The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
"Dakilang Saserdote ng Mabubuting Bagay na Darating"

"Dakilang Saserdote ng Mabubuting Bagay na Darating"

Elder Jeffrey R. Holland
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

May mga biyayang dumarating kaagad, kung minsa'y huli na, kung minsa'y hindi na dumarating hangga't hindi tayo nakapupunta sa langit; subalit para sa mga yumayakap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumating na ito.

Elder Jeffrey R. Holland

Sa mga araw na kailangan natin ng natatanging tulong mula sa langit, makabubuti sa ating alalahanin ang isa sa mga titulong ibinigay sa Tagapagligtas sa liham sa mga Hebreo. Tinutukoy ang "ministeryong lalong marangal" ni Jesus, at kung bakit Siya ang "tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling," na puno ng "lalong mabubuting pangako," sinasabi sa atin ng sumulat--marahil si Apostol Pablo--na dahil sa Kanyang pamamagitan at Pagbabayad-sala ni Cristo ay naging "dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating."1

Bawat isa sa atin ay dumarating sa mga panahong kailangan nating malaman na bubuti rin ang mga bagay-bagay. Binanggit ni Moroni sa Aklat ni Mormon na "umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam."2 Para sa emosyonal na kalusugan at espirituwal na kalakasan, kailangan ng lahat na umasam ng kaunting ginhawa, ng isang bagay na mabuti, nakapagpapanibago at nakapagbibigay ng pag-asa, kahit na ang biyayang iyan ay malapit o malayo pa. Sapat nang malamang makararating tayo roon gaano man kalapit o kalayo, may pangakong "mabubuting bagay na darating."

Ipinahahayag ko na ito talaga ang inaalok sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo, lalo na sa mga oras ng pangangailangan. May tulong. May kaligayahan. Tunay na may liwanag sa dulo ng lagusan. Ito ang Ilaw ng Daigdig, ang Maningning na Tala sa Umaga, ang "ilaw na walang katapusan, na hindi kailanman magdidilim."3 Ito ang mismong Anak ng Diyos. Sa mapagmahal na papuri na higit pa sa tinuran ni Romeo, masasabi nating, "Anong ilaw ang sumisikat sa bintanang iyon?" Ito ang pagbabalik ng pag-asa, at si Jesus ang Araw.4 Sa sinumang nagsisikap makakita ng liwanag at makatagpo ng pag-asang iyon, ang masasabi ko'y: Magpatuloy. Sikapin ninyo nang sikapin. Mahal kayo ng Diyos. Bubuti rin ang mga bagay. Darating sa inyo si Cristo sa Kanyang "ministeryong lalong marangal" na may hinaharap na "lalong mabubuting pangako." Siya ang inyong "dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating."

Naiisip ko ang mga bagong tawag na misyonero, na iniiwan ang pamilya at mga kaibigan upang harapin kung minsan ang ilang hindi pagtanggap, at kahit paano sa simula ay panandaliang pangungulila sa pamilya at marahil ay kaunting takot.

Naiisip ko ang mga batang ina at ama na tapat na nagsisimula ng kanilang pamilya habang nag-aaral--o katatapos lamang ng pag-aaral--at sinisikap pagkasiyahin ang kinikita kahit na umaasam sila ng mas malinaw na hinaharap sa kalagayang pananalapi balang araw. Gayon din, naiisip ko ang ibang magulang na ibibigay ang anumang ari-arian sa mundo upang mapabalik ang isang naliligaw na anak sa kanilang tahanan.

Naiisip ko ang mga nag-iisang magulang na dumaranas ng lahat ng ito subalit hinaharap nang mag-isa, na humarap din sa kamatayan o diborsiyo, napalayo ang damdamin o iniwan, o dumanas din ng iba pang kabiguan na hindi nila nakini-kinita noong maliligayang araw at tiyak na hindi ninais.

Naiisip ko ang mga nais mag-asawa ngunit hindi makapag-asawa, ang mga nais magkaroon ng anak subalit hindi magka-anak, ang mga maraming kakilala ngunit kakaunti ang kaibigan, ang mga nagdadalamhating namatayan o mga may sakit. Naiisip ko ang mga nagdurusa sa kasalanan--nila o kasalanan ng iba--na kinakailangang malaman na maaari silang bumalik at ang kaligayahan ng maipanumbalik. Naiisip ko ang mga nalulungkot at inaapi na inaakalang lipas na ang kanilang buhay, o sa ngayo'y naghahangad na lumipas na. Sa lahat ng ito at sa marami pang iba, sinasabi kong: Manatiling nananampalataya. Magpatuloy sa pag-asa. "Manalangin tuwina, at maging mapanampalataya."5 Sa katunayan, tulad ng isinulat ni Pablo tungkol kay Abraham, siya ay "sumampalataya na nasa pag-asa laban sa [lahat ng] pag-asa" at "hindi nag-alinlangan. . . sa pamamagitan ng di pananampalataya." Siya ay "lumakas sa pamamagitan ng pananampalataya" at "lubos na nanalig na ang [pangako ng] Diyos . . . ay [magagawa]."6

Kahit na hindi ninyo laging nakikita ang liwanag sa gilid ng madilim na ulap, nakikita ito ng Diyos, sapagkat Siya ang pinagmumulan ng mismong liwanag na inyong hinahanap. Mahal niya talaga kayo, at batid Niya ang inyong mga pangamba. Naririnig niya ang inyong mga panalangin. Siya ang inyong Ama sa Langit, at tiyak na tinutumbasan Niya ng sariling luha ang bawat luha ng Kanyang mga anak.

Sa kabila ng payong ito, batid ko na pakiramdam ng ilan sa inyo na sila ay talagang nasa gitna ng karagatan, sa tunay na nakatatakot na pakahulugan ng salita. Nasa maalong karagatan, maaaring sa kasalukuyan ay humihiyaw din kayong kasama ng makata:


"Dumidilim. Hindi ko makita ang daan patawid.
Halos nagbago ang anyo ng lahat.
Ang mga bato'y mistulang mukha ng diyablo, Panginoon,
At ako'y labis na natatakot."7

Hindi sa hindi ko kinikilala ang mga unos ng buhay kundi sanhi ng mga ito ay nagpapatotoo ako sa pagmamahal ng Diyos at kapangyarihan ng Tagapagligtas na patilain ang unos. Laging alalahanin sa kuwentong iyon sa biblia na naroon din Siya sa karagatan, nasa kalagitnaan Siya ng pangyayari kasama ang mga pinakabago, bata, at pinakatakot. Tanging ang lumaban sa malalaking along iyon ang makapagsasabi sa atin--maging sa dagat--na maging "mapanatag."8 Tanging ang pumasan ng hirap ng ganoong pagsubok ang makapagsasabi sa atin sa gayong mga pagkakataon na "magalak."9 Ang gayong payo ay hindi isang talumpating pampasigla hinggil sa kapangyarihan ng positibong pag-iisip, bagama't kailangang-kailangan sa daigdig ang pagkakaroon ng positibong kaisipan. Higit kanino man alam ni Cristo na maaaring maging napakalalim na mga pagsubok sa buhay at hindi tayo mababaw kapag pinaglalabanan natin ito. Subalit kahit na iniiwasan ng Panginoon ang matatamis na pananalita, nagagalit Siya sa kawalan ng pananampalataya at ikinalulungkot ang pag-iisip sa mga kabiguan at kahirapan ng buhay. Inaasahan Niyang maniniwala tayo!

Walang mata ang higit na nakakikita maliban sa Kanyang mata, at marami sa Kanyang nakita ang tumagos sa Kanyang puso. Malinaw na narinig Niya ang bawat paghingi ng tulong, bawat pagnanais at pagkabigo. Sa isang antas na hindi natin kailanman mauunawaan, Siya ay "isang tao ng kalungkutan, at sanay sa hapis."10 Katunayan, maaaring inisip ng mga ordinaryong tao sa lansangan ng Judea na bigo, kalunus-lunos ang sinapit ng tungkulin ni Cristo. Na Siya ay isang mabuting tao na ganap na dinaig ng kasamaang nakapaligid sa Kanya at ng mga kasamaang ginawa ng iba. Mali ang pagkaunawa at pagkakilala sa Kanya, kung kaya't kinamuhian maging sa simula. Kahit ano ang sabihin o gawin Niya, ay binabaligtad ang Kanyang mga pahayag, pinagdududahan ang Kanyang mga kilos, pinag-aalinlanganan ang kanyang mga motibo. Sa buong kasaysayan ng daigdig walang sinumang nagmahal nang kasing dalisay o naglingkod nang buong sarili--at kinamuhian nang husto sa Kanyang pagsisikap. Subalit walang makasisira sa Kanyang pananampalataya sa plano ng Kanyang Ama at sa mga pangako ng Kanyang Ama. Maging sa mga pinkamadilim na sandali sa Getsemani at Kalbaryo (Bungo), patuloy Siyang nagtiwala sa Diyos na panandaliang inakala Niyang nagpabaya sa Kanya.

Dahil laging nakatuon ang mga mata ni Cristo sa hinaharap, natiis Niya ang lahat ng hiniling sa Kanya, dinanas ang di-kayang danasin nino man maliban na yaon ay "sa kamatayan"11 na tulad sa sinabi ni Haring Benjamin, nakita ang pagkasira ng bawat buhay at pagkasira ng mga pangako sa sinaunang Israel at nasasabi pa rin Niya noon at ngayon na, "Huwag mabagabag ang inyong mga puso, ni matakot man!"12 Paano Niya magagawa ito? Paano Niya napapaniwalaan ito? Dahil alam Niya na sa huli'y magiging maayos ang lahat para sa matapat. Siya ay isang Hari; Nagsasalita Siya bilang Hari; alam Niya ang maaaring ipangako. Alam Niya na "Ang Panginoon . . . ay magiging matayog na moog sa napipighati, matayog na moog sa mga panahon ng kabagabagan. . . . Sapagkat ang mapagkailangan ay hindi laging malilimutan: ni ang pag-asa ng dukha ay mapapawi magpakailanman."13 Dahil alam Niya na "ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso; at inililigtas ang mga may pagsisising diwa." Alam Niya na "tinutubos ng Panginoon ang kaluluwa ng kaniyang mga lingkod: at wala sa nagsisipagkanlong sa kaniya ay kikilanling may sala."14

Ipagpaumanhin ninyo ang aking personal na pagtatapos, na di-kumakatawan sa napakabigat na pasaning dala ng marami sa inyo kundi naglalayong makapagpalakas ng loob. Tatlumpung taon na ang nakalipas noong isang buwan, nang magsimulang maglakbay ang isang maliit na pamilya patungo sa kabilang dako ng Estados Unidos upang kumuha ng karagdagang edukasyon pagkatapos ng kolehiyo--walang pera, luma ang sasakyan, lahat ng ari-arian ay maaaring magkasya sa kalahati ng pinakamaliit na trak ng lipat-bahay. Nagpaalam sila sa kanilang nag-aalalang magulang, nakapaglakbay sila ng mga 55 kilometro nang masira ang kanilang kakarag-karag na sasakyan.

Pagkaraang tumabi ng express way, tiningnan ng batang ama ang usok, at inihambing sa dating kondisyon nito, pagkaraa'y iniwang naghihintay sa kotse ang kanyang nananalig na maybahay at dalawang walang-malay na anak--tatlong buwan pa lamang ang bunso--at siya ay naglakad ng 5 1/2 kilometro patungong Timog Utah sa kalakhang Kanarraville, na noon sa palagay ko ay 65 pa lang ang nakatira. May nakuhang tubig sa tabi ng bayan at isang napakabait na mamamayan ang nag-alok ng sasakyan pabalik sa nasiraang pamilya. Nakumpuni ang sasakyan at dahan-dahan--talagang dahan-dahang ibinalik sa St. George para suriin--ang trak at ang lahat-lahat.

Pagkaraan ng mahigit dalawang oras na paulit-ulit na pagsusuri, walang kaagad na problemang nakita kaya nagsimula uli silang maglakbay. Sa gayon ding katagal na paglalakbay, sa lugar ding iyon at sa kahalintulad na pagputok sa ilalim ng takip ng makina, muling sumabog ang sasakyan. Maaaring hindi lalayo ng 15 talampakan, marahil 5 talampakan mula sa naunang pagkasira! Malinaw na gumagana ang mga pinakatumpak na batas ng pisiks na may kinalaman sa sasakyan.

Mas damang siya'y naloloko kaysa sa nagagalit, muling iniwan ng nahihiyang batang ama ang kanyang mga nananalig na mahal sa buhay at muling naglakad ng malayo upang humingi ng tulong. Ngayon, sinabi ng mamang nagbibigay ng tubig, "Kundi ikaw ay iyong lalaking kamukha mo ang kailangang bumili ng bagong radiator para sa sasakyang iyan." Sa pangalawang pagkakataon, may mabuting kapitbahay na nag-alok ng sasakyan pabalik sa muling nasirang sasakyan at sa mga balisang sakay nito. Hindi alam ng mabuting kapitbahay kung siya'y tatawa o iiyak sa sinapit ng batang pamilyang ito.

"Gaano na ba kalayo ang nalalakbay ninyo?" sabi niya. "55 kilometro," ang sagot ko. "Gaano pa kalayo ang lalakbayin ninyo?" "4,200 kilometro" ang sabi ko. "Sa palagay ko, maaaring makarating ka, at ang iyong asawa at dalawang anak, subalit wala isa man sa inyo ang makararating kapag ang sasakyang iyan ang ginamit ninyo." Nagmistula siyang propeta sa lahat ng sinabi niya.

Dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas, nadaanan ko ang eksaktong lugar na iyon kung saan ang papalikong bahagi ng express way ay may mapagtatabihan ng sasakyan, mga 5 1/2 kilometro sa kanluran ng Kanarraville, Utah. Ang maganda at matapat ko pa ring asawa na pinakamamahal kong kaibigan at kaagapay sa mga nagdaang taon ay nakabaluktot at mahimbing na natutulog sa upuan sa tabi ko. Ang dalawang bata sa kuwento, at ang maliit pa nilang kapatid na lalaki na isinilang pagkaraan, ay matagal nang nagsilaki at nagmisyon, maayos na nakapag-asawa, at mayroon na ring mga sariling anak. Ang sasakyang dala namin ngayon ay kaigihan, subalit napakaginhawa at ligtas. Sa katunayan, maliban sa akin at sa maganda kong si Pat na tahimik na nasa tabi ko, ni katiting ay walang kahalintulad na nakababahalang pangyayari na naganap tatlong dekada na ang nakalilipas.

Subalit sa aking isipan, biglang-bigla, parang nakita ko sa tabing iyon ng daan ang isang lumang sasakyan na may sakay na matapat na asawa at dalawang anak na pilit pinapahusay ang isang masamang kalagayan doon. Paglagpas na paglagpas lamang sa kanila ay inakala kong nakita ko ang isang lalaki na naglalakad patungong Kanarraville, na mahaba pa ang lalakbayin. Medyo bagsak ang mga balikat at kitang-kita sa kanyang pagmamadali ang pag-aalala ng isang batang ama. Mula sa banal na kasulatan, ang kanyang mga kamay ay tila "nakababa."15 Sa aking imahinasyon, hindi ko maiwasang pagsabihan siya: "Huwag kang susuko, anak. Huwag kang aayaw. Magpatuloy ka sa paglalakad. Subukan mo nang subukan. May naghihintay na tulong at kaligayahan--marami nito--30 taon mula ngayon, at ngayo'y patuloy pa rin. Huwag kang panghihinaan ng loob. Magiging maayos ang lahat sa huli. Manalig ka sa Diyos at maniwala sa mabubuting bagay na darating."

Pinatototohanan ko na buhay ang Diyos, na Siya ang ating Amang Walang Hanggan, na mahal Niya ang bawat isa sa atin. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Kanyang Bugtong na Anak sa laman at, dahil nagtagumpay sa daigdig na ito ay isa nang tagapagmana ng kawalang hanggan, kasamang tagapagmana ng Diyos, at ngayon ay nakatayo sa kanang kamay ng Kanyang Ama. Pinatototohanan ko na ito ang Kanilang tunay na Simbahan at tinutulungan Nila tayo sa oras ng pangangailangan--at palaging tutulong, kahit na hindi natin makilala ang pagtulong na iyon. May mga biyayang dumarating kaagad, kung minsa'y huli na, kung minsa'y hindi na dumarating hangga't hindi tayo nakapupunta sa langit: subalit sa mga yumayakap sa Ebanghelyo ni Jesucristo ay dumarating ito. Iyan ay personal kong pinatototohanan. Pinasasalamatan ko ang aking Ama sa Langit sa Kanyang kabutihan noon, ngayon, at sa hinaharap at ginagawa ko ito sa pangalan ng Kanyang Minamahal na Anak at pinakabukas-palad sa lahat ng mataas na saserdote, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Heb. 8:6; 9:11.
2. Eter 12:4.
3. Tingnan sa Juan 8:12; Apoc. 22:16; Mosias 16:9.
4. Tingnan sa William Shakespeare, Romeo and Juliet, ika-2 yugto, ika-2 tagpo, mga linya 2­3.
5. Doktrina at mga Tipan 90:24.
6. Rom. 4:18, 20­21.
7. "The Prophet Lost in the Hills at Evening," ni Joseph Hilaire Belloc, sa Lord David Cecil, pinamatnugutan ng The Oxford Book of Christian Verse (1940), 520.
8. Marcos 4:39; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:16.
9. Juan 16:33; Doktrina at mga Tipan 68:6.
10. Mosias 14:3; Isa. 53:3.
11. Mosias 3:7.
12. Juan 14:27.
13. Mga Awit 9:9, 18; idinagdag ang pagbibigay-diin.
14. Mga Awit 34:18, 22.
15. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 81:5.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy