The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
April 2001
Ang Batas ng Ayuno

Ang Batas ng Ayuno

Elder Joseph B. Wirthlin
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Ang pag-aayuno na sinamahan ng matinding panalangin ay mabisa. Mapupuspos nito ang ating mga isipan ng mga paghahayag ng Espiritu. Mapalalakas tayo nito laban sa mga panahon ng tukso."

Elder Joseph B. Wirthlin

Mga minamahal kong kapatid, nadarama ko tulad ninyo na si Elder David B. Haight ay isang inspirasyon sa buong Simbahan at sa marami pang iba.

Dalawang libong taon na ang nakalilipas, sa buhanginan at mga batuhan ng Galilea ay lumakad ang isang lalaking ilan lang ang nakakilala kung sino Siya talaga: ang Maylikha ng mga sanlibutan, ang Manunubos, ang Anak ng Diyos.

Isang abogado ang lumapit sa Kanya at nagtanong, "Alin baga ang dakilang kautusan?"

Sumagot si Jesus, "Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo.

"Ito ang dakila at pangunang utos.

"At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. "Sa dalawang utos na ito'y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta."1

Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, muling itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa mga tao. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ipinanumbalik sa mundo sa mga huling araw na ito, ay nakasentro sa mga kautusang iyon na ipinahayag ng Tagapagligtas bilang pinakadakila: ang mahalin ang ating Ama sa Langit at ang ating kapuwa. Sinabi ng ating Tagapagligtas, "Kung mahal ninyo ako kayo ay maglilingkod sa akin at susunod sa lahat ng aking kautusan."2 Makapagpapakita tayo ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng ayuno. Ang batas na ito ay nakabatay sa pangunahin ngunit malalim na alituntunin--isang simpleng gawain--na, kung susundin nang may angkop na diwa, ay tutulong sa ating mapalapit sa ating Ama sa Langit at mapalakas ang ating pananalig habang kasabay nito'y tinutulungan tayong pagaanin ang mga pasanin ng iba.

Sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, hinihikayat ang mga miyembro na mag-ayuno tuwing kailangan ng natatanging pagpapatibay ng kanilang pananampalataya at palagiang mag-ayuno minsan isang buwan sa araw ng ayuno. Sa araw na iyon, hindi tayo kumakain o umiinom ng dalawang magkasunod na kainan, nananalangin tayo sa ating Ama sa Langit, at naghahandog- ayuno para tulungan ang mahihirap. Ang handog ay dapat katumbas ng halaga ng pagkaing dapat na kinain. Karaniwan, itinatalaga ang unang Linggo ng bawat buwan bilang Linggo ng ayuno. Sa araw na iyon, ang mga miyembro na may pisikal na kakayahan ay hinihikayat na mag-ayuno, manalangin, magpatotoo sa katotohanan ng ebanghelyo at magbayad ng bukas-palad na handog-ayuno. "Ang batas ng ayuno," ayon sa turo ni Elder Milton R. Hunter, "ay kasingtanda na marahil ng mag-anak ng tao.. . . Noong mga sinaunang panahon, pauulit-ulit na ibinigay ng mga propetang pinuno sa mga miyembro ng Simbahan ang kautusang sundin ang batas ng ayuno at pananalangin."3

Napapansin natin na sa mga banal na kasulatan, halos laging nauugnay ang pag-aayuno sa panalangin. Kung walang panalangin, hindi kumplet ang pag-aayuno; simpleng pagpapagutom lang ito. Kung nais nating higit pa sa hindi pagkain ang ating pag-aayuno, dapat na iangat natin ang ating mga puso, isipan, at tinig sa pananalangin sa ating Ama sa Langit. Ang pag-aayuno na sinamahan ng matinding panalangin ay mabisa. Mapupuspos nito ang ating mga isipan ng mga paghahayag ng Espiritu. Mapalalakas tayo nito laban sa mga panahon ng tukso.

Ang pag-aayuno at panalangin ay makatutulong sa ating magkaroon ng tapang at tiwala. Mapalalakas nito ang ating pagkatao at makapagbubuo ng pagpipigil sa sarili at disiplina. Kadalasan kapag nag-aayuno tayo, mas nagkakaroon ng bisa ang mga matwid nating panalangin at pagsusumamo. Lumalago ang mga patotoo. Umuunlad tayo sa espirituwal at emosyonal at napababanal ang ating kaluluwa. Sa tuwing mag-aayuno tayo, nakatatamo tayo ng higit pang pagpipigil sa mga makamundo nating hilig at pagnanasa.

Matutulungan tayo ng pag-aayuno at panalangin sa ating mag-anak at sa araw-araw nating gawain. Matutulungan tayo ng mga ito sa pagtupad sa mga gawain natin sa Simbahan. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson, "Kung nais ninyong matamo ang diwa ng inyong katungkulan at gawain bilang pangulo ng korum, bagong [tagapayo] sa mataas na kapulungan, bagong obispo [o, pangulo ng Samahang Damayan]--subukan ninyong mag-ayuno. Hindi lang kayo basta liliban ng pagkain, at pagkatapos ay dodoblehin naman ninyo ang pagkain sa susunod na kainan. Ang ibig kong sabihin ay tunay na pag-aayuno, at pananalangin sa panahong iyon. Mas makapagbibigay ito ng tunay na diwa ng inyong katungkulan at gawain at pinahihintulutan nito ang Espiritu na kumilos sa pamamagitan ninyo kaysa sa anupamang nalalaman ko."4

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, "Gawin ito ng lahat ng banal, at hindi na kailanman magkakaroon ng kakulangan sa pagkain: Kapag nagugutom ang mga maralita, hayaang mag-ayuno ang mga nakaririwasa sa isang araw at ibigay ang dapat na kakainin nila sa mga obispo para sa mga maralita, at ang lahat ay mananagana sa mahabang panahon.. . . At hangga't ipinamumuhay ng mga banal ang alituntuning ito nang may galak sa puso at ngiti sa mukha, lagi silang mananagana."5

Itinuro ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang batas ng ayuno. "Masdan, ngayon ito ay nangyari na, na ang mga tao ni Nephi ay labis na nagsaya, dahil sa sila ay muling iniligtas ng Panginoon mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway; anupa't sila ay nagbigay-pasasalamat sa Panginoon nilang Diyos; oo, at labis silang nag-ayuno at labis na nanalangin, at sinamba nila ang Diyos sa labis na kagalakan."6

Ang mabisang kombinasyon ng pag-aayuno at panalangin ay ipinakita ng apat na anak na lalaki ni Mosias. Humarap sila sa mga nakapupuspos na pagsubok, subalit gumawa ng mga himala sa pagdadala ng libu-libong Lamanita sa kaalaman ng katotohanan. Ibinahagi nila ang sikreto ng kanilang tagumpay. "Sinaliksik nila ang mga banal na kasulatan" at "itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin at pag-aayuno." Ano ang resulta? "Taglay nila ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos."7

Kapag nag-aayuno tayo, nagugutom tayo. At, sa maikling panahon, literal nating inilalagay ang ating sarili sa katayuan ng mga nagugutom at nangangailangan. Habang ginagawa natin ito, nagkakaroon tayo ng higit na pang-unawa sa kakulangang nadarama nila. Kapag nagbibigay tayo sa obispo ng handog upang ibsan ang paghihirap ng iba, hindi lang tayo gumagawa ng kadakilaan para sa iba, kundi gumagawa rin tayo ng isang napakagandang bagay para sa ating sarili. Itinuro ni Haring Benjamin na kapag nagbibigay tayo ng ating kabuhayan sa mga maralita, pinananatili natin ang "kapatawaran ng [ating] mga kasalanan sa araw-araw."8

Ipinaliwanag din ng isa pang propeta sa Aklat ni Mormon na si Amulek na madalas na walang bisa ang ating mga panalangin dahil tinalikuran natin ang mga nangangailangan.9 Kung nadarama ninyo na hindi pinakikinggan ng Ama sa Langit ang mga pagsusumamo ninyo, tanungin ninyo ang inyong sarili kung pinakikinggan ba ninyo ang mga hinaing ng mga maralita, ng mga may karamdaman, ng mga nagugutom, at ng mga naghihirap na nasa paligid ninyo.

Ang ilan ay tumitingin sa nakapupuspos na pangangailangan ng daigdig at iniisip, "Ano ang magagawa ko na maaaring makapagbigay ng kaibahan?"

Sasabihin ko nang simple ang isang bagay na maaari ninyong gawin. Tuparin ninyo ang batas ng ayuno at magbigay ng bukas-palad na handog-ayuno.

Sa iisang layunin lang ginagamit ang mga handog-ayuno: ang pagpalain ang buhay ng mga nangangailangan. Bawat piso na ibinibigay sa obispo bilang handog ayuno ay napupunta sa pagtulong sa mga maralita. Kapag sumobra ang donasyon sa mga pangangailangang lokal, ipinapasa ito upang punan ang iba pang pangangailangan saanman.

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, nakapaglibot na ako sa daigdig at nagpapatotoo tungkol sa Kanya. Nasa harapan ninyo ako ngayon upang magbigay ng isa pang patotoo--isang patotoo ukol sa paghihirap at pangangailangan ng milyun-milyong anak ng ating Ama sa Langit. Napakarami sa mundo natin ngayon--libu-libong mag-anak--ang nakakaranas ng kakulangan bawat araw. Nagugutom sila. Dumadaing sa tindi ng lamig. Nagkakasakit. Nagdadalamhati sila para sa kanilang mga anak. Nalulungkot sila para sa kaligtasan ng kanilang mag-anak. Ang mga taong ito ay hindi mga taga-ibang lupa at manglalakbay, kundi mga anak ng ating Ama sa Langit. Sila ay ating mga kapatid. Sila ay "mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios."10 Umaabot sa langit ang mga taimtim nilang panalangin na nagsusumamo ng kapahingahan, kaginhawahan mula sa kahirapan. Sa oras na ito mismo sa araw na ito, nananalangin ang mga miyembro ng Simbahan para sa himalang magpapahintulot sa kanila na mapagtagumpayan ang mga paghihirap na nakapalibot sa kanila. Kung hindi tayo naaawa sa kanila at kaagad na tumutulong sa kanila, bagamat may kakayahan tayong gawin ito, nanganganib tayong makabilang sa mga tinukoy ni Moroni nang sabihin niyang, "Sapagkat masdan, iniibig ninyo ang salapi, at inyong kabuhayan, ang inyong maiinam na kasuotan . . . nang higit sa inyong pagmamahal sa mga maralita at nangangailangan, sa may karamdaman at sa naghihirap."11

Naaalaala ko pa nang lubos ang aking ama, ang obispo ng aming purok, na pinupuno ang maliit na pula kong bagon ng pagkain at damit at tinatagubilinan ako--bilang diyakono ng Simbahan--na hilahin ang bagon at puntahan ang mga tahanan ng mga nangangailangan sa aming purok.

Kadalasan, kapag nasasaid na ang pondo ng handog-ayuno, ginagamit ni Itay ang sarili niyang pera para tustusan ng pagkain ang mga nangangailangan sa kanyang purok upang hindi sila magutom. Yaon ang mga panahon ng Great Depression at maraming mag-anak ang naghihirap.

Naaalaala ko ang isang mag-anak na binisita ko: isang sakiting ina, isang ama na walang trabaho at nasisiraan na ng loob, at limang anak na namumutla sa gutom at kawalang pag-asa. Naaalaala ko ang pasasalamat na nabakas sa kanilang mukha nang pumasok ako sa pintuan nila na may dalang isang bagong punung-puno ng kinakailangang panustos. Naaalaala ko ang pagngiti ng mga bata. Naaalaala ko ang pag-iyak ng ina. At naaalaala kong tumayo ang ama na nakayuko, at hindi makapagsalita.

Ang mga alaalang ito at ang marami pang iba ang nagpaigting ng pagmamahal ko para sa mga maralita, ng pagmamahal ko para sa aking ama na nagsilbi bilang pastol sa kanyang kawan, at pagmamahal para sa matatapat at mga mapagparayang miyembro na nagsakripisyo nang labis upang tulungang maibsan ang paghihirap ng iba.

Mga kapatid, sa isang banda, makapagdadala rin kayo sa nangangailangang mag-anak ng bagon na puno ng pag-asa. Paano? Sa pamamagitan ng pagbabayad ng bukas-palad na handog-ayuno.

Mga magulang,turuan ninyo ang inyong mga anak ng mga kagalakan ng wastong pag-aayuno. At paano ninyo magagawa iyan? Tulad ng iba pang alituntunin ng ebanghelyo. . .ipakita ninyo ito sa kanila sa pamamagitan ng halimbawa. Pagkatapos, tulungan silang ipamuhay ang batas ng ayuno sa sarili nila mismo, nang unti-unti. Maaari silang mag-ayuno at maaari rin silang magbayad ng handog-ayuno, kung gugustuhin nila. Habang tinuturuan nating mag-ayuno ang ating mga anak, mabibigyan sila nito ng lakas na paglabanan ang mga tuksong darating sa buhay nila.

Magkano ang dapat nating ibayad sa mga handog-ayuno? Mga kapatid, ang halaga ng inihahandog natin upang mapagpala ang mga maralita ay ang sukatan ng pasasalamat natin sa ating Ama sa Langit. Tayo ba, na masaganang nabiyayaan, ay tatalikod sa mga nangangailangan ng ating tulong? Ang pagbabayad ng bukas-palad na handog ay ang sukatan ng ating pagkukusang ilaan ang ating sarili upang maibsan ang paghihirap ng iba.

Si Brother Marion G. Romney, na siyang obispo ng aking purok nang matawag ako sa misyon at kalaunan ay naglingkod bilang miyembro ng Unang Panguluhan ng Simbahan ay nagpayo, "Maging bukas-palad sa inyong pagbibigay, upang kayo mismo ay umunlad. Huwag magbigay nang dahil lamang sa kapakinabangan ng mga maralita, kundi magbigay rin para sa inyong sariling kapakanan. Magbigay nang sapat upang maibigay ninyo ang sarili sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng paglalaan ng inyong kabuhayan at panahon."12

May sagradong tungkulin ang mga diyakono ng Simbahan na dumalaw sa mga tahanan ng bawat miyembro upang mangolekta ng mga handog-ayuno para sa mga maralita. Isinalaysay sa akin ni Pangulong Monson kung paano niya nahiwatigan bilang batang obispo na dumaraing ang mga batang diyakono sa kanyang purok tungkol sa pangangailangang gumising nang napakaaga upang mangolekta ng mga handog-ayuno. Sa halip na pagawain ang kabataang lalaki, isinama sila ng matalinong obispo sa Welfare Square, sa Salt Lake City.

Doon, nakilala ng mga kabataang lalaki ang isang may kapansanang babae na nagpapatakbo ng switchboard. Nakita nila ang isang bulag na lalaki na naglalagay ng etiketa sa mga lata, isang matandang lalaki na nagsasalansan sa mga kabinet. Bilang resulta ng nakita nila, sinabi ni Pangulong Monson na ganap na natahimik ang mga kabataang lalaki habang sinasaksihan nila ang resulta ng kanilang mga ginagawang pangongolekta ng mga sagradong pondo na tumutulong sa mga nangangailangan at naglalaan ng trabaho sa mga taong hindi sana naging kapaki-pakinabang.13

Bilang mga miyembro ng Simbahan, may sagradong responsibilidad tayo na alalayan ang mga nangangailangan at tulungang ibsan ang mabibigat na pasanin nila. Ang pagsunod sa batas ng ayuno ay makatutulong sa lahat ng tao sa lahat ng bansa. Itinanong ni Pangulong Gordon B. Hinckley, "Ano ang mangyayari kung ginagawa ang mga alituntunin ng araw ng ayuno at handog-ayuno sa buong daigdig? Mapakakain ang nagugutom, mabibihisan ang hubad, may makakanlungan ang mga walang tahanan.. . . Isang bagong sukatan ng pagmamalasakit at pagpaparaya ang lalago sa puso ng mga tao saanman."14

Ang pag-aayuno sa angkop na diwa at sa pamamaraan ng Panginoon ay espirituwal na magpapasigla sa atin, magpapalakas ng disiplina natin sa sarili, pupuno ng kapayapaan sa ating tahanan, magpapagalak sa ating puso, magpapatibay sa atin laban sa tukso, maghahanda sa atin sa mga panahon ng kagipitan, at magbubukas ng mga dungawan sa langit.

Pakinggan ang masasaganang pagpapala na ipinropresiya para sa mga taong ipinamuhay ang batas ng ayuno: "Kung gayo'y tatawag ka at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya'y magsasabi, Narito ako.. . . Papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako,. . .at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat."15

Habang ipinamumuhay natin ang batas ng ayuno, hindi lang tayo higit na napapalapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, kundi pinakakain din natin ang mga nagugutom at kinakalinga ang mga maralita. Tuwing gagawin natin ito, tinutupad natin kapwa ang mga dakilang kautusan kung saan "nauuwi ang buong kautusan at ang mga propeta."16

Alam ko na si Jesus ay buhay. Alam ko na si Pangulong Gordon B. Hinckley ang ating propeta, tagakita, at tagapaghayag. Taimtim akong sumasaksi sa katotohanang ito. Pinatototohanan ko na Siya na nahabag sa "pinakamaliit na ito"17 ay nangangalaga sa mga ngayo'y "tumutulong sa mahihina, itinataas ang mga kamay na nakababa, at nagpapalakas sa tuhod na mahihina."18

Nagpapatotoo ako at nangangako kasama ng mga dakilang Apostol na nauna sa akin na yaong magpapamuhay ng batas ng ayuno ay tiyak na makatutuklas ng mga masaganang pagpapala na lakip ng banal na alituntuning ito. Ito'y taimtim kong pinatotohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mat. 22:37–40.
2. D at T 42:29.
3. Will a Man Rob God? (1952), 207–8.
4. The Teachings of Ezra Taft Benson, (1988), 331–32.
5. History of the Church, 7:413.
6. Alma 45:1.
7. Tingnan sa Alma 17:2–3.
8. Mosias 4:26.
9. Tingnan sa Alma 34:28.
10. Ef. 2:19
11. Morm. 8:37.
12. "The Blessings of the Fast," Ensign, Hulyo 1982, 4.
13. "The Way of the Lord," Ensign, Nob. 1977, 8.
14. "The State of the Church," Ensign, Mayo 1991, 52–53.
15. Isa. 58:9, 11.
16. Mat. 22;40.
17. Mat. 25:40.
18. D at T 81:5.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy