Elder Adhemar Damiani
Ng Pitumpu
Hindi natin maaaring piliin na maglingkod nang sabay sa Diyos at sa mundo.
Nang malapit nang magwakas ang buhay ni Josue, tinipon niya ang mga tribo ng Israel at ipinaalala ang awa at mga biyaya na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos.
Dahil sa paraan ng pamumuhay nila, pinayuhan sila ni Joshua at sinabihan ng ganito:
"Ngayon nga ay matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa pagtatapat at sa katotohanan: at inyong alisin ang mga diyos na mga pinagligkuran ng inyong mga magulang sa dako roon ng Ilog, at sa Egipto; at inyong paglingkuran ang Panginoon.
"At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; . . . ngunit sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon."1
Sa pahanon natin ngayon, pinapayuhan din tayo sa ganoong paraan sa pamamagitan ng mga apostol at mga propeta. Dapat tayong matakot sa Panginoon, paglingkuran ang Panginoon, iwaksi ang mga makamundong diyus-diyosan, at piliin kung sino ang ating paglilingkuran.
Ang ibig sabihin ng matakot sa Panginoon ay igalang at mahalin Siya at sundin ang Kanyang mga utos.
Naipakikita natin na naglilingkod tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng paraan ng pagsasabuhay natin sa mga utos na natanggap natin mula sa Kanya, sa mga ginagawa natin bilang pagtulong na maitatag ang kaharian ng Diyos dito sa mundo, at sa pakikitungo natin sa ating kapwa.
Ang ibig namang sabihin ng pag-alis ng mga makamundong diyos ay hindi pag-iisip ng mga malaswang bagay, pag-alis ng galit at poot sa ating mga puso, at pagtalikod sa anumang bagay na makapipigil sa palagi nating pagtanggap sa Banal na Espiritu.
Para sa iba, maaaring ang ibig sabihin ng pag-alis ng mga makamundong diyos ay ang pag-iwas sa nakasanayan na. Sa iba naman, maaaring ang ibig sabihin nito ay pagsisisi sa malalaking kasalanan na ginagawa nila. At sa iba naman ang maaaring kahulugan nito ay paglimot sa masasamang pangyayari sa kanilang buhay. Anuman ang situwasyon, nasa bawat isa sa atin ang kapangyarihang baguhin ang ating buhay, ang kapangyarihang baguhin ang masasamang damdamin na nasa puso natin. Ibibigay sa atin ng Panginoong Jesucristo ang kapangyarihang ito at tutulungan Niya tayo. Ang tanging hinihiling Niya sa atin ay magkaroon tayo ng pananampalataya sa Kanya, sundin ang Kanyang halimbawa, at tuparin ang Kanyang mga kautusan.
Kung mamahalin natin ang Diyos, paglilingkuran ang Panginoon nang tapat, at tatalikuran natin ang mga bagay ng mundong ito magiging tunay na tagasunod tayo ni Cristo.
Gaya ng mga tao ng Israel, maraming beses sa ating buhay na napapatigil tayo at nag-iisip. Kapaki-pakinabang ba na paglingkuran ko ang Panginoon? Wika ni Jesus:
"Kaya't ang bawat dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kanyang bahay sa ibabaw ng bato.
"At lumagpak ang ulan, at bumaha, at umihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak; sapagkat natatayo sa ibabaw ng bato.
"At ang bawat dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kanyang bahay sa buhanginan:
"At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang hangin at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakila-kilabot ang kanyang pagkabagsak."2
Ang paglilingkod kay Cristo ay hindi paraan upang takasan ang masasakit na katotohanan ng buhay.
Gaya ng nakasaad sa Biblia: "Lahat ng mga bagay ay nagsisidating na para sa lahat: may isang pangyayari sa matuwid, at sa masama; sa mabuti at sa malinis, at sa marumi."3
Ang ulan, baha, at mga hangin ay humahampas hindi lamang sa bahay na itinayo sa buhanginan, kundi maging sa isa pa, na itinayo sa bato.
Kapwa ang taong naglilingkod sa Panginoon at ang taong hindi nagpapahalaga sa Kanya ay nabubuhay sa isang mundong sumusunod sa mga batas ng kalikasan.
Maraming bagay ang nangyayari sa isang taong banal na nangyayari din sa isang makasalanan--sakit, kamatayan, mga kasawian, sakuna, at iba pa.
Ang pagiging mayaman o mahirap ay hindi batayan upang makita kung ang isang tao ay nabubuhay bilang Kristiyano.
Ang pisikal na paghihirap ay hindi katibayan ng pagiging masama o ni parusa sa kasalanan.
Kung gayon ay ano ang mga gantimpala ng paglilingkod sa Panginoon?
Hindi ipinapangako ng ebanghelyo ni Jesucristo na maiiwasan natin ang matitinding pagsubok. Subalit pinalalakas naman nito ang ating espiritu upang matanggap natin ang kasawiang-palad at harapin ito kapag dumating na sa ating buhay.
Ang bahay na itinayo sa bato ay hindi bumabagsak kapag malakas ang hangin at ulan.
Ang taong itinatag ang buhay niya sa ebanghelyo ni Jesucristo ay magagawang:
Harapin ang kalaban nang may pag-asa;
Tiisin ang sama ng loob nang may pagpapatawad; at
Harapin ang kamatayan nang may kapayapaan.
Ang taong pumipili na sundin ang Panginoon at sumusunod sa mga utos Niya:
Sa kanyang kahinaan, ay alam niya kung saan nagmumula ang kanyang lakas;
Sa kanyang kalakasan ay nananatili siyang mapagkumbaba;
Sa kanyang kahirapan, ay alam niya kung ano ang kanyang kayamanan;
Sa kanyang kasaganaan, ay may pagmamahal niyang naaalala ang kanyang mga kapatid.
Ang taong nabubuhay nang ganito na walang takot o poot, kundi may pananampalataya at pagmamahal, ay taong masaya.
Ang mga bungang matatanggap mula sa paglilingkod sa Panginoon ay pawang espirituwal.
Itinuro ni Jesus na ang bawat puno ay nagbibigay ng bunga ayon sa uri nito: "Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti."4
Ipinangako ni Jesus ang buhay na walang hanggan sa mga tagasunod Niya: "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos,
"Na di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at sa sanglibutang darating, ng walang hanggang buhay."5
Sa buhay na ito ay itinatayo natin ang magiging tirahan natin sa kawalang hanggan.
Tayo ba ay nagtatayo sa bato ng ebanghelyo ni Jesucristo, o sa buhanginan ng mga kasinungalingan ng mundong ito?
Sa bawat sandali ay kailangang pumili tayo kung sino ang paglilingkuran natin, sapagkat ipinadala tayo dito sa mundo upang mapatunayan at masubukan.6
Hindi natin maaaring piliin na maglingkod nang sabay sa Diyos at sa mundo.7
Kung gusto nating sumunod sa Panginoon, dapat nating sundin ang mga kautusan Niya. Dapat din nating sundin ang ating Propeta at ang mga turo niya: "At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; . . . ngunit sa ganang akin at ng aking sangbahayan, ay maglilingkod kami sa Panginoon."8
Pinatototohanan ko na alam kong totoo ang mga alituntuning ito. Ako at ang aking pamilya ay labis na nabiyayaan dahil sa pagsunod namin sa payo ng mga apostol at propeta at dahil pinili naming paglingkuran ang Panginoon. Ginagabayan tayo ngayon ng isang propeta ng Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Josue 24: 1415.
2. Mateo 7: 2427.
3. Eclesiastes 9:2.
4. Mateo 7:18.
5. Lucas 18: 2930.
6. Tingnan sa Abraham 3:25.
7. Tingnan sa Mateo 6:24.
8. Josue 24:15.