The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
April 2001
Pagpapaunlad ng Ating Karanasan sa Templo

Pagpapaunlad ng Ating Karanasan sa Templo

Elder L. Lionel Kendrick
Ng Pitumpu

"May pagkakaiba ang pagdalo lamang sa templo at pagkakaroon ng isang makabuluhang karanasang espirituwal."

Elder L. Lionel Kendrick

Isa sa mga pinakadakilang pagpapalang tinatamasa natin ngayon ay ang pagkakataong makadalo sa templo. Sa walang humpay na pagdami ng mga templo, nakakamit ng dumaraming mga miyembro ng Simbahan ang mga pagpapala ng templo.

Hindi dapat balewalain ang mga pagpapalang ito. Iniutos ng Tagapagligtas na dapat ay "huwag [nating] lapastanganin ang mga bagay na banal" (D at T 6:12). Ang templo at ang mga banal na ordenansa ay tunay na banal at dapat tayong maging sensitibo sa mga ito. Sagradong pagpapala ang makadalo sa templo upang sambahin ang Panginoon.

May pagkakaiba ang pagdalo lamang sa templo at pagkakaroon ng isang makabuluhang karanasang espirituwal. Dumarating ang mga tunay na pagpapala ng templo habang pinauunlad natin ang karanasan doon. Para magawa ito kailangan nating madama ang diwa ng pagpipitagan at pagsamba sa templo.

DIWA NG PAGPIPITAGAN

Dapat tandaan ng lahat ng dumadalo sa templo ang payo ng Panginoon nang sabihin Niyang, "igagalang ninyo ang aking santuario" (Levitico 19:30). Ang pamimitagan ay isang pagpapahayag ng taimtim na paggalang, pagkilala, at pagsamba sa Panginoon. Ito ay pamimitagan sa Kanyang pangalan, mga salita, mga ordenansa at tipan, mga tagapaglingkod, mga kapilya, at mga templo.

Isa itong panlabas na pahiwatig ng ating niloloob para sa Kanya. Lagi nating alalahanin na dahil sa Kanyang paanyaya kaya tayo dumadalo sa Kanyang banal na bahay, ang templo ng Panginoon. Dapat tayong tumugon sa Kanyang paanyaya sa pamamagitan ng pagiging marapat, handa, at pagbibigay ng priyoridad sa templo sa ating buhay. Habang nasa templo dapat tayong kumilos na parang tayo ay nasa piling ng Kanyang kabanalan.

Ang pamimitagan ay hindi lamang pagiging tahimik. Nangangailangan ito ng pagkaunawa sa mga nangyayari. Nangangailangan ito ng makalangit na pagnanasang matuto at kahandaang tanggapin ang mga paghihikayat ng Espiritu. Nangangailangan ito ng pagsusumikap na maghangad ng karagdagang liwanag at kaalaman. Ang kawalang- pitagan ay hindi lamang kawalang-galang sa Maykapal, kundi hindi nito tinutulutan ang Espiritu na turuan tayo ng mga bagay na kailangan nating malaman.

Dapat mag-usap sa templo nang may pagpipitagan. Ang pagpipitagan ay hindi maliit ni karaniwang bagay. May mga walang hanggang kahihinatnan ito at dapat tratuhing likas na banal. Upang maging mapitagan sa templo kailangan natin itong ituring bilang pook ng kadalisayan at kabanalan.

Pook ng Kadalisayan. Ang templo ay pook ng kadalisayan. Napakahalagang mapanatili natin ang kadalisayan at kabanalan ng templo. Ipinangako ng Tagapagligtas na:

"At yayamang ang aking mga tao ay magtatayo ng isang bahay sa akin sa pangalan ng Panginoon, at hindi pahihintulutan ang anumang maruming bagay na pumasok dito. . .ang aking kaluwalhatian ay mananatili rito;

Oo, ako ay paroroon, dahil ako ay papasok doon" (D at T 97:15–16).

Dapat ihanda ng lahat ng papasok sa templo ang kanilang mga puso at isipan. Dapat silang makasagot ng oo sa mga katanungan ni Alma, nang sabihin niyang: "Kayo ba ay makatitingala sa Diyos sa araw na yaon nang may dalisay na puso at malinis na mga kamay? Sinasabi ko sa inyo, kayo ba ay makatitingala na ang larawan ng Diyos ay nakaukit sa inyong mga mukha?" (Alma 5:19).

Kapag mapitagan tayo sa templo, tumutulong tayong panatilihin itong dalisay at banal, malaya sa mga makagagambala at makalalabag sa Espiritu. Dapat nating alalahaning huwag makapagsalita o makagawa ng anumang laban sa Panginoon.

Ipinayo ni Pangulong David O. McKay na,"Kapag pumapasok kayo sa isang gusali ng Simbahan, pumapasok kayo sa kinaroroonan ng ating Ama sa langit; at dapat na sapat nang dahilan para sa inyo ang kaisipang iyan upang ihanda ang inyong puso, isipan, at maging ang inyong pananamit, upang kayo ay maging akma at angkop na umupo sa kanyang harapan" (Improvement Era, Hulyo 1962, 509).

Ang pagpipitagan ay kinapapalooban ng pag-iisip, pagsasalita, pagdama, at pagkilos tulad ng gagawin natin sa harapan ng Panginoon.

Pook ng Kabanalan. Ang templo ay pook ng kabanalan. Ito ang pinakasagrado at banal na pook sa lupa at dapat igalang at pagpitaganan nang labis. Ang pagpipitagan sa templo ay isang pagpapahayag sa Panginoon na itinuturing natin itong sagrado at kinikilalang tunay na banal na bahay Niya ito.

DIWA NG PAGSAMBA

Ang templo ay pook ng pagsamba. Ang pagpipitagan ay makalangit na uri ng pagsamba. Ito ay uri ng pagsamba na matatagpuan sa selestiyal na kaharian. Sa pangitain tungkol sa mga antas ng kaluwalhatiang ibinigay kay Propetang Joseph Smith, inilarawan ang selestiyal na pagsambang ito sa mga salitang:

"At sa ganito nakita namin ang kaluwalhatian ng selestiyal, . . .kung saan ang Diyos, maging ang Ama, ay naghahari sa kanyang luklukan magpakailanman at walang katapusan;

"Sa harapan ng kanyang luklukan lahat ng bagay ay yumuyukod sa mapagpakumbabang pagpipitagan, at nagbibigay sa kanya ng kaluwalhatian magpakailanman at walang katapusan" (D at T 76:92–93).

Ang ating pagsamba sa templo ay paghahanda upang mabuhay sa piling ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak. Dapat natin Silang sambahin sa diwa ng pagpapakumbaba at pagpipitagan.

Ang tunay na pagsamba sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay ay nangangahulugan na dapat nating paunlarin ang ating karanasan sa templo. Makakamtan natin ang makabuluhang karanasan sa templo sa paggawa ng mga sumusunod:

Una, kailangan nating talikuran ang mundo pagpasok natin sa templo.

Ikalawa, kailangan nating hangaring magkamit ng karagdagang liwanag at kaalaman.

Talikuran ang Mundo. Kapag pumapasok tayo sa templo dapat nating talikuran ang mundo. Dapat nating madama ang magiging kalagayan doon kapag pumasok tayo sa kinaroroonan ng Panginoon. Maaari nating pag-isipan kung ano ang iisipin at sasabihin natin sa Kanyang harapan. Kung mababanaag natin ang katotohanan ng kaganapang ito, matutulungan tayo nitong maghanda sa pagpasok sa Kanyang kinaroroonan at talikuran ang mundo pagpasok natin sa Kanyang templo.

1. Mga Kaisipan

Pagpasok natin sa bakuran ng templo, dapat nating talikuran ang mga makamundong kaisipan natin at ituon ang pansin sa ating mga sagradong responsibilidad habang naglilingkod tayo sa bahay ng Panginoon.

Dapat maging likas na espirituwal ang ating mga kaisipan. Kailangan nating alalahanin na batid ng Panginoon ang ating mga iniisip. Kinausap Niya si Ezekiel at sinabi, "nalalaman ko ang mga bagay na pumasok sa inyong pag-iisip" (Ezek. 11:5).

2. Mga Sasabihin

Binigyan tayo ng Tagapagligtas ng mahalagang payo hinggil sa mga sinasabi natin sa templo. Sinabi Niya: "Kaya nga, tumigil sa lahat ng inyong mabababaw na pananalita mula sa lahat ng halakhak, . . .mula sa lahat ng inyong kapalaluan at mababaw na pag-iisip" (D at T 88:121).

Gaya ng pagtalikod natin sa ating mga makamundong kaisipan pagpasok natin sa bakuran ng templo, dapat din nating talikuran ang ating mga makamundong pag-uusap. Hindi angkop na pag-usapan ang tungkol sa kalakal, kasiyahan, o mga kasalukuyang balita sa loob ng templo.

Hindi lamang ang sinasabi natin sa loob ng templo ang mahalaga, kundi maging ang ating pagsasalita. Dapat tayong magsalita sa mahina at pabulong na tinig sa lahat ng dako sa loob ng templo. Dapat na ganito ang ating tinig sa loob ng templo.

Dapat na may katahimikan sa mga lugar ng sagradong ordenansa ng templo, maliban sa mga kinakailangang pag-uusap hinggil sa pagsasagawa ng mga ordenansa. Ang mga lugar na ito ng ordenansa ay sagrado at hindi dapat gamitin para sa anumang makamundong usapan.

Binigyan tayo ng Tagapagligtas ng mapagmahal na payo na tutulong sa atin sa pagpapaunlad ng ating karanasan sa templo sa pamamagitan ng pagtalikod sa mundo: "At katotohanan sinasabi ko sa iyo na iyong isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti" (D at T 25:10).

Marahil ay angkop na tandaan natin ang sinabi ng Tagapagligtas kay David Whitmer:

"Subalit ang iyong isip ay nakatuon sa mga bagay ng mundo kaysa sa mga bagay na para sa akin, na iyong Maykapal,. . . at ikaw ay hindi tumalima sa aking Espiritu,. . .

"Dahil dito, ikaw ay iniwan upang magtanong para sa iyong sarili"(D at T 30:2–3).

Hangaring magkamit ng karagdagang liwanag at kaalaman. Ang pagkakamit ng karagdagang liwanag at kaalaman ay hindi isang prosesong walang katuturan. Kinapapalooban ito ng pagtutuon sa mga bagay ng Espiritu at paghahangad ng espirituwal na pagkatuto. Ipinayo ng Tagapagligtas: "At kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo; at yaong katawan na puno ng liwanag ay nakauunawa sa lahat ng bagay"(D at T 88:67).

Ang Espiritu Santo ang guro sa loob ng templo. Itinuturo Niya ang mga alituntuning may walang hanggang kabuluhan. Sa mga tagubiling ito natin nakikita ang kaugnayan ng mga bagay sa mundo at mga bagay na walang hanggan. Dapat nating tandaan na nagtuturo lamang ang Espiritu sa mga nais matuto. Kung papasok tayo sa templo na naghahangad ng karagdagang liwanag at kaalaman, matututo tayo at makauunawa ng kahit anong bago sa panahon ng karanasan sa templo. Ipinangako ng Tagapagligtas: "Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na. . .nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw"(D at T 50:24).

KATAPUSAN

Nawa'y mapaunlad natin ang ating karanasan sa templo nang may diwa ng pagpipitagan, na itinuturing itong pook ng kadalisayan at pook ng kabanalan. Nawa'y pag-ibayuhin natin angating karanasan sa templo, nang may pagsamba sa pamamagitan ng pagtalikod sa mundo at paghahangad na magkamit ng karagdagang liwanag at kaalaman. Kung gagawin natin ang mga bagay na ito, pagpapalain tayo ng Panginoon at magiging handa tayong mamuhay sa piling Niya. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy