The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Pagbati sa Komperensiya
 NextArrow icon acting as a button to Next Page  

Pagbati sa Komperensiya

Pangulong Gordon B. Hinckley

Palaki nang palaki ang Simbahan. Parami nang parami ang naiimpluwensiyahan nito sa kabutihan. Lumalaganap ito sa buong mundo sa kahanga-hangang paraan.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Mga minamahal kong kapatid, binabati namin kayo sa dakilang pandaigdigang komperensiyang ito ng Simbahan. Nagpapasalamat kami sa inyong pagdalo at pagsisikap upang maparito. Nagpapasalamat kami sa pakikibahagi ng ating mga kapatid na nagtipun-tipon sa ilang libong bulwagan sa buong mundo.

Palaki nang palaki ang Simbahan. Parami nang parami ang naiimpluwensiyahan nito sa kabutihan. Lumalaganap ito sa buong mundo sa kahanga-hangang paraan.

Sasamantalahin ko ang pagkakataon ngayong umaga upang iulat nang maikli ang ating pag-unlad tungo sa layuning pagkakaroon ng 100 gumaganang templo sa taong 2000.

Sa unang bahagi ng taong ito, inilaan natin ang mga templo sa Anchorage, Alaska; Colonia Juarez, Mexico; Madrid, Spain; Bogota, Colombia; Guayaquil, Ecuador; Spokane, Washington; Columbus, Ohio; at Bismarck, North Dakota--walong lahat ito. Simula ngayon at sa pagtatapos ng taon, ilalaan natin ang pito pang templo sa Columbia, South Carolina; Detroit, Michigan; Halifax, Nova Scotia; Regina, Saskatchewan; Billings, Montana; Edmonton, Alberta; at Raleigh, North Carolina--pito pa. Sa pagtatapos ng 1999, inaasahan nating magkakaroon ng 68 na gumaganang templo.

Isang kahanga-hangang karanasan ang makibahagi sa mga pulong-paglalaang ito. Lubos na nakapagbibigay kagalakan ang kasiglahan ng mga tao. Nasa kanila ang espiritu ng paggawa sa templo. Nagpapasalamat sila sa pagkakaroon ng bahay ng Panginoon na mas malapit sa kanilang tahanan. Ilan sa kanila noon ang naglakbay nang napakalayo. Marami pa rin sa kanila ang naglalakbay. Habang nagtitipun-tipon sa mga sagradong pulong at habang inilalaan ang mga banal na gusaling ito, nakita namin ang marami na may mga luha sa kanilang mga mata.

Maraming batang lalaki at babae ang dumalo sa mga serbisyong ito. Ipinaalala sa kanila na ang mga templong ito ay hindi lamang para sa kanilang mga magulang, kundi para rin sa kanila. Pagsapit ng 12 taong gulang, maaari silang pumasok sa bahay ng Panginoon at tumayo bilang kahalili sa pagbibinyag sa mga sumakabilang buhay. Napakadakila at hindi makasariling paglilingkod nito. Kahanga-hangang makibahagi sa ganitong lubos na hindi makasariling gawain ang ating mga kabataan alang-alang sa mga walang kakayahan upang tulungan ang kanilang sarili.

Kaakibat ng lumalagong paggawang ito sa templo ang lumalagong paggawa ng kasaysayan ng mag-anak. Pinabibilis ng kompyuter ang gawain sa tulong ng maraming kakayahan nito, at ginagamit ng mga tao ang mga bagong pamamaraang itinuturo sa kanila. Paano maiiwasang isipin ng isang tao na lahat ng ito ay kagagawan ng Panginoon? Habang humuhusay ang mga kagamitang kompyuter, dumarami ang mga templo upang mabigyang-puwang ang pinabilis na paggawa ng kasaysayan ng mag-anak.

Daan-daang libong hindi miyembro ang dumalo sa mga pansamantalang pagsasabukas sa publiko ng mga bagong templong ito. Dumalo sila nang may pagpipitagan at paggalang. Sa maraming pagkakataon, walang pag-aalinlangang ang mga templo ang pinakamagandang gusali sa mga lungsod kung saan matatagpuan ang mga ito. Nanggigilalas ang mga tao sa kagandahan ng mga ito. Ngunit higit sa lahat, ang labis nilang hinahangaan ay ang mga larawan ng Tagapagligtas na nakikita nila sa mga banal na bahay na ito. Hindi na nila tayo maituturing na mga taong hindi naniniwala kay Cristo. Dapat nilang malaman na ang pangunahing katauhan sa lahat ng ating pagsamba ay ang Panginoong Jesucristo.

Ang pagtatayo ng ganito karaming templo ay isang malaking gawain noon pa man. Hindi mo paniniwalaan kung ano ang kinakailangan maliban kung ikaw ay talagang kasama sa proseso. Bawat isa sa mga gusaling ito, malaki o maliit ay ginagawa sa pinakamahusay na paraang alam natin, na ginagamitan ng pinakamahusay na uri ng kagamitan. Mas mahal ang mga ito sa kapilya. Dahil sa ginawa ang mga ito alinsunod sa mas mataas na pamantayan. Nagpapasalamat ako sa maraming matatapat na kalalakihan at kababaihang gumagawa sa malaking proyektong ito.

Bawat ordenansang ipinagkakaloob sa Templo sa Salt Lake, ang pinakamalaki sa Simbahan, ay ipinagkakaloob din sa bawat templo, pati na sa mga mas maliliit na gusaling ito. Sa katunayan ay hindi maliit ang mga ito. Ang mga ito ay maluwag at maganda. Sumasagisag ito sa pinakamataas na antas ng ating pagsamba at pagbabasbas na inihahandog.

Binabalak nating pasinayaan ang pagtatayuan ng Templo sa Nauvoo sa pagtatapos ng buwang kasalukuyan. Maraming tao ang nananabik at tumutulong sa makasaysayang gawaing ito.

Magpapatuloy tayo sa gawain ng paglalaan sa susunod na taon. Magiging lubhang abala tayo sa panahong iyon. Inaasahan natin ang paglalaan ng marahil ay higit sa 42 pa. Sa pagtatapos ng taong 2000, kapag natupad ang mga kasalukuyang plano, hindi lamang ang 100 nating pinagsikapan ang ating makakamit, kundi higit pa riyan.

Hindi tayo hihinto kung gayon. Maaaring hindi tayo makapagtayo nang gayon din kabilis, subalit magpapatuloy tayo hangga't kalooban ng Panginoon na mangyari iyon.

Mga kapatid, kahanga-hanga ang panahong ito sa gawain. Binabasbasan ng Diyos, na ating Walang Hanggang Ama ang Kanyang layunin, ang Kanyang Kaharian, at ang Kanyang mga tao. Ang mga pinagkukunan ng Simbahan, pati na ang mga kailangan sa gawain sa templo ay lumalago.

Sa kabila ng katotohanang hindi tayo nagtatayo ng templo hangga't walang sapat na bilang ng tao sa pook, hangga't walang sapat na nagbabayad ng ikapu, at hangga't walang sapat na pananampalataya, ang pagtatayong ito ng mga sagradong gusali ang mismong nagiging palatandaan ng paglago sa pananampalataya at pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo.

Nawa'y tamasahin natin ang mga pagpapala ng Panginoon sa ating pagsulong sa dakilang gawaing ito na may epekto hindi lamang sa mga buhay kundi sa maraming sumakabilang buhay sa mga nagdaang salinlahi. Ito ang aking dalangin nang may pagpapakumbaba sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
 NextArrow icon acting as a button to Next Page  
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy