The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Pag-asa, Angkla ng Kaluluwa

Pag-asa, Angkla ng Kaluluwa

Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Ang pinakamalaki nating pag-asa ay nagmumula sa kaalaman na nakalog ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan. . . . Napagbayaran Niya ang ating mga kasalanan kung tayo ay magsisisi.

Pangulong James E. Faust

Mga minamahal kong kapatid at kaibigan, naririto ako sa pulpitong ito nang may pasasalamat sa inspirasyon at dedikasyon ng mga nagtayo ng sagrado, banal, at makasaysayang Tabernakulong ito. Nagbibigay parangal ako kay Pangulong Brigham Young, na nagpakita ng matalinong pamumuno sa pagtatayo ng namumukod-tanging gusaling ito at kahanga-hangang organo. Gayundin ay nagagalak ako, na sa ilalim ng binigyang-inspirasyong pamumuno ni Pangulong Hinckley, tayo ay nagtatayo ng napakaringal na gusali ng pagsamba upang matugunan ang pangangailangan ng isang patuloy na lumalaking Simbahan. Ang bagong gusali na ito ay pagpapahiwatig ng pag-asa para sa Simbahan sa susunod na siglo.

Ngayong umaga, "ako ay mangungusap sa inyo," tulad ng sinabi ni Moroni, "hinggil sa pag-asa."1 Napakaraming mapagkukunan ng pag-asa na hindi abot ng ating sariling kaalaman, pag-aaral, lakas, at kakayahan. Isa roon ay ang kaloob ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng kagila-gilalas na pagpapala ng miyembrong ito ng Panguluhang Diyos, "malalaman natin ang katotohanan ng lahat ng bagay."2

Ang pag-asa ay angkla ng ating kaluluwa. Wala akong kilala na hindi nangangailangan ng pag-asa--bata o matanda, malakas o mahina, mayaman o mahirap. Tulad ng ipinangaral ng propetang Eter, "Kaya nga, sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos."3

Pinaalalahanan ni Nephi ang mga tao ng kanyang panahon, "Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglalakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan."4

Lahat ng tao sa buhay na ito ay may kanya-kanyang hamon at paghihirap. Iyan ay bahagi ng pagsubok natin sa lupa. Ang dahilan sa ilan sa mga pagsubok na ito ay hindi madaling maunawaan maliban kung ibabatay sa pag-asa at pananampalataya dahil madalas na ang mga ito ay mas may malawak na layunin na hindi natin laging nauunawaan. Ang kapayapaan ay dumarating bilang bunga ng pag-asa.

Iilang gawain lamang ang mas ligtas kaysa sa paglilingkod sa misyon para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga misyonero ay literal na nasa mga kamay ng Panginoon. Nais natin na silang lahat ay ganap na malayo sa mga panganib sa lahat ng oras, ngunit hindi iyon makatotohanan. Ang mga misyonero, ang kanilang mag-anak, at mga pinuno ay nagtitiwala nang lubos sa pangangalaga ng Panginoon, at kapag nangyari ang di-pangkaraniwang trahedya, sila ay pananatilihing matatag ng Espiritu Niya na kanilang pinaglilingkuran.

Noong nakaraang tag-araw dinalaw ko si Elder Orin Voorheis sa bahay ng kanyang mga magulang sa Pleasant Groove, Utah. Siya ay mabulas, makisig, at napakagaling na binata, na naglingkod sa Misyon sa Timog Argentina Buenos Aires. Isang gabi, nang siya ay mga 11 buwan nang nasa misyon, ilang armadong magnanakaw ang umatake kina Elder Voorheis at sa kasama niya. Sa walang-katuturang karahasan, isa sa mga ito ang bumaril kay Elder Voorheis sa ulo. Maraming araw siyang nag-agaw-buhay, hindi makapagsalita, makarinig, makagalaw o makahinga nang sarili. Sa pamamagitan ng pananampalataya at panalangin ng maraming tao sa loob ng mahabang panahon, sa wakas ay hindi na niya kinailangan ang paggamit ng artipisyal na pagsuporta ng buhay at ibinalik na siya sa Estados Unidos.

Makalipas ang maraming buwan ng matinding panggagamot at terapiya, lumakas si Elder Voorheis ngunit nanatiling paralisado at hindi makapagsalita. Mabagal ang paggaling. Ipinasiya ng kanyang mga magulang na dapat na iuwi na lang ang kanilang anak at alagaan siya sa mapagmahal na kapaligiran ng kanilang sariling mag-anak. Subalit, ang kanilang di kalakihang bahay ay walang lugar o kagamitan upang maibigay ang kinakailangang terapiya. Maraming mababait na kapitbahay, kaibigan, at mga mapagpala ang nag-ambag upang makapagtayo ng karagdagang lugar sa bahay at makapaglaan ng kagamitan para sa pisikal na terapiya.

Hanggang ngayon si Elder Voorheis ay nananatili pa ring halos ganap na paralisado at hindi makapagsalita, ngunit siya ay may kahanga-hangang espiritu at nakatutugon sa mga tanong sa pamamagitan ng mga paggalaw ng kamay. Nakasuot pa rin sa kanya ang tsapa ng pagiging misyonero niya. Hindi itinatanong ng kanyang mga magulang kung, "Bakit nangyari ito sa aming dakilang anak, na naglilingkod sa tawag ng Panginoon?" Wala ni isa man ang may tiyak na kasagutan maliban marahil sa mga pagkakataon lamang na kung saan ay may mas dakilang layunin na nakikitang nangyari. Dapat na mamuhay tayo alinsunod sa pananampalataya. Ating gunitain ang sagot ng Tagapagligtas sa tanong na, "Sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kanyang mga magulang, upang siya'y ipanganak na bulag?" Sumagot ang Tagapagligtas na walang isa man sa kanila na nagkasala kundi upang maihayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.5 Sa halip na makadama ng kapaitan, ang mga miyembro ng mag-anak na Voorheis ay iniyuyuko ang kanilang mga ulo at sinasabi sa Panginoon, "Ang inyong kalooban ang masusunod. Nagpapasalamat kami sa kanya sa araw-araw ng kanyang buhay, at sa tulong ng iba, handa kaming dalhin ang pasanin ng pag-aalaga sa kanya."

Ang layunin ko sa pagdalaw kay Elder Voorheis ay upang samahan ang kanyang ama, kanyang obispo, kanyang tagapagturong dumadalaw, at iba pa sa pagbibigay sa kanya ng basbas ng pag-asa. Marahil ang ilan ay nagtatanong, "May pag-asa pa ba para kay Elder Voorheis sa buhay na ito?" Naniniwala ako na may malaking pag-asa para sa lahat! Minsan humihingi tayo sa Diyos ng mga himala, at madalas na nangyayari ito, ngunit hindi lagi sa pamamaraang inaasahan natin. Ang uri ng buhay ni Elder Voorheis ay hindi gaanong kanais-nais, ngunit ang impluwensiya ng kanyang buhay sa iba ay hindi makakalkula at walang hanggan kapwa rito at sa Argentina. Tunay ngang matapos ang kanyang aksidente ang Sangay ng Kilometer 26, kung saan siya naglingkod sa Argentina ay mabilis na lumaki at kaagad na naging marapat para sa pagtatayo ng kapilya.

Ang pag-asa ay pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos, pananampalataya na kung tayo ay kikilos na ngayon, ang mga ninanais nating biyaya ay maisasakatuparan sa hinaharap. Si Abraham "na sumampalataya na nasa pagasa laban sa pagasa; upang maging ama ng maraming bansa." Salungat sa katwiran ng tao, nagtiwala siya sa Diyos na "lubhang nanalig" na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako ng pagbibigay kina Abraham at Sara ng anak sa kanilang katandaan.6

Ilang taon na ang nakalipas, si Sister Joyce Audrey Evans, isang batang ina sa Belfast, Northern Ireland, ay nagkakaproblema sa kanyang pagbubuntis. Nagpunta siya sa ospital, kung saan sinabi sa kanya ng isa sa mga nars na baka mawala sa kanya ang sanggol. Sumagot si Sister Evans, "Hindi ako susuko. . . . Kailangang bigyan mo ako ng pag-asa." Nitong huli ay ginunita ni Sister Evans: "Hindi ko magagawang isuko ang pag-asa hangga't lahat ng dahilan para umasa ay wala na. Isang bagay ito na utang ko sa aking anak na hindi pa isinisilang."

Tatlong araw pagkaraan niyon ay nakunan siya. Isinulat niya: "Sa mahabang sandali, wala akong naramdaman. Pagkatapos isang masidhing damdamin ng kapayapaan ang dumaloy sa akin. Sa kapayapaang iyon dumating ang pag-unawa. Alam ko na ngayon kung bakit hindi ko magawang isuko ang pag-asa sa kabila ng lahat ng pangyayari: maaaring mabuhay ka sa pag-asa o mabuhay ka sa kabiguan. Kung walang pag-asa, hindi ka makapagtitiis hanggang wakas. Humanap ako ng sagot sa aking mga panalangin at hindi ako nabigo; napagaling ako sa katawan at biniyayaan ng espiritu ng kapayapaan. Noon ko lamang nadama nang lubos ang aking Ama sa Langit, noon ko lamang nadama ang gayong kapayapaan. . . .

"Hindi lamang ang himala ng kapayapaan ang biyayang dumating sa akin mula sa karanasang ito. Ilang linggo pagkaraan noon, nagsimula akong mag-isip tungkol sa anak na nawala sa akin. Ipinaalala sa akin ng Espiritu ang mga salita sa Genesis 4:25: 'at [siya'y] nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kaniyang pangalan na Set: Sapagka't, aniya'y binigyan ako ng Diyos ng ibang anak. . . . '

"Ilang buwan pa pagkaraan noon, nabuntis akong muli. Nang isilang na ang aking anak na lalaki, ipinahayag na siya ay 'malusog at walang kapintasan'. " Pinangalanan siyang Evan Seth. 7

Ang kapayapaan sa mundong ito ay batay sa pananampalataya at patotoo. Lahat tayo ay makasusumpong ng pag-asa mula sa ating mga personal na panalangin, at makatatamo ng kaaliwan mula sa mga banal na kasulatan. Ang mga biyaya ng Pagkasaserdote ay nagpapaangat sa atin at pinapanatili tayong matatag. Ang pag-asa ay nagmumula rin sa pansariling paghahayag, na karapatan nating matanggap kung tayo ay karapat-dapat. Mayroon din tayong katiyakan na nabubuhay tayo sa panahong kung kailan ang isang propeta na nagtataglay at mayroong lahat ng mga susi ng kaharian ng Diyos ay nasa lupa.

Isinulat ni Samuel Smiles na "'Ang pag-asa ay tulad ng araw, na habang tayo'y naglalakbay patungo doon, ay itinataboy naman nito ang anino ng ating mga pasanin sa ating likuran.' . . . Ang pag-asa ay nagpapatamis ng alaala ng mga itinatangi nating karanasan. Ibinabagay nito ang ating mga suliranin sa ating pag-unlad at sa ating lakas. Inaaliw tayo nito sa mga oras ng kalungkutan, pinasisigla tayo nito sa masasayang araw. Nagbibigay pangako ito sa hinaharap at layunin sa nakaraan. Pinapalitan nito ng pagsusumigasig ang kabiguan."8

Ang walang maliw na pinagmumulan ng ating pag-asa ay ang pagiging anak na lalaki at babae ng Diyos at na ang Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, ay nagligtas sa atin mula sa kamatayan. Paano nating malalaman na si Jesus ang tunay nating Tagapagligtas at Manunubos? Sa mga termino ng tao ang Kanyang pagkatao ay halos hindi mo maipaliwanag, ngunit ang Kanyang impluwensiya ay malinaw na malalaman sa pamamagitan ng Espiritu kung patuloy nating hahangaring mabuhay alinsunod sa bisa ng Kanyang kapangyarihan. Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang tala ni Aaron na ipinaliliwanag ang ebanghelyo sa ama ni Lamoni. Sinabi niya rito, "Kung kayo ay yuyukod sa harapan ng Diyos . . . at mananawagan sa Kanyang pangalan nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, sa gayon inyong matatanggap ang pag-asang ninanais ninyo."9 Sinunod nang husto ng matandang hari ang tagubiling ito at nakatanggap ng katibayan ng katotohanang ipinangako ni Aaron. Bilang resulta, siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagbalik-loob at nakilala ang Panginoon.

Ang pinakamalaki nating pag-asa ay nagmumula sa kaalaman na nakalag ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan. Ang kanyang tagumpay ay nagmula sa Kanyang napakatinding pasakit, pagdurusa, at paghihirap. Napagbayaran Niya ang ating mga kasalanan kung tayo ay nagsisisi. Sa Halamanan ng Getsemani narinig ang nagdadalamhating hiyaw, "Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito, gayon ma'y huwag nang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo."10 Inilarawan ni Lucas ang kasidhian ng paghihirap "At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa."11

Lahat tayo ay makasusumpong ng pag-asa sa karanasan ni Pedro na naganap nang malapit na ang Pagpapako sa krus. Marahil ang Panginoon ay nakikipag-usap sa ating lahat nang sabihin Niya kay Pedro na:

"Narito, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo:

"Datapuwa't ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid."

At sumagot si Pedro, "Panginoon, nakatalaga akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan."

Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon sa kanya, "Pedro, hindi titilaok ngayon ang manok, hanggang sa ikaila mong makaitlo na ako'y hindi mo nakikilala."12

Habang pinagmamasdan ni Pedro ang kaganapan ng mga pangyayari, nakilala siya bilang disipulo ni Cristo. Sinabi sa kanya ng isang alilang babae, "Ang taong ito ay kasama rin niya," at sinagot ni Pedro na hindi niya Siya nakikilala. Dalawa pa ang nakakilala kay Pedro bilang Kanyang disipulo. Muling ikinaila ni Pedro na kilala niya ang Tagapagligtas. At habang siya'y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok.

"At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kanya, Bago tumilaok ang manok, ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo.

"At lumabas si Pedro, at nanangis nang kapaitpaitan."13

Ang karanasang ito ay nagpalakas kay Pedro sa puntong kailanman ay hindi na muli siyang nagkulang at siya'y nakilala bilang ang bato. Ang kanyang pag-asa ay mahigpit na nakaangkla sa isang walang hanggang Bato maging ang ating Manunubos, si Jesucristo.14 Bilang pangunahing Apostol isinulong niya ang gawain nang may pananampalataya at katapangan.

Sa pagtatamo ni Pedro ng pag-asa matapos ang isang sandali ng kahinaan, ikaw, ako, at lahat ng tao ay makatatamasa ng pag-asang nagmumula sa kaalaman na ang Diyos ay totoong buhay. Ang gayong pag-asa ay nagmumula sa paniniwala na kung tayo ay may pananampalataya, kahit paano ay tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsubok--kung hindi man sa buhay na ito, ay tiyak na sa susunod na buhay. Tulad ng sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto, "Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag."15 Sa pangwalang-hanggang pamamalakad ng mga bagay, ang lahat ng mga bagay na mali ay itatama. Sa ganap na katarungan ng Panginoon, ang lahat ng namumuhay nang marapat ay tutumbasan ng mga biyayang hindi natamasa dito.

Sa aking palagay, hindi nagkaroon kailanman sa kasaysayan ng Simbahang ito ng dahilan ng matinding pag-asa para sa hinaharap ng Simbahan at sa mga miyembro nito sa buong daigdig. Naniniwala at nagpapatotoo ako na tayo ay patungo sa mas mataas na antas ng pananampalataya at pagkilos kaysa sa noon. Idinarasal ko na bawat isa sa atin ay matatagpuang ginagawa ang inaasahan sa atin sa dakilang hukbong ito ng kabutihan. Bawat isa sa atin ay lalapit sa harapan ng Banal na Israel at mananagot sa ating pansariling kabutihan. Tayo ay sinabihang "wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon."16

Dumating na sa aking tungkulin bilang apostol ang tiyak na saksi ng buhay at ministeryo ng Tagapagligtas. Ipinahahayag kong kasama ni Job, "Talastas ko Manunubos sa akin ay buhay."17 Ang aking saksi ay "nasa langit."18 Si Jesus ay ang Cristo, ang Tagapagligtas ng buong sangkatauhan. Si Joseph Smith ang propetang binigyang-inspirasyon na siyang nagpanumbalik ng mga susing nakapagliligtas, karapatan, at organisasyong itinalaga sa kanya sa ilalim ng pamumuno ng Diyos Ama at Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo. Ito'y pinatotohanan ko sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Moro. 7:40.
2. Moro. 10:5.
3. Eter 12:4; idinagdag ang pagbibigay-diin.
4. 2 Ne. 31:20.
5. Tingnan sa Juan 9:2­3.
6. Tingnan sa Rom. 4:18­21.
7. "To Live in Hope," Ensign, Set. 1995, p. 70.
8. Sinipi mula sa Especially for Mormons, tomo 5 (1971­87), nina Stan at Sharon Miller, p. 2:113.
9. Alma 22:16.
10. Mat. 26:39.
11. Lucas 22:44.
12. Lucas 22:31­34.
13. Lucas 22:56­62.
14. Helaman 5:12.
15. I Cor. 15:19.
16. 2 Ne. 9:41.
17. Job 19:25.
18. Job 16:19.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy