The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Huwag Ipagpaliban

Huwag Ipagpaliban

Elder Henry B. Eyring
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Tama si Nephi, hindi nagbibigay ng mga kautusan ang Diyos sa mga anak ng tao maliban na ihahanda Niya ang daan para sila ay makasunod. Gaano man kahirap ang ating kalagayan, maaari tayong magsisi.

Elder Henry B. Eyring

Naharap na tayong lahat sa itinakdang araw. Maaari tayong mabalot ng takot kapag nalaman nating kulang na ang oras upang matapos ang ipinangako nating dapat gawin. Dumarating ang kaisipang, "Bakit hindi ako nagsimula nang mas maaga?"

Alam ng Panginoong matutukso tayong ipagpaliban ang pinakamahalagang paghahanda na dapat nating gawin sa buhay na ito. Hindi lamang Niya tayo minsan binalaan tungkol sa pagpapaliban. Itinuro niya ang talinghaga ng sampung dalaga, lima sa kanila ang hindi pumuno ng kanilang ilawan sa pagdating ng kasintahang lalaki. Ibinigay rin niya ang talinghaga ng mga aliping walang pananampalataya dahil naniniwala silang ipagpapaliban ng kanilang Panginoon ang Kanyang pagdating. Kalunus-lunos ang kinahinatnan ng pagpapaliban.

Ito ang nangyari sa limang hindi naghandang dalaga:

"Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.

Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakilala" (Mat. 25:11­12).

Ito naman ang nangyari sa mga walang pananampalatayang aliping nagpaliban ng kanilang paghahanda:

"Darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya hinihintay, at oras na hindi niya nalalaman,

"At siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga mapagpaimbabaw: doon na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin" (Mat. 24:50­51).

Ang tuksong pagpapaliban ng pagsisisi ay hindi lamang dumarating sa katapusan ng mundo na tulad sa ipinahihiwatig ng mga banal na kasulatang iyon. Ang tuksong iyan ay halos laging nariyan simula pa noon at nagpapatuloy sa ating buhay. Maaaring naisip natin noong ating kabataan: "Magkakaroon ako ng sapat na panahon upang pag-isipan ang mga espirituwal na bagay bago ako magmisyon o bago ikasal. Para sa higit na nakatatanda ang mga Espirituwal na bagay." Pagkatapos, sa mga unang taon ng buhay may-asawa, tila masyado tayong ginigipit ng mga pasanin sa buhay, trabaho, bayarin, pagkakaroon ng sapat na oras para sa pahinga at paglilibang na ang pagpapaliban sa pagtugon sa mga obligasyon sa Diyos at pamilya ay naging makatwiran muli. Madaling isipin, "Marahil mas maraming panahon para diyan pagdating sa kalagitnaan ng buhay." Subalit lubhang mabilis ang pag-usad ng panahon sa mga susunod na taon. Napakaraming dapat gawin, at tila umiiksi ang panahon. Ang ika-55 kaarawan at ika-65 at ika-75 ay tila hindi isang dekada ang pagitan.

Kaakibat ng pagtanda ang mga hamong pisikal at emosyonal. Tila hindi natin matapos ang gayon ding dami ng trabaho sa loob ng isang oras na tulad sa nagagawa natin noong ating kabataan. At higit na mahirap magpasensiya sa iba at tila mas marami silang hinihiling. Nakatutukso na namang bigyang katwiran ang ating sarili sa hindi pagsunod sa mga pamantayang hinihingi ng mga nauna nating tipan, na ngayo'y matagal nang napabayaan.

Hindi lahat ay nahuhulog sa bitag ng kawalang pagkilos. Subalit may mga nabibitag at bawat isa sa atin kahit paano ay mayroong isa sa mga ito at madalas pa nga ay--isang anak, magulang, kaibigan--isang tao na sa palagay natin ay mayroon tayong responsibilidad na labis nating inaalala. Naturuan sila ng ebanghelyo. Gumawa sila ng mga tipan. Subalit patuloy silang sumusuway o nagpapabaya sa kabila ng kahungkagang alam nating idinudulot nito sa kanila. Ang pagpili na magsisi o manatiling bihag ng kasalanan ay sarili nilang kagagawan. Subalit ang pagkakaroon ng kaalaman kung paano nabuo ang bitag ng kawalang pagkilos at pagtutol sa kanilang isipan at puso ay maaaring makatulong sa atin upang higit na madaling marinig ang tugon sa ating taimtim na dalangin: "Parang awa na po ninyo, Ama sa Langit, ano po ang aking magagawa para makatulong?"

Ang tuksong iyon na magpaliban ay nagmumula sa ating kaaway, si Lucifer. Alam niya na hindi tayo kailanman magiging masaya maliban kung mayroon tayong pag-asa sa buhay na ito at ng pagkakaroon ng kaalaman, tungkol sa susunod na buhay, ng buhay na walang hanggan. Ito ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos. Ito ang mabubuhay magpakailanman bilang pamilya kapiling ang ating Ama sa Langit at si Jesucristo, at ang pagkakaroon ng walang hanggang pag-unlad. Nais ni Satanas na maging kalunus-lunos tayong tulad niya. At alam niya na maaari lamang tayong magkaroon ng gayong tunay na kaligayahan kapag tayo'y nahugasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, sa masidhi at patuloy na pagsisisi, at paggawa at pagsunod sa mga sagradong tipang ipinagkakaloob sa pamamagitan ng mga may awtoridad na tagapaglingkod ng Diyos. Pinatutunayan ng mga banal na kasulatan ang panganib:

"Anupa't kung hinangad ninyong gumawa ng kasamaan sa mga araw ng inyong pagsubok, sa gayon matatagpuan kayong marurumi sa harapan ng hukumang-luklukan ng Diyos; at walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos; kaya nga, tiyak na kayo ay itatakwil magpakailanman" (1 Nephi 10:21).

Kung kaya tinutukso tayo ng pagpapaliban ni Satanas sa buong araw ng ating pagsubok. Alinmang pagpapaliban ng pagsisisi ay nagbibigay sa kanya ng pagkakataong nakawin ang kaligayahan sa isa sa mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit.

Lahat tayo'y natukso na ng pagpapalibang iyan. Alam natin sa ating sariling karanasan na tama si Pangulong Kimball nang isulat niyang: "Isa sa pinakamalaking pagkakamali ng tao sa lahat ng panahon ang pagpapaliban," at pagkatapos ay binigyan niya ng kahulugan ito: "ang pagtangging tumanggap ng personal na responsibilidad ngayon" (The Teachings of Spencer W. Kimball, pinamatnugutan ni Edward L. Kimball [1982], 48; may pagbibigay-diin sa orihinal). Kaya iniimpluwensiyahan ni Satanas kapwa ang ating pagnanais na isiping walang dapat ipagsisi at ipagpatuloy ang alinmang masamang bagay sa hinaharap. Tinutukso niya tayo, at ang mga mahal natin, ng kaisipang tulad nito: "Lubhang mapagmahal ang Diyos, tiyak na hindi Niya ako personal na pananagutin sa mga pagkakamaling bunga ng pagiging tao lamang." At kapag nabigo iyan, halos tiyak na darating ang kaisipang: "Siya, maaaring may responsibilidad akong magsisi, subalit hindi ngayon ang tamang panahon para magsimula. Kapag naghintay-hintay ako, mas mainam ang magiging resulta."

May ilang katotohanang naglalantad sa mga kasinungalingang naglalayong tuksuhin tayo na ipagpaliban ang pagsisisi. Magsimula tayo sa panlilinlang na lubhang kaakit-akit, kung kaya hindi natin kailangang magsisi.

Ang katotohanan ay kailangan nating lahat ang pagsisisi. Kapag mayroon na tayong kakayahang mag-isip at lampas na sa walong taong gulang, kailangan nating lahat ng paglilinis na nagmumula sa pamamagitan ng paggamit sa buong epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kapag malinaw na iyan, hindi na tayo malilinlang na magpaliban ng tusong tanong na: "Lumagpas na ba ako sa hangganan ng mabigat na kasalanan, o maaari ko bang alisin sa aking isipan ang pagsisisi?" Ang dapat na itanong ay ito: "Paano ko matututunang malaman maging ang pagsisimula ng kasalanan upang makapagsisi ng maaga?"

Ang malamang hindi tayo mga biktima ng pangyayari ang pangalawang katotohanan tungkol sa ating pananagutan. Sinusubukang sabihin ng mundo sa atin na totoo ang kabaligtaran: ang mga depekto sa ating mga magulang o mga diperensiya sa ating mga minanang katangian ay ipinakikita sa ating mga dahilan upang imulat tayo na wala tayong personal na pananagutan. Subalit gaano man kahirap ang mga pangyayari, hindi nito inaalis sa atin ang pananagutan sa ating mga gawa o hindi ginawa. Tama si Nephi. Hindi nagbibigay ng mga kautusan ang Diyos sa mga anak ng tao maliban kung ihahanda Niya ang daan para sila ay makasunod. Gaano man kahirap ang ating kalagayan, maaari tayong magsisi.

Gayundin, maaaring nakahanda ang mundo na pahintulutan tayo sa masasamang gawi dahil masama ang iginagawi ng mga nakapaligid sa atin. Hindi totoong tinatanggal ng gawi ng iba ang ating pananagutan. Hindi nagbabago ang mga pamantayan ng Diyos sa ating mga gawi piliin man o hindi ng iba na sumunod dito.

Lalong mahirap ito kapag may nakasakit sa atin at sa palagay natin ay makatwiran ang ating galit. Kasinungalingang binibigyang katwiran ng ating galit ang mga bugso ng damdaming saktan o ipagwalang bahala ang ating mga kalaban. Kailangan nating magpatawad upang mapatawad. Pinapipili natin sila ng pagpapalibang mag-aalis sa atin ng kaligayahan dito at sa hinaharap kapag hinintay natin silang humingi ng kapatawaran bago tayo magpatawad at magsisi.

Panghuli, may personal na pananagutan tayo dahil binigyan tayo ng sapat na babala ng Panginoon. Natanggap natin ang Espiritu ni Cristo mula nang isilang tayo upang sabihin sa atin kung alin ang tama o mali at upang maranasan natin ang kaugnayan ng kasalanan sa kalungkutan. Mula pa noon ay nagpadala siya ng mga propeta upang mangaral laban sa kasalanan at mag-anyaya na magkaroon ng pananampalataya at magsisi. Ipinanumbalik niya ang kaganapan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng propetang Joseph Smith. Si Gordon B. Hinckley ang Kanyang buhay na propeta, na nagtataglay ng lahat ng susi ng pagkasaserdote na nagpapahintulot sa lahat ng nabubuhay ngayon na magsisi at piliing matamo ang buhay na walang hanggan. May pananagutan tayo ngayong araw na ito sapagkat pinagtitibay ng Espiritu Santo na ang mga salitang ito ay totoo.

Maging ang pagtanggap sa personal na pananagutan ay maaaring hindi dahilan upang mapaglabanan ang tukso na hindi ngayon ang tamang panahon para magsisi. Ang "ngayon" ay tila napakahirap, at ang "saka na lang" ay mukhang napakadali. Ang katotohanan ay laging pinakamagandang araw ang ngayon kaysa sa anupamang bukas. Una, may nakapanghihinang epekto sa atin ang kasalanan. Ang mismong pananampalatayang kailangan natin upang magsisi ay pinahihina ng pagpapaliban. Ang pagpiling manatili sa kasalanan ay nakababawas sa ating pananampalataya at karapatang matamo ang Espiritu Santo bilang ating kasama at tagaaliw.

At pangalawa, kahit na mapatawad tayo pagkaraan ng ilang taon, hindi maaaring maibalik ng Panginoon ang sana'y mabubuting epekto ng pagsisisi ngayon sa ating mahal sa buhay at pagsisilbihan. Lalong matindi iyan sa mga magulang ng mga kabataan. May mga pagkakataong maaaring hubugin at iangat ang espiritu ng ating mga anak sa mga murang edad na iyon na maaaring hindi na kailanman dumating. Subalit maging ang lolo na maaaring nawalan ng pagkakataon sa kanyang mga anak, sa pagpili na magsisi ngayon, ay magagawa sa kanyang mga apo ang mga bagay na ginawa niya sana sa kanilang mga magulang.

Kapag tinanggap ang pananagutan at nadama ang kagyat na pangangailangang magsisi, maaaring itanong, "Saan ako magsisimula?" Kakaiba ang bawat buhay. Subalit sa lahat, tiyak na mangangailangan ng pagdaan sa lagusan ng mapagpakumbabang panalangin. Maaaring ipadama nang ganap sa atin ng Ama sa Langit ang hatol sa ating mga kasalanan. Alam niya ang tindi ng ating pagsisisi. Gagabayan niya tayo pagkatapos kung ano ang dapat nating gawin upang mapatawad. Para sa mabigat na kasalanan, kakailanganin nating magsisi sa isang hukom ng Israel at tanggapin ang kanyang patnubay. Hindi sasapat ang panalangin sa pagkakataong iyan. Subalit sa lahat, anuman ang bigat ng ating mga kasalanan, bubuksan ng panalangin ang pintuan tungo sa pagsisisi at kapatawaran. Kung walang taimtim na panalangin, hindi maaaring magkaroon ng pagsisisi at pagpapadalisay. Kapag ang pintuan ay binuksan ng panalangin, mayroong posibilidad ng kapayapaan.

Isa sa mga tanong na dapat nating itanong sa ating Ama sa Langit sa ating pansariling panalangin ay ito: "Ano po ang nagawa o hindi ko nagawa ngayong araw na ito na hindi po Ninyo ikinalugod? Kung malalaman ko po lamang, magsisisi agad ako nang buong puso." Matutugunan ang mapagpakumbabang panalanging iyan. Tiyak na kabilang sa mga sagot ang katiyakang higit na mabuti ang pagtatanong ngayon kaysa sa pagpapaliban bukas.

Pinatototohanan ko na ang mga salita ng lingkod ng Diyos na tinuran maraming taon na ang nakalipas ay totoo:

"At ngayon, aking mga kapatid, nais ko, na matapos kayong makatanggap ng napakaraming saksi, nakikita na ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo sa mga bagay na ito, kayo ay lumapit at mamunga ng bunga ng pagsisisi.

"Oo, nais ko na kayo ay lumapit at huwag nang patigasin pa ang inyong mga puso; sapagkat masdan, ngayon na ang panahon at ang araw ng inyong kaligtasan; at kaya nga, kung kayo ay magsisisi at hindi patitigasin ang inyong mga puso, kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo.

"Sapagkat masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain.

"At ngayon, kagaya ng sinabi ko sa inyo noon, sapagkat mayroon kayong napakaraming saksi, kaya nga, ako ay sumasamo sa inyo na huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi hanggang sa wakas; sapagkat pagkatapos ng araw na ito ng buhay, na ibinigay sa atin upang maghanda para sa kawalang-hanggan, masdan, kung hindi natin pagbubutihin ang ating panahon habang nasa buhay na ito, kung magkagayon ay darating ang gabi ng kadiliman kung saan ay maaaring wala nang gawaing magagawa.

"Hindi ninyo maaaring sabihin, kapag kayo ay dinala sa yaong kakila-kilabot na kagipitan na ako ay magsisisi, na ako ay babalik sa aking Diyos. Hindi, hindi ninyo maaaring sabihin ito; sapagkat yaon ding espiritu na nag-aangkin sa inyong mga katawan sa panahon na kayo ay pumanaw sa buhay na ito, yaon ding espiritung yaon ang may kapangyarihan na angkinin ang inyong katawan sa walang hanggang daigdig na iyon" (Alma 34:30­34).

May isa pang tukso na dapat mapaglabanan. Ito ay ang pagsuko sa nakawawalang pag-asang kaisipan na napakahirap at lubhang huli na upang magsisi. May kilala ako noong lalaki na maaari sanang nakapag-isip ng ganyan at sumuko. Inordenan siyang diyakono noong siya ay 12. Tinukso siyang magsimulang manigarilyo ng ilang kaibigan. Hindi na siya naging komportable sa simbahan. Nilisan niya ang kanilang maliit na bayan nang hindi nagtapos sa mataas na paaralan, upang simulang mamuhay bilang manggagawa sa mga konstruksiyon sa Estados Unidos. Tagamaneho siya ng malalaking makinang gamit sa konstruksiyon. Nag-asawa siya. Nagkaroon ng mga anak. Humantong sa diborsiyo ang kanilang kasal. Nawala ang kanyang mga anak. Nabulag ang kanyang isang mata sa isang aksidente. Nanirahan siyang mag-isa sa mga bahay na paupahan. Nawala ang lahat ng kanyang ari-arian maliban sa mailalagay niya sa likod ng kanyang sasakyan.

Isang gabi habang naghahandang muling lumipat, nagpasiya siyang bawasan ang laman ng likod ng kanyang sasakyan. Sa ilalim ng bunton ng maraming abubot, nakita niya ang isang aklat. Hindi na niya alam kung paano ito napunta roon. Iyon ay ang Aklat ni Mormon. Binasa niyang lahat ito at sinabi sa kanya ng Espiritu na ito ay totoo. Nalaman niya na noong mga nagdaang taong iyon ay lumayo siya sa tunay na Simbahan ni Jesucristo at sa tunay na kaligayahan na dapat sanang makamtan niya.

Pagkaraan, siya ang aking naging mahigit sa pitumpung taong gulang na kasamang misyonero ng distrito. Inanyayahan ko ang mga taong tinuturuan namin na pagmasdan siya habang nagpapatotoo ako tungkol sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Siya ay pinadalisay at pinagkalooban ng bagong puso, at alam kong makikita nila ito sa kanyang mukha. Sinabi ko sa mga tao na ang nakita nila ay katibayan na maaaring linisin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang lahat ng nakaaagnas na epekto ng kasalanan.

Iyon ang tanging pagkakataong pinagalitan niya ako. Sinabi niya sa akin sa dilim sa labas ng trailer kung saan kami nagtuturo na dapat ay sinabi ko sa mga tao na bagama't binigyan siya ng Diyos ng panibagong puso, hindi Niya naibalik ang kanyang asawa at mga anak at kung ano ang mga maaari sana niyang ginawa para sa kanila. Subalit hindi niya ito ginugunita nang may kalungkutan at panghihinayang, ang kung ano sana ang mas magandang nangyari. Sumulong siya nang may sigla, nang may pananampalataya sa maaaring mangyari.

Isang araw sinabi niya sa akin na sa isang panaginip niya noong gabi ay naipanumbalik ang paningin sa kanyang bulag na mata. Nalaman niya na ang panaginip ay sulyap sa hinaharap, na naglalakad sa piling ng mga mapagmahal na tao sa liwanag ng maluwalhating pagkabuhay na mag-uli. Mga luha ng kagalakan ang tumulo sa kulubot na mukha ng matangkad at payat na mamang iyon. Tahimik siyang nangusap sa akin nang may maningning na ngiti. Hindi ko maalaala kung ano ang sinabi niyang nakita niya, subalit may masiglang pananabik sa kanyang mukha habang inilalarawan niya ang tanawin. Sa tulong ng Panginoon at sa himala ng aklat na nasa ilalim ng likuran ng sasakyan, hindi naging lubhang huli at mahirap para sa kanya ang pagsisisi.

Pinatototohanan ko na buhay ang Diyos Ama. Nalalaman ko iyan. At mahal Niya tayo. Buhay ang Kanyang bugtong na Anak. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, mabubuhay rin tayong muli. Makikita natin ang mga mahal natin at nagmahal sa atin. Maaari nating makapiling ang ating pamilya magpakailanman sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod. Habang pinagpapasiyahan natin kung magpapakumbaba ang ating puso at magsisisi, sasabihin ng mga kapamilyang nagmamahal sa atin na kapwa nasa kabilang panig ng tabing na: "Pakiusap, huwag mong ipagpaliban." Iyan ang paanyaya ng Tagapagligtas at Kanyang pakiusap. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy