The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
April 2001
Pagkahabag

Pagkahabag

Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

"Wala tayong paraan upang malaman kung kailan malalantad sa ating harapan ang ating pribilehiyong makatulong."

Pangulong Thomas S. Monson

Ang Oklahoma City, Oklahoma, ay isang kaakit-akit na lugar. Kasama sina Elder Richard G. Scott, Rex D. Pinegar, at Larry Gibbons, namuno ako roon sa komperensiyang pangrehiyon kamakailan lamang. Punung-puno ng mga miyembro ng Simbahan at iba pang mga interesadong tao ang gusaling pinagpulungan namin. Makalangit ang pag-awit ng koro, nakapagbibigay- inspirasyon ang pananalita, at lagi nang maaalala ang magiliw at nakalulugod na diwang naghari sa komperensiyang iyon.

Naaalala ko ang mga nauna kong pagdalaw sa lugar na ito, ang kagandahan ng pambansang awit--ang "Oklahoma," mula sa produksyong musikal nina Rodgers at Hammerstein--at ang kahanga- hangang pakikitungo ng mga tao roon.

Gayunpaman ang diwa ng mahabaging pagtulong ng komunidad ay sinubok nang pinakamatindi noong ika-19 ng Abril, 1995, nang wasakin ng pagbomba ng mga terorista ang Alfred D. Murrah Federal Building sa kabayanan ng Oklahoma City, na kumitil sa buhay ng 168 katao at puminsala sa di-mabilang na iba pa.

Kasunod ng komperensiyang pangrehiyon sa Oklahoma City, inihatid ako sa pasukan ng maganda at masimbolong libingang nagpapalamuti sa dating kinatatayuan ng gusali ng Murrah. Mapanglaw at maulan ang araw na iyon, na lalo pang nagpasidhi ng pagdurusa at paghihirap na naganap doon. Isang 400-piyeng mapananalaminang lawa ang tampok sa libigan. Sa isang panig ng lawa ay may 168 basong walang laman at mga silyang granito bilang parangal sa bawat isa sa mga taong namatay. Inilagay ito, hangga't maaari, sa lugar na kinatagpuan sa mga bangkay.

Nakatayo sa kabilang panig ng lawa, sa lupang bahagyang nakaangat, ang isang matandang puno ng American elm--ang tanging kalapit na puno na nakaligtas sa pagkawasak. Angkop at magiliw na pinangalanan itong "The Survivor Tree [Ang Puno ng mga Nakaligtas]." Sa maringal na karilagan ay pinararalangan nito ang mga nakaligtas sa nakapanghihilakbot na pagsabog.

Ibinaling ng punong-abala ang aking pansin sa nakaukit sa ibabaw ng tarangkahan ng libingan.


Alalahanin ang mga namatay siyang tanging dahilan,
Mga nakaligtas at nagbago magpasawalang-hanggan.
Nawa'y malaman ng lahat ang bunga ng karahasan.
Magbigay-kaaliwan, lakas, kapayapaan, pag-asa at kapanatagan yaring libingan.

Pagkatapos, may luha sa mga mata at nangangatal ang tinig na ipinahayag niya: "Ang komunidad na ito, ang lahat ng simbahan at mga mamamayan dito, ay matatag na napagkaisa. Lumakas kami sa aming pagdadalamhati. Nagkaisa kami sa aming diwa."

Nabatid namin na ang pinakawastong salitang makapaglalarawan ng naganap ay pagkahabag.

Bumaling ang aking isipan sa dulaang musikal na Camelot. Si Haring Arthur, sa kanyang pangarap na mas mabuting daigdig, na may huwarang ugnayan sa isa't isa, ay nagpahayag, habang inilalarawan niya ang layuning ito sa Bilog na Hapag na, "Ang karahasan ay hindi lakas, at ang pagkahabag ay hindi kahinaan."

Isang makapukaw-damdaming kasaysayang naglalarawan ng pahayag na ito ay matatagpuan sa Lumang Tipan ng Banal na Biblia. Labis na minahal ng kanyang amang si Jacob si Jose, na naging dahilan upang maghihinakit at magselos ang kanyang mga kapatid. Sumunod doon ang planong patayin si Jose, na nang malaon ay inihulog si Jose sa malalim na balon nang walang pagkain o tubig para mabuhay. Pagdating ng dumaraang karuwahe ng mga mangangalakal, ipinasiya ng mga kapatid ni Jose na ipagbili na lang siya sa halip na hayaan siyang mamatay. Naiahon si Jose mula sa balon matapos mabili sa halagang dalawampung pirasong pilak at dinala siya sa bahay ni Potiphar sa lupain ng Ehipto. Doo'y umunlad si Jose, sapagkat "ang Panginoon ay suma kay Jose."1

Matapos ang mga taon ng pananagana, sumunod ang mga taon ng taggutom. Sa kalagitnaan ng huli, nang magtungo ang mga kapatid ni Jose sa Ehipto upang bumili ng mais, pinagpala sila ng masuwerteng lalaking ito sa Ehipto--maging ang sarili nilang kapatid. Marahas sanang mapakikitunguhan ni Jose ang kanyang mga kapatid dahil sa walang habag at malupit na pagtratong tinanggap niya mula sa kanila. Gayunman, naging mabait at mapagbigay siya sa kanila at nakamtan niya ang kanilang pagmamahal at suporta sa mga salita at pagkilos na ito:

"Ngayo'y huwag kayong magdalamhati o magalit man sa inyong sarili na inyo akong ipinagbili rito; sapagkat sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang magadya ng buhay.. . .

"At sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang papanatilihin kayong pinakalahi sa lupa, at upang iligtas kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas."2 Inihalimbawa ni Jose ang kagila-gilalas na diwa ng pagkahabag.

Noong kalagitnaan ng panahon, nang lumakad si Jesus sa maalikabok na lansangan ng Banal na Lupain, madalas siyang nagsalita nang matalinghaga.

Sabi niya: "Isang tao'y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem; at siya'y nahulog sa mga kamay ng tulisan, na sa kaniya'y sumamsam at sa kaniya'y humampas, at nagsialis na siya'y iniwang halos patay na.

"At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote; at nang makita siya ay dumaan sa kabilang tabi.

"At sa gayon ding paraan ang isang Levita naman nang dumating siya sa dakong yaon, at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi.

"Datapuwa't ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya, at nang siya'y makita niya, ay nagdalang habag.

"At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat na binuhusan ng langis at alak; at siya'y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya'y inalagaan.

"At nang kinabukasa'y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya; at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko."

Kapag itinanong sa atin ito ng Tagapagligtas, "Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?"

Walang alinlangang ang isasagot natin ay, "Ang nagkawanggawa sa kaniya."

Ngayon, tulad noon, ang isasagot ni Jesus sa atin ay: "Humayo ka at gayon din ang gawin mo."3

Binigyan tayo ni Jesus ng maraming halimbawa ng mahabaging pagmamalasakit. Ang taong pilay sa lawa ng Betesda; ang babaing nangalunya; ang babae sa balon ni Jacob; ang anak na babae ni Jairo; si Lazarus na kapatid ni Maria at Marta--bawat isa'y kumatawan sa biktima sa landas ng Jerico. Bawat isa'y nangailangan ng tulong.

Sa pilay sa Betesda, sinabi ni Jesus: "Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka."4 Sa makasalanang babae ay ipinayo niya: "Humayo ka, at huwag ka nang magkasala."5 Upang matulungan siya na dumating upang umigib ng tubig, naglaan siya ng balon ng tubig, "na bubukal sa kabuhayang walang hanggan."6 Sa namatay na anak na babae ni Jairo ay dumating ang utos, "Dalaga, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka."7 Sa nakalibing na si Lazaro ay, "Lumabas ka."8

Lagi nang nagpakita ang Tagapagligtas ng walang hanggang kakayahang mahabag.

Dito, sa lupalop ng Amerika, nagpakita si Jesus sa mga tao at nagsabi:

"Mayroon bang may karamdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagka't ako ay nahahabag sa inyo.. . .

"At pinagaling niya ang bawat isa sa kanila."9

Maitatanong ng sinuman ang matalim na katanungang ito: Ang mga kasaysayang ito ay patungkol sa Manunubos ng mundo. Talaga bang may magaganap sa sarili kong buhay, sa sarili kong landas ng Jerico, ng gayong katangi-tanging karanasan?

Isusunod ko ang aking kasagutan sa mga salita ng Panginoon: "Magsiparito kayo at inyong makikita."10

Hindi natin malalaman kung kailan malalantad sa ating harapan ang pribilehiyong makatulong. Ang landas patungong Jerico na nilalakbay ng bawat isa sa atin ay walang pangalan, at ang pagal na manlalakbay na nangangailangan ng ating tulong ay maaaring hindi natin kilala.

Nagpahayag ng taimtim na pasasalamat ang sumulat ng liham na natanggap noong nakaraan sa punong-tanggapan ng Simbahan. Walang nakasaad na tirahan, walang pangalan, ngunit ang nakatatak na selyo ay galing sa Portland, Oregon:

"Sa Tanggapan ng Unang Panguluhan:

"Minsa'y pinakitaan ako ng Salt Lake City ng mala-Kristiyanong pagtanggap noong ako'y naglilibot.

"Sakay ng bus patungong California, bumaba ako sa terminal ng Salt Lake City, maysakit at nangangatog na pinalala ng kawalan ng tulog dahil sa matinding kakulangan sa kinakailangang gamot. Sa madalian kong pagtakas sa masamang sitwasyon sa Boston, ganap kong nalimutan ang panustos kong gamot.

"Sa restawran ng Temple Square Hotel, malungkot akong naupo. Sa sulok ng aking mata'y nakita ko ang isang mag-asawang papalapit sa akin. "May dinaramdam ka ba, binata?" tanong ng babae. Tumuwid ako ng upo, na umiiyak at bahagyang nanginginig, at isinalaysay ko ang nangyari sa akin at ang gipit na kalagayan ko noon. Masusi at matiyaga silang nakinig sa halos pautal-utal kong pagsasalita, at pagkatapos ay sinagot nila ang lahat. Kinausap nila ang tagapamahala ng restawran, at sinabi sa aking maaari kong kainin ang lahat ng gusto ko sa loob ng limang araw. Dinala nila ako sa tanggapan ng hotel at ikinuha ako ng silid para sa limang araw. Pagkatapos ay inihatid nila ako sa klinika at tiniyak na maibibigay sa akin ang lahat ng kailangan kong gamot--ang tunay na makapagbibigay sa akin ng katinuan at kaginhawan.

"Habang nagpapagaling ako at nagpapalakas, tiniyak kong makadalo sa araw-araw na mga pagtatanghal sa organo ng Tabernakulo. Ang makalangit na himig ng instrumentong iyon mula sa pinakamalamlam na tunog hanggang sa pinakamalakas na kabuuan ng organo ang pinakamaringal na tunog na narinig ko. Bumili ako ng mga album at tape ng mga himig sa organo at koro ng Tabernakulo na siyang naaasahan kong magbigay-aliw at magpalakas sa nananamlay kong espiritu.

"Sa huling araw ko sa hotel, bago ako nagpatuloy sa paglalakbay, isinauli ko ang aking susi; at may mensahe para sa akin mula sa mag-asawang iyon: 'Bayaran mo kami sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabaitan sa sinumang nababalisang kaluluwa madaraanan mo.' Ugali ko na iyon, ngunit nagpasiya akong mas talasan ang aking mga mata para sa sinumang nangangailangan ng tulong sa buhay.

"Sana'y nasa mabuti kayong kalagayan. Hindi ko alam kung ito na nga ang 'mga huling araw' na binabanggit sa mga banal na kasulatan, ngunit batid ko na ang dalawang miyembro ng inyong Simbahan ay naging banal sa akin sa mga oras ng matindi kong pangangailangan. Naisip ko lang na baka nais ninyong malaman ito!"

Napakagandang halimbawa ng mapagmahal na pagkahabag.

Sa isang pribadong klinikang nag-aalaga ng matatanda, labis na nangingibabaw ang pagkahabag. Pag-aari ito ni Edna Hewlett. Mahaba ang listahan ng mga nagnanais na gugulin ang nalalabi pa nilang mga araw sa ilalim ng magiliw niyang pag-aalaga, dahil para anghel ang kanyang pag-uugali. Pinaliliguan at inaayos niya ang buhok ng bawat pasyente. Nililinis niya ang katawan ng matatandang ito at binibihisan sila ng makukulay at malilinis na kasuotan.

Sa loob ng maraming taon ng pagbisita ko sa mga balo ng purok na dati kong pinamunuan, karaniwan nang sinisimulan ko ang pagbisita sa gusali ni Edna. Sinasalubong niya ako ng masayang ngiti at inihahatid ako sa sala kung saan nakaupo ang ilang pasyente. Nagsisimula akong lagi kay Jeannie Burt, na siyang pinakamatanda--102 taon na siya nang pumanaw. Kilala niya ako at aking pamilya mula pa nang isilang ako.

Sa isang pagkakataon, tinanong ako ni Jeannie sa matigas na punto ng taga-Scotland: "Tommy, nakapunta ka na ba sa Edinburgh?"

Sumagot ako, "Oho, galing ho ako roon kailan lang."

"Napakaganda, 'di ba!" ang tugon niya.

Ipinikit ni Jeannie ang kanyang mga mata na tila nangangarap. Pagkatapos ay naging seryoso siya. "Bayad na ako para sa libing ko--nang buo. Kailangang magsalita ka sa burol ko at tutulain mo ang 'Crossing the Bar [Pagtawid sa Harang]' ni Tennyson. Sige nga, pakinggan natin ngayon!"

Tila nakatutok sa akin ang mga mata ng lahat, na iyon nga ang nangyayari. Bumuntung-hininga ako at nagsimula:


Paglubog ng araw at paglitaw ng bituin,
At isang malinaw na tawag sa akin.
Nawa'y hindi umangal itong nakaharang,
Sa paglalayag ko sa karagatan.
11

Kaaya-aya at makalangit ang ngiti ni Jeannie--at kapagdaka'y ibinulalas niya, "Ah, Tommy, maganda iyan. Pero tiyakin mong magsanay nang kaunti bago ako paglamayan!" Ginawa ko iyon.

Minsan sa ating misyon sa lupa, may lumilitaw na bantulot na paghakbang, payak na ngiti, sakit ng karamdaman--maging pagkupas ng tag-araw, pagdating ng taglagas, ginaw ng taglamig, at karanasang tinatawag nating kamatayan, na dumarating sa lahat ng sangkatauhan. Dumarating ito sa mga matatandang bantulot na naglalakad. Ang pagtawag nito'y naririnig ng mga yaong halos hindi pa nakakalahati sa landas ng buhay. Madalas ay pinatatahimik nito ang halakhak ng maliliit na bata.

Sa buong daigdig nagaganap araw-araw ang malungkot na tagpo ng mga nagdadalamhating mahal sa buhay habang namamaalam sa anak, kapatid, ina, ama, o minamahal na kaibigan.

Mula sa malupit na krus, lubos na madamdamin ang magiliw na mga salita ng pamamaalam ng Tagapagligtas sa kanyang ina:

"Pagkakita nga ni Jesus sa kanyang ina, at sa nakatayong alagad na kanyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito ang iyong anak!

"Nang magkagayo'y sinabi niya sa alagad, Narito ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan."12

Tandaan natin na matapos mangalanta ang mga bulaklak sa libing, magiging mga alaala na lamang ang mga pakikiramay, at lalabo sa isipan ang mga panalanging inialay at mga salitang nabanggit. Kadalasa'y natatagpuan ng mga nagdadalamhati ang kanilang sarili na nag-iisa. Nawaglit ang mga halakhak ng mga bata, ang pagkakagulo ng mga kabataan, ang magiliw at mapagmahal na pag-aalala ng pumanaw na kasama. Lalong lumalakas ang tiktak ng orasan, lalong bumibilis ang pagdaan ng oras, at tunay ngang nagmimistulang kulungan ang apat na dingding.

Pinararangalan ko ang mga yaong pinakakain ang nagugutom, binibihisan ang hubad, at kinakanlungan ang mga walang tahanan nang may mapagmahal na pagkalinga at mahabaging pagmamalasakit. Siya na nakapapansin sa pagkahulog ng maya ay aalalahanin ang gayong paglilingkod.

Sa Kanyang pagkahabag at ayon sa Kanyang banal na plano, nagdudulot ang mga banal na templo sa mga anak ng ating Ama ng kapayapaang di-kayang unawain.

Ngayon, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Gordon B. Hinckley, ang bilang ng mga bagong templong itinayo at itinatayo ay kagila-gilalas isipin. Ang mahabaging pagmamalasakit ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak sa lupa at para sa mga yaong sumakabilang buhay ay marapat nating pasalamatan.

Salamat sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo para sa Kanyang buhay, para sa Kanyang ebanghelyo, para sa Kanyang halimbawa, at para sa Kanyang pinagpalang pagbabayad- sala.

Binabalikan ko ang aking paggunita sa Oklahoma City. Para sa akin, hindi lamang nagkataon na ngayo'y isang templo ng Panginoon, sa buong kagandahan nito, ang nakatayo sa lungsod na iyon na tila isang tanglaw mula sa langit upang simulan ang landas ng kagalakan dito sa lupa at walang hanggang kagalakan sa buhay na darating. Tandaan natin ang mga salita sa Mga Awit, "Ang pag-iyak ay magtatagal ng magdamag, ngunit kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan."13

Sa tunay na tunay na pamamaraan, nagwiwika ang Panginoon sa atin: "Narito ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok; kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako'y papasok sa kaniya."14

Pakinggan natin ang Kanyang pagkatok. Buksan natin ang pintuan ng ating mga puso, upang Siya--ang buhay na halimbawa ng tunay na pagkahabag--ay makapasok, ang taimtim kong dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Gen. 39:2.
2. Gen. 45:5, 7.
3. Tingnan sa Lucas 10:30–37.
4. Juan 5:8.
5. Juan 8:11.
6. Tingnan sa Juan 4:14.
7. Marcos 5:41.
8. Juan 11:43.
9. 3 Ne. 17:7, 9.
10. Juan 1:39.
11. "Crossing the Bar," mga linya 1–4.
12. Juan 19:26, 27.
13. Mga Awit 30:5.
14. Apoc. 3:20.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy