Sister Carol B. Thomas
Unang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng mga Kabataang Babae
"Ang pagiging espirituwal ay pag-aaral kung paano makinig sa Espiritu at pagkatapos ay ang hayaan itong mamahala sa ating buhay."
Ilan sa inyo ang nagnais magkaroon ng bagong talino? Nag-aral ba kayong magpiyano o mag-putbol? Ngayong gabi nais kong magsalita sa inyo tungkol sa pagpapaunlad ng isang talino--hindi lamang basta talino, kundi isang napakaespesyal na talino na sa palagay ko ay hindi pa ninyo kailanman inisip. Gusto kong magsalita sa inyo tungkol sa pagpapaunlad ng inyong talino sa pagiging espirituwal.
Alam ba ninyong ang pagiging espirituwal ay isang talino? Minsan sinabi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol, "Sa lahat ng talino,. . . ang mahalaga sa lahat ng mga endowment--ay ang talino sa pagiging espirituwal" (The Millennial Messiah [1982], 234). Ang pagiging espirituwal ay pag-aaral kung paano makinig sa Espiritu at pagkatapos ay hayaan itong mamahala sa ating buhay.
Kaya paano tayo matututong makinig sa Espiritu? Una sa lahat, kailangan nating maunawaan kung ano ang Espiritu. Ikalawa, titingnan natin ang karanasan ng mga kabataang babae na natuto kung paano makilala ang Espiritu. Bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay binigyan ng dalawang espirituwal na kaloob: ang Liwanag ni Cristo na ibinigay sa lahat ng tao sa kanilang pagsilang at ang espesyal na kaloob na Espiritu Santo na ibinigay matapos tayong binyagan. Ipinahihintulot nito "na mamuhay [tayo] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na siyang kapangyarihan ng paghahayag, at. . .patotoo" (Bruce R. McConkie, Doctrines of the Restoration, Sermons and Writings of Bruce R. McConkie, isinaayos ni Mark L. McConkie, [1989], 93). Kapag nauunawaan natin kung ano ang Espiritu, paano natin makikilala ito kapag nadama natin ito? Iyan ang pinakamahirap na bahagi.
Naalaaaala ko na noong ako'y 14 na taong gulang, ay naunawaan ko kung ano ang Espiritu sa kauna- unahang pagkakataon. Gusto kong magtungo sa simbahan, lalo na sa pulong ng sakramento. Nadarama ko sa tuwina ang kasiglahan at kapayapaan. Ito ang Espiritu. Hindi ko tiyak kung gaano kahalaga ito noon. Basta ang nalalaman ko pinabubuti nito ang aking pakiramdam. Nang ako'y may sapat na gulang na, nalaman ko na hindi lamang pinabubuti nito ang ating pakiramdam, ito rin ay nagtuturo at nagpapatotoo at nililinis tayo mula sa kasalanan. Maaaring balaan tayo nito sa mga panganib at tulungan na maalala ang mga bagay-bagay.
Ilang kabataang babae ang nagpupunyaging makilala ang Espiritu. Isang batang babae ang sumulat: Hindi pa talaga ako nagkaroon ng karanasan sa Espiritu Santo, at malaki ang pagkukulang ko sa hindi ko pamumuhay nang nararapat. Subalit higit akong nagsisikap, at umaasang di magtatagal at magkakaroon ako ng pagkakataong madama ang [nakaaaliw na impluwensiya ng] Espiritu Santo" (liham na nasa pag-aari ng tanggapan ng Mga Kabataang Babae).
Karaniwan lamang ang mga damdaming ito. Maaaring hindi alam ng kabataang babaing ito, subalit binibigyan siya ng Espiritu Santo ng hangaring madama ang Kanyang impluwensiya. Hindi palaging nagbibigay sa atin ang Espiritu ng masigla, magandang pakiramdam. Kadalasan, ang tinig ng inspirasyon ay isang payapang tinig, isang marahan at banayad na tinig.
Naaalala ko ang sinabi ng Tagapagligtas sa matatapat na Nephita nang dalawin Niya ang bagong daigdig: "Nahihiwatigan ko na kayo ay mahihina, na hindi ninyo nauunawaang lahat ang [aking] salita.. . . Magsiuwi sa inyong tahanan, . . . bulay-bulayin ang mga bagay na aking sinabi, at tanungin ang Ama. . . upang kayo'y makaunawa" (3 Ne. 17:23).
Ang mga salita ng Tagapagligtas ay isinulat para sa atin. Hindi bale na kung mahina tayo, basta 't hindi tayo nananatiling mahina, basta't ginagawan natin ito ng paraan. Si Katie ay isang kabataan na gayon ang ginawa. Hayaan ninyong ibahagi ko ang kasaysayan niya sa inyo.
"Sa buong buhay ko'y ninais kong magpakabuti, subalit dumating ang puntong nagtaka ako, 'Paano nalalaman ng isang tao kung ang Simbahan ay totoo?' Ginawa ko ang hamon ni Moroni at sa loob ng limang buwan ay nanalangin at binasa ang aking mga banal na kasulatan araw-araw. Isang gabi mangiyak-ngiyak akong naupo sa kama ko, dahil suko na ako. Nagpasiya akong manalangin. Sabi ko, 'Ama sa Langit, tulungan naman po ninyo akong malaman na nariyan kayo. Ginawa ko ang Inyong iniutos alinsunod sa turo ng Simbahan at kailangan ko lang po talagang malaman.' Kagyat kong nadama na parang may yumakap sa akin. Hindi ako nakarinig ng malakas na tinig o nakakita ng anghel, ngunit nadama kong sinabi sa akin ng Ama sa Langit, 'Mahal kong Katie, alam mo na ito noon pa.' Ito ay katulad ng isang mabait at mapagmahal na ama na inaaliw ang kanyang musmos na anak" (liham).
Isa sa mahahalagang tungkulin ng Espiritu Santo ay ang sumaksi sa katotohanan. Sumaksi ang Espiritu kay Katie na totoo ang ebanghelyo. Ginawa ni Katie ang kanyang bahagi. Katulad ng sinabi ng Tagapagligtas, umuwi siya, pinag-aralan ang Kanyang mga salita, at nanalangin--sa loob ng buong limang buwan. Pinaunlad ni Katie ang kanyang talino sa pagiging espirituwal. Maaari niyang gamitin ang kaloob na ito upang pamahalaan ang kanyang buhay.
Ang mga talino ay ibinigay upang ibahagi. Kapag natuto kayong magpiyano, mabibiyayaan ninyo ang iba sa inyong musika. Kapag napaunlad ninyo ang inyong talino sa pagiging espirituwal, magagamit ninyo ang kaloob na ito upang pagpalain ang inyong pamilya. Alam ba ninyong may bahagi kayo sa kaligayahan ng inyong pamilya? Hindi lamang tungkulin ng inyong nanay at tatay na panatilihing masaya ang pamilya. Maaari din kayong tumulong. Pakinggan ninyo kung ano ang ginawa ni Brooke nang ibahagi niya ang kanyang talino sa pagiging espirituwal.
"Ang aking walong-taong-gulang na kapatid na babae ay takot sa mga di-kilalang taong pumapasok sa kanilang bahay. Isang gabi nagtungo siya sa aking silid at sinikap kong ipaliwanag sa kanya na wala siyang naririnig na sinumang naglalakad sa paligid. Naalala ko nang hamunin kami ng aking guro sa seminary na sikaping mapasaaamin ang Espititu ng Ama sa Langit. Kaya't nanalangin ako sa aking puso na tulungan akong huwag mabigo. Dagling pumasok sa aking isipan ang isang talata. Binuksan ko ang mga banal na kasulatan at sinabi sa kanyang basahin ito sa akin. Pagkatapos ay nagpatotoo ako sa kanya tungkol sa Espiritu Santo at kung paano darating ang Espiritu kapag lumuhod siya at nanalangin kung nais niyang mapayapa. Niyakap niya ako at hinagkan at natulog na. Pagkatapos ay naalala ko ang aking 10-taong- gulang na kapatid na babae na nasa ibabaw na kama. Sinabi niya sa akin na hindi niya nalaman kahit kailan na kung nais mo ng bagay na katulad noon ay maaari kang manalangin at dudulutan ka ng kapayapaan ng Espiritu. Alam ko na binigyang-inspirasyon ako ng Espiritu Santo na sabihin iyon" (liham).
Napakaraming paraan para mapagpapala ninyo ang inyong pamilya. Tatlong mahahalagang bagay ang ginawa ni Brooke: siya ay nagpatotoo, nanalangin para sa kanyang kapatid, at naging halimbawa sa isa pa niyang kapatid na nasa ibabaw na kama. Pinalakas din nito ang kanyang sariling espirituwalidad.
Inanyayahan tayo ng Tagapagligtas na magpatotoo. Sinabi Niya, "Humayo kayo sa buong sanlibutan, ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal" (D at T 68:8).
Marami sa inyo ang nais magpatotoo sa kamping. Pero hindi na ninyo kailangan pang maghintay ng kamping. Maaari kayong magpatotoo nang madalas sa inyong pamilya sa mga simpleng paraan.
Nang dalawin ako ng aking mga apo at nakita namin ang larawan ni Pangulong Hinckley, sinabi ko, "Mahal ko si Pangulong Hinckley. Lubos akong nagpapasalamat sa pagkakaroon ng isang buhay na propeta sa daigdig ngayon." Sampung segundo lamang iyon, pero naging aral iyon sa aking mga apo at nakatulong sa amin na madama ang Espiritu.
Nagpapatotoo tayo araw-araw sa pamamagitan ng ating halimbawa. Noon lamang isang buwan nang isinusulat ko ang talumpating ito, umuwi ang aking anak na si Jill, masayang naghanda ng hapunan, at naghugas ng mga pinggan. Ang lambing niyang dala-dala sa kanyang puso ay nagpapala sa aming tahanan. Alam kong mahal niya si Jesus sa pagpapakita niya ng kanyang pagmamahal sa akin. Ang isa pang paraan para maipakita natin ang ating pagmamahal kay Jesus ay sa pamamagitan ng panalangin. Sinabi ni Pangulong Hinckley, "Hayaang sama-samang manalangin ang bawat pamilya sa Simbahang ito" (Teachings of President Gordon B. Hinckley [1997], 216). "Ang araw-araw ninyong pakikipag-usap sa Kanya ay magdudulot ng kapayapaan sa inyong puso at kagalakan sa inyong buhay na wala nang iba pang panggagalingan" (Teachings of President Gordon B. Hinckley, 216).
Matutulungan ninyo ang inyong pamilya na maalala ang manalangin. Ang panalangin ay parang payong sa mga unos ng buhay. Nang abala ako sa pagiging ina ng pitong anak sa tahanan, lubos akong nagpapasalamat kapag ang isa kong anak ay nagsasabing, "Nalimutan nating magdasal." Kung minsan ay tatayo kami sa may pintuan at mananalangin kapag nagmamadaling makapasok sa paaralan ang mga bata. Lagi nitong pinalalakas ang espirituwalidad sa aming tahanan.
At maaari ninyong ipanalangin ang inyong pamilya. Kung may pagtatalo, manalangin para magkaroon ng kapayapaan. Anuman ang mangyari, pagpapalain kayo ng Ama sa Langit ng kapayapaan sa inyong puso. Ang panalangin ay isang himala; makatutulong itong paunlarin ang espirituwalidad sa inyong tahanan.
Kamakailan lamang, ang ating propeta, si Pangulong Hinckley, ay nanalangin para sa mga kabataan ng Simbahan. Iyon ay isang di- malilimutang karanasan.
Maiisip ba ninyo kung gaano kasarap malaman na nanalangin si Jesus para sa atin? Nang kapiling Siya ng mga Nephita, "siya. . .ay lumuhod. . .sa lupa; at. . . nanalangin sa Ama.. . . At walang sinuman ang makauunawa sa kagalakang pumuspos sa aming mga kaluluwa sa panahong narinig namin siyang nanalangin sa Ama para sa amin" (3 Ne. 17:15, 17).
Maaari bang mangyari sa inyo ang nangyari sa mga batang Nephita? Habang nagmiministeryo ang Tagapagligtas sa kanila, "kanyang kinalagan ang kanilang mga dila, at sila ay nangusap. . .ng mga dakila at kagila-gilalas na bagay, maging higit na dakila kaysa roon sa kanyang inihayag sa mga tao" (3 Ne. 26:14).
Taglay ang kapangyarihan ng Espiritu, kayo man ay makapangungusap ng mga dakila at kagila-gilalas na bagay sa sarili ninyong pamilya.
Ang mga batang ito ay "nakita. . . ang mga anghel na bumababa mula sa langit na parang ito ay nasa gitna ng apoy; at sila ay bumaba at pinalibutan yaong mga musmos,. . .at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila" (3 Ne. 17:24).
Maaaring kailanman ay hindi kayo makakita ng mga anghel na bumababa sa langit, ngunit ipinangangako ko sa inyo na kapag nagpapatotoo kayo at nananalangin sa inyong pamilya, maglilingkod sa inyo ang hindi nakikitang mga anghel. Kapag ibinahagi ninyo ang inyong talino sa pagiging espirituwal, madarama ninyo ang sigla at kapangyarihan ng Espiritu na namamahala sa inyong buhay.
Tama ang mga propeta. Kayong mga kabataaang babae "ay bahagi ng pinakadakilang henerasyong dumating sa atin" (Teachings of Gordon B. Hinckley, 718). Maaari kayong maging isang malakas na impluwensiya sa inyong pamilya. Ito ay isang totoong alituntunin na isinasagawa ng Panginoon sa pamamagitan ng mga pamilya.
Ngayong natutuhan na ninyo kung paano kumikilos ang Espiritu, at paano ninyo magagamit ito bilang mga kabataang babae upang pagpalain ang inyong pamilya, dalangin namin na inyong hahayaan maging bahagi ninyo ang pagiging espirituwal. Nasasabik ang Ama sa Langit na ipagkaloob ang dakilang kapangyarihang ito. Nawa'y pagpalain kayo ng Espiritu sa pagpapaunlad ninyo ng inyong talino sa pagiging espirituwal, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.