Sister Margaret D. Nadauld
Pangkalahatang Pangulo ng mga Kabataang Babae
"Sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo, magagabayan kayo sa inyong paglalakbay sa buhay."
Natatandaan ba ninyo ang awiting nagsisimula sa, "Sa t'wing mababasa ko ang kuwento ni Jesus no'ng S'ya ay narito, Ninanais ko na ako'y makasama Nang tawagin ang mga bata" (I Think When I Read That Sweet Story"
Children's Songbook, 56). Isipin ninyo kung ano ang madarama ninyo kung ipapatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa ulo ninyo at basbasan kayo gaya ng nakasaad sa kasulatan na ginawa Niya nang Siya ay nasa lupa.
Isipin ninyong katabi nga ninyo ang Tagapagligtas. Isipin ninyong minamahal at pinagagaling at binabasbasan at ginagabayan Niya kayo gaya noon. Nang Siya ay nasa lupa minahal Siya ng mga miyembro ng Kanyang Simbahan, umasa sa Kanya, at sumunod sa Kanya. Gayon na lamang ang kanilang kalungkutan na isiping lilisanin Niya sila, ngunit ipinangako Niya, "At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mang-aaliw, upang siyang sumainyo magpakailanman.. . . Ang Mang-aaliw. . .ay ang Espiritu Santo" (Juan 14:16, 26). Pagkatapos ay binigyan Niya sila ng napakahalagang kaloob na Mang-aaliw upang makapiling nila paglisan Niya.
Kayo man ay mahal ng Panginoon, tulad ng mga sinaunang alagad. Minamahal kayo nang higit kaysa sa alam ninyo. Nais Niya kayong magtagumpay sa inyong misyon sa buhay! Hindi ninyo kailangang harapin ang mga karanasan sa buhay na ito nang nag-iisa, ni hindi kayo ipinadala rito upang mabigo.
Dahil dito isang banal na kaloob ang ibinigay sa inyo sa inyong binyag at pagpapatibay nang ipatong ang mga kamay sa inyong ulo at sinabihan kayong, "Tanggapin mo ang Espiritu Santo." Halos parang ang Ama sa Langit ang nagbigay sa inyo ng kaloob upang ipagdiwang ang inyong opisyal na pagpasok sa Kanyang kaharian sa lupa. Makakapiling ninyong lagi ang Espiritu Santo at magagabayan kayo pabalik sa Kanya, ngunit para matamasa ang mga pakinabang ng banal na kaloob na ito, kailangan ninyong tanggapin ito nang lubusan at gamitin ito sa inyong buhay. Napakalungkot na mabigyan ng gayon kahalagang kaloob at pagkatapos ay isaisantabi lamang ito at hindi gamitin kailanman. Nais kong banggitin sa inyo ang tatlo lamang sa mga bagay na kayang gawin ng Espiritu Santo. Makapagbibigay siya ng aliw, gabay, at patotoo.
Una, tumuon tayo sa kapangyarihang mang-aliw ng Espiritu Santo. Noong bata pa ako malubha ang naging sakit ko. Araw-araw ay lalong lumulubha ang karamdaman. Walang makatulong sa mga inirekomenda ng doktor. Sa panahong iyo'y napakarami na ang nagkakasakit ng kinatatakutang polio. Marami na ang pinatay nito, at ang mga nakaligtas ay karaniwang nalumpo. Kinatakutan ng lahat ang polio nang mga panahong iyon.
Isang gabi naging kritikal ang kalagayan ko, at binasbasan ako ng tatay at lolo ko sa pamamagitan ng pagpapahid ng langis at sa kapangyarihan ng banal na Pagkasaserdoteng Melquisedec, na marapat nilang tinataglay, tumawag sila sa Diyos para sa pagpapagaling, tulong, gabay, at aliw. Pagkatapos ay dinala ako ng aking mga magulang sa doktor sa ibang bayan na agad kaming pinapunta sa Lungsod ng Salt Lake--dalawa't kalahating oras ang layo--at pinayuhang magmadali. Narinig ko ang doktor na bumulong na tiyak niyang ito ay polio.
Nang sa wakas ay makarating kami sa ospital sa Salt Lake, may mga naghihintay sa aming mga tauhan ng ospital. Kinuha nila ako sa mga bisig ng aking mga magulang at itinakbo papasok. Nagkahiwalay kami nang walang anumang paalaman o paliwanagan. Nag-iisa ako, at akala ko ay mamamatay ako.
Kasunod ng masakit na proseso sa pagsusuri, kabilang na ang pagkuha ng tubig sa aking gulugod, dinala nila ako sa isang bukod na kuwarto ng ospital, upang manatili roon nang mag-isa para hindi makahawa, dahil polio nga pala ang sakit ko.
Natatandaan kong takot na takot ako. Madilim doon at malubha ang aking sakit at nag-iisa ako. Ngunit tinuruan ako ng aking mga magulang na manalangin. Lumuhod ako sa tabi ng rehas ng kama at humiling sa Ama sa Langit na basbasan ako. Natatandaan kong umiiyak ako. Dininig ng Ama sa Langit ang aking panalangin kahit na bata ako. Dininig Niya. Ipinadala ng Ama sa Langit ang Kanyang mapang-aliw na kapangyarihan na pumalibot sa akin sa mapayapang pagmamahal. Nadama ko ang kapangyarihan ng Espiritu Santo at hindi ako nag-iisa.
Hayaan ninyong isalaysay ko ang ikalawang karanasan. May kilala akong natatanging kabataang babae na nangangailangan ng aliw dahil sa isang kasawian niya sa buhay. Nag-aalala siya sa kalagayan ng kanyang pamilya at sa pag-aaway ng kanyang mga magulang. Nakalulungkot at nakababagabag ito sa kanya at sa kanyang mga kapatid. Siya ang panganay at iniisip niya kung ano ang kanyang magagawa sa malubhang problemang ito sa kanyang pamilya. Marahil ay matatagpuan ninyo ang inyong sarili sa gayunding kalagayan. Bagama't walang madaling solusyon at walang isang pormulang angkop sa lahat ng sawi o may alalahanin, may Isang lubos na nagmamalasakit tungkol sa inyong kalagayan at nakababatid kung ano ang dapat ninyong gawin. Iyon ay ang ating Ama sa Langit. Nagmamalasakit Siya sa inyong buhay na parang narito Siya Mismo sa piling ninyo at kinakausap kayo nang harapan. Batid niya ang damdaming nasa puso ng batang babaeng ito at maging ang damdaming nasa inyong puso. Upang basbasan kayo, ibinigay ang kaloob na kapayapaang dulot ng Espiritu Santo. Sinabi ni Jesus: "Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man" (Juan 14:27). Mga kabataang babae, manalangin para sa aliw at ang kaloob na ito ay mapapasainyo.
Ang ikalawang punto ay, may kapangyarihang gumabay ang Espiritu Santo. Isang 15-taong-gulang na batang babae ang nakadamang kailangan niyang makatagpo ng mga bagong kaibigan. Nadama na ba ninyo iyon? Isinulat niya, "Hindi ko alam kung kinailangan ninyong magpalit ng mga kaibigan, pero talagang ito ang pinakamahirap na kinailangan kong gawin." Ipinasiya niyang ipaubaya sa Panginoon ang kanyang problema, at humingi rin siya ng payo sa kanyang mga magulang. Sinabi niyang matapos ang maraming buwan "nais na niyang sumuko." Isang hapo'y nakipag-usap siya sa kanyang guro sa seminary, at ipinagtapat niya ang problema niya rito. "Pagkatapos ay sinabi niya, 'Hindi ko alam kung bakit itinatanong ko ito sa iyo, pero kilala mo ba ang mga babaeng ito?' Umoo ang batang babaing ito sa kanya. Pagkatapos ay sinabi niya, 'Naisip mo bang makipagkaibigan sa kanila?'
"Sinabi ko sa kanyang hindi nila ako tatanggapin. Tinanong niya ako kung maaari niyang kausapin ang isa sa mga batang babae. Ipinasiya kong hayaan siya, kung ipangangako niyang hindi ako hihiyain.
"Nang sumunod na araw nakatanggap ako ng tawag mula sa isa sa mga batang babae. Ngayon kailangan ninyong unawain na ang batang babaeng ito ay nasa student council, at ayaw kong gamitin ang salita, pero napakapopular niya. Itinanong niya kung gusto kong sumama sa kanya sa larong basketbol sa gabing iyon. Ang gabing iyon ay isa sa mga pinakamasaya, pinakapanatag na gabi ng aking buhay. Nang sumunod na araw sa eskuwelahan, ipinakilala niya ako sa dalawa pang babae. Agad kaming naging magkakaibigan. Napagbago ako ng pangyayaring ito."
Nagwakas siya sa pagsasabing, "Ewan ko sa inyo, pero para sa akin mas mamarapatin kong ipaubaya sa Panginoon, na nakababatid ng kahihinatnan ng lahat, ang aking buhay kaysa sa sarili kong nakikita lamang ang mga bagay-bagay kung ano sila sa oras na iyon. Katabi lang natin Siya, inaalalayan tayo sa buhay, maging kapag nakadarama tayo ng pag-iisa" (liham na nasa pagmamay-ari ng Young Women Office).
Ipinangangako sa atin ng Panginoon na "dahil sa kaamuan at mapagpakumbabang puso ay dumarating ang pagdalaw ng Espiritu Santo, kung aling Mang-aaliw ay pumupuno ng pag-asa at ganap na pag-ibig, kung aling pag-ibig ay tumatatag sa pamamagitan ng matiyagang panalangin" (Moro. 8:26).
Tutulungan kayo ng inyong Ama sa Langit na matagpuan ang tamang landas na tatahakin habang hinahangad ninyo ang Kanyang patnubay. Pakatandaan lamang na matapos kayong manalangin tumayo kayo mula sa inyong pagkakaluhod at magsimulang gumawa ng anumang positibo; sumulong sa tamang landas! Magpapadala Siya sa daan ng mga taong aalalay sa inyo, pero kailangan din ninyong gawin ang inyong bahagi. Sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo, magagabayan kayo sa inyong paglalakbay sa buhay.
Ikatlong punto--ang Espiritu Santo ay isa ring tagapagpatunay. Matutulungan kayo ng Espiritu Santo na ganap na maunawaan ang pinakamahalagang katotohanang maaaring malaman, na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo, na dahil sa Kanya bawat isa sa atin na nabuhay ay mabubuhay na muli balang araw. At dahil sa Kanya makapagsisisi tayo sa ating mga pagkakamali at makapagpapatuloy sa landas pabalik sa ating Ama sa Langit. Iyan ang Pagbabayad-sala. Ang Espiritu Santo ang magpapatunay sa katotohanan sa ating mga puso habang naghahangad tayong makaalam, at nagpapatotoo Siya sa iba habang nagpapatotoo tayo sa mga katotohanang ito sa kanila.
Itinuturo sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland na kapag nagbibigay tayo ng patotoo sa iba, "hindi lang nila naririnig ang ating patotoo kay Cristo kundi naririnig din nila ang alingawngaw ng ibang mga naunang patotoo, kabilang na ang kanilang sariling patotoo sa Kanya," dahil kabilang sila sa mga matatapang na pumiling sundin si Cristo sa halip na si Satanas sa buhay bago pa sila isinilang sa mundo. Sinabi ni Elder Holland na, "Kapag naririnig nila ang iba na nagbibigay ng patotoo sa nakapagliligtas na misyon [ni Cristo], may pamilyar itong damdamin; nagdadala ito ng alingawngaw ng katotohanang sila mismo ay nakakaalam." Bukod pa riyan, kapag pinatototohanan ninyo ang misyon ni Cristo, "hinihingi ninyo ang kapangyarihan ng Diyos Ama at ng Espiritu Santo" (tingnan sa "Missionary Work and the Atonement," Ensign, Mar. 2001, 1112). Sa Moroni kabatana 10 talata 5, pinangakuan tayo na "sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay." Minamahal kong mga kabataang kapatid, pagsikapan ninyong magtamo ng patotoo ng misyon ni Cristo. Darating ito sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Pagkatapos ay magbahagi ng inyong inyong patotoo at ibahagi ito nang madalas.
Ang Espiritu Santo ay isang mang-aaliw, gabay, tagapagpatunay. Kamangha-mangha at dakilang miyembro ng Panguluhang Diyos. At mayroon kayong karapatan sa impluwensiya at inspirasyon Nito! Napakalaki ng pagpapala at pagmamahal sa inyo! Ngayon, dahil binigyan kayo ng napakarami, kailangan din ninyong magbigay. Habang iniisip ninyo ngayong gabi ang bagay na ito, nais naming humiling sa inyo. Ito'y isang paanyaya talaga, at umaasa kaming tatanggapin at gagawin ninyo ito. Handa ba kayo? Narito ang paanyaya: Maaari bang tumulong kayong magdala ng isa pang kabataang babae pabalik sa pagiging aktibo sa Simbahan sa taong darating? Siguro nama'y may kilala kayong isang babaeng di gaanong aktibo, kabibinyag lamang, o hindi pa miyembro. Hinihiling naming tumulong kayong ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa isa pang kabataang babae upang matamasa rin niya ang matatamis ng pagpapala ng langit na pinag-usapan natin ngayong gabi.
Isipin ninyo kung ilang buhay ang tatanggap ng pagpapala, kung ilang kabataang babae ang maaaliw, magagabayan, at magkakaroon ng mas malalakas na patotoo. Sa taong ito may mahigit kalahating-milyong kabataang babae sa Simbahan. Isipin na lamang ninyo, kung tatanggapin ng bawat isa sa inyo ang paanyayang ito na tumulong na magdala ng kahit isang tao lamang, sa susunod na taon ay dodoble ang bilang ng mga aktibong kabataang babae! Hayaan ninyong gabayan kayo ng Espiritu Santo sa inyong pagsisikap. Tutulungan din kayo ng inyong mga magulang at pinuno na malaman kung ano ang gagawin at kung paano gagawin ito. Sabik kaming malaman ang inyong mga karanasan at tagumpay. Sa aking mensahe sa inyo hindi ako gumamit ng kuwento upang ilarawan ang ikatlong punto ng pananalitang ito, ang magpatotoo, dahil ang kuwentong ito ay inyo upang isulat sa pagtanggap ninyo sa aming paanyaya. Sana'y simulan ninyo ito ngayong gabi.
Nagsimula ako sa isang awiting nagpapaalala sa atin ng mga araw nang mabuhay ang Tagapagligtas sa lupa sa piling ng mga tao. Nagwawakas ako ngayon sa mga salita ng isang himnong nagpapaalala sa atin na kahit hindi natin Siya natatanaw, ang Manunubos, ang Panginoong Jesucristo, ay buhay pa rin upang pagpalain tayo ng Kanyang pagmamahal: "S'ya'y buhay! Luha ko't pangamba Sa t'wina ay pinapawi N'ya, S'ya'y buhay upang payapain Ang puso kong may paninimdim" ("Buhay ang Aking Mununubos," Mga Himno, blg. 79). Pinatototohanan ko na ginagawa Niya ang lahat ng ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo. Idinadalangin kong matanggap natin at magamit ang sagradong kaloob na ito mula sa Diyos, sa banal na pangalan ng ating mahal na Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.