The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
April 2001
"Ang Lumakad na May Kababaan Kasama ang Inyong Diyos"

"Ang Lumakad na May Kababaan Kasama ang Inyong Diyos"

Elder Marlin K. Jensen
Ng Panguluhan ng Pitumpu

"Ang totoong pagpapakumbaba ay di-malayong aakayin tayong sabihin sa Diyos, 'Sundin ang loob mo.' "

Elder Marlin K. Jensen

Isa sa mga di-malilimutang paksa sa pangkalahatang komperensiya noong nakaraang Oktubre, bukod pa sa pag-aalala tungkol sa kung ano ang ating ginagawa, ay na tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay nararapat ding bigyang-pansin kung ano tayo at ang pinagsusumikapan nating kahinatnan.1 Taglay sa isipan ang prinsipyong iyon, taimtim akong nakinig sa pananalita ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa mga kabataan ng Simbahan noong nakaraang Nobyembre,. Naantig ako sa anim na walang katumbas na karunungang ibinahagi niya na naglalarawan ng dapat kahinatnan ng mga kabataan. Isa sa anim--"maging mapagpakumbaba"--ang napagtuunan ko ng pansin.

Nang imungkahi ko sa aking kabiyak maraming linggo na ang nakalipas na dahil sa pananalita ni Pangulong Hinckley, inisip kong gawing paksa ang pagpapakumbaba para sa aking pananalita ngayon, napahinto siya, at may ningning sa kanyang mata na pabirong sinabi, "Ilang araw na lang pala ang nalalabi sa iyo para magtamo ng kaunti niyan!" Dahil nahikayat ako, pinaglimian ko kung ano ang mga kailangan sa pagsunod sa atas ni Pangulong Hinckley na "maging mapagpakumbaba."

Bilang panimula, hindi dapat maging kagulat-gulat na, sa tantiya ng ilan, mababa ang ranggo ng pagpapakumbaba sa mga kanais-nais na pag-uugali. Mga popular na aklat ang naisulat nitong mga nakaraang taon lamang tungkol sa paninindigan, sentido komon, pagkamagalang, at marami pang ibang magandang pag-uugali, ngunit mukhang walang gaanong interesadong bumili ng mga aklat tungkol sa pagpapakumbaba. Halatang sa mga panahong ito kung kailan ang mga tao ay nagiging walang pakundangan, kapag tinuturuan tayong makipagkasundo sa iba sa pamamagitan ng pananakot, at ang pamimilit ay naging bahagi na ng pangangalakal, kakaunti at di kapuna-puna ngunit mahalagang minoridad ang mga naghahangad na maging mapagpakumbaba.

Mahirap ding buong kamalayang pagsikapan na magkamit ng pagpapakumbaba. Naaalala ko na minsan kong narinig ang isa sa aking mga kasamahan sa Pitumpu na nagsalita tungkol sa pagpapakumbaba na "kung ipinalalagay mong mapagpakumbaba ka, hindi totoo iyon." Iminungkahi niya na dapat nating pagsumikapang magkaroon ng pagpapakumbaba at tiyakin na hindi natin matuklasang nakamtan na natin ito, at tiyak na magkakaroon tayo nito. Ngunit kung iisipin nating mapagpakumbaba na tayo, hindi natin ito makakamtan.2

Ito ay isa sa mga aral na itinuturo ni C. S. Lewis sa kanyang bantog na Screwtape Letters. Sa liham bilang XIV, ang isang mabuting lalaki na hinihikayat ng diyablo at ng kanyang baguhang kasapi na pumanig sa kanila ay nagiging mapagpakumbaba, at sinabi ng diyablo na "masama ito." Matalas ang pang-unawa, ginawa ni Lewis na sabihin ng diyablo sa kanyang kasamahan na, "Naging mapagpakumbaba na ang iyong kliyente; ipinaalam mo na ba sa kanya ang katotohanang ito?"3

Sa kabutihang-palad, binigyan tayo ng Tagapagligtas ng isang huwaran para magkaroon ng pagpapakumbaba. Nang lapitan Siya ng Kanyang mga alagad at tinanong, "Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?" Tumugon Siya sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang bata sa kanilang harapan at pagsasabing, "Sinoman ngang magpakababa gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit."4

Sa talatang ito itinuturo sa atin ng Tagapagligtas na ang pagpapakumbaba ay pagiging isang bata. Paano nagiging bata ang isang tao at ano ang mga katangian ng bata na dapat nating tularan? Naglalaan ng patnubay si Haring Benjamin, sa kanyang malalim na sermon sa Aklat ni Mormon:

"Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama."5

Mukhang itinuturo ni Haring Benjamin na ang pagiging isang bata ay isang unti-unting proseso ng espirituwal na pag-unlad kung saan tayo ay inaalalayan ng Espiritu Santo at ng ating pag-asa sa Pagbabayad-sala ni Cristo. Sa pamamagitan ng prosesong ito, di maglalaon at makakamtan natin ang mga katangian ng bata na pagiging mahinahon, mapagpakumbaba, mapagtitiis, mapagmahal, at masunurin sa espiritu. Ang tunay na pagpapakumbaba ay kusang aakayin tayong sabihin sa Diyos, "Sundin ang loob mo." At, dahil kung ano tayo ay totoong naaapektuhan ng kung ano ang ginagawa natin, ang pagkamasunurin natin ay mamamasdan sa ating pamimitagan, pasasalamat, at pagkukusang tumanggap ng mga tungkulin, payo at pagwawasto.

Isang kuwentong napapaloob sa mga iniingatan ng angkan ni Brigham Young ang naglalarawan ng likas na pagkamasunurin at pagpapakumbaba. Isinalaysay dito ang isang pulong pampubliko nang pagsalitaan ng masakit ni Propetang Joseph si Brigham Young, maaaring bilang isang pagsubok, dahil sa isang bagay na ginawa niya o dapat na ginawa ngunit hindi niya nagawa--hindi malinaw ang detalye. Nang matapos magsalita si Joseph, hinintay ng lahat ng nasa silid ang tugon ni Brigham Young. Ang makapangyarihang lalaking ito, na nang malaon ay nakilala bilang Leon ng Panginoon, sa tinig na masasabi ng lahat na taos-puso, ay simple at mapagpakumbabang sinabi, "Joseph, ano ang gusto mong gawin ko?"6

Ang kapangyarihan ng tugong iyon mismo ay nagdudulot ng abang damdamin. Ipinaaalala nito sa atin na ang pinakadakilang pagpapakita ng tapang at pagmamahal sa kasaysayan ng sangkatauhan--ang sakripisyong pagbabayad-sala ni Cristo--ay isa ring napakadakilang pagpapakita ng pagpapakumbaba at pagkamasunurin. Maaaring iniisip ng ilan kung kailangang magpaubaya sa malalakas na opinyon at posisyon ng ibang tao ang mga naghahangad na maging mapagpakumbaba. Tiyak na ang buhay ng Tagapagligtas ay nagpapatibay na ang tunay na pagpapakumbaba ay kahit ano huwag lang ang pagpapaalipin, kahinaan, o pagsisilbi.

Isa pang makatutulong na pananaw tungkol sa pagpapakumbaba ang makakamtan sa pamamagitan ng pagsusuri sa kabaligtaran nito--ang kapalaluan. Gaya ng pagbibigay-daan ng pagpapakumbaba sa iba pang mga katangian tulad ng kahinhinan, pagtanggap ng kamalian, at di-pagkukunwari, nagbibigay-daan ang kapalaluan sa marami pang ibang bisyo. Sa teolohiya ng Banal sa mga Huling Araw, ang kapalaluan ang nagbigay-daan kay Satanas para maging kaaway ng lahat ng katotohanan. Ang paglago ng kahambugang ito, na tinaguriang hubris [sa wikang Greko], ang isinakatauhan ng mga matatalinong sinaunang Greko bilang tiyak na landas patungong kapahamakan.

Labindalawang taon na ang nakararaan nagpahayag si Pangulong Ezra Taft Benson ng isang makapangyarihang pananalita sa komperensiya na nagsasaad na ang kapalaluan "ang pandaigdigang kasalanan, ang pinakamalaking bisyo."7 Itinuro niya na ang kapalaluan ay talagang likas na mapagmataas at binanggit ang siping ito mula sa sinabi ni C. S. Lewis na: "Hindi nasisiyahan ang kapalaluan sa pagkakaroon ng anuman, kundi sa pagkakaroon ng higit ng anumang mayroon ang sinuman. Sinasabi natin na ang mga tao ay ipinagmamalaki ang pagiging mayaman, o matalino, o maganda, ngunit hindi naman pala gayon. Ang ipinagmamalaki nila ay ang pagiging mas mayaman, mas matalino, o mas maganda kaysa sa iba. Kung ang lahat ay naging magkakasingyaman, o magkakasingtalino, o magkakasingganda, wala silang maipagmamalaki. Nasa paghahambing ang nagbibigay sa inyo ng pagmamataas; ang kasiyahan sa pagiging mas mataas kaysa sa iba. Kapag nawala na ang kompetensiya, nawala na rin ang kapalaluan."8 Masyado namang makatawag-pansin ang komentaryong ito sa matinding kompetisyon at kapalaluang nagaganap sa mundo ngayon. Napakahalagang paalala rin nito sa ating mga pinagpala ng kaganapan ng ebanghelyo upang maiwasan kapwa ang kalagayan at kaanyuan ng kayabangan o panlalait sa lahat ng ating pakikipagkapwa-tao.

Kung minsa'y iniisip ko kung ano ang kahihinatnan ng buhay kung lahat tayo ay may higit na pagpapakumbaba.

Isipin ninyo ang isang mundo kung saan hahalinhan ng tayo ang ako bilang punong panghalip.

Isipin ninyo ang magiging epekto ng pagtatamo ng kaalaman kung ang magiging kalakaran ay ang pagkatuto nang walang paghahambog.

Isaalang-alang ninyo ang klimang mamamayani sa pagsasama ng isang mag-asawa o pamilya--o anumang organisasyon kung saka-sakali--kung sa pamamagitan ng tunay na pagpapakumbaba ay kusang aaminin ang mga pagkakamali at mapatawad, kung hindi tayo matatakot na purihin ang iba sa pangambang baka nila tayo mahigitan, at kung ang lahat ay makikinig na katulad ng mga pagpapahayag natin ngayon.

Pag-isipan ang mga pakinabang ng buhay sa isang lipunang hindi pinahahalagahan ang katayuan ng tao, kung saan mas inaalala ng mga mamamayan ang kanilang mga responsibilidad kaysa sa kanilang mga karapatan, at kung saan ang mga may kapangyarihan ay maaari pang malayang kumilos paminsan-minsan at mapagpakumbabang kilalanin na, "Maaari akong magkamali!" Dapat bang manaig sa ating diwa ang pangangailangan nating maging "tama"? Walang alinlangang ang di-pagpaparaya sa iba at sa kanilang mga pananaw ay walang iba kundi ang itinuturing ng mga Greko na hubris at ibinababala bilang salang pagpapakamatay. Nakapagtataka kung paano maaaring mapaiba ang pagkakasulat maging ng pinakabagong kasaysayan sa daigdig kung pasasailalim ang mga pangunahing kalahok dito sa mga mahinahong pag-uudyok ng pagpapakumbaba.

Mas mahalaga pa rito, isipin ninyo ang papel na ginagampanan ng pagpapakumbaba sa proseso ng pagsisisi. Hindi ba ang pagpapakumbaba, na kalakip ang malaking sampalataya kay Cristo, ang nagdadala ng nagkasala sa Diyos para manalangin, sa pinagkasalahan para humingi ng paumanhin, at kung kinakailangan, sa kanyang pinuno ng pagkasaserdote para magtapat?

Nagpapasalamat ako para sa mga halimbawa ng pagpapakumbaba na nasaksihan ko sa aking buhay.

Minsan sa init at pagkabigo ng isang maalinsangang hapon ng Hulyo, nagalit nang husto ang aking ama sa mga pagkakamali ko sa pagsasaka noong kabataan ko at pinarusahan ako nang mas matindi pa kaysa sa kasalanan. Nang malaon ay nilapitan niya ako para humingi ng paumanhin at magpahayag ng pagtitiwala sa aking mga kakayahan na lubos kong pinasalamatan. Ang abang pahayag ay nakintal sa aking alaala sa mahigit na 40 taon.

Namasdan ko ang palagiang pagpapakumbaba ng aking napakabait na kabiyak. Tulad ni Nephi na lumapit kay Lehi para sa direksyon matapos sumandaling magkamali si Lehi, nanatili siya sa aking tabi nang 34 na taon at sinuportahan at minahal ako "sa kabila ng aking mga kahinaan."9

Madalas akong naaantig ng mga katunayan ng pagpapakumbaba sa mga banal na kasulatan. Isipin ninyo si Juan Bautista na ipinahahayag ang Tagapagligtas, "Siya'y kinakailangang dumakila, ngunit ako'y kinakailangang bumaba."10 Isipin ninyo si Moroni na nagsusumamo sa atin na huwag siyang isumpa dahil sa kanyang mga kamalian, kundi upang pasalamatan ang Diyos na inilantad Niya ang mga kamalian ni Moroni para tayo matutong maging mas matalino kaysa sa kanya.11 Ni hindi natin dapat kalimutan ang pagbulalas ni Moises na matapos maranasan ang kadakilaan ng Diyos at ng Kanyang mga nilikha, ay kinilala na "sa kadahilanang ito, aking nalaman na ang tao ay walang kabuluhan, siyang bagay na hindi ko inakala kailanman."12 Hindi ba ang pagkilala ni Moises ng ating ganap na pag-asa sa Diyos ang simula ng tunay na pagpapakumbaba?

Sumasang-ayon ako sa manunulat na Ingles na si John Ruskin sa di-malilimutang pahayag na "ang pagsubok ng isang tunay na dakilang tao ay ang kanyang pagpapakumbaba." Patuloy niya: "Hindi ko nais ipakahulugan ang pagpapakumbaba na pag-aalinlanganan ang sarili niyang kapangyarihan.. . . [Ngunit ang mga tunay na] dakilang tao. . . ay may kakatuwang. . . damdamin na. . . ang kadakilaan ay wala sa kanilang kalooban, kundi nasa pamamagitan nila.. . . At nakakakita sila ng kabanalan. . .sa bawat tao. . ., at walang sawa, buong kahangalan, at nakapagtatakang sila ay maawain."13

Ang propeta sa Lumang Tipan na si Mikas, tulad ng ating buhay na propetang si Pangulong Gordon B. Hinckley, ay nag-aalala tungkol sa pangangalaga ng pag-unlad ng pagpapakumbaba. Sa kanyang mga alagad ay winika niya, "Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh tao, kung ano ang mabuti; at ano ang hinihingi ng Panginoon sa iyo, kundi gumawa na may kaganapan, at ibigin ang kaawaan, at lumakad na may kababaan na kasama ng iyong Dios."14

Pagpalain tayo ng Diyos na lumakad nang may pagpapakumbaba kasama Niya at lahat ng tao. Pinatototohanan ko na si Pangulong Gordon B. Hinckley ay totoong propeta at ang kanyang payong "maging mapagpakumbaba" ay mula sa Diyos. Pinatototohanan ko na si Jesucristo, ang mababang-loob at abang Anak, ay kumakatawan sa pagpapakumbaba. Alam kong balang araw ay luluhod tayo nang buong pagpapakumbaba sa paanan ng Tagapagligtas upang hatulan Niya.15 Nawa'y mamuhay tayo na handa para sa abang sandaling iyon, ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa "Mga Pang-aakit at Panunukso ng Daigdig," ni Neal A. Maxwell, Liahona, Ene. 2001, 45. "Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan," ni Dallin H. Oaks, Liahona, Ene. 2001, 40–43.
2. Albert Choules, Jr., di-inilathalang mga pinag-usapan sa pulong ng Korum ng Pitumpu, ika-15 ng Abril 1993.
3. The Screwtape Letters (1982), 62–63.
4. Mat. 18:1–4.
5. Mosias 3:19.
6. Tingnan sa "Hugh B. Brown-- Youthful Veteran," ni Truman G. Madsen, New Era, Abr. 1976, 16.
7. "Beware of Pride," Ensign, Mayo 1989, 6.
8. Mere Christianity (1960), 95.
9. 2 Ne. 33:11.
10. Juan 3:30.
11. Tingnan sa Mormon 9:31.
12. Moises 1:10.
13. The Works of John Ruskin, isinaayos nina E. T. Cook at Alexander Weddenburn, 39 tomo (1903–12), 5:331.
14. Mikas 6:8.
15. Tingnan sa Mosias 27:31; D at T 88:104.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy