The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
April 2001
Pokus at mga Priyoridad

Pokus at mga Priyoridad

Elder Dallin H. Oaks
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

"Ang nakuhang impormasyon na matalinong ginamit ay mas mahalaga kaysa sa maraming impormasyon na hindi ginagamit o nililinang."

Elder Dallin H. Oaks

Sa pagtatapos ng kahanga- hangang komperensiyang ito, panahon na para tanungin natin ang ating sarili kung ano ang pagsisikapan nating marating dahil sa mga narinig natin mula sa mga tagapaglingkod ng Panginoon.

Mananagot at hahatulan tayo batay sa kung paano natin ginamit ang natanggap natin. Ang walang hanggang alituntuning ito'y angkop sa lahat ng ibinigay sa atin. Sa talinghaga ng mga talento (tingnan sa Mat. 25:14–30), itinuro ng Tagapagligtas ang alituntuning ito hinggil sa paggamit ng ari-arian. Ang alituntunin ng pananagutan ay angkop din sa mga espirituwal na pinagkukunan na ipinagkaloob sa mga turong ibinigay sa atin, at sa mahahalagang oras at araw na itinakda sa bawat isa sa atin sa pamumuhay natin sa lupa.

Nais kong suriin kung paano naaangkop ang alituntunin ng pananagutan sa paggamit natin ng libreng oras at impormasyong dulot ng makabagong teknolohiya ng ating panahon.

Dahil sa itinatagal ng buhay at katipiran ng mga makabagong kagamitan, mas marami tayong tinatamasang libreng oras kaysa ating mga ninuno. Pananagutan natin ang paraan ng paggamit sa oras na iyan. "Huwag ninyong sayangin ang inyong panahon" (D at T 60:13), at "Tumigil sa pagiging tamad" (D at T 88:124), ang utos ng Panginoon sa mga misyonero at miyembro noong una. "Ang pagdaan ng oras ay sadyang kay tulin," ang pag-awit natin sa tanyag na himno. "Minsang ito'y lumipas 'Di m'aring ulitin. Kung tayo'y 'di maagap, Tayo'ng mawawalan, Dito sa sandaigdigan; Buhay ay saglit lang." ("Buhay ay Pagbutihin," Mga Himno blg. 137).

Ang malaking karagdagan sa ating libreng oras ay maraming ulit na dinagdagan pa ng makabagong teknolohiya sa pagkuha ng impormasyon. Sa mabuti man o sa masama, ang mga kagamitang tulad ng Internet at compact disc ay kagyat na nagbibigay sa atin ng pambihirang imbentaryo ng impormasyon, mga ideya, at larawan. Kaakibat ng pagkaing mabilis lutuin at ihanda, mayroon din tayong mabibilis na komunikasyon at mabibilis na impormasyon katotohanan. Ang epekto ng ilan sa mga pinagkukunang ito'y tila katuparan ng propesiya ni propetang Daniel na sa mga huling araw "ang kaalaman ay lalago" at "marami ang tatakbo ng paroo't parito" (Dan. 12:4).

Sa malaking karagdagan sa libreng oras at maraming pagpipilian sa paggamit nito, makabubuting repasuhin ang mga pangunahing alituntunin na gagabay sa atin. Nagbabago ang temporal na kalagayan, ngunit ang mga walang hanggang batas at alituntuning gagabay sa ating mga pagpili ay di-kailanman nagbabago.

I.

Ang simple at kasiya-siyang kuwento ay nagtataglay ng babala. Gusto ko ang kuwentong ito dahil madali itong isalin sa iba-ibang wika at kultura.

Dalawang lalaki ang nagsosyo sa negosyo. Nagtayo sila ng maliit na silungan sa tabi ng mataong daan. Kumuha sila ng sasakyan at nagpunta sa bukid ng isang magsasaka, at doo'y bumili sila ng isang trak ng milon na tig-iisang dolyar ang halaga. Dinala nila ang trak na puno ng milon sa kanilang silungan sa tabi ng daan, at doo'y ipinagbili ang kanilang mga milon ng isang dolyar bawat isa. Nagbalik sila sa bukid ng magsasaka at bumili ng isa pang trak na puno ng milon na tig-iisang dolyar ang halaga. Dinala ang mga ito sa tabi ng daan, muling ipinagbili sa halagang isang dolyar ang bawat milon. Habang papunta sila muli sa bukid ng magsasaka upang muling magkarga, sinabi ng isang kasosyo sa isa, "Kaunti lang yata ang kita natin sa negosyong ito, di ba?" "Hindi naman," sagot ng isa pa. "Palagay mo ba'y kailangan natin ng mas malaking trak?"

Lalong hindi natin kailangan ang mas malaking trak ng impormasyon. Tulad ng magkasosyo sa aking kuwento, ang kailangan natin talaga ay mas malinaw na pokus kung paano natin dapat pahalagahan at gamitin ang nasa atin na.

Dahil sa makabagong teknolohiya, ang laman ng malalaking aklatan at iba pang pinagkukunan ng impormasyon ay nasa dulo ng daliri ng karamihan sa atin. Pinipili ng ilan na ubusin ang maraming oras sa paghahanap ng kung anu-ano sa Internet, walang-saysay na panonood ng telebisyon, o paghahanap ng marami pang impormasyon. Subalit sa anong layunin? Ang mga gumagawa ng gayon ay tulad ng magkasosyo sa negosyo sa aking kuwento, nagmamadali sa pagparoo't parito, paulit-ulit na naghahakot, ngunit di maunawaan ang mahalagang katotohanan na hindi tayo kikita sa ating pagpupunyagi hangga't di natin nauunawaan ang tunay na halaga ng bagay na abot-kamay na natin.

Inilarawan ng isang makata ang kahibangang ito na "walang katapusang paulit-ulit" na nagdudulot ng "kaalaman ng mga salita, at kamangmangan sa Salita," kung saan ang "karunungan" ay "nawawala sa kaalaman" at ang "kaalaman" ay "nawawala sa impormasyon" (T.S. Eliot, "Choruses from the Rock," The Complete Poems and Plays, 1909–1950 [1962], 96).

Libu-libong ulit ang dami ng nakukuha nating impormasyon kaysa kina Thomas Jefferson o Abraham Lincoln. Gayunman sino sa atin ang mag-iisip na libu-libong ulit tayong higit na may pinag-aralan o higit na makapaglilingkod sa ating kapwa-tao kaysa sa kanila? Ang napakataas na kalidad na ibinigay sa atin ng dalawang kalalakihang ito--kabilang na ang Declaration of Independence at Gettyburg Address--ay hindi dahil sa dami ng pinagkunan nila ng impormasyon, sapagkat ang kanilang mga aklatan ay tunay na napakaliit kung ihahambing sa ating gamit. Ang kanila'y ang matalino at may-inspirasyong paggamit ng limitadong impormasyon.

Ang nakuhang impormasyon na matalinong ginamit ay mas mahalaga kaysa sa maraming impormasyon na hindi ginagamit o nililinang. Natutuhan ko ang aral na ito noong nag-aaral ako ng abogasya.

Mahigit 45 taon na ang nakalilipas nang ipakita sa akin ang aklatan ng abogasya na may daang-libong aklat tungkol sa batas. (Sa ngayon ang gayong aklatan ay maglalaman ng milyun-milyong karagdagang pahina na makukuha sa elektronikong paraan.) Nang simulan kong ihanda ang isang term paper, nagugol ko ang maraming araw sa pagsasaliksik sa daan-daang aklat para sa kailangang materyal. Di nagtagal ay nalaman ko ang katotohanan (na batid na ng mga dalubhasang mananaliksik) na di ko kailanman makukumpleto sa oras ang inatas sa aking gawain maliban kung ipopokus ko ang pagsasaliksik ko sa simula pa lamang at ititigil ang pagsasaliksik sa tamang oras upang magkaroon ng panahon na suriin ang nakuha kong impormasyon at buuin ang aking konklusyon.

Sa labis-labis na impormasyon mula sa kahanga-hangang mapagkukunan na ibinigay sa atin, dapat tayong magsimulang magpokus dahil kundi'y matutulad tayo sa mga tao sa mga huling araw na nasa tanyag na propesiya--"na laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan" (II Tim. 3:7). Kailangan din natin ang tahimik na sandali at mapanalanging pag-iisip sa pagsisikap nating buuin ang impormasyon at gawing kaalaman at gawing karunungan ang hustong kaalaman.

Kailangan din nating magpokus upang maiwasan ang nakapipinsala. Ang maraming impormasyon at larawan na nasa Internet ay nangangailangan ng matamang pansin at kontrol upang di na tunghayan pa ang pornograpiya na siyang salot na lumalaganap sa ating lipunan. Tulad ng puna sa editoryal ng Deseret News kailan lamang, "Ang mga larawan na dati-rati'y nakatago sa malayong tindahan ay madali na ngayong matunghayan sa kompyuter" ("Staying Ahead of Pornography," ika-21–22 ng Peb, 2001, p. A12). Dahil sa Internet ang pornograpiya ay madali at madalas nang makita nang hindi na lalabas pa ng tahanan o silid. Nabigyan-daan din ng Internet ang mga mapanilang gawain ng matatanda na gamit ang lihim at madaling paggamit nito upang lihim na malapitan ang mga bata na taglay ang masasamang layunin. Mag-ingat kayong mga magulang at kabataan!

Maraming kaugnayan sa ebanghelyo ang mga madaling makuhang impormasyong ito. Halimbawa, sa website ng ating Simbahan ay matutunghayan na ngayon ang lahat ng talumpati ng pangkalahatang komperensiya at iba pang nilalaman ng mga magasin ng Simbahan sa nakalipas na 30 taon. Makakukuha ang mga guro ng maraming impormasyon tungkol sa alinmang paksa. Kapag ang isang bigay-sipi sa klase ay nakapokus sa paksa, ito'y makatutulong sa klase. Ngunit ang maraming bigay-sipi ay makababawas sa ating pagsisikap na ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo nang malinaw at may patotoo. Ang maraming suplementong materyal ay makapagpapahina sa halip na makabuti dahil palalabuin lamang nito ang pokus ng mga estudyante sa mga atas na alituntunin at ilalayo sila sa paghahangad nang may panalangin na ipamuhay ang mga alituntuning iyon.

Itinuro ni Nephi, "Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin" (2 Ne. 32:3). Iyan ay pokus. Sinabi rin ni Nephi na habang nagtuturo siya mula sa mga banal na kasulatan "Inihahalintulad ko sa amin ang lahat ng banal na kasulatan, upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman" (1 Ne. 19:23). Iyan ang mismong pagsasagawa.

Bilang dagdag na paglalarawan sa pangangailangang magpokus sa paggamit at pagtuturo mula sa maraming mapagkukunan noon ng impormasyon, tingnan ang kahalagahan ngayon ng payong ibinigay ni Brigham Young sa madla isang daan apat na pung taon na ang nakalilipas sa sinasabi sa atin sa ngayon ni Pangulong Hinckley at ng iba pang lingkod ng Panginoon, sa komperensiyang ito. O kaya'y ihambing ang kahalagahan sa bawat isa sa atin ng ilang iba pang katotohanan o payo mula sa nakaraan sa sinabi ng ating pangulo ng istaka sa huling komperensiya ng istaka o sa ipinayo ng ating obispo noong nakaraang Linggo.

Higit sa lahat ng ito ay ang kahalagahan ng ibinulong ng Espiritu sa atin kagabi o sa umagang ito tungkol sa ating mga sariling pangangailangan. Dapat mag-ingat ang bawat isa sa atin na hindi lubusang maagaw ng daloy ng impormasyon ang ating panahon kung kaya hindi na tayo makapagpokus at di na natin marinig at masunod ang marahan at banayad na tinig na nariyan upang gumabay sa bawat isa sa atin sa mga hamon natin sa panahong ito.

Nawa ang mga babalang ito hinggil sa pangangailangang magpokus ay hindi ituring na malupit sa pagpili ng gagamiting makabagong teknolohiya na nakapaghatid ng maraming abot-kamay na impormasyon. Dito'y uulitin ko ang sinabi ni Brigham Young na:

"Bawat pagtuklas sa siyensiya at sining, na talagang totoo at kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, ay ibinigay sa pamamagitan ng direktang paghahayag mula sa Diyos.. . . Dapat nating samantalahin ang lahat ng dakilang pagkatuklas na ito. . .at ibigay sa ating mga anak ang bawat kapaki-pakinabang na kaalaman, upang ihanda silang humakbang pasulong at mabisang gampanan ang kanilang bahagi sa dakilang gawain" (Deseret News, ika-22 ng Okt. 1862, 129).

II.

Kailangan din natin ang mga priyoridad. Ang mga priyoridad natin ang magsasabi kung ano ang hangad natin sa buhay. Karamihan sa itinuro sa komperensiyang ito'y may kinalaman sa priyoridad. Nawa'y tumalima tayo sa mga turong ito.

Itinuro ni Jesus ang tungkol sa priyoridad nang sabihin Niyang, "Huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran, at ang lahat ng bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo" (PJS, Mat. 6:38). Ang ibig sabihin ng "Inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos" ay unahin ang Diyos at ang Kanyang gawain. Ang gawain ng Diyos ay isakatuparan ang buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak (tingnan sa Moises 1:39), at kailangan dito ang pagsilang, pangangalaga, pagtuturo at pagbubuklod sa mga anak ng ating Ama sa Langit. Ang iba pa ay di-gaanong mahalaga. Isipin ang katotohanang iyan habang isinasaalang-alang natin ang ilang turo at halimbawa tungkol sa priyoridad. May nagsabing, kung hindi natin uunahing piliin ang kaharian ng Diyos, hindi gaanong mahalaga sa huli kung ano ang pinili natin bilang kapalit nito.

Tungkol sa kaalaman, ang pinakamataas na priyoridad sa kaalaman hinggil sa relihiyon ay ang natatanggap natin sa templo. Ang kaalamang iyon ay natatanggap mula sa malilinaw at mga masimbolong turo sa endowment, at mula sa mga pagbulong ng Espiritu na dumarating kapag hangad nating saliksikin at handang pakinggan ang paghahayag sa atin sa sagradong lugar na iyon.

Tungkol sa ari-arian, itinuro ni Jesus na "ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya" (Lucas 12:15). Dahil dito, hindi tayo dapat magtipon ng "mga kayamanan sa lupa, na dito'y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito'y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw" (Mat. 6:19). Samakatwid, ang mga kayamanan ng ating puso–ang ating mga priyoridad–ay dapat na hindi ang tinatawag ng mga banal na kasulatan na "kayamanan [at] mga walang kabuluhang bagay ng daigdig na ito" (Alma 39:14). Kabilang sa "mga walang kabuluhang bagay ng daigdig" ang kombinasyon ng apat na katangian ng mundo, ari-arian, kapalaluan, kabantugan, at kapangyarihan. Sa lahat ng ito, ipinagugunita sa atin ng mga banal na kasulatan na "hindi mo ito madadala" (Alma 39:14). Dapat nating hangarin ang kayamanang ipinangangako ng mga banal na kasulatan sa matatapat: "malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan" (D at T 89:19).

Nakapalibot sa atin ang mabubuting halimbawa ng mga naghahangad ng permanenteng kayamanan--ang mga "nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran" (Mat. 5:6) at inuuna ang kaharian ng Diyos sa kanilang buhay. Kabilang sa gayong halimbawa ang kalalakihan at kababaihan na nagsasantabi sa makalupa nilang hangarin at namamaalam pa sa kanilang mga pamilya upang magmisyon para sa Panginoon. Sampu-sampung libo sa mga ito ay mga batang misyonero. Dagdag pa rito, pinupuri kong lalo ang mga nagmisyon sa kanilang katandaan, ang ilan bilang mga pinuno ng misyon at ang ilan bilang mag-asawang misyonero. Ang kagila-gilalas nilang paglilingkod ay patunay ng kanilang priyoridad, at ang kanilang kahanga-hangang halimbawa ay gabay sa kanilang pamilya at sa lahat ng nakakikilala sa kanila.

Ang ating mga priyoridad ay kitang-kita sa kung paano natin gamitin ang ating panahon. May nagsabing, "Tatlong bagay ang di na nagbabalik--ang napakawalang palaso, ang binigkas na salita, at nawalang oportunidad." Hindi natin mauulit pa o maitatabi ang oras na bigay sa atin sa bawat araw. Sa oras, minsan lang tayong makapipili at pagkatapos ay habampanahon na itong mawawala.

Ang mabubuting pagpili ay lalong mahalaga sa ating buhay-pamilya. Halimbawa, paano sama-samang ginugugol ng mga miyembro ng pamilya ang libre nilang oras? Ang pagsasama-sama ay kailangan, ngunit hindi sapat. Dapat tayong magkaroon ng priyoridad sa mahalagang oras na ibinibigay natin sa mga ugnayan sa ating pamilya. Ihambing ang epekto ng oras na ginugugol lamang sa iisang silid sa panonood ng telebisyon sa mahalagang oras na ginugugol sa pakikipag-usap sa isa't isa nang sarilinan at bilang isang pamilya.

Para sa isa pang halimbawa, gaanong oras ang ginugugol ng pamilya sa pag-aaral ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-aaral ng banal na kasulatan at pagtuturo ng magulang, kung ihahambing sa oras na ginugugol ng mga miyembro ng pamilya sa panonood ng paligsahan sa laro, palabas o drama sa telebisyon? Naniniwala akong marami sa atin ang nag-uukol ng oras sa walang kabuluhang paglilibang sa halip na mag-aral tungkol sa Tagapagligtas.

Hinggil sa priyoridad sa bawat malaking desisyon (tulad ng edukasyon, trabaho, lugar ng tirahan, pag-aasawa o panganganak), dapat nating itanong sa ating sarili kung ano ang magiging epekto sa kawalang-hanggan ng desisyong ito? Ang ilang desisyon na tila kanais-nais sa buhay na ito ay maaaring di-katanggap-tanggap sa kawalang-hanggan. Sa lahat ng gayong pagpili kailangan nating magkaroon ng inspiradong priyoridad at ipamuhay ito sa paraang magdudulot ito ng mga walang hanggang pagpapala sa atin at sa mga miyembro ng ating pamilya.

At matapos nating gawin ang lahat sa abot ng ating makakaya, dapat nating tandaan ang matalinong payo at nakaaaliw na katiyakan ni Haring Benjamin, na nagturong: "At tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas" (Mosias 4:27).

Ang pinakamahahalagang priyoridad ng Banal sa mga Huling Araw ay may dalawang sangkap. Una, hangad nating maunawaan ang ating kaugnayan sa Diyos na Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at panatilihin ang ugnayang iyon sa pagkakamit ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng mga ito at sa pagtupad sa ating personal na mga tipan. Ikalawa, hangad nating maunawaan ang ating kaugnayan sa mga miyembro ng ating pamilya, at panatilihin ang mga ugnayang iyon sa pamamagitan ng mga ordenansa ng templo at sa pagtupad sa mga tipan na ginagawa natin sa banal na lugar na iyon. Ang mga ugnayang ito, na pinanatili sa paraang ipinaliwanag ko, ay nagdudulot ng mga walang hanggang pagpapala na di makakamtan sa ibang paraan. Walang kombinasyon ng siyensiya, tagumpay, ari-arian, kapalaluan, kabantugan, o kapangyarihan na makapagdudulot ng mga walang hanggang pagpapalang ito!

Pinatutunayan ko na ito'y totoo, at nagpapatotoo ako sa Diyos Ama, at ang Kanyang plano ang daan, at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala ang lahat ay naging posible. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy