
Samantala, hinihimok tayo ni Pablo na "magkaroon ng pag-asa" (1 Cor. 9:10).
Kaya, kailangang-kailangan ang mahabaang pananaw at pag-asa sa ebanghelyo. Ang panlalait ngayon ay inilalagay sa pananaw ng ating pag-angat bukas sa plano ng kaligayahan ng Diyos (tingnan sa Alma 42:8, 16).
Dahil nais ng Panginoon na "masubukan sa lahat ng bagay" ang mga tao (D at T 136:31), gaano kaya tayo susubukan? Sinasabi Niya sa atin, "Susubukan ko ang pananampalataya at tiyaga ng aking mga tao"(tingnan sa Mosias 23:21). Dahil masusubukan ang pananampalataya sa oras ng Panginoon, pag-aralan nating sabihin hindi lamang "Sundin ang kalooban Mo," kundi matiyaga ring sabihing "Sundin ang oras Mo."
Sagana ang pag-asa sa mga salita ni Cristo "sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan," na "nangasulat dahil sa ikatututo natin" (Mga Taga Roma 15:4), at sinusuportahan "taglay ang lahat ng patotoong ito"(Jacob 4:6; tingnan din sa 2 Ne. 31:20). Kinapapalooban ang pananampalataya ng "kapanatagan sa mga bagay na inaasam" at ng katunayan ng "mga bagay na hindi nakikita"(PJS, Heb. 11:1; tingnan din sa Eter 12:6). Kung gayon, anuman ang aba nating gawain, dapat tayong "magkaroon ng pag-asa"(I Cor. 9:10), na sa bandang huli'y magkaroon ng "ganap na kaliwanagan ng pag-asa"(2 Ne. 31:20; Alma 29:4).
Sa kabila nito'y napakarami sa mga di-gaanong nakapangako, tulad ni Naaman, ang naghihintay na sabihan ng Panginoon na "gumawa [sila] ng mahirap na bagay," habang tinatanggihan ang Kanyang mga mumunting pakiusap (II Hari 5:13). Nang siya ay mapaaba at maitama, hindi lamang naging parang sa isang bata ang laman ni Naaman, kundi maging ang kanyang puso (tingnan sa II Mga Hari 5:1415). Ang pagkabigong mapaglingkuran ang Guro sa maliliit na paraan ay naglalayo sa atin sa Kanya (tingnan sa Mosias 5:13).
Ang mga "nagkaroon ng pag-asa" ay hindi lamang nauunawaan ang batas ng pag-aani kundi pati na ang tungkol sa panahon ng pagtubo. Totoo, dumaranas pa rin ang mga may tunay na pag-asa ng mga di inaasahang pagbabago at hamon sa kanilang buhay, ngunit nang may "mata ng pananampalataya" nakikita pa rin nila ang plano ng Diyos (Alma 5:15).
Ang tunay na pag-asa, mangyari pa, ay kaugnay kay Jesus at sa dakilang Pagbabayad-sala na may libreng kaloob ng pangkalahatang pagkabuhay na mag-uli at alok na pinakadakilang kaloob ng Diyos, ang buhay na walang hanggan (tingnan sa Moroni 7:4041; Alma 27:28; D at T 6:13; 14:7).
Ilang kasulatan ang naglalarawan ng diwa ng maluwalhati at nakapagliligtas na Pagbabayad-salang iyon, kabilang na ang talatang makapigil-hininga, at talambuhay na nagtatapat "kung maaari ay hindi lagukin [ni Jesus] ang mapait na saro at manliit"(D at T 19:19). Dahil ang "walang hanggang pagbabayad-sala" ay nangailangan ng walang hanggang pagdurusa, naroon ang panganib na umatras! (2 Ne. 9:7; Alma 34:12.) Lahat ng sangkatauhan ay nakasalalay sa pagkatao ni Cristo! Sa kabutihang-palad hindi siya nanliit kundi "tinapos ang [Kanyang] mga paghahanda para sa mga anak ng tao"(D at T 14:18, 19).
Ang kakaibang pagkamasunurin ni Cristo ay lagi nang naroon. Tunay na Kanyang "binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula" (3 Nephi 11:11), na lubos na minamasdan ang ginagawa ng Kanyang Ama: "Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa Kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka't ang lahat ng bagay na kaniyang ginagawa, ay. . .ginagawa ng Anak sa gayunding paraan"(Juan 5:19).
Ang pahayag na ito ay nagpapahiwatig ng mga dakilang bagay--hanggang sa kabilang buhay.
Sa mahirap na proseso ng pagbabayad-sala, hinayaan ni Jesus ang Kanyang kalooban na "mapasakop sa kalooban ng Ama" (Mosias 15:7). Dahil malaya tayong kumilos para sa ating sarili, ang piliing sumunod sa mga utos ng Diyos ang pinakamahalagang paggamit ng ating pagpili. Ito lamang ang pagsukong katumbas ng tagumpay! Ang paghuhubad ng likas na tao ay napapadali sa pagsusuot ng buong kagayakan ng Diyos na dati-rati'y hindi magkasya! (tingnan sa Ef. 6:11, 13).
"Ibinuhos" din ng mapagtubos na si Jesus. . . "ang kanyang kaluluwa sa kamatayan." (Mosias 14:12; tingnan din sa Isaias 53:12; D at T 38:4). Habang "ibinubuhos" natin ang ating kaluluwa sa mga personal na pagsamo at matapos masaid, nag-iiwan ito ng puwang para sa higit na kagalakan!
Isa pang mahalagang kasulatan ang naglalarawan sa pagtapak ni Jesus sa pisaan ng ubas ng "kabangisan ng poot ng Pinakamakapangyarihang Diyos" (D at T 88:106; tingnan din sa D at T 76:107; 133:50). Nakahihikayat, nakapagbibigay-puri, nakapananalangin at nakapag-aaliw ang iba ngunit nananatiling nakaatang sa ating balikat ang pagbuhat at pagdadala ng ating sari-sariling krus. Sa "kabangisan" na tiniis ni Cristo para sa atin, hindi natin maaasahang maging madali ang pagiging disipulo. Habang naghahangad tayo ng kapatawaran, halimbawa, maaaring maging mahirap ang pagsisisi. At huwag tayong gaya ng iba na ipinagkakamali na ang maliliit na pagkakamaling ginagawa natin ay pagsubok na iniatang sa atin!
Na namumukod-tangi, ang nagbayad-salang si Jesus ay "nagpakababa-baba sa lahat ng bagay, sa gayon kanyang nauunawaan ang lahat ng bagay" (D at T 88:6; tingnan din sa D at T 122:8). Kay baba siguro ng pagpapakababang iyon tungo sa kawalang-pag-asa at di-maarok na pagdurusa. Ginawa Niya ito upang iligtas tayo at upang maunawaan ang paghihirap ng tao. Kaya, huwag nating tanggihan ang mga nagtuturong karanasang iyon na lilinangin sa pagkakaroon natin ng awa (tingnan sa Alma 7:1112). Hindi uubra ang pusong may katamaran, at maging ang pusong maramdamin. Samakatwid, ang matanggap nang lubos sa "pakikisama ng kaniyang mga kahirapan" ay nangangailangan ng lubos na pagsunod kay Jesus (Fil. 3:10; tingnan din sa I Cor. 1:9).
Bukod diyan, hindi lang ang ating mga kasalanan ang binayaran ni Jesus, kundi pati na ang ating mga sakit at hinagpis (tingnan sa Alma 7:1112; Mat. 8:17). Kung gayo'y batid Niya ang lahat ng ating pinagdadaanan at kung paano igagawad ang Kanyang ganap na awa--gayundin kung paano tayo tutulungan. Mas kahanga-hanga ang Kanyang pagdurusa dahil "tinapakan [Niya] ang pisaan ng ubas nang mag-isa" (D at T 133:50).
Paminsan-minsa'y tumatangis ang Diyos sa Langit (tingnan sa Moises 7:28). Pinag-iisipan nating mabuti ang mga pagdurusa sa walang hanggang Pagbabayad-sala ni Jesus at ang damdamin ng Ama--para sa Kanyang Anak at sa atin. Walang kaugnay na mga kasulatan dito kundi ang ating limitadong madamdaming pag-iisip tungkol dito.
Kung tayo, tulad ng Tagapagligtas, ay hindi "manliit," dapat nating sundin lahat ang ipinag-uutos ni Cristo, at kumilos saanman dalhin ng mga nagtuturong doktrina ng Guro. Kung hindi'y susundin lamang natin ang ilang nais ni Jesus at pagkatapos ay biglang titigil sa pagsunod sa Kanya (tingnan sa Juan 6:66.) Ang panliliit ay kinabibilangan ng pagtigil at maging ng pagtalikod.
Kapag higit nating kilala si Jesus, higit natin Siyang mamahalin at pagtitiwalaan, higit nating nanaising maging katulad Niya at makapiling Siya sa pamamagitan ng pagiging uri ng taong nais Niyang tularan natin (tingnan sa 3 Ne. 27:27), habang namumuhay sa ngayon "nang maligaya"(2 Ne. 5:27).
Kung gayon, sa tulong ng Espiritu Santo, magagawa nating "luwalhatiin" si Cristo sa pamamagitan ng pagsisisi at nang sa gayon ay makamtan ang mga pagpapala ng kahanga- hangang Pagbabayad-salang inilaan Niya para sa atin sa nakagugulat na halaga! (tingnan sa Juan 16:14). Kaya, mga kapatid, sa pagkaalam ng dahilan ng pagkamatay ni Jesus, handa ba tayong mabuhay na may mga hamong naghihintay sa atin? (tingnan sa Alma 29:4, 6). Ang panginginig sa takot ay kapwa pinahihintulutan at nauunawaan.
May mga natatanging paraang maitutulad natin ang ating sarili sa "diwa" ng mga banal na kasulatan tungkol kay Jesus at sa Pagbabayad-sala, gayunman ang lahat ay tinalakay sa mahalagang kasulatang ito: "Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin"(Mat. 11:29). Sa katunayan, wala nang ibang paraan para matuto nang lubos! (tingnan sa 1 Ne. 19:23). Malawak at pangkalahatan ang walang hanggang Pagbabayad-sala, pero ang totoo'y napakapersonal nito! Sa kabutihang palad mapatatawad tayo sa pamamagitan ng pagbabayad-sala at, pinakamahalaga, malalaman nating tayo'y napatawad--ang kahuli-hulihang masayang paglayang iyon mula sa pagkakasala.
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, nakakamtan natin ang mga kaloob ng Espiritu Santo na "pumupuno ng pag-asa at ganap na pag-ibig"(Moro. 8:26). Walang sinuman sa atin ang mabubuhay nang wala ang pag-asa at pag-ibig na kinakailangan sa pagharap sa mga pagsubok at hadlang sa ating buhay!
Kung gayon, sa pagsunod natin sa mga utos ni Cristo, dapat nating labanan ang mundo (tingnan sa 1 Juan 5:34); upang tapusin ang gawaing iniatas sa atin; upang maranasan ang mahihirap na pagsubok nang hindi nagdaramdam; upang maranasan ang pagbuhos ng ating mga kaluluwa; upang magpasakop sa kalooban ng Ama; upang kilalanin--mahirap man ang mga nakapagtuturong pagsubok--na totoong "Ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti"(D at T 122:7); at magtiis at umasa hanggang wakas--samantalang niluluwalhati Siya at ginagamit ang mga walang katumbas na kaloob na ibinigay Niya sa atin, kabilang na balang araw, ang "lahat" ng mayroon Siya (D at T 84:38).
Sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen!