The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Mag-ingat Kayo sa mga Bulaang Propeta at Bulaang Guro

Mag-ingat Kayo sa mga Bulaang Propeta at Bulaang Guro

Elder M. Russell Ballard
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Mag-ingat sa mga nagsasalita at naglalathala nang laban sa mga tunay na propeta ng Diyos.

Elder M. Russell Ballard

Noong papalapit na ang katapusan ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo, nagtanong sa Kanya ang Kanyang mga disipulo ng ilang bagay hinggil sa hinaharap: "Sabihin mo sa amin . . . ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?"

Sumagot si Jesus: "Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman.

"Sapagka't marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami. At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan . . . at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako. Ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan" (Mat. 24:3­8).

Si Apostol Pablo ay nagbabala tungkol sa mga araw na ito: "Sapagkat darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi, pagkakaroon nila ng kati ng tainga, ay magsisipagbunton sila sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita;

"At ihihiwalay sa katotohanan ang kanilang mga tainga" (2 Tim. 4:3­4).

Itinuro din ni Pablo na ang Panginoon ay "pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol at ang mga iba'y propeta . . .

Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:

"Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Diyos, . . .

"Upang tayo'y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito't doon at dinadala sa magkabi-kabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian" (Mga Taga-Efeso 4:11­14).

Mga kapatid, ang eksaktong oras ng Ikalawang Pagparito ay walang nakaaalam maliban sa Ama (tingnan sa Mat. 24:36). Gayunman, may mga tanda na ang propesiya mula sa banal na kasulatan na may kaugnayan sa nakababalisang araw na iyon ay nagaganap. Si Jesus ay ilang ulit na nagbabala na bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito, "magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami" (Mat. 24:11). Bilang mga Apostol ng Panginoong Jesucristo tungkulin natin na maging mga bantay sa tore, binabalaan ang mga miyembro ng Simbahan na mag-ingat sa mga bulaang propeta at bulaang guro na lihim na naghihintay na makapanlinlang at manira ng pananampalataya at patotoo. Ngayon binabalaan namin kayo na may mga bulaang propeta at bulaang guro na magsisidating; at kung tayo ay hindi maingat, maging yaong matatapat na miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mabibiktima ng kanilang panlilinlang.

Si Pangulong Joseph F. Smith ay nagbigay ng matalino at malinaw na payo na naaangkop sa atin ngayon:

"Hindi tayo maaaring tumanggap ng dapat sundin maliban sa yaong nagmumula mismo sa hinirang na daluyan ng mga binuong samahan ng pagkasaserdote, na siyang hinirang ng Diyos na pagmumulan ng Kanyang kaisipan at kalooban sa mundo. . . . At sa sandaling ang mga tao ay bumaling sa ibang pinagmumulan, sa sandali ring iyon ay inilalantad na nila ang kanilang sarili sa mga mapang-akit na impluwensiya ni Satanas, at ipinapain ang kanilang sarili na maging tagapaglingkod ng diyablo; hindi na nila nakikita ang tunay na kaayusan kung saan matatamasa ang mga pagbabasbas ng Pagkasaserdote; lumalabas sila sa sakop ng kaharian ng Diyos, at sila'y nasa mapanganib na lugar. Kapag nakakakita kayo ng tao na nagpapahayag na sila'y nakatanggap mula mismo sa Panginoon ng paghahayag para sa Simbahan, na walang kaugnayan sa orden at daluyan ng Pagkasaserdote, maaari ninyo siyang ituring na manlilinlang" (Gospel Doctrine, Ika-5 edisyon (1939), 41­42).

Kapag naiisip natin ang mga bulaang propeta at bulaang guro, pumapasok agad sa isip natin ang mga taong sumusuporta sa isang halatang maling doktrina o nag-aakalang may karapatan na ituro ang totoong ebanghelyo ni Cristo alinsunod sa kanilang sariling pagpapakahulugan. Madalas na ipinapalagay natin na ang gayong mga indibiduwal ay may kaugnayan sa maliliit na grupo ng mga radikal sa mga sulok ng lipunan. Gayunman, inuulit ko: may mga bulaang propeta at bulaang guro na nagpapahayag na sila ay dating miyembro o kung hindi man miyembro ng Simbahan. May mga nagpapahayag nang walang pahintulot na ang kanilang mga produkto at gawain ay sinasang-ayunan ng Simbahan. Mag-ingat sa mga ito.

Kahapon, sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang Unang Panguluhan at mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga "Propeta, Tagakita at Tagapaghayag," at si Gordon B. Hinckley bilang Pangulo ng Simbahan bilang ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Siya, at tanging siya lamang, ang nagtataglay at gumagamit sa kabuuan ng lahat ng mga susi ng kaharian ng Diyos sa lupa. Isang malaking pasasalamat para sa atin ang makilala at masang-ayunan si Pangulong Hinckley.

Itinuturo ni Pangulong Hinckley nang may kalinawan at kapangyarihan ang walang hanggang plano ng kaligtasan, kinapopootan ang kasalanan, binabalaan ang lahat ng tao na magsisi at tanggapin si Cristo at ang Kanyang ebanghelyo. Ang mga doktrina ng walang hanggang kaligtasan ay hindi malabo o walang katiyakan, bagkos ang mga ito ay naaakma sa mga ipinahayag na katotohanan noon at ngayon.

Ipinaalaala sa atin ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang mga propeta ay "palaging nagbababala laban sa alinmang hindi katanggap-tanggap sa paningin ng Panginoon, laban sa pagsalaula sa isipan, katawan, at kapaligiran; laban sa kahalayan, pagnanakaw, pagsisinungaling, kapalaluan, at kalapastanganan; laban sa pakikiapid, pangangalunya, homoseksuwalidad, at sa lahat ng iba pang pang-aabuso sa sagradong kapangyarihang lumikha; laban sa pagpatay at lahat ng katulad nito; laban sa lahat ng uri ng panlalapastangan." Ipinagpatuloy pa niya: "Na ang makita kahit paano ang gayong mga bagay maging sa mga banal ay hindi kapani-paniwala. . . . Bagaman nakalulungkot, malalaman natin na ang mapakitaan ng daan ay hindi nangangahulugan na kailangang lumakad doon" ("The False Gods We Worship," Ensign, Hunyo 1976, 4).

Samakatwid, mag-ingat tayo sa mga bulaang propeta at bulaang guro, kapwa kalalakihan at kababaihan na humirang sa kanilang sarili bilang mga tagapagpahayag ng mga doktrina ng Simbahan at naghahangad na ipalaganap ang kanilang bulaang ebanghelyo at akitin ang mga tagasunod sa pamamagitan ng pag-eendorso ng mga simposiyum, aklat, at talaarawan na ang mga nilalaman ay humahamon sa mga pangunahing doktrina ng Simbahan. Mag-ingat sa mga nagsasalita at naglalathala nang laban sa mga tunay na propeta ng Diyos at aktibong nangangaral sa iba nang walang pagmamalasakit sa walang hanggang kapakanan ng kanilang mga inaakit. Tulad nina Nehor at Korihor sa Aklat ni Mormon, gumagamit sila ng mapandayang pangangatwiran upang linlangin at akitin ang iba sa kanilang mga pananaw. "I[tina]tayo ang kanilang sarili bilang tanglaw ng sanlibutan, upang makakuha sila ng yaman at papuri ng sanlibutan; subalit hindi nila hinahangad ang kapakanan ng Sion" (2 Ne. 26:29).

Nagbabala si Pangulong Joseph F. Smith sa mga ganito, nang magsalita siya tungkol sa "mga palalo at mayabang, na naniniwalang mas marami silang alam kaysa sa iba, na nagpapaliwanag ayon sa patakaran ng kanilang sariling pagsasabwatan; na naging kautusan sa kanilang sarili, at tumatayo bilang mga tanging tagahatol ng kanilang mga sariling gawa" (Gospel Doctrine, Ika-5 edisyon (1939), p. 381).

Ngayon, hayaan ninyong bigyan ko kayo ng ilang halimbawa ng mga bulaang turo ng mga "naniniwalang mas marami silang alam kaysa sa iba," na bagaman "laging nagsisipangaral," ay "hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan" (2 Tim. 3:7).

Ang mga bulaang propeta at bulaang guro ay yaong naghahayag na ang Propetang si Joseph Smith ay manlilinlang; hindi sila naniniwala na ang Unang Pangitain ay totoong karanasan. Ipinahahayag nila na ang Aklat ni Mormon at iba pang opisyal na kasulatang tulad nito ay hindi sinaunang tala ng banal na kasulatan. Tinatangka rin nilang baguhin ang kahulugan ng katangian ng Panguluhang Diyos, at itinatatwa nila na ang Diyos ay nagbigay at patuloy na nagbibigay ng paghahayag ngayon sa Kanyang mga inordenan at sinang-ayunang propeta.

Ang mga bulaang propeta at bulaang guro ay yaong mga may pagmamalaking nagtatangka na bumuo ng mga bagong pagpapakahulugan ng mga banal na kasulatan upang ipakita na ang mga sagradong babasahin ay hindi dapat basahin bilang mga salita ng Diyos sa Kanyang mga anak kundi mga pagbabanggit lamang ng mga taong hindi nabigyang-inspirasyon, na umaasa lamang sa kanilang sariling palagay at kulturang kinikilingan. Ikinakatuwiran nila, kung gayon, na ang mga banal na kasulatan ay nangangailangan ng bagong pagpapakahulugan at sila ang tanging marapat na makapagbibigay ng pagpapakahulugang yaon.

Marahil ang pinaka-nakaririmarim, ay ang pagtatatwa nila sa Pagkabuhay na Muli at Pagbabayad-sala ni Cristo, at paggigiit na "walang Diyos na makapagliligtas sa atin." Itinatanggi nila ang pangangailangan para sa isang Tagapagligtas. Sa madaling salita, ang mga mapanirang-puring ito ay nagtatangkang ipakahulugang muli ang mga doktrina ng Simbahan upang umakma sa kanilang mga dati nang pananaw, at nang sa gayon ay maitatwa si Cristo at ang Kanyang ginampanan bilang mesiyas.

Ang mga bulaang propeta at guro ay yaon ding nagtatangka na baguhin ang mga ibinigay ng Diyos at batay sa mga banal na kasulatang doktrina na nangangalaga sa kasagraduhan ng kasal, sa likas na banal na katangian ng mag-anak, at ang mahalagang doktrina ng pansariling moralidad. Iminumungkahi nila ang pagbabago ng kahulugan ng moralidad upang bigyang katwiran ang pakikiapid, pangangalunya, at mga ugnayang homosekuswal. Ang ilan ay hayagang itinataguyod ang pagiging legal ng tinatawag na "kasal ng parehong kasarian." Upang pangatwiranan ang kanilang pagtanggi sa mga di-nababagong batas ng Diyos na nagtatanggol sa mag-anak, maging ang binigyang-inspirasyong pagpapahayag tungkol sa mag-anak na ibinigay sa mundo noong 1995 ng Unang Panguluhan at Labindalawang Apostol ay kinakalaban din ng mga bulaang propeta at gurong ito.

Anuman ang mga maling doktrina na itinuturo nila, ang mga bulaang propeta at guro ay walang-salang bahagi ng mga huling araw. "Ang mga bulaang propeta," ayon sa Propetang si Joseph Smith ay "laging lumilitaw upang salungatin ang mga tunay na propeta" (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 365).

Gayunman, hindi umiiral sa Simbahan ng Panginoon ang tinatawag na "matapat na kasalungat." Ang isang tao ay maaaring nasa panig ng kaharian ng Diyos at handang magtanggol sa mga propeta ng Diyos at apostol, o kaya naman ay sumasalungat. At tulad ng payo ni Lehi ng sinauna sa kanyang mga anak, gayundin naman na naaangkop para sa atin ngayon ang payong ito:

"At ang Mesiyas ay paparito sa kaganapan ng panahon, upang kanyang matubos ang mga anak ng tao mula sa pagkahulog. At dahil sa sila ay tinubos mula sa pagkahulog sila ay naging malaya magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos, maliban sa kaparusahan ng batas sa dakila at huling araw, alinsunod sa mga kautusang ibinigay ng Diyos.

"Anupa't ang tao ay malaya ayon sa laman; at lahat ng bagay ay ipinagkaloob sa kanila na kapaki-pakinabang sa tao. At sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo; sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.

"At ngayon, mga anak ko, nais ko na kayo ay umasa sa dakilang Tagapamagitan, at makinig sa kanyang mga dakilang kautusan; at maging matapat sa kanyang mga salita, at piliin ang buhay na walang hanggan, alinsunod sa kalooban ng kanyang Banal na Espiritu" (2 Ne. 2:26­28).

Mga kapatid, tayo nang masabik sa paggawa ng mabubuting bagay. Mahalin natin ang Ama at ang Kanyang Anak, si Jesucristo. Sang-ayunan at ipamuhay natin ang mga paghahayag ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Mahalin natin ang ating kapwa-tao at punuin ang ating mga kaluluwa at puso ng liwanag ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Pagkatapos ay aawit tayong kasama ni Isaias:

"Narito, Dios ay aking kaligtasan; ako'y titiwala at hindi ako matatakot . . . kaya't [ako'y] iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan" (Isa. 12:2­3).

Nalalaman din natin mula sa binigyang-inspirasyong salita ni Pablo sa mga Banal ng Galacia na "ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat,

"Kaamuan, pagpipigil: laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan. . . .

"Kung tayo'y nangabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, ay mangagsilakad naman tayo ayon sa Espiritu" (Gal. 5:22­23, 25).

Bilang mga miyembro ng Simbahan, bawat isa sa atin ay kailangang maging halimbawa ng tunay na ibig sabihin ng nananampalataya at mabubuting Banal sa mga Huling Araw. Ang ating halimbawa ay magbibigay ng malakas na epekto sa iba, gagawin nitong lalong angkop, makahulugan, kapani-paniwala, at kalugud-lugod sa kanila ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nawa'y ipakita ng bawat isa sa atin sa iba ang galak, pagtitiwala, pagmamahal, at kasiyahan ng pagiging bahagi ng totoong Simbahan ni Cristo. Ang ating pagiging disipulo ay hindi isang bagay na dapat tiisin nang may kalungkutan at kabigatan ng puso. Hindi rin ito isang bagay na ipinagdaramot at hindi ibinabahagi sa iba. Sa sandaling maunawaan natin ang pagmamahal ng Ama at ng Anak para sa atin, ang ating kaluluwa ay aangat, at tayo ay "patutungo sa Sion, umaawit ng mga awit ng walang hanggang kagalakan" (Doktrina at mga Tipan 45:71).

Ipaabot natin ang pakikipagkaibigan at pagmamahal sa ating mga kapitbahay, kabilang na ang mga hindi kapanalig, nang sa gayon ay makatulong tayo sa pagbuo ng mga ugnayang mag-anak sa mag-anak at mapalakas ang pagkakaisa sa ating komunidad. Tandaan, kadalasan ang ating pagkilos ang mas malaking hadlang sa iba kaysa sa ating doktrina. Sa diwa ng pagmamahal para sa lahat ng kalalakihan, kababaihan, at mga bata, tulungan ninyo silang makaunawa at makadama ng pagtanggap at pagpapahalaga.

Tandaan na tungkulin natin ang maging matapat sa mga ipinanumbalik na katotohanan ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Nangangailangan ito ng pananampalataya--tunay na pananampalataya, buo at walang itinatago--upang matanggap at pagsikapang ipamuhay ang payo ng propeta. Si Lucifer, ang kaaway ng katotohanan, ay hindi gustong madama o maipakita natin ang ganoong uri ng pananampalataya. Nagtataguyod siya ng hindi pagsunod, nagtatanim ng pagsuway sa mga puso ng mga hindi matatapat. Kung siya ay magtatagumpay, lalayo sila sa liwanag patungo sa kadiliman ng mundo. Ang ating kaligtasan, ang ating kapanatagan, ay nakasalalay sa pagpupunyagi sa abot ng ating makakaya, na mamuhay ayon sa nais ng Ama at Anak, sa pagtakas mula sa mga bulaang propeta at guro, at sa pagiging sabik sa paggawa ng mabubuting bagay.

Alam ko na ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay totoo, at may malaking kagalakan sa pagiging sabik sa paggawa sa totoo at banal na gawaing ito. Ito ay pinatototohanan ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy