The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
April 2001
Pagtatayo ng Kaharian

Pagtatayo ng Kaharian

Elder Bruce D. Porter
Ng Pitumpu

"Sa mga unang araw pa lang nito, itinayo na ang Simbahan ng Panginoon ng mga karaniwang taong ginampanan ang kanilang tungkulin nang may pagpapakumbaba at katapatan."

Elder Bruce D. Porter

Halos 25 taon na ang nakalilipas, nanirahan ang aking pamilya sa Massachusetts, kung saan nag-aaral ako sa graduate school. Kakaunti lang ang libreng oras ko dahil sa dami ng dapat pag-aralan. Isang araw ng Linggo sa Simbahan nilapitan ako ng pangulo sa Primarya sa purok at pinakiusapan akong magturo sa Primarya nang dalawang linggo. Noo'y idinaraos ang Primarya sa hapon ng anumang araw mula Lunes hanggang Biyernes, at alam kong mahihirapan akong isingit ito sa iskedyul ko. Ngunit matapos ang kaunting pag-aalinlangan, pumayag ako.

Dumating ang takdang araw para magturo sa Primarya. Nang hapong iyon nasa aklatan ako ng unibersidad, at subsob sa pagbabasa ng aklat tungkol sa pandaigdig na pulitika. Tila mas mahalaga ang pinag-aaralan kong paksa kaysa sa nalalapit na klase sa Primarya. Dahil dito, ipinagpaliban ko ang pagrerepaso ng araling ituturo ko hanggang 30 minuto bago magsimula ang klase. Pagkatapos ay naglakad ako mula sa aklatan pababa sa kapilya ng purok sa may hangganan ng kampus. Ang pag-aalinlangan ko sigurong magturo ang nagpabagal sa mga hakbang ko dahil nahuli ako nang ilang minuto. Nang papasok ako sa pintuan ng Primarya, kasisimula pa lamang sa pag-awit ang mga bata ng pambungad na himno. Noon ko lang narinig ang awiting iyon, na ang himig at mensahe ay nakaantig sa akin nang husto.


"Pagmamahal ko'y
Inyong tularan;
Ang bagong utos ay magmahalan.
Mababatid na
Kayo'y alagad ko, kung kayo
Ay nagmamahalan.
("Mahalin ang Bawat Isa," Mga Himno blg. 196)

Habang nakatayo akong parang tuod doon sa may pintuan, pinatotohanan ng Espiritu na minamasdan ko ang pinakamahalagang klaseng nagaganap sa Cambridge, Massachusetts sa araw na iyon.

Sa uniberdad, sa dose-dosenang silid-aralan at laboratoryo, mga bantog na iskolar ang naghahanap ng mga kasagutan sa mga problema ng mundo. Bagama't makabuluhan ang gayong mga pagsisikap, hindi hawak ng unibersidad ang mga wastong kasagutan sa mga problema ng magulong mundo. Narito sa aking harapan ang kasagutan ng Panginoon: ang tahimik na pagtatayo ng Kanyang kaharian sa lupa sa pamamagitan ng pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang nagaganap sa Primarya sa araw na iyon ay maliit na bahagi ng banal na planong inihayag para sa kaligtasan ng makasalanang mundo.

Noong Oktubre 1831, nagpahayag ang Panginoon hinggil sa Panunumbalik: "Ang mga susi ng Kaharian ng Diyos ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo, at mula rito ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa dulo ng mundo, gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay, ay lalaganap hanggang sa mapuno nito ang buong mundo" (D at T 65:2). Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kahariang iyon na ang tadhana ay para punuin ang daigdig. Ang mahimalang karunungan ng Makapangyarihan, ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa mga huling araw ay mangyayari sa pamamagitan ng kasingpayak at kasingsimpleng nasaksihan ko sa Primarya nang araw na iyon.

Nagagalak tayong makarinig ng mga templong itinatayo sa lahat ng dako ng mundo at ng malalayong bansang tumatanggap sa ebanghelyo. Itinayo sa pundasyon ng mga apostol at propeta, ang Simbahan ng Panginoon ay dinadala sa buong daigdig ng mga misyonerong tinawag upang ipahayag ang Kanyang salita. Kung minsan marahil ay iniisip nating ang pagtatayo ng Kaharian ay isang bagay na nagaganap sa mga lugar na napakalayo sa ating sariling sangay o purok. Ang totoo'y sumusulong ang Simbahan kapwa sa dami ng bilang ng mga miyembro at sa pagpapalakas sa kanila. "Sapagkat ang Sion ay kinakailangang maragdagan sa kagandahan, at sa kabanalan; ang kanyang mga hangganan ay kinakailangang mapalawak; ang kanyang mga istaka ay kinakailangang mapalakas" (D at T 82:14).

Hindi na tayo kailangang lumayo sa ating tahanan para maglingkod, ni humawak pa ng mataas na puwesto sa Simbahan o sa mundo upang maitayo ang kaharian ng Panginoon. Itinatayo natin ito sa ating mga puso, habang nagsisikap tayong mapasaating buhay ang Espiritu ng Diyos; sa ating mga pamilya, sa paglilinang ng pananampalataya sa ating mga anak. At itinatayo natin ito sa organisasyon ng Simbahan, habang ginagampanan natin nang mahusay ang ating mga tungkulin at ibinabahagi ang ebanghelyo sa mga kapitbahay at kaibigan.

Habang nagtatrabaho ang ating mga misyonero sa mga lugar na handa sa ebanghelyo, ang iba nama'y sa mga tahanan upang palakasin ang kaharian sa purok at komunidad na kanilang tinitirhan. Sa mga unang araw pa lang nito, itinayo na ang Simbahan ng Panginoon ng mga karaniwang taong ginampanan ang kanilang tungkulin nang may pagpapakumbaba at katapatan. Hindi mahalaga kung saang katungkulan tayo tinawag, kumilos lamang tayo "nang buong sigasig" (D at T 107:99). Sa mga salita ng makabagong paghahayag: "Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila" (D at T 64:33).

Ipinahayag minsan ni Pangulong Joseph F. Smith na "Hindi napagwawagian ang mga dakilang layunin, sa iisang henerasyon" (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon, 939 119). Higit saanman, nasa loob ito ng pamilya, sa tahimik na santuwaryo ng tahanan, na nagkakaisa ang mga henerasyon sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Ang pagpapalaki ng mga anak ay sagradong pribilehiyo. Nanawagan ang Unang Panguluhan sa mga magulang ng Simbahan na magdaos ng gabing pantahanan ng mag-anak at pangmag-anak na panalangin, na pag-aralan ang Ebanghelyo sa tahanan, at gumugol ng oras kasama ang mga anak sa mga makabuluhang gawain. Habang itinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga walang hanggang katotohanang minsa'y itinuro sa kanila, ipinapasa nila ang liwanag ng ebanghelyo sa isa pang henerasyon, at lumalakas ang Kaharian.

"Tayo'y mga bantay ng parola, na ang liwanag ay di dapat mamatay" ("For the Strength of the Hills," Hymns, no. 35).

Sa aking paglaki, madalas mamuno sa pamilya ang aking ama sa mga talakayan sa ebanghelyo sa paligid ng hapag-kainan. Sa paglingon ko lamang sa nakaraan, nauunawaan ko ngayon ang naiambag ng mga oras na iyon sa pamilya sa sarili kong patotoo. Nagagalak ako sa propesiya ni Isaias na darating ang panahon na "sa buong tahanan ng bundok ng Sion" may ulap at usok sa araw at liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi (Isa. 4:5), kapag patuloy na nanahan ang Espiritu ng Diyos sa mga tahanan ng Kanyang mga tao.

Hindi lamang Simbahan at mag-anak ang nabibilang sa kaharian ng Panginoon, kundi pati na mga puso at isipan ng Kanyang mga tao. Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas noong ministeryo Niya sa lupa, "Ang kaharian ng Diyos ay nasa loob ninyo" (Lucas 17:21). Kung talagang nais nating mag-ambag sa dakilang gawaing ito sa mga huling araw, tutuon ang ating mga mata sa kaluwalhatian ng Diyos, magliliwanag ang ating mga isipan sa "patotoo ni Jesus" (Apoc. 19:10), dadalisay at ilalaan ang ating mga puso. Mahalaga ang pansariling panalangin, pag-aaral, at pagninilay-nilay sa pagtatayo ng kaharian sa ating kaluluwa. Nakikilala at natututuhan natin Siyang mahalin bilang ating Ama sa mga tahimik na sandali ng pagmumuni-muni at pakikipag-usap sa Makapangyarihan.

Pinatototohanan ko na naipanumbalik na sa mundo ang Kaharian ng Diyos, at hindi na ito muling aalisin. Sa ilalim ng pamamahala ng ating Amang Walang Hanggan, si Jesucristo ang May Akda at Tagatapos ng gawaing ito, ang batong panulok ng Simbahan, at ang Banal ng Israel. Sa lakas at kapangyarihan ng Panginoon, nawa'y maitayo natin ang Kaharian ng Diyos sa lupa upang maihanda ito sa pagsalubong sa Kaharian ng Langit sa Kanyang pagdating. Sa mga titik ng awiting pandigmaan na maaari ding tumayo bilang awit ng Panunumbalik:

Katotohanan Niya'y ipinahayag at mananatili sa mundo
Hahatulan ang puso ng bawat taong narito
Pagtalima'y magawa ko sana nang may galak at may sabik
Ang Diyos ay susulong!
("Battle Hymn of the Republic," Hymns, no. 60)

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy