The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
April 2001
Paalam para sa Susunod na namang Pagkikita

Paalam para sa Susunod na namang Pagkikita

Pangulong Gordon B. Hinckley

"Ginaganap ang mga komperensiyang ito. . .upang palakasin ang ating mga patotoo hinggil sa gawaing ito, upang patatagin tayo laban sa tukso at kasalanan, mapataas ang ating mga hangarin, upang tumanggap ng tagubilin."

Pangulong Gordon B. Hinckley

Mga kapatid, napakaganda ng ating naging komperensiya. Ang mga mensahe ay nakapagbigay-inspirasyon. Nasagot ang mga panalangin ng mga tagapagsalita na naghanda nito at tayo na nakarinig ng mga ito. Tayong lahat ay napagtibay. Ngayon, bago ko ibigay ang pangwakas kong pananalita, nais kong magpaliwanag nang kaunti. Pinag-uusapan ng mga tao kung bakit ako naglalakad nang nakabaston. Iyan ang naging usap- usapan ngayon. Mangyari pa nakita kong gumamit si Brigham Young ng baston gayundin sina John Taylor, Wilford Woodruff, at Pangulong Grant sa kanyang pagtanda. Nakita ko rin sina Pangulong McKay at Spencer Kimball na may gamit na baston, at nakikiuso lamang ako.

Ang totoo ay medyo nahihilo ako. Medyo mahina ang aking paa at hindi pa malaman ng doktor ang dahilan. Subalit sinusuri pa nila ako, at umaasa akong matatapos ito sa loob ng isa o dalawang araw.

Ngayon, lahat tayo ay napasigla sa dakilang komperensiyang ito. Dapat tayong mas manindigan ngayon sa pagtatapos nito kaysa nang tayo'y magtipun-tipon kahapon ng umaga.

Patuloy akong namamangha sa dalawang beses sa isang taon na pagtitipong ito. Narinig natin ang 26 na mga tagapagsalita sa loob ng dalawang araw na ito. Napakalaking bilang nito. Bawat isa ay sinabihan kung gaanong oras ang magagamit niya. Ngunit walang sinabihan kung ano ang kanyang magiging paksa. Gayunman, tila ba magkakaayon sa isa't isa ang lahat ng pananalita, ang bawat isa ay bahagi ng isang napakalaki at napakagandang kabuuan. Naniniwala ako na halos bawat isa sa mga tagapakinig sa lahat ng panig ng mundo ay makapagsasabi ngayon hinggil sa isa o higit pang mensahe, "Na ito'y sadyang naaangkop para sa akin. Ito ang kinakailangan kong marinig."

Ito ang dahilan, sa palagay ko, kung bakit ginaganap ang mga komperensiyang ito--upang palakasin ang ating mga patotoo hinggil sa gawaing ito, upang patatagin tayo laban sa tukso at kasalanan, mapataas ang ating mga hangarin, upang tumanggap ng tagubilin hinggil sa mga programa ng Simbahan at rama ng huwaran sa ating buhay.

Mangyari pa maraming simbahan, ang may malalaking pagtitipon, ngunit wala akong alam na maihahambing sa mga komperensiyang ito na ginaganap tuwing ikaanim na buwan, taun-taon. Ang mga ito ay sadyang mga pandaigdigang komperensiya.

Buhay at mahalaga ang gawaing ito sapagkat ito'y sumusulong sa lahat ng panig ng daigdig kapwa sa malalaki at maliliit na pamayanan. Nakasalalay ang ningning ng gawaing ito sa mga misyonero na nagtuturo sa malalayong lugar na may mga di-karaniwang katawagan, at sila na mga bagong kasapi na nagmumula sa mga pagtuturong ito. Sa mga pagkakataon na ako ay nakapaglalakbay, ito ang mga lugar na gustung-gusto kong dinadalaw, ang maliliit at mga hindi gaanong napupuntahang liblib na sangay kung saan ang gawain ng pagtataguyod ay sumusulong.

Ngayon, mga kapatid, lumisan tayo mula sa komperensiyang ito nang may mas matibay na paninindigan na ipamuhay ang ebanghelyo, na maging mas matapat, mas mabubuting ama't ina at mga anak, na maging ganap na matapat sa isa't isa bilang mag-anak, at ganap na matapat sa Simbahan bilang mga miyembro.

Ito'y banal na gawain ng Diyos. Ang pinagmulan at doktrina nito ay banal. Si Jesucristo ang tagapangulo ng Simbahan. Siya ang ating imortal na Tagapagligtas at Manunubos. Ang Kanyang paghahayag ang pinagmumulan ng ating doktrina, ng ating pananampalataya, ng ating pagtuturo, at sa katotohanan ang pundasyon ng huwaran ng ating buhay. Si Joseph Smith ay naging instrumento sa kamay ng Makapangyarihan upang maisakatuparan ang Panunumbalik na ito. At taglay ng Simbahan ngayon ang pangunahing elementong iyon ng panunumbalik tulad noong panahon ni Joseph.

Ang ating kani-kanyang mga patotoo hinggil sa mga katotohanang ito ang siyang batayan ng ating pananampalataya. Kailangan nating pangalagaan ang mga ito. Kailangan nating linangin ang mga ito. Hindi natin kailanman dapat pabayaan ang mga ito. Hindi natin kailanman dapat balewalain ang mga ito. Kung wala ang mga ito ay wala tayo. Sa mga ito, makakamtan natin ang lahat.

Sa pag-uwi natin sa ating mga tahanan, maranasan nawa natin na napalalakas ang ating pananampalataya sa mga walang hanggan at hindi nagbabagong katotohanang ito. Magkaroon nawa ng kapayapaan at pagmamahal sa ating tahanan at ng kasaganaan ng mabubuting bagay sa langit at lupa, ang mapagpakumbaba kong panalangin sa aking pamamaalam sa inyo para sa susunod na namang pagkikita, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy